Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Mga Amang Tumatakas—Makatatakas Nga ba Sila?
“Nang sabihin niyang, ‘anak mo ang aking ipinagdadalang-tao,’ nabigla ako. Sino ang mag-aaruga sa bata? Wala ako sa katayuan na mag-aruga ng isang pamilya. Parang gusto kong tumakas.”—Jim. *
“TAUN-TAON,” sabi ng isang report mula sa Alan Guttmacher Institute, “halos 1 milyong babaing tin-edyer . . . ang nagdadalang-tao.” Umaabot sa “78% ng mga ipinanganganak ng mga tin-edyer ay nangyayari sa mga hindi kasal.”
Noon, ang mga lalaki ay obligadong panagutan ang kanilang naging mga anak. Ngunit gaya ng sinasabi ng aklat na Teenage Fathers, “ang pagdadalang-tao nang walang asawa ay hindi na nagdadala ng kahihiyan at paghamak na gaya nang dati.” Sa mga kabataan sa ilang komunidad, ang pagkakaroon ng isang anak ay maaari pa ngang malasin bilang isang simbolo ng katanyagan! Subalit, kakaunting binata ang bumabalikat ng pangmatagalang pananagutan sa kanilang mga anak. Marami ang sa kalaunan ay lumalayas—o tumatakas. *
Ngunit lubusan bang matatakasan ng isang binata ang mga epekto ng imoral na paggawi? Hindi ayon sa Bibliya. Ito’y nagbababala: “Huwag kayong paliligaw: Ang Diyos ay hindi isa na malilibak. Sapagkat anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.” (Galacia 6:7) Gaya ng makikita natin, ang seksuwal na imoralidad ay kadalasang nagbubunga ng habang-buhay na mga kahihinatnan kapuwa sa mga babae at mga lalaki. Maiiwasan ng mga kabataan ang gayong mga kahihinatnan sa pamamagitan ng pagsunod sa malinaw na payo ng Bibliya na iwasan ang seksuwal na imoralidad.
Ang Pagtakas–Hindi Madali
Ang pag-aaruga sa isang anak ay nangangailangan ng malaking pagsasakripisyo ng panahon, salapi, at personal na kalayaan. Ganito ang sabi ng aklat na Young Unwed Fathers: “Ang ilang binata ay hindi interesado sa ‘pag-aaruga sa ibang tao,’ kung ang paggawa nito ay nangangahulugan ng kabawasan sa salapi.” Subalit, marami ang nagbabayad ng malaking halaga dahil sa kanilang pagiging makasarili. Halimbawa, pasamâ nang pasamâ ang pangmalas ng mga hukuman at mga mambabatas sa maraming lupain sa mga lalaking hindi nagbibigay ng suporta sa kanilang mga anak. Minsang legal na maitatag ang pagiging ama, ang mga amang nasa kabataan pa ay maaaring hilingan na magbayad nang nararapat para sa mga taóng darating—at tama lamang naman. Maraming kabataan ang napipilitang huminto sa pag-aaral o mamasukan sa mga trabahong mababa ang suweldo upang matugunan ang mga obligasyong ito. “Habang
mas bata ang edad sa panahon ng pagiging magulang,” ang sabi ng aklat na School-Age Pregnancy and Parenthood, “mas kaunti ang pormal na edukasyong nakukuha ng isang ama.” At kung ang isa ay hindi makabayad ng pansuporta, madaragdagan ang malaking pagkakautang.Sabihin pa, hindi naman lahat ng mga binata ay walang damdamin sa kanilang supling. Marami ang nagsisimula nang may mabubuting intensiyon. Ayon sa isang surbey, 75 porsiyento ng mga tin-edyer na ama ang dumalaw sa kanilang anak sa ospital. Gayunman, di-nagtatagal at ang karamihan sa mga amang nasa kabataan pa ay nabibigatan na sa mga pananagutan ng pag-aaruga sa isang anak.
Nasumpungan ng marami na talagang wala silang kasanayan o karanasan upang makakuha ng angkop na trabaho. Palibhasa’y nahihiya sa kanilang kawalang-kakayahan na maglaan ng pinansiyal na tulong, sa kalaunan ay tinatakasan nila ang kanilang mga pananagutan. Gayunpaman, maaaring hindi patulugin ng mga hapdi ng pagsisisi ang isang binata sa darating na mga taon. Ganito ang inamin ng isang amang nasa kabataan pa: “Kung minsan ay nag-iisip ako kung ano na kaya ang nangyari sa aking anak. . . . Hindi ko gustong iwan [siya], ngunit ngayon ay wala na siya sa akin. Marahil isang araw ay masusumpungan din niya ako.”
