Ang Pangmalas ng Bibliya
Nagbabago ba ang Diyos?
INILARAWAN ng antropologo na si George Dorsey ang Diyos ng “Lumang Tipan” bilang “isang mabangis na Diyos.” Idinagdag pa niya: “Si Yahweh ay . . . lubos na hindi kanais-nais. Siya ang Diyos ng mga tulisan, ng mga tagapagpahirap, ng mga mandirigma, ng pananakop.” Ganito rin ang naging mga konklusyon ng iba pa hinggil sa Diyos ng “Lumang Tipan”—si Yahweh, o Jehova. Kaya naman, nag-iisip ang ilan sa ngayon kung si Jehova nga ba sa katunayan ay isang malupit na Diyos na nang dakong huli ay nagbago ng kaniyang pagkatao upang maging ang maibigin at maawaing Diyos ng “Bagong Tipan.”
Hindi na bago ang gayong ideya tungkol sa Diyos ng Bibliya. Ito’y unang iniharap ni Marcion, isang medyo may pagka-Gnostiko noong ikalawang siglo C.E. Itinakwil ni Marcion ang Diyos ng “Lumang Tipan.” Itinuring niya ang Diyos na iyon bilang marahas at mapaghiganti, isang mapang-api na nag-aalok ng materyal na mga gantimpala doon sa mga sumasamba sa kaniya. Sa kabilang panig, inilarawan ni Marcion ang Diyos ng “Bagong Tipan”—na isiniwalat sa pamamagitan ni Jesu-Kristo—bilang isang sakdal na Diyos, isang Diyos ng dalisay na pag-ibig at awa, ng kagandahang-loob at kapatawaran.
Si Jehova ay Tumugon sa Hamon ng Nagbabagong mga Kalagayan
Ang mismong pangalan ng Diyos, na Jehova, ay nangangahulugang “Pinapangyari Niyang Maging.” Ito’y nagbabadya na pinapangyari ni Jehova ang kaniyang sarili na maging ang Tagatupad ng lahat ng kaniyang mga pangako. Noong itanong ni Moises sa Diyos ang pangalan nito, pinalawak ni Jehova ang kahulugan nito sa ganitong paraan: “Ako ay magiging gayon sa anumang ako ay magiging gayon.” (Exodo 3:14) Ganito ang pagkakasabi ng salin ni Rotherham: “Ako’y Magiging anuman na kalugdan ko.”
Kaya pinipili ni Jehova na siya’y maging, o magiging gayon, anuman ang kinakailangan upang matupad ang kaniyang matuwid na mga layunin at mga pangako. Ang katunayan nito ay ang katotohanan na nagtataglay siya ng maraming uri ng mga titulo at mga terminong naglalarawan: Jehova ng mga hukbo, Hukom, Soberano, Mapanibughuin, Soberanong Panginoon, Maylalang, Ama, Dakilang Tagapagturo, Pastol, Dumirinig ng panalangin, Tagabiling-muli, maligayang Diyos, at marami pang iba. Nilayon niyang maging lahat ng ito—at lalo na—upang maisakatuparan ang kaniyang maibiging mga layunin.—Exodo 34:14; Mga Hukom 11:27; Awit 23:1; 65:2; 73:28; 89:26; Isaias 8:13; 30:20; 40:28; 41:14; 1 Timoteo 1:11.
Kung gayon, nangangahulugan ba ito na ang personalidad o mga pamantayan ng Diyos ay nagbabago? Hindi. Tungkol sa Diyos, ang Santiago 1:17 ay nagsasabi: “Sa kaniya ay walang pagbabagu-bago sa pagbaling ng anino.” Paano matutugunan ng Diyos ang hamon ng nagbabagu-bagong mga kalagayan samantalang siya mismo ay hindi nagbabago?
