Isang Kamangha-manghang Emperor
Isang Kamangha-manghang Emperor
ANG pinakamalaki sa lahat ng penguin ay ang emperor na may taas na mahigit sa isang metro at may timbang na hanggang 40 kilo. Kapag nagtutungo sa hilaga ang ibang penguin upang matakasan ang malupit at madilim na taglamig sa Antarctica, ang mga emperor ay nagtutungo sa timog—sa Antarctica! Bakit? Kamangha-mangha, upang ito’y mangitlog.
Kapag ang babaing emperor ay nangingitlog, mabilis na dinadampot ito ng lalaki mula sa yelo at inilalagay sa kaniyang mga paa. Pagkatapos ay ipinapasok niya ito sa ilalim ng kaniyang panlimlim na bulsa—isang tupi ng balat sa kaniyang puson. Pagkatapos ang babae ay nagtutungo sa karagatan at naghahanap ng pagkain. Sa loob ng 65 araw, sa panahong pinakamalupit ang lagay ng panahon, nililimliman ng lalaki ang itlog habang sinusustinihan ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng kaniyang taba sa katawan. Upang mapanatili ang init ng katawan habang hinahampas ng bagyo ng yelo na maaaring umabot ng 200 kilometro bawat oras, ang matatalinong ibong ito ay nag-uumpukang magkakasama sa malalaking grupo, anupat nagsasalit-salitan ang bawat isa sa panlabas na bahagi ng umpukan, na nakatalikod sa hangin.
Taglay ang pambihirang pagsasaoras, ang itlog ay napipisa kapag tamang-tamang pabalik na ang babae. Ngunit paano niya masusumpungan ang kaniyang kapareha sa gitna ng libu-libong kamukha nito? Sa pamamagitan ng isang awit. Sa panahon ng kanilang unang pagliligawan, inaawitan ng magkapares ang bawat isa at isinasaulo ang paraan ng pag-awit ng bawat isa. Kapag nagbalik ang mga babae, ang mga lalaki at mga babae ay umaawit nang buong taimtim. Ang mga tao ay lubusang malilito sa disintonadong tunog, ngunit di-magtatagal at masusumpungan ng mga emperor ang kanilang mga kapareha. Pagkatapos, makaraang bantulot na ibigay ang bagong pisang sisiw, ang halos magutom na lalaki ay dahan-dahang lumalakad at nagpapadausdos sa kaniyang tiyan sa layong halos 45 milya ng yelo sa paghahanap nito ng karagatan at ng pagkain.
[Picture Credit Line sa pahina 31]
Sa kagandahang-loob ni John R. Peiniger