Pagkatapos ng mga Bagyo—Gawaing Pagtulong sa Pransiya
Pagkatapos ng mga Bagyo—Gawaing Pagtulong sa Pransiya
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA PRANSIYA
BINUKSAN ni Françoise ang pinto upang kumuha ng mga troso para sa apuyan. “Talagang hindi ako makapaniwala sa aking nakita,” nagunita niya. “May tubig hanggang sa bungad ng pinto, at isang napakalaking alon ang paparating sa pasukan ng hardin.” Ang kaniyang asawang lalaki, si Thierry, bagaman hanggang leeg niya ang tubig, ay kumuha ng isang hagdan mula sa garahe. Nakarating ang pamilya sa attic at doo’y bumutas siya sa bubong. Habang basang-basa at nahihintakutan, ang mag-asawa at ang kanilang tatlong anak ay naghintay nang apat na mahahabang oras upang mailigtas. Sa wakas ay namataan sila ng isang police helicopter ng Pransiya at hinatak sila paitaas hanggang sa mailigtas.
Palibhasa’y lumaki na ang tubig dahil sa pagbuhos ng malakas na ulan, umapaw ang pampang ng mga ilog, anupat nasira ang mga dike at nawasak ang mga tulay. Ang mga alon ng maputik na tubig, na kung minsa’y 10 metro ang taas, ay pumalis sa lahat ng madaanan nito. Mahigit sa 30 katao ang namatay sa bagyo—na nakulong sa kanilang mga kotse o kaya’y nalunod habang sila’y natutulog. Inihalintulad ng isang nailigtas na biktima ang kahindik-hindik na gabing iyon ng Nobyembre sa “wakas ng panahon.” Isang buong rehiyon ng timog-kanlurang Pransiya—329 na bayan at nayon—ang idineklarang lugar ng kalamidad.
May Darating Pang Mas Grabe
Kasalukuyan pang bumabawi ang timog-kanluran nang muling sumalakay ang kalamidad. Isang di-pangkaraniwang pagsamâ ng panahon sa Atlantic Ocean ang lumikha ng mga hanging sinlakas ng buhawi. Ang unang unos ay humampas sa gawing hilaga ng Pransiya noong Disyembre 26, 1999, at winasak naman ng ikalawa ang timog nang sumunod na gabi. Iniulat ang hanging sinlakas ng mahigit sa 200 kilometro bawat oras. Ayon sa opisyal na mga talaan, ang Pransiya ay hindi pa nakararanas
ng gayong bagyo mula pa noong di-kukulangin sa ika-17 siglo.Si Hélène ay walong buwang nagdadalang-tao nang humampas ang unos. “Gayon na lamang ang takot ko,” ang nagunita niya. “Kasalukuyang papauwi ang aking asawa sakay ng kaniyang motorsiklo, at nakikita ko ang mga sanga na nagliliparan sa labas. Hindi ko maiwasang isipin na baka hindi na niya makita ang kaniyang anak. Halos kadarating lamang ng aking asawa nang magsimulang tumaas ang tubig sa loob ng aming bahay. Kinailangan naming lumundag sa bintana palabas.”
Sa Pransiya, di-kukulangin sa 90 katao ang namatay. Sila’y nalunod o kaya’y natamaan ng nagbabagsakang tisa sa bubong, mga tsiminea, o mga punungkahoy. Daan-daang iba pa ang malubhang nasugatan, kasali na ang maraming sibilyan at mga hukbong tagasagip. Naapektuhan din ng mga unos ang karatig na mga bansa, anupat pumatay ng mahigit sa 40 katao sa Britanya, Alemanya, Espanya, at Switzerland.
Ang Kinalabasan
Sa 96 na pampangasiwaang departamento ng Punong-Lunsod ng Pransiya, 69 ay opisyal na idineklarang “mga lugar ng kalamidad na dulot ng kalikasan.” Tinatayang mga 70 bilyong francs (11 bilyong dolyar) ang halaga ng napinsala. Ang pagkawasak sa ilang bayan, nayon, at mga daungan ay nagpaalaala ng isang lugar ng digmaan sa mga nagmamasid. Ang mga daan at riles ng tren ay naharangan ng mga natumbang punungkahoy o kaya’y mga poste ng kuryente. Natuklap ang mga bubong ng mga gusali, tumaob ang mga crane ng konstruksiyon, at humagis ang mga bangka patungo sa mga pantalan. Libu-libong tao na ang hanapbuhay ay paghahalaman ang nawalan ng kanilang ikinabubuhay, yamang nasira ang mga greenhouse at mga taniman.