Ang halimbawa ng maibiging mga magulang na gumaganap ng iba’t ibang mga papel alang-alang sa kanilang anak ang maglalarawan kung paano ito posible. Sa loob ng isang araw, ang isang magulang ay maaaring maging isang kusinero, tagalinis ng bahay, elektrisyan, nars, kaibigan, tagapayo, guro, tagadisiplina, at marami pa. Ang magulang ay hindi nagpapalit ng personalidad kapag gumaganap sa mga papel na ito; siya’y basta nakikibagay sa mga pangangailangan habang bumabangon ang mga ito. Ito’y totoo rin kung tungkol kay Jehova ngunit sa isang mas malawak na paraan. Walang hangganan sa maaari niyang naisin sa kaniyang sarili na maging upang matupad niya ang kaniyang layunin at upang gantimpalaan ang kaniyang mga nilalang.—Roma 11:33.
Halimbawa, si Jehova ay isiniwalat bilang isang Diyos ng pag-ibig at awa kapuwa sa Hebreo at sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ang propetang si Mikas noong ikawalong siglo B.C.E. ay nagtanong tungkol kay Jehova: “Sino ang Diyos na tulad mo, na nagpapaumanhin ng kamalian at nagpapalampas ng pagsalansang ng nalabi sa kaniyang mana? Hindi nga niya pananatilihin ang kaniyang galit magpakailanman, sapagkat siya ay nalulugod sa maibiging-kabaitan.” (Mikas 7:18) Sa katulad na paraan, isinulat ni apostol Juan ang bantog na mga salitang: “Ang Diyos ay pag-ibig.”—1 Juan 4:8.
Sa kabilang panig, sa parehong bahagi ng Bibliya, si Jehova ay ipinakilala bilang ang matuwid na Hukom niyaong mga paulit-ulit, lubusan, at di-nagsisising lumalabag sa kaniyang kautusan at pumipinsala sa iba. “Ang lahat ng balakyot ay lilipulin niya [ni Jehova],” ang sabi ng salmista. (Awit 145:20) Sa katulad na diwa, sinasabi ng Juan 3:36: “Siya na nagsasagawa ng pananampalataya sa Anak ay may buhay na walang-hanggan; siya na sumusuway sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi ang poot ng Diyos ay mananatili sa kaniya.”
Hindi Nagbabago sa mga Katangian
Ang personalidad at mga pangunahing katangian ni Jehova—pag-ibig, karunungan, katarungan, at kapangyarihan—ay hindi nagbago. Sinabi niya sa bayan ng Israel: “Ako ay si Jehova; hindi ako nagbabago.” (Malakias 3:6) Ito’y mga 3,500 taon pagkatapos ng paglalang ng Diyos sa sangkatauhan. Totoo sa pananalitang iyan na nagbuhat sa Diyos, ang isang masusing pagsusuri sa Bibliya sa kabuuan ay nagsisiwalat ng isang Diyos na hindi nagbabago sa kaniyang mga pamantayan at mga katangian. Walang pagbabago sa personalidad ng Diyos na Jehova sa paglipas ng mga siglo, yamang hindi naman kailangan ang gayong pagbabago.
Ang katatagan ng Diyos para sa katuwiran, gaya ng isiniwalat sa buong Bibliya, ay hindi nabawasan ni mas dakila man ang kaniyang pag-ibig ngayon kaysa noon sa pasimula ng kaniyang mga pakikitungo sa mga tao sa Eden. Ang mga pagkakaiba sa kaniyang personalidad na maliwanag na ipinakita sa iba’t ibang bahagi ng Bibliya ay sa katunayan magkakaibang mga aspekto ng iisang hindi nagbabagong personalidad. Ito’y dahilan sa magkakaibang mga kalagayan at mga tao na pinakikitunguhan, na nangangailangan ng iba’t ibang mga saloobin o mga pakikipag-ugnayan.
Kaya, maliwanag na ipinakikita ng Kasulatan na ang personalidad ng Diyos ay hindi nagbabago sa loob ng mga siglo at hindi magbabago sa hinaharap. Si Jehova ang sukdulang larawan ng pagiging di-nagbabago at pagiging matatag. Siya’y maaasahan at mapagkakatiwalaan sa lahat ng panahon. Tayo’y palaging makaaasa sa kaniya.
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Ang mismong Diyos na pumuksa sa Sodoma at Gomorra . . .
. . . ang magdudulot ng isang matuwid na bagong sanlibutan