Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Panahon Na ba Para sa Isang Bagong Kama?

Panahon Na ba Para sa Isang Bagong Kama?

Panahon Na ba Para sa Isang Bagong Kama?

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Britanya

Madalas ka bang hindi mapakali sa gabi, anupat pabali-baligtad at paikut-ikot sa pagsisikap na makahanap ng isang komportableng posisyon, at pagkatapos, sa umaga ay nagigising ka na naninigas at nangingirot ang katawan? Kung gayon, maaaring ang problema ay ang iyong kama.

ANG muwebles na ito ay maaaring maging iyong kaibigan o iyong kaaway. Kung ikaw ay naninirahan sa isang lupain na doo’y ginagamit ang mga kama, malamang na ginugugol mo ang sangkatlong bahagi ng iyong buhay sa pamamahinga rito, subalit ang iyong kama ay hindi magtatagal nang walang hanggan. Ang iyo bang kama sa kasalukuyan ay nagsisilbing mabuti sa iyo?

Kailangan Mo Na ba ang Isang Bagong Kama?

Ang isang kama ay karaniwan nang nakapagsisilbing mabuti sa loob ng mga sampung taon. Maaaring mas madaling makasira ng kama ang isang mas mabigat na tao. Tandaan din na nagbabago ang iyong mga pangangailangan at mga nagugustuhan habang ikaw ay tumatanda. Upang matiyak kung kailangan mo na nga ng isang bagong kama, ito ang mga itatanong mo sa iyong sarili. ‘Sa paggising ko ba ay naninigas ang aking leeg o nananakit ang aking likod? Masyado bang maliit ang aking kama? May nararamdaman ba akong mga muwelye (spring) o mga nakaumbok? Nakaririnig ba ako ng mga ingit o parang may gumigiling kapag ako ay kumikilos? Napapansin ba naming mag-asawa na kami ay kusang gumugulong palapit sa isa’t isa? Ang salalayan ba ay tabingi na o kaya ay lundo na? Sira na ba ang mga paa at mga gulong nito?’ Ang iyong mga sagot sa mga tanong na ito ay maaaring makatulong sa iyo na matiyak kung panahon na nga upang bumili ka ng isang bagong kama.

Ano ang Katangian ng Isang Mahusay na Kama?

Ang isang mahusay na kama ay nagpapaginhawa at sumusuporta sa iyo, anupat umaangkop sa iyong partikular na mga pangangailangan at mga kagustuhan. Karamihan sa mga kama ay binubuo ng isang kutson at isang pinakasuportang balangkas, ngunit ang kutson ang siyang pangunahing nagpapaginhawa sa iyo. Marami itong bahagi. Una na rito ang balot, o supot, na siyang nagpapangyaring magsama-sama ang lahat ng bahagi. Pagkatapos ay sinusundan ito ng mga suson ng malalambot na sapin upang magsilbing pinakaalmohadon mo at magpangyaring sumingaw ang pawis ng katawan. Ang ikatlong bahagi, na pansuporta at pampatigas, ay karaniwan nang may nakaikid na pinasubóng asero o spring. May iba’t ibang uri ng pansuporta sa loob nito, subalit bilang pangkalahatang tuntunin, kapag mas marami ang spring at mas makapal ang ginamit na mga alambre, mas mahusay ang suporta. Ang popular na mapagpipilian sa kasalukuyan ay ang polyurethane o latex na kutsong foam; mas magaan ito kaysa sa de-spring na panloob.

Gayunman, ang isang mahusay na kutson ay gumagana lamang nang husto kung mayroon itong angkop na salalayan, karaniwan nang yaong dinisenyo para rito. Ang isang kamang diban ay kadalasang ipinagbibili sa isang set, na may isang kutson at isang salalayan. Ang makapal at tulad-kahong pundasyon nito ay nagsisilbing isang malaking shock absorber, anupat pinangyayari nito na makahinga ang kutson at sa gayon ay nagtatagal ang serbisyo nito. Ang isa pang mapagpipilian ay ang bedstead. Karaniwan na itong may tilad-tilad na salalayan at bukás sa ilalim, anupat naglalaan ng mahusay na bentilasyon para sa angkop na kutson nito. Ang mga solidong tilad ay naglalaan ng matigas na pundasyon, samantalang ang de-spring na mga tilad ay mas malambot.

