Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Mamamatay Ka!”

“Mamamatay Ka!”

“Mamamatay Ka!”

GAYA NG INILAHAD NI LEANNE KARLINSKY

Ang paghahanap ko sa Espanya ng pinakamainam na paggamot na hindi ginagamitan ng dugo

KUNG makapaglalakbay ka saanmang dako sa daigdig, saan mo pipiliing pumunta? Para sa akin ang sagot ay simple. Nagtuturo ako ng Kastila sa paaralan, at kasama ng aking asawang lalaki, si Jay, at ng aking anak na si Joel, dumadalo ako sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Galax, Virginia, E.U.A., na nagsasalita ng wikang Kastila. Kaya, ang hangad ko’y maglakbay patungo sa Espanya. Kung gayon ay magugunita mo ang tuwa ko nang alukin ako ng aking mga magulang na isasama ako roon! Bagaman hindi makakasama ang aking asawa at anak, magkakatotoo na ang aking pangarap nang kami ng aking mga magulang ay sumakay ng eroplano na lumipad nang deretso patungong Madrid. Pagdating namin noong Abril 21, nagpasiya kaming maglakbay sakay ng kotse patungong Estella, isang maliit na nayon sa Navarre, sa gawing hilaga ng Espanya. Komportable akong naupo sa likuran at agad na nakatulog.

Ang susunod na alaala ko ay na ako’y nakahiga sa isang bukid, at ang liwanag ng araw ay sumisikat sa aking mga mata. ‘Nasaan ako? Paano ako napunta rito? Nananaginip ba ako?’ Habang ang mga tanong na ito ay sumasagi sa aking isip, natalos ko ang isang bagay na kakila-kilabot. May masamang nangyari, at hindi ito panaginip. Punit-punit ang aking kaliwang manggas, at hindi ko maikilos ang aking mga braso o paa. Nang maglaon, nalaman ko na ang aming kotse ay bumangga sa isang depensang-bakod at na ako’y tumilapon mula sa sasakyan habang ito’y gumugulong pababa sa isang 20-metrong dike. Salamat na lamang, kami ng mga magulang ko ay walang naalaala tungkol sa aksidente.

Pahiyaw akong humingi ng saklolo, at isang tsuper ng trak ang sumugod sa akin. Pagkatapos ay bumaba pa siya ng dike patungo sa kotse, kung saan nakulong ang aking mga magulang. “Sabihin ninyo sa ambulansiya na magmadali!” ang sigaw niya sa kaniyang kasama. “Masama ang kalagayan ng mga tao sa loob ng kotse!” Saka niya ako binalikan sa lugar kung saan ako nakahiga na hindi makakilos, at taglay ang mabuting intensiyon, sinikap niyang ituwid ang aking binti. Sumigaw ako sa tindi ng kirot, anupat natanto ko sa unang pagkakataon na ako’y lubhang napinsala.

Di-nagtagal at ako’y nasa loob na ng emergency room sa lokal na ospital sa Logroño. May kabaitang ipinaalam ng pulisya sa mga Saksi ni Jehova sa lugar na iyon kung saan ako naroon at kung ano ang nangyari. Karaka-raka, marami mula sa mga kongregasyon sa Estella at Logroño ang nasa tabi ng aking kama, pati na ang Hospital Liaison Committee roon. Tunay, sa buong panahon ng mahirap na karanasan ko sa ospital na ito, ang mahal na mga kapuwa Kristiyano na noon ko lamang nakilala ay handa at kusang nangalaga sa aking mga pangangailangan, sa lahat ng oras. Maibiging inalagaan din nila ang aking mga magulang, na gumaling nang husto anupat pinalabas sa ospital mga isang linggo pagkatapos ng aksidente.

Mga ala-1:00 n.u. noong Miyerkules, dumating ang mga doktor upang operahin ang aking nabaling balakang. Sinabi ko sa doktor na ayaw kong magpasalin ng dugo. * Bantulot siyang sumang-ayon na igalang ang aking kahilingan, bagaman sinabi niya sa akin na malamang na ako’y mamamatay. Nakaligtas ako sa operasyon, subalit nagtataka ako kung bakit ang aking mga sugat ay hindi nilinis, ni pinalitan man ang aking mga benda nang maglaon.

