Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Talaga Bang Magkakaisa ang Europa?

Talaga Bang Magkakaisa ang Europa?

Talaga Bang Magkakaisa ang Europa?

KUNG nahihirapan kang maniwala na seryoso ang Europa hinggil sa pag-iisa, kailangan mo lamang tumawid sa ilang panloob na mga hangganan nito. Malaya na ngayong nakapaglalakbay ang mga tao sa loob ng European Union (EU). Halos hindi na kailangang maghintay bago tumawid sa mga hangganan. Siyempre pa, tuwang-tuwa ang mga naglalakbay​—ngunit hindi lamang sila ang makikinabang. Ang mga mamamayan ng mga bansa sa EU ay madali na ngayong nakapag-aaral, nakapagtatrabaho, at nakapagtatayo ng mga negosyo saanman sa loob ng EU. Ito naman ang umakay sa pagsulong ng ekonomiya sa mahihirap na lugar ng Union.

Ang madaling pagtawid sa mga hangganan ay talagang isang malaking pagbabago. Gayunman, dapat ba nating ipagpalagay na ang Europa ay napagkaisa na at na wala nang mga hadlang sa pag-iisa? Sa kabaligtaran, nagbabanta ang mga hadlang, na ang ilan sa mga ito ay talagang nakatatakot. Ngunit bago natin pag-usapan ang mga ito, tingnan natin ang isa sa pinakamalalaking hakbang tungo sa pagkakaisa na nagawa na hanggang sa kasalukuyan. Sa gayong paraan higit nating mauunawaan kung bakit umaasa ang mga tao nang gayon na lamang para sa pagkakaisa.

Mga Hakbang Tungo sa Pag-iisa ng Pananalapi

Magastos ang pagmamantini ng mga hangganan. Ang mga itinakdang pamamaraan sa adwana sa gitna ng 15 bansa na miyembro ng EU ay dating nagkakahalaga sa mga bansang iyon ng humigit-kumulang sa 12 bilyong euro bawat taon. Hindi nga kataka-taka, nagpasigla ng pag-unlad sa ekonomiya ang bagong kalagayan sa mga hangganan sa Europa. Kung iisipin mo ang 370 milyong mamamayan ng EU na malayang naglalakbay mula sa isang bansa patungo sa isa pang bansa sa loob ng iisang panlahatang pamilihan (common market), maliwanag na katangi-tangi ang potensiyal sa ekonomiya. Ano ang nagpaging posible sa gayong pag-unlad?

Noong Pebrero 1992, gumawa ng malaking hakbang ang mga lider ng pamahalaan sa landas tungo sa pagkakaisa sa pamamagitan ng paglagda sa Treaty on European Union, o ang Maastricht Treaty. Ang kasunduang iyon ang nagsaayos ng saligan para sa pagtatatag ng pinagkaisang pamilihan sa loob ng Europa, isang bangko sentral, at isang uri lamang ng pera. Gayunman, isa pang mahalagang hakbang ang kailangang isunod: ang pag-aalis ng mga pagbabagu-bago sa halaga ng palitan. Dahil kung iisipin, ang halaga ng palitan bukas ay nakaaapekto sa transaksiyon sa ngayon.

Ang hadlang na ito sa landas tungo sa pagkakaisa ay inalis sa pamamagitan ng pagtatatag ng Economic and Monetary Union (EMU) at paggamit sa euro bilang panlahatang pera. Wala nang gastos ngayon sa pagpapalit, at hindi na kailangan ngayon na ipagsanggalang ng mga negosyo ang kanilang mga sarili laban sa mga panganib ng presyo ng pagpapalit. Ang resulta nito ay mas mababang mga gastos sa negosyo at higit na kalakalang pang-internasyonal. Sa kabilang panig, maaari itong magdulot ng higit na trabaho at salaping mas maraming mabibili​—na pakikinabangan ng lahat.

Ang pagtatatag ng European Central Bank noong 1998 ay nagtakda ng isa pang mahalagang hakbang tungo sa paggamit ng isang uri lamang ng pera. Ang nagsasarili na bangkong ito, na matatagpuan sa lunsod ng Frankfurt sa Alemanya, ang humahawak ng sukdulang kapangyarihan sa pananalapi sa lahat ng kasaling mga pamahalaan. Nagsisikap ito upang panatilihing mababa ang implasyon sa tinatawag na euro zone, na binubuo ng 11 kasaling bansa, * at upang patatagin ang pagbabagu-bago sa halaga ng palitan sa pagitan ng euro, ng dolyar, at ng yen.