Sa loob lamang ng ilang oras, naminsala ang hangin sa mga kagubatan at mga parke ng Pransiya, anupat sinira ang daan-daang libong ektarya ng kakahuyan. Ayon sa French National Forest Office, tinatayang 300 milyong punungkahoy ang nasira. Nabunot o nabali na parang mga palito ng posporo ang pagkalalaking punungkahoy na kung ilang siglo na ang edad. Winasak ng hangin ang pagkalalaking bahagi ng mga kagubatan ng Aquitaine at Lorraine.
“Kinabukasan pagkatapos ng bagyo, pumunta ako sa kakahuyan,” sabi ni Bernard, isang Saksi ni Jehova na nagtatrabaho bilang isang katiwala sa kagubatan. “Nakapanghihilakbot. Kung ang tanawing ito ang sasalubong sa iyo, hindi maaaring hindi ka maapektuhan! Dito, 80 porsiyento sa aming kongregasyon ang nakadepende sa kagubatan para sa kanilang ikabubuhay.
Ang mga tao, lalo na ang mga may-edad na, ay gulat na gulat.” Sa bakuran ng Palasyo ng Versailles, 10,000 punungkahoy ang natumba. “Kakailanganin ang dalawang siglo bago mapanumbalik ang parke sa dating hitsura nito,” hinagpis ng isa sa mga punong hardinero.Palibhasa’y nalagot ang mga linya ng kuryente, mahigit sa ikaanim na bahagi ng populasyon ng Pransiya ang nilukob ng kadiliman. Sa kabila ng magiting na pagsisikap ng mga serbisyo publiko, sampu-sampung libo ng mga tao ay wala pa ring kuryente o serbisyo ng telepono sa loob ng dalawang linggo pagkatapos ng bagyo. Ilang maliliit na nayon ang ganap na napahiwalay. Nadama ng mga pamilyang napilitang umigib ng tubig sa mga balon at gumamit ng mga kandila na para bang sila’y nabubuhay noong nakalipas na sandaang taon sa halip na sa pagsisimula ng ika-21 siglo.
Hindi pinatawad ng bagyo ang mga gusaling pampubliko, mga château, o mga katedral. Maraming gusali ng relihiyon, kasali na ang 15 Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, ang napinsala. Sa ilang lugar, ang mga pulong ay ginanap nang nakakandila o kaya’y nakagasera.
Mga 2,000 pamilya ng mga Saksi ni Jehova ang nawalan ng ari-arian, mula sa pagkatumba ng mga punungkahoy o pagkawala ng mga tisa ng bubong hanggang sa ganap na pagkawasak ng mga bahay nang umapaw ang mga pampang ng mga ilog. Nasugatan ang ilang Saksi. Nakalulunos, sa rehiyon ng Charente, isang 77-anyos na Saksi ang nalunod habang nakamasid na lamang ang kaniyang kaawa-awang asawang babae. Ang iba naman ay nabingit sa kamatayan. Nagunita ni Gilbert, na ang edad ay 70: “Isang himala na ako’y hindi namatay. Biglang nabuksan ang pinto, at papasok na humugos ang napakalakas na bugso ng tubig. Bigla ko na lamang nasumpungan ang aking sarili na nakatindig sa tubig na may lalim na isang metro at kalahati. Nakaligtas ako sa pamamagitan ng pagbitin sa aking aparador ng mga damit.”
Paglalaan ng Kinakailangang Tulong
Ang bagyo ay lumikha ng pambihirang pagkakaisa sa Pransiya at sa buong Europa. Ganito ang sabi ng pahayagang Le Midi libre: “May mga pagkakataon na ang pagkakawanggawa ay halos kinakailangan, ito man ay sa paraang kusa, udyok ng pagkakaibigan, o dahil sa budhi.”
