Talaga Nga Bang Lubhang Nakapipinsala Ito?
Talaga Nga Bang Lubhang Nakapipinsala Ito?
GAYA ng nakita na natin, madali nang makakuha ng pornograpya kapuwa ang mga adulto at mga bata dahil sa Internet. Dapat ka bang mabahala? Talaga nga bang nakapipinsala ang pornograpya?
Marami ang nag-aakalang hindi nakapipinsala ang pahapyaw na panonood ng pornograpya. Gayunman, kabaligtaran ang ipinakikita ng katotohanan. Tingnan natin ang nangyari sa isang mag-asawa na sa wari’y napakaganda ng pagsasama. Matatag ang kanilang pinansiyal na kalagayan, at mahilig silang maglakbay. Sinasabi ng kanilang mga kaibigan na sila’y malapít, mapagmahal, at tapat, at gayon nga sila sa maraming paraan.
Subalit, bumangon ang mga problema nang magsimulang manood ng pornograpya ang asawang lalaki. Sa pagsulat sa isang popular na tagapayong kolumnista, inilarawan ng nababalisang asawang babae ang kaniyang mga ikinababahala: “Nang magsimula [ang aking asawa] sa paggugol ng napakahabang oras sa harap ng computer sa hatinggabi at sa madaling araw, sinabi niya sa akin na iyon ay ‘pagsasaliksik.’ Bigla ko siyang pinasok isang umaga at nahuli ko siyang nanonood ng [pornograpya] . . . Sinabi niyang nag-uusisa lang naman siya. Nang pagmasdan kong mabuti ang kaniyang pinanonood, nandiri ako. Napahiya siya at nangakong titigil na siya, at naniwala naman akong talagang gagawin niya ito. Siya’y kilala sa pagiging kagalang-galang—isang lalaking may palabra-de-onór.”
Gaya ng lalaking ito, marami ang sa pasimula’y nasasangkot sa
pornograpya dahil sa pag-uusisa. Sa kagustuhang huwag itong matuklasan ng iba, sila’y kumokonekta sa hatinggabi o kaya’y sa madaling araw. Kapag sila’y nahuli, madalas na pinagtatakpan nila ang kanilang ginagawa sa pamamagitan ng pagsisinungaling, gaya ng ginawa ng lalaking ito. Makatuwiran bang masasabi ng sinuman na hindi nakapipinsala ang isang “libangan” na naging dahilan upang ang “isang lalaking may palabra-de-onór” ay pumuslit sa hatinggabi at magsinungaling sa kaniyang mga mahal sa buhay?Ang gawaing ito ay maaaring humantong sa malulubhang problema sa sarili at sa pamilya. Inamin ng ilan na ang panonood ng pornograpya ay humadlang sa kanila upang magkaroon ng matalik na pakikipagsamahan sa iba. Ayaw nilang may mga taong nakapaligid habang pinauunlakan nila ang kanilang pagkahaling sa pornograpya. Ang mga tao’y may tendensiyang magpantasiya kapag nanonood sila ng pornograpya, at ang pantasiya ay hindi nagsasangkap sa isang tao upang makapaglinang ng matatag na kaugnayan o maharap ang buhay sa totoong daigdig. Talaga nga bang hindi masama ang isang libangan na naglalayo sa mga tao mula sa mga lubhang nagmamalasakit sa kanila?
Sa ilang kaso, ang mga taong nanonood o kaya’y nagbabasa ng materyal hinggil sa pornograpya ay hindi na nasisiyahan sa normal na pakikipagtalik sa kani-kanilang asawa. Upang maunawaan kung bakit, isaalang-alang ang orihinal na layunin ng Diyos para sa mga mag-asawa. Maibigin niyang pinagkalooban ang mga asawang lalaki at asawang babae ng kakayahang maipahayag nang may kagalakan ang kanilang pag-ibig sa isa’t isa sa pamamagitan ng marangal na pagtatalik. Ipinakikita ng Kawikaan 5:18, 19 na ang mga ito’y nilayon upang maging kalugud-lugod: “Magsaya ka sa asawa ng iyong kabataan . . . Magpakalango ka sa kaniyang mga dibdib sa lahat ng panahon. Sa kaniyang pag-ibig ay lagi kang magtamasa ng masidhing ligaya.”
Pansinin na ang saligan ng pagtatalik ay pag-ibig. Ang tao bang nanonood ng pornograpya ay naglilinang ng isang mainit na buklod ng pag-ibig at matalik na pakikipag-ugnayan? Hindi, binibigyang-kasiyahan niya ang kaniyang sariling pagnanasa sa sekso—nang mag-isa, kadalasan na. Ang isang may-asawang lalaki na nanonood ng pornograpya ay maaaring magsimulang ituring ang kaniyang asawa bilang isang bagay na lamang—isa na umiiral para lamang sa kaniyang kaluguran. Ito’y ibang-iba sa dignidad at karangalan na nilayon ng Maylalang na iukol ng mga lalaki sa mga babae. (1 Pedro 3:7) Maituturing bang kanais-nais ang isang gawain na nakahahadlang sa pinakamatatalik na aspekto ng pag-aasawa?
Bukod dito, ang dapat sana’y pahapyaw na pagpapaunlak lamang ay maaaring humantong sa isang pangmatagalang pagkasugapa. Isang manunulat ang nagsabi: “Kung paanong ang mga sugapa sa droga ay nangangailangan ng mas matatapang na droga upang ‘ma-high,’ ang mga gumagamit ng pornograpya ay dapat munang magkaroon ng isang mas matinding karanasan upang matamo ang katulad na pagkadama ng matinding kaligayahan na gaya ng dati.”
Iyan ang lumilitaw na nangyari sa asawang lalaki na binanggit kanina sa artikulong ito. Isang gabi, makalipas ang ilang buwan matapos na ipangako niyang hindi na siya manonood ng pornograpya, umuwi ang asawa niya at nadatnan siya sa harap ng computer. Batay sa kaniyang anyo, nahalata ng asawang babae na may problema. “Halatang medyo ninenerbiyos at balisa [siya],” isinulat ng asawang babae. “Tiningnan ko ang computer, at tama nga, nanonood siya ng ilang mahahalay na materyal na talagang grabe. Sinabi niya na bukal daw sa kalooban niya nang ipangako niyang ititigil na niya ito, pero talagang hindi niya ito maiwasan.”
Dahil sa pinsalang naidudulot ng pornograpya at sa lawak ng mapagkukunan nito, makatuwiran lamang na mabahala ka tungkol dito. Paano mo maiingatan ang iyong sarili at ang iyong mga anak? Isasaalang-alang sa huling artikulo ng seryeng ito ang tanong na iyan.
[Larawan sa pahina 6]
Ang pornograpya ay sumisira ng moral