Kaya kung tungkol sa salapi, nagawa na ang malalaking hakbang tungo sa pagkakaisa. Gayunman, maliwanag na ipinakikita rin ng mga suliranin tungkol sa salapi ang malalim na di-pagkakaisa na umiiral pa rin sa gitna ng mga bansa sa Europa.

Higit Pang mga Suliranin sa Pananalapi

May mga hinaing ang mas mahihirap na bansa sa EU. Nadarama nila na hindi sapat ang ibinabahagi sa kanila na kayamanan ng mas mayayamang bansang kasapi. Wala alinman sa mga bansang kasapi ang nagkakaila sa pangangailangan na magbigay sa mas mahihirap na kasama sa Europa ng karagdagang pinansiyal na pagsuporta. Gayunman, nadarama naman ng mas mayayamang bansa na may makatuwiran silang mga dahilan sa hindi lubusang pagbibigay.

Kuning halimbawa ang Alemanya. Ang pananabik ng bansang iyon na magsilbing tagapagbayad ng gastusin para sa pag-iisa ng Europa ay maliwanag na naglalaho na ngayong lumalaki ang sarili nitong mga pasanin sa pinansiyal. Ang gastos lamang sa pag-iisa ng Silangang Alemanya at Kanlurang Alemanya ay napakalaki na​—halos isang daang bilyong dolyar bawat taon. Iyan ay sangkapat ng pambansang badyet! Ang mga pangyayaring ito ang naging dahilan upang ang utang ng gobyerno ng Alemanya ay tumaas nang gayon na lamang anupat kailangang gumawa ang Alemanya ng malaking mga pagsisikap upang maabot ang mga pamantayan sa pagsapi na itinalaga ng EMU.

Mga Bagong Miyembro na Nais Matanggap sa EU

Sa panandaliang panahon, umaasa ang mga tagapagtaguyod ng isang uri lamang ng pera na mapagtatagumpayan ng mga bansa ng EU na hindi pa kasali sa EMU ang mga hadlang sa kanila bago ang taóng 2002, kung kailan dapat sanang humalili ang mga barya at papel na euro sa mga pera ng Europa sa ngayon. Kapag hindi na nag-urong sulong ang Britanya, Denmark, at Sweden, maging ang mga tao sa mga lupaing iyon ay makasasaksi sa paghalili ng euro sa kanilang mga pound, kroner, at kronor.

Samantala, anim na iba pang mga bansa sa Europa ang kumakatok sa pinto ng EU. Ang mga ito ay ang Cyprus, Czech Republic, Estonia, Hungary, Poland, at Slovenia. Limang bansa pa ang naghihintay ng kanilang pagkakataon, iyon ay, ang Bulgaria, Latvia, Lithuania, Romania, at Slovakia. Hindi magiging mura ang kanilang pagpasok. Tinataya na sa pagitan ng taóng 2000 at 2006, ang EU ay kailangang maglaan ng 80 bilyong euro upang tulungan ang sampung baguhan mula sa Silangang Europa.

Gayunman, ang mga pondo na kailangang tipunin ng mga baguhan upang maabot ang mga kahilingan sa pagpasok sa EU ay mas maraming ulit ang kahigitan kaysa sa halaga na tatanggapin nila bilang tulong mula sa EU. Halimbawa, ang Hungary ay mangangailangan na gumastos ng 12 bilyong euro sa pagpapabuti ng mga lansangan nito at mga riles ng tren. Ang Czech Republic ay mangangailangan na gumastos ng mahigit na 3.4 bilyong euro sa mga pasilidad ng pagdadalisay ng tubig lamang, at ang Poland ay kailangang gumastos ng 3 bilyong euro upang bawasan ang pagbubuga ng asupre sa hangin. Gayunman, nadarama ng mga aplikante na mas marami ang mga pakinabang kaysa sa gastos. Una sa lahat, darami ang kanilang pangangalakal sa mga bansa ng EU. Gayunman, kailangan munang maghintay pansamantala ang mga aplikante. Ayon sa kasalukuyang opinyon ng publiko, ang bagong mga bansang kasapi ay dapat na tanggapin lamang pagkatapos na maisaayos ng EU ang sarili nitong mga suliranin sa pinansiyal.