Karaka-raka pagkatapos ng bagyo, ang mga Saksi ni Jehova ay nagtatag ng mga komite para sa
pagliligtas upang tulungan ang mga miyembro ng lokal na mga kongregasyon gayundin ang iba pa na apektado ng kalamidad. Ang mga Regional Building Committee, na karaniwan nang ginagamit sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall, ay nag-organisa ng mga pangkat ng mga boluntaryo. Pagkatapos ng bagyo sa timog-kanluran noong Nobyembre, 3,000 Saksi ang sumama sa gawaing pagliligtas at paglilinis, anupat tumutulong sa mga biktima sa pag-aalis ng putik at tubig na bumaha sa kanilang mga bahay. Ang mga Saksi ay kabilang sa mga unang boluntaryo na dumating sa ilang nayon. Ang mga gusaling pampubliko, gaya ng mga paaralan, tanggapan ng koreo, munisipyo, mga tahanan para sa matatanda, at maging ang isang sementeryo, ay nilinis ng mga Saksi. Sa maraming pagkakataon, sila’y nagtrabahong kabalikat ng mga serbisyo sa pagtulong.Lahat ay tinulungan, anuman ang kanilang relihiyosong paniniwala. “Tinulungan namin ang pari sa nayon. Nilinis namin ang basement ng kaniyang
bahay,” sabi ng isang Saksi. Hinggil sa iba pang tumanggap ng tulong mula sa Saksi, idinagdag pa niya: “Itinuring kami ng mga tao na parang hulog daw ng langit upang tulungan sila.” Isang opisyal ang nagsabi: “Maituturing mo ito bilang ang kanilang paraan ng pagbabasa ng Ebanghelyo at pagtulong sa kanilang kapuwa. Sa palagay ko’y namumuhay ang mga dumating ayon sa Ebanghelyo at sa kanilang relihiyon.” Ganito ang komento ng isang boluntaryong Saksi: “Inuudyukan ka ng iyong puso na pumaroon at tumulong na gaya nito. Talagang nakalulugod sa damdamin na makagawa ng isang bagay para sa ating kapuwa.”Matapos ang dalawang unos noong Disyembre, ilang araw na hindi nakabalita ang maraming pamilyang Saksi mula sa kanilang mga kapatid na Kristiyano. Sa pangangasiwa ng naglalakbay na mga tagapangasiwa at lokal na matatanda, inorganisa ang pagtulong. Dahil sa naharangang mga daan at nawalang mga linya ng telepono, naging imposible kung minsan na makipag-ugnayan sa mga kaibigan na ilang kilometro lamang ang layo ng tirahan. Upang matulungan ang napawalay na mga miyembro ng kanilang kongregasyon, ang ilang Saksi ay naglakad o kaya’y namisikleta patawid sa nawasak na mga kakahuyan, sa kabila ng tiyak na panganib na mabagsakan ng mga punungkahoy. Minsan pa, ang mga boluntaryo ay nagtrabaho nang husto sa paglilinis ng mga paaralan, silid-aklatan, mga campsite, at mga tahanan ng kanilang mga kapitbahay at gayundin sa paghahawan ng mga daan sa kagubatan.
Paglikha ng “Isang Kapaligirang Lipos ng Pag-ibig”
Hindi makatkat sa isip ng maraming biktima ng mga trahedyang iyon, lalo na sa mga bata at matatanda, ang masaklap na karanasang iyon. Yaong nawalan ng kanilang tirahan o mahal sa buhay ay mangangailangan ng mahabang panahon at suporta ng pamilya at mga kaibigan upang muling maitatag ang kanilang buhay. Pagkaraan ng baha sa rehiyon ng Aude, sinabi ni Dr. Gabriel Cottin, na mula sa isang psycho-medical emergency committee: “Anumang suporta mula sa mga karelihiyon ng biktima ay napakalaki ring tulong.”
Ang pagbibigay ng gayong tulong ay itinuturing ng mga Saksi ni Jehova bilang isang moral at maka-Kasulatang tungkulin. “Huwag magkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa katawan [ng tunay na Kristiyanong komunidad],” sabi ni apostol Pablo. “Ang mga sangkap nito ay magkaroon ng magkakatulad na pagmamalasakit sa isa’t isa. At kung ang isang sangkap ay nagdurusa, ang lahat ng iba pang sangkap ay nagdurusang kasama nito.”—1 Corinto 12:25, 26.
“Ilang oras pagkatapos ng bagyo, isang dosenang kapatid na Kristiyano ang dumating sa aming tahanan upang tumulong sa paglilinis,” sabi ni Hélène, nabanggit kanina, na ngayo’y ina ng isang masiglang sanggol na babae. “Maging ang mga Saksi na apektado rin mismo ng bagyo ay dumating upang tulungan kami. Ang tulong ay kahanga-hanga—kusa at mula sa puso!”