Pagpili sa Tamang Kama

Ano ang dapat mong tandaan kapag bumibili ng kama? Ang segunda-manong kama ay sumipsip na ng ibang pawis at mga kaliskis ng balat ng tao at maaaring punô na ito ng mga hanip sa alikabok na maaaring maging sanhi ng alerdyi, hika, o eksema. Maaaring hindi na rin ito nakaaabot sa mga pamantayang pangkalusugan o pangkaligtasan.

Bago ka bumili ng bagong kama, inirerekomenda na itakda mo ang iyong mga priyoridad, gaya ng presyo, mga bagay na pangkalusugan, o ang kabuuang sukat. Sikaping maglaan ng sapat na panahon upang makapunta sa mga tindahan na may mabuting reputasyon, at itanong ang pinakamaraming impormasyon hangga’t maaari hinggil sa bawat kama o kutson. Yamang karaniwan nang mahal ang mga kama, huwag kang magmamadali sa iyong pagpapasiya.

Maaaring mahirapan kang makagawa ng tamang pagpili kung pagod ka. Magsuot ng komportableng mga damit. Huwag kang mahiyang subukin ang isang kama. Hubarin mo ang iyong amerikana at sapatos at humiga sa bawat kama nang ilang minuto. Subukin ang iba’t ibang posisyon sa pagtulog, na binibigyan ng pantanging pansin ang suporta na ibinibigay nito sa iyong balikat, balakang, at sasapnan.​—Tingnan ang kahon sa ibaba.

Pangangalaga sa Iyong Kama

Ang mahusay na pangangalaga sa iyong kama ay tiyak na magpapatagal sa serbisyo nito. Hingin ang payo ng mga tindera, at maglaan ng panahon para basahin ang mga tagubilin ng tagagawa hinggil sa pangangalaga rito. Kapag iniuwi mo na ang iyong bagong kama, tanggalin agad hangga’t maaari ang plastik na balot nito. Hahadlangan nito ang pamumuo ng singaw, na maaaring maging sanhi ng pamamasa, amag, at pagkabulok. Narito ang ilan pang mungkahi.

● Baligtarin ang bagong kutsong de-spring sa kabilang panig at ang uluhan nito ay gawing paanan minsan sa isa o dalawang linggo sa unang ilang buwan at pagkatapos ay tuwing ikatlong buwan. Makatutulong ito upang ang mga laman sa loob ay sumiksik at mapantay ang paggamit dito. Kung may problema ka sa likod, mas maiging piliin ang kutsong foam, yamang maaaring hindi na ito kailangang bali-baligtarin sa tuwina.

● Huwag kailanman babaluktutin, irorolyo, o yuyupiin ang isang kutson. Upang maiwasang masira ang balot nito, gamitin ang mga hawakan nito tangi lamang para iposisyon ito, hindi upang bitbitin ito sa pamamagitan ng mga iyon.

● Tuwing umaga, alisin ang kubrekama mo sa loob ng 20 minuto upang mahanginan ang iyong kama at hayaang sumingaw ang pawis ng katawan.

● Panatilihing malinis ang iyong kutson sa pamamagitan ng paggamit ng nalalabhang kubrekama na pamproteksiyon. Regular na ibakyum kapuwa ang kutson at ang salalayan upang alisin ang himulmol at alikabok, at linisin agad ang anumang mantsa at bagay na tumapon sa pamamagitan ng banayad na sabon at malamig na tubig.

● Sikaping huwag palaging maupo sa isang lugar lamang ng gilid ng kutson. Huwag hayaan ang mga bata o sinuman na tumalun-talon sa kama.

Ang iyong kama ay higit pa sa pamumuhunan ng pera. Ito’y isang pamumuhunan sa loob ng sang-katlong bahagi ng iyong buhay​—na maaaring magkaroon ng kapansin-pansing epekto sa iba pang dalawang-katlo. Kung may-katalinuhan mong pipiliin ang iyong mapagsuportang kaibigan at iingatan ito, aalagaan kang mabuti nito.

[Kahon sa pahina 22]

Aling Kama ang Angkop Para sa Iyo?

