Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagkabulag—Ang Gamit Nito sa Kasulatan

Pagkabulag—Ang Gamit Nito sa Kasulatan

Pagkabulag​—Ang Gamit Nito sa Kasulatan

MARAMING ulit na ang pangangapa ng bulag ay nagsisilbing isang ilustrasyon ng kawalang-kaya. (Deuteronomio 28:29; Panaghoy 4:14; Isaias 59:10; Zefanias 1:17; Lucas 6:39) Ang mga Jebusita ay tiwalang-tiwala na ang kanilang tanggulan ay hindi magagapi anupat kanilang tinuya si David, na nagsasabing maipagtatanggol ng kanila mismong mga bulag, mahihina man ang mga ito, ang kuta ng Sion laban sa Israel.​—2 Samuel 5:6, 8.

Ang maling pagpapatupad ng katarungan sa pamamagitan ng katiwalian sa hustisya ay isinasagisag ng pagkabulag, at maraming payo sa Kautusan laban sa panunuhol, mga kaloob, o pagtatangi, yamang ang mga bagay na ito ay maaaring bumulag sa isang hukom at makahadlang sa walang-pagtatanging paglalapat ng katarungan. “Ang suhol ay bumubulag ng mga taong malinaw ang paningin.” (Exodo 23:8) “Ang suhol ay bumubulag sa mga mata ng marurunong.” (Deuteronomio 16:19) Ang isang hukom, gaano man katapat at may kaunawaan, ay maaaring sinasadya o di-sinasadyang maapektuhan ng isang kaloob mula sa mga kasangkot sa kaso. May mabuting layunin na isinasaalang-alang ng kautusan ng Diyos ang nakabubulag na epekto hindi lamang ng isang kaloob kundi gayundin naman ng sentimyento, gaya ng binabanggit nito: “Huwag mong pakikitunguhan nang may pagtatangi ang maralita, at huwag mong kikilingan ang pagkatao ng isang dakila.” (Levitico 19:15) Kaya, dahil sa sentimyento o dahil sa pagiging popular nito sa karamihan, hindi dapat igawad ng isang hukom ang kaniyang hatol laban sa mayaman dahil lamang sa sila’y mayaman.​—Exodo 23:2, 3.

Espirituwal na Pagkabulag

Higit na pinahahalagahan ng Bibliya ang espirituwal na paningin kaysa sa pisikal. Ginamit ni Jesus ang okasyon ng pagpapagaling sa isang taong bulag mula sa pagsilang upang ituro ang kasalanan ng mga Fariseo sapagkat sila’y nag-aangking may espirituwal na paningin subalit kusang tumatangging umalis sa kanilang bulag na kalagayan. Katulad nila yaong mga umiibig sa kadiliman sa halip na sa liwanag. (Juan 9:39-41; 3:19, 20) Binanggit ni apostol Pablo sa kongregasyon sa Efeso ang hinggil sa mga mata ng kanilang puso na naliwanagan na. (Efeso 1:16, 18) Binanggit ni Jesus na yaong mga nag-aangking Kristiyano subalit hindi palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan ay mga bulag at hubad, anupat hindi nakauunawa sa kanilang kahabag-habag at nangangapang kalagayan. (Apocalipsis 3:17) Kung paano ang pagiging nasa kadiliman sa loob ng mahabang panahon ay maaaring makabulag sa likas na mga mata, binabanggit ni apostol Juan na ang Kristiyanong napopoot sa kaniyang kapatid ay lumalakad na hindi alam kung saan siya paroroon sa isang nakabubulag na kadiliman (1 Juan 2:11); at nagbabala si Pedro na ang isa na hindi namumunga ng mga bungang Kristiyano, na ang pinakadakila rito ay ang pag-ibig, ay “bulag, na ipinipikit ang kaniyang mga mata sa liwanag.” (2 Pedro 1:5-9) Ang pinagmumulan ng gayong kadiliman at espirituwal na pagkabulag ay si Satanas na Diyablo, na, nag-aanyo mismong isang anghel ng liwanag, sa katunayan ang “diyos ng sistemang ito ng mga bagay” at ang diyos ng kadiliman na binulag ang mga isipan ng mga di-mananampalataya upang hindi nila maunawaan ang mabuting balita tungkol sa Kristo.​—Lucas 22:53; 2 Corinto 4:4; 11:14, 15.