Makatuwiran ba ang Ebolusyon?
Makatuwiran ba ang Ebolusyon?
SA NGAYON, ang teoriya ng ebolusyon ay sinasabing isang katotohanan niyaong mga nagtataguyod nito. Gayunman, makatuwiran ba ang madalas na sinasabi nila? Isaalang-alang ang sumusunod.
Ang seda na ginagawa ng mga gagamba ay isa sa pinakamatibay na materyales na nakikilala. Ayon sa New Scientist, “ang bawat himaymay ay mababanat nang 40 porsiyento ng haba nito at maaaring tumanggap nang sandaang ulit na enerhiya na gaya ng bakal nang hindi napuputol.” Paano ginagawa ang pambihirang seda na ito? Isang malagkit na likido, isang protina, ang nagdaraan sa maliliit na tubo sa katawan ng gagamba, at ang likido ay nababago at nagiging matibay na sinulid sa pamamagitan ng muling pag-aayos sa mga molekula ng protina nito, ang paliwanag ng Encyclopædia Britannica.
Ganito ang konklusyon ng New Scientist: “Ang gagamba ay di-sinasadyang nakagawa ng mga pamamaraan na nakahihigit maging sa pinakamagaling na kimiko.” Kapani-paniwala ba na ang gagamba ay di-sinasadyang nakagawa ng isang pamamaraan sa paggawa na napakasalimuot anupat kailangan pa itong unawain ng tao?
Binanggit ng isang artikulo sa The Wall Street Journal, ni Phillip E. Johnson, isang propesor ng batas sa University of California, na ang katibayan para sa ebolusyon ay kulang subalit kadalasang tinutuya pa rin ng mga tagapagtaguyod nito yaong kumukuwestiyon dito. Ang artikulo ay nagkokomento: “Ang teoriya ng ebolusyon ay nagkakaroon ng maraming problema may kinalaman sa katibayan—subalit ayaw ng mga tagapagtaguyod nito ng isang tapatang debate na maaaring sumira sa kanilang pandaigdig na pangmalas.”
Ang isa pang halimbawa ng kawalan ng katuwiran sa kaisipang ebolusyonaryo ay may kinalaman sa mga halaman. Ang mga siyentipikong nagsasaliksik sa Morocco ay nakahukay ng 150 labí ng halaman na archaeopteris, “ang pinakamalapit na kamag-anak na natuklasan tungkol sa unang mga halamang may binhi, ninuno ng karamihan sa mga punungkahoy ngayon,” ang sabi ng The Daily Telegraph ng London. Ipinahayag ng editor ng pahayagan sa siyensiya na ang halamang ito ay “nakatulong upang hubugin ang modernong daigdig sa pamamagitan ng pag-imbento ng mga dahon at mga sanga.” “Ang mag-imbento” ay “gumawa sa pamamagitan ng pag-iisip.” Makatuwiran bang papurihan ang isang halaman na may kakayahang mag-isip at mag-imbento?
Si Solomon, isa sa pinakamatalinong tao, ay nagpapayo sa atin na ‘bantayan natin ang ating kakayahang mag-isip,’ anupat mag-isip para sa ating sarili. Ang pangangailangang gawin ito ngayon ay nakahihigit kailanman.—Kawikaan 5:2.