Mga Batik sa Harap ng Iyong mga Mata?
Mga Batik sa Harap ng Iyong mga Mata?
Marahil ay nakita mo na ang mga ito—ang malalabo at maliliit na kulay-abong batik na waring nakalutang sa harap ng iyong mga mata. Maaaring mapansin mo ang mga ito kapag ikaw ay nagbabasa o kapag tumingin ka sa isang dingding na mapusyaw ang kulay o sa isang walang ulap na papawirin.
KUNG sinikap mo nang ituon ang iyong tingin sa isa sa mga batik na ito, batid mo na hindi mo magagawa iyon. Ang kaunting galaw ng iyong mga mata ay mabilis na magtataboy sa mga ito, at kahit na dumaan ang isa sa iyong paningin, hindi mo pa rin matiyak kung ano iyon.
Ano ba ang mga batik na ito? Ang mga ito ba ay nasa pinakaibabaw ng bilog ng iyong mata, o nasa loob nito? Ikurap mo ang iyong mga talukap-mata nang hindi iginagalaw ang iyong mga mata. Kung ang mga batik ay nag-iba ng galaw o nawala, ang mga ito ay nasa pinakaibabaw nga at hindi siyang paksa ng artikulong ito.
Ngunit kung kaunti lamang o walang pagbabagong mangyari, kung gayon ay nasa loob ang mga ito, na nakalutang sa vitreous humor, ang likido na pumupuno sa pinakasisidlan sa loob ng bilog ng iyong mata. Yamang ang mga ito’y nasa likuran ng lente ng mata, nanatiling malabo ang mga ito. At yamang ang vitreous humor ay malapot lamang nang kaunti sa tubig, maaaring maanod ang mga ito, anupat natatangay palayo kapag sinisikap mong tuwirang tingnan ang isa rito. Dito galing ang medikal na pangalan ng mga ito—muscae volitantes, na nangangahulugang “lumilipad na mga langaw.”
Saan Galing ang mga Ito?
Saan nga ba galing ang mga batik na ito? Ang ilan ay mga labí ng mga prosesong naganap bago ka isilang. Sa panahong nagsisimulang mabuo ang isang sanggol, ang pinakaloob ng mata ay totoong mahimaymay. Sa panahon ng pagsisilang, ang mga himaymay na ito at ang iba pang mga selula ay nagiging ang vitreous humor. Subalit ang ilang selula at malabutil na mga himaymay ay maaaring manatili, at ang mga ito ay malayang lulutang. Mayroon ding isang daluyan mula sa optic nerve patungo sa lente, na sa isang hindi pa naisisilang ay nagtataglay ng isang arteryang patungo sa lente upang tustusan ito ng nutrisyon. Ang arterya ay lumiliit at napapasama sa ibang sangkap, karaniwan na bago isilang ang isa, ngunit maaaring manatili ang maliliit na bahagi nito.
Ngunit may iba pang pinagmumulan ito. Kahit na sa isang adulto, ang vitreous humor ay hindi pawang malapot. Ito ay napaliligiran ng marupok na hyaloid membrane. Ito naman ay nakadikit sa retina, ang pinakasapin na tisyu na sensitibo sa liwanag na bumabalot sa kalakhang bahagi ng pinakaloob ng iyong mata at na siyang sumasagap sa iyong nakikita. Nakadikit ang hyaloid membrane sa retina sa buong palibot nito sa labas. Mula sa pagdadaiting ito ay nagsusulputan ang mumunting hibla sa buong vitreous humor.
Habang tumatanda tayo, ang mga hiblang ito ay nagsisimulang umikli. Ito ang nagiging sanhi kung bakit napipigtas ang ilan sa mga ito. Ang vitreous humor din ay lalong nagiging malabnaw, kaya ang mga nasirang pira-pirasong bahagi ng himaymay ay maaaring lalong malayang lumutang dito. Ang vitreous humor mismo ay lumiliit din nang bahagyang-bahagya at nagsisimulang lumayo sa retina, anupat dahil dito ay posibleng mag-iwan ng ibang labí ng selula. Kaya, habang tumatanda ka ay darami ang makikita mong “lumilipad na mga langaw” na ito na tinatangay-tangay at humahagibis sa saklaw ng iyong paningin.
Ang mga daluyan ng dugo ng retina ay maaari ring pagmulan ng maliliit na lumulutang na bagay na ito (floaters). Ang pagkabagok ng ulo o
anumang labis na pagdiin sa bilog ng mata ay maaaring maging sanhi para magpalabas ang maliit na daluyan ng isang hanay ng pulang mga selula ng dugo. Ang pulang mga selula ay malapot, kaya kadalasa’y nagkukulumpon ang mga ito o nagkakawing-kawing. Ang isahang mga selula o mga kulumpon ay maaaring mapunta sa vitreous humor, at kung manatili ang mga ito malapit sa retina, maaaring makita ang mga ito. Ang pulang mga selula ay maaaring mapasamang muli sa katawan, kaya sa dakong huli ay nawawala ang mga ito. Subalit sa istriktong pananalita, ang mga ito ay hindi naman talaga muscae volitantes, yamang bunga ang mga ito ng di-malulubhang pinsala.May masama bang ipinahihiwatig ang pagkakaroon ng muscae volitantes? Sa pangkalahatan ay wala naman. Ang mga taong may normal na mga mata, maging ang mga nasa kabataan pa, ay nakakakita ng mga ito, at unti-unti ay natututuhan nilang di-pansinin ang mga ito. Ngunit ang ilang kalagayan ay maaaring magpahiwatig ng panganib.