Ang Pinsalang Nagagawa sa mga Anak
Maaaring harapin din ng mga amang tumatakas ang matinding damdamin ng kahihiyan—ang kahihiyan na siya’y nagdulot ng pinsala sa kaniya mismong anak. Tutal, gaya ng ipinahihiwatig ng Bibliya, kailangan ng isang anak kapuwa ang isang ina at isang ama. (Exodo 20:12; Kawikaan 1:8, 9) Kapag iniiwan ng isang lalaki ang kaniyang anak, inilalantad niya ang kaniyang anak sa maraming potensiyal na mga problema. Ganito ang sabi ng isang report ng U.S. Department of Health and Human Services: “Ang mga batang musmos sa mga pamilya ng nagsosolong-ina ay waring mayroong mas mababang marka sa mga pagsusulit sa berbal at matematikang kakayahan. Sa gulang na mga 7 hanggang 10 taon, ang mga batang pinalaki ng nagsosolong magulang ay kadalasang tumatanggap ng mas mababang marka, mayroong mas maraming problema sa paggawi, at mayroong mas maraming malubhang problema sa kalusugan at sa isipan. Sa mga tin-edyer at sa mga binata’t dalaga, ang pagkakapalaki sa isang pamilya na may nagsosolong-ina ay nauugnay sa malaking panganib ng pagdadalang-tao sa mga tin-edyer, paghinto sa pag-aaral sa haiskul, pagkakabilanggo, at alinman sa hindi makapagtrabaho o makapag-aral.”
Ganito ang konklusyon ng magasing Atlantic Monthly: “Ayon sa dumaraming katibayang panlipunan at makasiyensiya, ang mga anak sa mga pamilyang sinira ng diborsiyo at ang mga anak sa ligaw ay hindi gaanong matagumpay kaysa mga anak sa mga pamilyang may ama’t ina sa ilang aspekto ng kagalingan. Ang mga anak sa mga pamilyang may nagsosolong-magulang ay anim na ulit na malamang na maging maralita. Malamang din na manatili silang maralita.”
Isaisip na ang mga panganib na ito ay batay sa estadistikang mga pag-aaral ng mga pangkat at hindi naman laging kumakapit sa mga indibiduwal. Maraming anak ang nagiging mahusay at timbang na mga adulto sa kabila ng bagay na hindi maganda ang pinagmulan nilang pamilya. Magkagayon man, ang mga damdamin ng pagkakasala ay maaaring lubhang makabagabag sa isipan ng isang binata na nagtakwil sa kaniyang anak. “Nababahala ako na talagang [ginulo] ko ang buhay niya magpakailanman,” sabi ng isang binatang ama.—Teenage Fathers.
Ang Hamon sa Pagbibigay ng Suporta
Hindi naman lahat ng mga amang nasa kabataan pa ay mga amang tumatakas. Ang ilang binata ay angkop na nakadarama ng moral na obligasyon sa kanilang mga anak at talagang gustong tumulong sa pagpapalaki sa kanila. Subalit, kadalasan ay mas madali itong sabihin kaysa gawin. Halimbawa, ang isang binatang ama ay maaaring may iilang legal na karapatan, anupat nagpapahintulot sa babae at sa mga magulang ng babae na kontrolin kung gaano kadalas—o gaano kadalang—ang pakikipagkita niya sa kaniyang anak. “Ito’y isang patuloy na pag-aagawan sa posisyon na magkaroon ng karapatan sa pagpapasiya hinggil sa bata,” ang sabi ni Jim, sinipi sa pasimula. Kaya maaaring makagawa ng mga pasiya na matindi namang tinututulan ng amang nasa kabataan pa, gaya ng pagpapaampon—o aborsiyon pa nga. * “Hindi ko matanggap na hayaan na lamang silang ibigay siya sa isang estranghero,” ang hinagpis ng isang amang nasa kabataan pa, “subalit sa palagay ko ay wala akong ibang mapagpipilian.”
Ang ilang binata naman ay nag-aalok na pakasalan ang ina ng kanilang anak. * Totoo, ang pagpapakasal ay magliligtas sa babae sa ilang kahihiyan at magpapahintulot na ang bata ay mapalaki ng dalawang magulang. Maaari pa ngang sa kabila ng kanilang maling paggawi, ay talagang nagmamahalan naman ang lalaki’t babae na nasa kabataan pa. Gayunman, ang bagay na ang isang lalaki ay nagkaanak ay hindi nangangahulugan na mayroon na siyang mental at emosyonal na pagkamaygulang na kinakailangan upang maging isang asawa at ama. Ni nangangahulugan man ito na mayroon siyang kakayahang suportahan sa pinansiyal na paraan ang isang asawa at anak. Ipinakikita ng mga pag-aaral na ang mga pag-aasawa na minadali dahil sa pagdadalang-tao ay waring nagiging panandalian lamang. Kaya ang pagmamadali sa pag-aasawa ay hindi laging matalinong lunas.