Ginhawa at suporta. Ang isang kutson ay hindi kailangang maging kasintigas ng tabla para maging mabuti para sa iyo. Sa katunayan, ipinalalagay na ang masyadong matigas na kama ay maaaring magpalubha sa mga problema sa likod. Hayaang sabihin sa iyo ng iyong katawan kung ano ang pinakamabuti. Mahiga nang nakatihaya. Kung ang iyong kamay ay maipapasok mo nang eksakto lamang sa lukong ng iyong likod at kung madali kang nakakatagilid, tama lamang para sa iyo ang tigas ng kutson. Ang pansuportang kutson ay dapat magpangyari na manatiling deretso ang iyong gulugod kapag tumagilid ka. Ang mas mabigat na tao ay mangangailangan ng mas matigas na kama.

Sukat. Piliin ang kama na nagpapahintulot sa iyo na malayang makakilos. Kung dalawang tao ang mahihiga sa kama, tandaan na bawat isa sa dalawang adulto na natutulog sa isang pandalawahang kama na may pamantayang-sukat ay may espasyo na kagaya ng espasyo ng isang sanggol sa isang kuna.

Magkatugmang set. Hangga’t maaari, bilhin ang kutson at ang katugmang salalayan nito na dinisenyo upang maging magkapares para maginhawahan at masuportahan ka. Ang isang lumang salalayan ay maaaring makasira sa bagong kutson at makaaapekto rin ito sa garantiya o warranty nito.

Halaga. Malimit ay nakukuha mo kung ano ang ibinabayad mo, kaya bilhin ang pinakamahusay na kalidad ng kama na kaya mong bilhin.

Espasyo. Kung limitado ang espasyo, baka mabuting bumili ng isang kamang Murphy, o pandingding, na naititiklop na parang kabinet. Ang isa pang posibilidad ay ang futon, isang almohadon na yari sa susun-suson na buhaghag na bulak na madaling nailalatag sa sahig kung gabi. Ang mga futon ay maaari ring ipagbili bilang mga kamang sopa na may tilad-tilad at napapalitang balangkas.

Mga problema sa kalusugan. Kung hindi ka komportable sa isang pangkaraniwang kama, ang isang adjustable na kama ay maaaring maglaan ng iba’t ibang posisyon sa pagtulog. Ang isang water bed ay sumusuporta at pantay-pantay na naibabaha-bahagi ang bigat ng katawan, at maaari itong makatulong sa mga pinahihirapan ng mga naiipit na ugat.

Mga may alerdyi. Kung ikaw ay alerdyik sa alikabok o sa likas na bagay na ipinapalaman, makabubuting piliin ang isang kutson na naglalaman ng sintetik na mga hibla o foam. Makabubuti ring tandaan na ang mga pinagmumulan ng alerdyi ay hindi madaling natitipon sa isang bedstead na may tilad-tilad na salalayan o sa isang water bed.

Mga may-edad na. Tiyakin na ang talampakan ninyo ay aabot sa sahig kapag nakaupo kayo sa gilid ng inyong kama. Ang salalayan na may matigas na gilid ay magpapangyari na maging mas madali para sa inyo na mahiga at bumangon sa kama mula sa nakaupong posisyon na ito.

[Kahon sa pahina 23]

Mga Mungkahing Pangkaligtasan

◼ Magsuot ng damit-pantulog na hindi nasusunog.

◼ Tiyakin na ang mga pansapin sa kama ay malayung-malayo sa mga apoy at pampainit.

◼ Suriin nang madalas ang de-kuryenteng kumot kung may sira ang balot nito, may malalalim na lupi, may mga tanda ng pagkasunog, at may gastadong kurdon ng kuryente. Huwag kailanman gamitin ang kumot kapag ito ay basa, kundi hayaan itong matuyo sa natural na paraan. Huwag maglalagay ng mabibigat na bagay sa kama kapag pinaaandar ang kumot.

◼ Huwag lalamnan ng kumukulong tubig ang isang boteng pangmainit na tubig, ni gamitin man ito kasabay ng de-kuryenteng kumot. Alisin ito bago pumunta sa kama ang isang bata.

[Dayagram sa pahina 23]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Balot, o supot

Deep-stitch diamond quilting

Microquilting

Tufting

Mga suson ng malalambot na sapin

Suporta sa loob

Foam

Continuous springs

Open springs

Pocket springs

[Credit Line]

Reproduced by courtesy of the Sleep Council

[Picture Credit Line sa pahina 21]

Reproduced by courtesy of the Sleep Council