Hinanakit, Nasyonalismo, at Kawalan ng Trabaho

Sa kabila ng lahat ng mga pagsisikap na ginawa tungo sa higit na pagkakaisa, mayroong pagkabahala tungkol sa mga kaganapan sa Kontinente, kapuwa sa loob at labas ng Europa. Malaki rin ang pagkabalisa hinggil sa kung paano aasikasuhin ang mga labanang etniko, gaya niyaong nagaganap sa nagkakawatak-watak na rehiyon sa Balkan​—una ay ang digmaan sa Bosnia at pagkatapos ay ang labanan sa Kosovo. Malimit na magtalo ang mga miyembro ng EU kung paano aasikasuhin ang gayong mga digmaan sa Europa at sa labas nito. Yamang ang EU ay hindi isang pederasyon ng mga estado at wala itong panlahatang patakaran para sa banyagang mga bansa, ang mga kapakanang pambansa ang kadalasang nangingibabaw. Maliwanag, ang mga kapakanang pambansa ay isang malaking hadlang sa isang ‘Estados Unidos ng Europa.’

May isa pang mabigat na suliranin ang Europa​—mataas na antas ng kawalan ng trabaho. Sa katamtaman, 10 porsiyento ng mga manggagawa ang walang trabaho. Nangangahulugan ito na mahigit na 16 na milyong tao ang walang trabaho. Sa maraming bansa, ang mga kabataan, na bumubuo sa halos sangkapat ng populasyon ng EU, ay gumagawa ng malalaking pagsisikap upang makahanap ng mga trabaho ngunit nabibigo lamang. Hindi kataka-taka na maraming tao ang nakadarama na ang pakikipaglaban sa malawakang kawalan ng trabaho ang pinakapangunahing hamon sa Europa! Hanggang sa ngayon, ang mga pagsisikap na paramihin ang mga trabaho para sa manggagawa ay bigo.

Gayunman, mayroong mas malaki pang hadlang sa pagkakaisa.

Sino ba ang Nangangasiwa?

Ang soberanya ang nananatiling pinakamalaking balakid upang matamo ang pagkakaisa sa Europa. Kailangang sumang-ayon ang mga bansang kasapi kung hanggang saan sila handang magparaya ng kanilang pambansang soberanya. Ang tunguhin ng EU ay upang magtatag ng isang supranational (pangkalahatan) na anyo ng pamamahala. Kung hindi ito mangyayari, ang sabi ng Le Monde, ang paggamit ng euro ay isa lamang “pansamantalang tagumpay.” Gayunman, nasumpungan ng ilang bansang kasapi na mahirap tanggapin ang ideya ng pagpapaubaya ng kapangyarihan. Halimbawa, ang lider ng isang bansa na kasapi sa EU ang nagsabi na ang kaniyang bansa ay “isinilang upang maging lider ng mga bansa, hindi isang tagasunod.”

Mauunawaan naman, natatakot ang mas maliliit na bansang kasapi na sa katagalan, ang malalaking bansa ang masusunod at tatanggi ang mga ito na tanggapin ang mga pasiya na makapipinsala sa kanilang pansariling mga kapakanan. Halimbawa, nag-iisip ang mas maliliit na bansa kung paano pagpapasiyahan kung aling mga bansa ang pagtatayuan ng mga punong-tanggapan ng iba’t ibang mga ahensiya ng EU. Mahalagang pagpapasiya ito dahilan sa mapararami ng gayong mga ahensiya ang trabaho sa mga bansang maglalaan ng pasilidad.

Sa harap ng ganitong nakasisiphayong mga hadlang sa pagkakaisa​—pagkakaiba sa ekonomiya, digmaan, kawalan ng trabaho, at nasyonalismo​—​waring napakadaling masiraan ng loob sa mga usapin tungkol sa pag-iisa ng Europa. Gayunman, ang katotohanan ay may nagawa nang di-pangkaraniwang pagsulong. Kung gaano pa kalaking pagsulong ang mangyayari sa hinaharap ay hindi pa tiyak. Ang mga suliranin na dumaragsa doon sa mga nagsisikap na pagkaisahin ang Europa ay pangunahin nang siya ring mga suliranin na dumaragsa sa lahat ng mga pamahalaan ng tao.