Noong Biyernes ang bilang ng aking dugo ay bumaba sa 4.7, at ako’y nanghihina. Ang doktor ay sumang-ayon na bigyan ako ng isang alternatibong paggamot​—mga iniksiyon ng erythropoietin (EPO), na, kasama ng iron at mga suplementong nagpaparami ng dugo, ay nagpapasigla sa paggawa ng pulang selula ng dugo. * Sa panahong ito, dumating na sina Jay at Joel. Anong inam na makita ang aking asawa at ang aking anak!

Bandang mga ala-1:30 n.u., sinabi ng isang doktor kay Jay na ang ospital ay kumuha na ng isang utos mula sa korte upang salinan ako ng dugo kung lulubha ang aking kalagayan. Sinabi sa kaniya ni Jay na ang aking mga kahilingan ay huwag akong salinan ng dugo sa ilalim ng anumang kalagayan. “Kung gayon, mamamatay siya!” ang sagot ng doktor.

Nakipag-usap si Jay sa Hospital Liaison Committee tungkol sa paglilipat sa akin sa ibang ospital​—isa na igagalang ang aking mga kahilingan. Hindi naman sa ang lahat sa ospital na ito ay kontra. Halimbawa, tiniyak sa akin ng isang doktor na gagawin niya ang lahat ng kaniyang magagawa upang matiyak na ako’y pakitunguhan taglay ang lahat ng paggalang na nararapat sa akin. Subalit di-nagtagal ay ginigipit ako ng ibang doktor. “Gusto mo bang mamatay at iwan ang iyong pamilya?” ang tanong nila. Tiniyak ko sa kanila na gusto ko ang pinakamainam na paggamot na hindi ginagamitan ng dugo. Ang mga doktor ay hindi naantig na tumulong. “Mamamatay ka!” ang tahasang sinabi ng isa.

Nasumpungan ng Hospital Liaison Committee ang isang ospital sa Barcelona na sumasang-ayon na gamutin ako nang walang dugo. Anong laking pagkakaiba sa pagitan ng dalawang ospital! Sa Barcelona ay marahan akong pinaliguan ng dalawang nars at ako’y nakadama ng ginhawa. Nang pinapalitan nila ang aking mga benda, nakita ng isa sa mga nars na ang mga ito’y berde at tumigas na dahil sa natuyong dugo. Sinabi niya na nahihiya siya dahil sa gayon ako pinakitunguhan ng kaniyang mga kababayan.

Di-nagtagal ako’y tumanggap ng medikal na paggamot na dapat sana’y sinimulan pa sa ospital sa Logroño. Kapuna-puna ang mga resulta. Sa loob ng ilang araw, ligtas na sa panganib ang aking mahahalagang sangkap, at ang bilang ng aking hemoglobin sa dugo ay tumaas tungo sa 7.3. Nang umalis ako ng ospital, ito ay tumaas sa 10.7. Nang mangailangan ako ng higit pang operasyon sa isang ospital sa Estados Unidos, ito ay naging 11.9.

Ako’y nagpapasalamat sa mga pagsisikap ng mga doktor at mga nars na handang sumunod sa mga kahilingan ng kanilang mga pasyente, sang-ayon man sila o hindi sa mga ito. Kapag iginagalang ng mga kawani sa ospital ang mga paniniwala ng isang pasyente, ginagamot nila ang kabuuan ng tao​—at sa gayo’y nagbibigay sila ng pinakamainam na paggamot na makukuha.

[Mga talababa]

^ par. 8 Sa mga kadahilanang salig sa Bibliya, ang mga Saksi ni Jehova ay tumatangging magpasalin ng dugo.​—Tingnan ang Genesis 9:4; Levitico 7:26, 27; 17:10-14; Deuteronomio 12:23-25; 15:23; Gawa 15:20, 28, 29; 21:25.

^ par. 9 Kung tatanggapin man o hindi ng isang Kristiyano ang EPO ay isang personal na desisyon.​—Tingnan Ang Bantayan ng Oktubre 1, 1994, pahina 31.

[Larawan sa pahina 12]

Kasama ang aking asawa at anak

[Larawan sa pahina 13]

Dalawang miyembro ng Hospital Liaison Committee