Isang Lupa na Walang mga Nakatanim na Bomba
Isang Lupa na Walang mga Nakatanim na Bomba
SINO kaya ang makalulutas sa problema hinggil sa mga nakatanim na bomba? Gaya ng nakita na natin, hindi kaya ng mga pagsisikap ng tao na alisin ang pagkapoot, panatismo, at kasakiman. Gayunman, natatanto ng mga estudyante ng Bibliya na kayang ibigay ng Maylalang ang isang namamalaging kalutasan. Subalit paano niya ito gagawin?
Pagtatatag ng Isang Mapayapang Lipunan
Ang mga digmaan ay labanan ng mga tao, hindi ng mga sandata. Samakatuwid, kung nais nating makita ang kapayapaan, dapat na alisin ang pagkapoot na nagbabaha-bahagi sa sangkatauhan tungo sa panlahi, pantribo, at pambansang mga grupo. Nangangako ang Diyos na gagawin niya ito sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian, na siyang itinuro sa milyun-milyon sa buong daigdig na ipanalangin.—Mateo 6:9, 10.
Binabanggit ng Bibliya na si Jehova “ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan.” (Roma 15:33) Ang kapayapaang iniaalok ng Diyos ay hindi nakasalig sa mga pagbabawal at mga kasunduan, ni ito’y dahil sa takot na paghigantihan ng isang lubusang nasasandatahang kaaway na bansa. Sa kabaligtaran, ang bigay-Diyos na kapayapaan ay nagsasangkot ng mga pagbabago sa paraan ng pag-iisip ng mga tao at sa mga saloobing taglay nila sa kanilang kapuwa tao.
Ituturo ng Diyos na Jehova sa maaamo ang kaniyang mga daan ng kapayapaan. (Awit 25:9) Ipinangangako ng kaniyang Salita, ang Bibliya, ang isang panahon na lahat niyaong nabubuhay ay “magiging mga taong naturuan ni Jehova, at ang kapayapaan ng iyong mga anak ay sasagana.” (Isaias 54:13) Sa isang antas, ito’y nagaganap na. Sa buong daigdig, ang mga Saksi ni Jehova ay kilala sa pagtataguyod ng kapayapaan kahit sa gitna ng mga taong may lubhang naiibang pinagmulan. Ang mga taong naturuan sa matataas na simulain ng Bibliya ay nagsisikap na mamuhay nang may pagkakaisa anuman ang mga isyung maaaring magbaha-bahagi sa kanila. Binabago ng edukasyon sa Bibliya ang kanilang buong pangmalas mula sa pagkapoot tungo sa pag-ibig.—Juan 13:34, 35; 1 Corinto 13:4-8.
Bukod sa edukasyon, matagal na ring itinuturing
na isang mahalagang elemento sa pagpawi sa mga sandata ang pangangailangan ukol sa pangglobong pagtutulungan. Halimbawa, inirerekomenda ng International Committee of the Red Cross na magkaisa ang internasyonal na pamayanan na itaguyod ang panghadlang at panlunas na mga hakbang sa pagharap sa panganib na dulot ng mga nakatanim na bomba.Nangangako si Jehova na makapupong higit pa rito ang kaniyang gagawin. Inihula ng propetang si Daniel: “Magtatatag ang Diyos sa langit ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. . . . Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng [umiiral na] mga kahariang ito, at iyon nga ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.”—Daniel 2:44.
Magagawa ng Kaharian ng Diyos ang hindi kayang gawin ng tao. Halimbawa, makahulang sinasabi sa Awit 46:9: “Pinatitigil niya [ni Jehova] ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa. Ang busog ay binabali niya at pinagpuputul-putol ang sibat; sinusunog niya ang mga karwahe sa apoy.” Pangyayarihin ng Kaharian ng Diyos ang isang kalagayan na doo’y tunay na tatamasahin ng tao ang kapayapaan sa piling ng kaniyang Maylalang at ng kaniyang kapuwa tao.—Isaias 2:4; Zefanias 3:9; Apocalipsis 21:3, 4; 22:2.
Si Augusto, na binanggit sa pambungad ng sinundang artikulo, ay nakasumpong ng kaaliwan sa mensaheng ito ng Bibliya. Ang kaniyang mga magulang, na mga Saksi ni Jehova, ay tumutulong sa kaniya na manampalataya sa kahanga-hangang mga pangako ng Bibliya. (Marcos 3:1-5) Mangyari pa, dapat niyang batahin sa kasalukuyan ang masaklap na bunga ng pagsabog ng nakatanim na bomba na lumumpo sa kaniya. Magkagayunman, inaasam-asam ni Augusto ang araw ng katuparan ng pangako ng Diyos hinggil sa isang paraisong lupa. “Sa panahong iyon,” inihula ng propetang si Isaias, “madidilat ang mga mata ng mga bulag, at . . . aakyat ang pilay na gaya ng lalaking usa.”—Isaias 35:5, 6.
Sa darating na Paraisong iyan, ang mga nakatanim na bomba ay hindi na magdudulot ng panganib sa buhay at sa mga paa’t kamay. Sa halip, ang mga taong nabubuhay sa lahat ng sulok ng daigdig ay mananahan sa katiwasayan. Ganito ang pagkakalarawan ng propetang si Mikas: “Sila ay uupo, ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang magpapanginig sa kanila; sapagkat ang mismong bibig ni Jehova ng mga hukbo ang nagsalita nito.”—Mikas 4:4.
Nais mo bang matuto pa hinggil sa mga pangako ng Diyos na nakasaad sa kaniyang Salita, ang Bibliya? Makipag-alam sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar, o sumulat sa angkop na direksiyon na nakatala sa pahina 5 ng magasing ito.
[Larawan sa pahina 8, 9]
Sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, hindi na magdudulot ng panganib ang mga nakatanim na bomba