Magiging posible pa kaya kailanman na makapagtatag ng isang pamahalaan na makalulutas sa mga suliranin gaya ng alitang etniko, malaganap na kawalan ng trabaho, karalitaan, at digmaan? Makatotohanan bang isipin ang isang daigdig kung saan ang mga tao ay tunay na nagkakaisa? Isasaalang-alang ng susunod na artikulo ang sagot na maaaring ikagulat mo.

[Talababa]

^ par. 8 Ang mga bansang ito ay ang Alemanya, Austria, Belgium, Espanya, Finland, Ireland, Italya, Luxembourg, Netherlands, Portugal, at Pransiya. Dahil sa iba’t ibang kadahilanan, hindi pa ibinilang ang Denmark, Gran Britanya, Gresya, at Sweden.

[Kahon sa pahina 6]

Narito na ang Euro!

Bagaman hindi pa naman mawawala hanggang 2002 ang kasalukuyang pambansang mga barya at salaping papel ng mga kasapi sa European Union, isinasagawa na ang mga transaksiyong hindi naglalabas ng salapi na ginagamitan ng euro. Malaking gawain para sa mga bangko ang pagbabagong ito sa pananalapi. Gayunman, ang halaga ng palitan sa pagitan ng pambansang mga pera ng mga bansang kasapi at ng euro ay permanente na ngayon. Ang mga halaga rin sa mga pamilihan ng sapi ay ipinapaskil sa halaga ng euro. Maraming tindahan at mga negosyo ang naglagay ng presyo sa kanilang produkto kapuwa sa euro at sa lokal na pera.

Ang gayong pangangalakal ay nangangailangan ng malalaking pagbabago​—lalo na para sa maraming may-edad na mga tao, na hindi na makagagamit ng kanilang karaniwang deutsche mark, franc, o lira. Kahit ang mga cash register at mga automatic teller machine ay kailangang baguhin. Upang gawing mas madali hangga’t maaari ang pagbabago, inorganisa ang opisyal na mga kampanya para sa impormasyon upang ipagbigay-alam sa mga tao ang pagdating at paggamit ng euro.

Anuman ang natitirang mga hadlang, parating na ang euro. Sa katunayan, ang paggawa ng barya at pag-iimprenta ng euro ay nagsimula na. At napakalaking trabaho nito. Kahit na sa isang maliit na bansang tulad ng Netherlands, na may 15 milyong mamamayan, ang mga pagawaan ng barya at perang papel ay kailangang tumakbo nang tuluy-tuloy sa loob ng tatlong taon upang makagawa ng 2.8 bilyong barya at 380 milyong perang papel bago ang Enero 1, 2002. Kung pagpapatung-patungin ang lahat ng perang papel na ito, magiging isang salansan ito na 20 kilometro ang taas!

[Kahon sa pahina 7]

“Isa Bang Pagwasak-sa-Europa”?

Noong maagang bahagi ng 1999 muntik nang di-makaligtas sa isang malubhang pagkabigo ang European Commission, ang lupong tagapagpaganap ng European Union (EU). Pinaratangan ang komisyon ng pandaraya, katiwalian, at nepotismo. Isang komite ang binuo upang imbestigahan ang mga paratang. Pagkatapos ng anim-na-linggong imbestigasyon, nasumpungan ng komite na may nagawang pandaraya at maling pangangasiwa ang European Commission. Gayunman, walang nasumpungang ebidensiya ang nag-imbestigang komite na nagpayaman ang mga komisyonado.

Matapos ilathala ang ulat ng komite, nagbitiw ang buong European Commission noong Marso 1999​—isang hakbang na hindi pa kailanman ginawa. Nagdulot ito ng malubhang krisis para sa EU. Tinawag ito ng magasing Time na “isang pagwasak-sa-Europa.” Panahon na lamang ang makapagsasabi kung ano ang magiging epekto ng krisis na ito sa proseso ng pag-iisa ng Europa.

[Larawan sa pahina 5]

Naging mas madali nang tumawid sa mga hangganan sa Europa

[Larawan sa pahina 7]

Ang European Central Bank, na nasa Frankfurt, Alemanya, ay itinatag noong 1998