Kapag Nagbabanta ang Panganib
Kung bigla mong mapansin na dumami ang mga batik kaysa sa dati, maaari itong mangahulugan na may di-normal na nangyayari. Lalo nang totoo ito kung may nakikita ka ring mumunting sinag ng liwanag mula sa loob ng iyong mga mata. Ang mga kaganapang ito ay galing sa retina, kung saan ang liwanag ay binabago para maging mga hudyat ng nerbiyo. Ang pagdami ng mga lumulutang na bagay at ang mga sinag ng liwanag ay karaniwan nang sanhi ng pagkakabaklas ng isang bahagi ng retina. Paano nangyayari ito?
Ang retina ay kasintibay at kasingkapal ng isang piraso ng basang tissue paper at halos kasinrupok din nito. Ang suson nito na sensitibo sa liwanag ay nakakabit sa suson na nasa likuran nito at sa vitreous humor ngunit tanging sa bandang harapan nito at sa optic nerve lamang, at mahina ang pagkakakabit sa pinakasentro. Ang vitreous humor ay tumutulong upang mapanatili sa tamang lugar ang iba pang bahagi ng retina. Ang mata ay napakatibay anupat maging ang mga suntok ay karaniwan nang hindi nagiging sanhi
para mapunit ang retina o mahiwalay ito sa pinagkakabitan nito.Gayunman, ang isang suntok ay maaaring magdulot ng pinsala anupat magpapahina sa isang bahagi ng retina o magdudulot ng munting punit o butas. Ang gayong butas ay maaaring manggaling din sa pagdirikit ng vitreous humor at ng retina: Ang biglang paggalaw o kaya’y pinsala ay nagpapangyari na maghilahan ang vitreous humor at ang retina, anupat nagiging sanhi ng isang maliit na punit. Ang likido mula sa pinakasisidlan ng vitreous ay maaaring tumagas sa likuran ng retina, anupat iaangat ito mula sa pinagkakabitan nito. Ang ganitong problema ang siyang nagiging sanhi ng pagbibigay-hudyat ng mga selula ng nerbiyo na sensitibo sa liwanag, at ang mga ito ay nakikita bilang mga sinag.
Ang mga pagdurugo, mahina man o malakas, ay kaalinsabay kung minsan ng paghihiwalay, sapagkat ang panloob na pinakabalat ng retina ay may sariling kawing ng mga daluyan ng dugo. Ang mga selula ng dugo ay nakapapasok sa vitreous humor, at nakikita ang mga ito bilang biglaang pagbugso ng mga lumulutang na bagay. Di-katagalan pagkatapos nito, habang nababaklas sa pagkakakabit ang retina, isang parang lambong, o tabing, ng pagkabulag ang biglang mararanasan sa paningin.
Kaya, kailanma’t mapansin mo ang pagdami ng mga batik, lalo na kapag may kasamang mga sinag, magpunta ka kaagad sa isang optalmologo o sa isang ospital! Maaaring sanhi ito ng pagkabaklas ng retina. Ang mga paraan sa paggamot ay baka maging imposible na kapag masyado nang napahiwalay ang retina.
Nakakita ka na ba ng mga batik sa harap ng iyong mga mata sa loob ng mga taon ngunit walang mga sinag ng liwanag? Marahil ay walang dapat na ikabahala. Halos lahat ay nakakakita rin ng mga batik na ito. Kung hindi mo papansinin ang mga ito, hindi naman ito matatanggal, ngunit natututuhan ng utak na ipagwalang-bahala ang bagay na ito habang ginagawa mo ang iyong mga gawain sa araw-araw. Ang bagay na maaaring umiral ang mga ito nang walang tunay na pinsala sa iyong paningin ay nagpapatotoo lamang sa tibay ng disenyo ng mata at sa kakayahang bumagay ng utak.
Gayunman, bago nila masabi nang may katiyakan na walang dapat na ikabahala, ang mga taong may mga lumulutang na bagay sa mata ay dapat na magpatingin sa isang optalmologo o optometrista.
[Kahon/Larawan sa pahina 25]
Pinagmulan ng Modernong Refractive Correction
Kung gumagamit ka ng salamin sa mata o mga contact lens, sa isang diwa ay dahil ito sa muscae volitantes. Ang pag-uusisa sa mga ito ang umakay kay Frans Cornelis Donders, isang prominenteng doktor na Olandes noong ika-19 na siglo, na pasimulan ang makasiyensiyang pagsisiyasat hinggil sa pisyolohiya at patolohiya ng mata. Bukod sa nabatid ang ilan sa mga pinagmumulan ng muscae volitantes, natuklasan niya na ang malinaw na paningin sa malayo (farsightedness) ay bunga ng pag-ikli ng bilog ng mata at na ang malabong paningin na dulot ng astigmatism ay resulta ng di-pantay na pinakaibabaw ng cornea at lente. Pinangyari ng kaniyang pag-aaral na magawa ang mga salamin sa mata.
[Larawan]
Si Donders
[Credit Line]
Courtesy National Library of Medicine
[Dayagram sa pahina 24]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Punit sa retina
Pulang mga selula
Nabaklas na retina
Optic nerve na patungo sa utak
Hyaloid membrane
Lente
Balintataw
Vitreous humor
Mga daluyan ng dugo
Iris
Ciliary body