Isang Hakbang ang Layo sa Kamatayan
Isang Hakbang ang Layo sa Kamatayan
“Kung minsan ay napapangarap kong dalawa muli ang aking mga binti. . . . Ilang taon na ang nakalipas, nang ako ay napakaliit pa, nakipaglaro ako sa aking mga kaibigan malapit sa aming bahay. Walang anu-ano ay ‘BOOM’. . . Ang buong kanang binti ko ay naputol sa pagsabog.”—Song Kosal, 12, Cambodia.
Bawat araw, sa katamtaman, mga 70 katao ang nalulumpo o namamatay dahil sa mga nakatanim na bomba. Karamihan sa mga biktima ay hindi mga sundalo. Sa halip, sila ay mga sibilyan—mga lalaking nagpapastol ng baka, mga babaing umiigib ng tubig, at mga batang naglalaro. Halimbawa, ang walong-taóng-gulang na si Rukia, na nakalarawan sa pabalat namin, ay nalumpo ng isang bomba na pumatay sa kaniyang tatlong kapatid na lalaki at sa kaniyang tiya.
Ang isang nakatanim na bomba ay maaaring manatiling aktibo sa loob ng mahigit na 50 taon matapos itong itanim. Kaya naman, “ito ang tanging sandatang umiiral na pumapatay ng mas maraming tao pagkaraang magwakas ang isang digmaan kaysa habang nasa kasagsagan ito,” ang sabi ng The Defense Monitor. Walang sinumang nakaaalam kung gaano karami ang mga nakatanim na bomba sa buong daigdig. Karaniwan lamang na marinig ang mga pagtaya na di-kukulangin sa 60 milyon. Totoo, maraming nakatanim na bomba ang inaalis na. Subalit nito lamang 1997, iniulat ng United Nations na “sa bawat bomba na naaalis, 20 naman ang naitatanim. Noong 1994, humigit-kumulang na 100,000 ang inalis, samantalang isang karagdagang 2 milyon ang itinanim.”
Bakit ang mga itinatanim na bomba ang pinipiling sandata ng marami sa mga makabagong-panahong kumandante ng militar? Anu-ano ang mga pinsalang nagagawa nito sa kabuhayan at sa lipunan? Paano naaapektuhan ang mga nakaligtas dito? Mapapawi pa kaya sa ating planeta ang mga nakatanim na bomba?
[Picture Credit Lines sa pahina 3]
© ICRC/David Higgs
Copyright Nic Dunlop/Panos Pictures