Maraming binata ang angkop na nag-aalok na suportahan ang kanilang mga anak sa pinansiyal na paraan. Gaya ng nabanggit kanina, nangangailangan ng tunay na determinasyon para sa isang ama na nasa kabataan pa na panatilihin ang gayong suporta sa loob ng mahabang panahon—marahil sa loob ng 18 taon o higit pa! Subalit ang patuloy na pinansiyal na tulong ay makahahadlang sa ina at sa bata na mamuhay sa karalitaan.
Kumusta naman ang pakikibahagi sa aktuwal na pagpapalaki sa bata? Ito man ay maaaring maging isang mahirap na hamon. Kung minsan, ikinatatakot ng mga magulang ng lalaki’t babae na magkaroon pa ng seksuwal na kaugnayan kung kaya’t sinisikap nilang hadlangan—o pagbawalan pa nga—na magkita ang dalawa. Maaaring ipasiya ng babae mismo na ayaw niyang “mapalapit” ang kaniyang anak sa isang lalaki na hindi naman niya asawa. Sa paano man, kung ang ama ay pinapayagan na regular na makipagkita sa kaniyang anak, makabubuting tiyakin ng mga pamilya na ang mga pagdalaw ay may tsaperon, upang mahadlangan na maulit pa ang maling paggawi.
Sa hangaring mapalapit sa kanilang mga anak, ang ilang binatang ama ay natutong gumawa ng ilang mahalagang trabaho ng magulang, gaya ng pagpapaligo, pagpapakain, o pagbabasa sa kanilang mga anak. Maaari pa ngang turuan ng isang binatang nagtamo ng pagpapahalaga sa mga pamantayan ng Bibliya ang kaniyang anak ng ilan sa mga simulain ng Salita ng Diyos. (Efeso 6:4) Bagaman ang kaunting maibiging pansin mula sa isang ama ay tiyak na mas mabuti para sa isang bata kaysa sa wala, hindi pa rin ito katulad ng pagkakaroon ng isang ama na naroroon araw-araw. At kung mag-asawa man ang ina ng bata, walang magagawa ang amang nasa kabataan pa kapag humahalili ang ibang lalaki sa gawaing pagpapalaki ng kaniyang anak.
Kung gayon, maliwanag na ang pagkakaroon ng anak sa pagkabinata ay humahantong sa maraming matinding kalungkutan—kapuwa sa mga magulang at sa anak. Bukod sa praktikal na mga pagkabahala, nariyan ang panganib na maiwala ang pagsang-ayon ng Diyos na Jehova, na humahatol sa bawal na pagtatalik. (1 Tesalonica 4:3) Bagaman posibleng gawin ang lahat ng magagawa upang harapin ang hindi kaayaayang kalagayan na gaya ng pagdadalang-tao ng tin-edyer, dapat na maging maliwanag na ang pinakamabuting landasin ay iwasang masangkot sa imoral na paggawi sa simula pa lamang. Ganito ang inamin ng isang amang nasa kabataan pa: “Minsang nagkaanak ka sa pagkabinata, hindi na kailanman magiging gaya ng dati ang iyong buhay.” Oo, maaaring dalhin ng isang amang nasa kabataan pa ang mga kahihinatnan ng kaniyang pagkakamali sa nalalabing bahagi ng kaniyang buhay. (Galacia 6:8) Minsan pang napatunayang matalino ang payo ng Bibliya nang sabihin nito: “Tumakas kayo mula sa pakikiapid.”—1 Corinto 6:18.
[Mga talababa]
^ par. 3 Binago ang ilang pangalan.
^ par. 5 Tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Pagkakaroon ng mga Anak—Ito ba’y Katunayan ng Pagkalalaki?” sa Abril 22, 2000, na labas ng Gumising! Para sa pagtalakay sa mga epekto ng pagiging dalagang-ina sa mga kabataang babae, tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Dalagang-Ina—Mangyari Kaya Ito sa Akin?” sa labas ng Disyembre 22, 1985.
^ par. 16 Tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Aborsiyon—Ito ba ang Lunas?” sa Marso 8, 1995, na labas ng Gumising!
^ par. 17 Ang Batas Mosaiko ay humihiling sa isang lalaki na pakasalan ang dalagang kaniyang dinaya. (Deuteronomio 22:28, 29) Subalit, ang pagpapakasal ay hindi awtomatiko, yamang maaaring ipagbawal ito ng ama ng babae. (Exodo 22:16, 17) Bagaman ang mga Kristiyano sa ngayon ay wala na sa ilalim ng Batas, idiniriin nito kung gaano kalubha ang kasalanan ng pagsisiping bago ang kasal.—Tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Nobyembre 15, 1989, na labas ng Ang Bantayan.
[Larawan sa pahina 15]
Pinakamabuting iwasan na masangkot sa imoral na paggawi sa simula pa lamang