Si Odette, na nawasak ang bahay dahil sa baha, ay nagsabi hinggil sa kaniyang mga kapuwa Saksi: “Gayon na lamang ang kanilang pag-aliw sa akin. Hindi mo talaga mailalarawan ang iyong nadarama. Lubhang naantig ang aking damdamin sa lahat ng nagawa nila para sa akin.” Isa pa ang bumuod sa damdamin ng marami sa pamamagitan ng ganitong pagbulalas ng pasasalamat: “Kami’y talagang nasa isang kapaligirang lipos ng pag-ibig!”
[Kahon/Larawan sa pahina 18, 19]
“ITIM NA ALON”
Noong kalagitnaan ng Disyembre, di pa natatagalan bago bumagyo, ang supertanker na Erika ay lumubog sa maalong karagatan mga 50 kilometro sa laot mula sa kanlurang baybayin ng Pransiya, anupat tumapon sa tubig ang 10,000 tonelada ng langis. Mga 400 kilometro ng baybayin mula Brittany hanggang Vendée ang narumhan. Pinalubha ng bagyo ang ekolohikal na sakunang ito sa pamamagitan ng pagsalpok sa langis na naging pagkarami-raming maliliit at malalagkit na kumpol, anupat ikinalat ang polusyon, at lalong ginawang mahirap ang pag-aalis nito. Libu-libong boluntaryo, bata at matanda, ang dumating mula sa buong Pransiya upang tumulong sa pag-aalis sa malalapot na langis na ito mula sa mga bato at buhangin.
Ang aksidente ay nagdulot ng malubhang ekolohikal na kontaminasyon sa dagat. Malubhang naapektuhan ang negosyo ng talaba at mga kabibe. Ayon sa mga ornitologo, di-kukulangin sa 400,000 ibong-dagat—mga puffin, grebe, gannet, at lalo na ang mga guillemot—ang namatay na. Iyan ay umabot sa sampung ulit na dami ng namatay matapos na sumadsad sa Brittany ang supertanker na Amoco Cadiz noong Marso 1978. Marami sa mga ibon ay nagpapalipas noon ng taglamig sa baybayin ng Pransiya matapos na mangibang-lugar mula sa Inglatera, Ireland, at Scotland. Ganito ang komento ng direktor ng Rochefort Bird Protection League: “Napakalaking sakuna ang pagkalat ng langis sa tubig. Ito na ang pinakamalubhang nakita namin. . . . Nangangamba kami na ang bihirang mga kolonya ng mga ibon ay dadalang o tuluyan na ngang mauubos sa mga baybayin ng Pransiya.”
[Credit Line]
© La Marine Nationale, Pransiya
[Larawan sa pahina 15]
Daan-daan ang nailigtas ng helicopter, gaya rito sa Cuxac d’Aude
[Credit Line]
B.I.M.
[Larawan sa pahina 15]
Sa gitna ng nasirang ubasan, isang wasak na riles ng tren ang wala nang patutunguhan
[Credit Line]
B.I.M.
[Larawan sa pahina 15]
Daan-daang wasak na kotse ang nagkalat sa paligid
[Larawan sa pahina 16]
Sa Villedaigne, ang lalaking ito ay hindi nakaalis sa loob ng pitong oras
[Credit Line]
J.-M Colombier
[Larawan sa pahina 16, 17]
Nabali ang mga puno ng pino na parang mga palito ng posporo sa rehiyon ng Creuse
[Credit Line]
© Chareyton/La Montagne/MAXPPP
[Larawan sa pahina 16, 17]
Sa mga halamanan sa Palasyo ng Versailles lamang, 10,000 punungkahoy ang natumba
[Credit Line]
© Charles Platiau/Reuters/MAXPPP
[Larawan sa pahina 17]
Kinabukasan, sa Saint-Pierre-sur-Dives, Normandy
[Credit Line]
© M. Daniau/AFP
[Mga larawan sa pahina 18]
Mga pangkat ng mga Saksi ni Jehova na naglilinis ng isang tahanan para sa matatanda na sa La Redorte (sa itaas) at ng munisipyo ng Raissac d’Aude (sa kanan)