Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Pagkakaroon ng mga Anak—Ito ba ay Katunayan ng Pagkalalaki?
“May ilan akong kakilala [na mga lalaki] na nagsasabi, ‘May anak akong babae na nakatira rito at isang anak na lalaki na nakatira roon,’ at sa paraan ng kanilang pagsasabi nito, waring hindi sila nababahala.”—Harold.
TAUN-TAON, halos isang milyong tin-edyer na babae sa Estados Unidos ang nagdadalang-tao. Karamihan sa mga anak na isinilang ng gayong mga ina ay mga anak sa ligaw. Sa mga tin-edyer na inang ito, 1 sa bawat 4 ang magkakaroon ng pangalawang anak sa loob ng susunod na dalawang taon. Ganito ang sabi ng magasing Atlantic Monthly: “Kung magpapatuloy ang kalakarang ito, wala pang kalahati sa lahat ng mga batang isinilang ngayon ang mamumuhay nang patuluyan sa piling ng kanilang sariling ina at ama sa buong panahon ng kanilang pagkabata. Karamihan sa mga batang Amerikano ay gugugol ng maraming taon sa isang pamilyang may nagsosolong ina.”
Bagaman makapupong mas marami ang mga tin-edyer na nagdadalang-tao sa Estados Unidos kaysa sa iba pang mauunlad na bansa, ang problema hinggil sa mga anak sa ligaw ay pambuong daigdig. Sa ilang lupain sa Europa, gaya ng Inglatera at Pransiya, ang dami ng gayong pag-aanak ay katulad niyaong sa Estados Unidos. Sa ilang bansa sa Aprika at Timog Amerika, ang bilang ng isinisilang ng mga tin-edyer na babae ay halos doble niyaong sa Estados Unidos. Ano ang dahilan ng ganitong epidemya?
Ang Nasa Likod ng Epidemya
Sa kalakhang bahagi, ang situwasyong ito ay bunga ng pagbaba ng moral sa “mga panahong mapanganib” na ating kinabubuhayan. (2 Timoteo 3:1-5) Nito lamang nagdaang mga dekada, biglang tumaas ang bilang ng mga nagdidiborsiyo. Naging palasak ang homoseksuwal at iba pang mapagpipiliang istilo ng pamumuhay. Ang mga kabataan ang naging puntirya ng napakaraming propaganda ng media—malalaswang musika at mga music video, nakagigitlang mga artikulo sa magasin at mga anunsiyo, mga palabas sa TV at pelikula na pinagtitinging kaayaaya ang pakikipagtalik sa kaninumang maibigan. Ang kadalian ng pagkuha ng mga serbisyo sa aborsiyon at pagkontrol sa pag-aanak ay naging sanhi rin ng paglaganap ng pag-aakala ng mga kabataan na walang masamang ibubunga ang pakikipagtalik. Ganito ang sabi ng isang amang hindi kasal: “Gusto kong makipagtalik nang walang pananagutan.” “Ang pakikipagtalik ay isang libangan,” ang sabi naman ng isa pa.
Ang gayong mga saloobin ay maaaring lalo pang laganap sa mahihirap na kabataan. Ang mananaliksik na si Elijah Anderson ay malawakang nakipanayam sa mga kabataan sa mataong bahagi ng lunsod at nagsabi: “Para sa maraming batang lalaki, ang pakikipagtalik ay isang mahalagang simbolo ng katayuan sa lipunan sa lugar na
iyon; ang dami ng nagawang pakikipagtalik ay itinuturing na mga puntos ng tagumpay.” Sa katunayan, isang amang hindi kasal ang nagsabi sa Gumising! na ang dami ng nagawang pakikipagtalik ay malawakang minamalas bilang “mga tropeo na maaari mong idispley.” Ano ang mga sanhi ng gayong manhid na saloobin? Ipinaliliwanag ni Anderson na sa maraming kaso, ang pinakaimportanteng mga tao sa buhay ng isang kabataan sa mataong bahagi ng lunsod ay ang “mga miyembro ng kaniyang barkada. Sila ang nagtatakda sa mga pamantayan ng kaniyang paggawi, at mahalaga para sa kaniya ang makaabot sa mga pamantayang iyon.”Kaya naman napansin ni Anderson na para sa maraming kabataang lalaki, ang dami ng nagagawang pakikipagtalik ay parang isang laro lamang, “na ang layunin ay ang lokohin ang ibang tao, lalo na ang kabataang babae.” Sinabi pa niya na “kasali sa laro ang lahat ng paraan ng pagpapakilala ng batang lalaki sa kaniyang sarili, lakip na ang kaniyang pananamit, pag-aayos, hitsura, kakayahang sumayaw, at pakikipag-usap.” Maraming kabataang lalaki ang sanay na sanay na sa pagwawagi sa “larong” ito. Subalit sinabi ni Anderson: “Kapag ang batang babae ay nagdalang-tao, ang batang lalaki ay lumalayo na sa kaniya.”—Young Unwed Fathers—Changing Roles and Emerging Policies, isinaayos nina Robert Lerman at Theodora Ooms.
Ang Pangmalas ng Diyos
Subalit isa nga bang katunayan ng pagkalalaki ang pagkakaroon ng anak? Talaga nga bang laro lamang ang pakikipagtalik? Hindi gayon ayon sa ating Maylalang, ang Diyos na Jehova. Sa kaniyang Salita, ang Bibliya, niliwanag ng Diyos na ang pakikipagtalik ay may matayog na layunin. Matapos isaysay ang tungkol sa paglalang sa unang lalaki at babae, sinabi ng Bibliya: “Pinagpala sila ng Diyos at sinabi ng Diyos sa kanila: ‘Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa.’” (Genesis 1:27, 28) Hindi nilayon kailanman ng Diyos na ang mga anak ay iwan ng kanilang mga ama. Pinagsama niya ang unang lalaki at babae sa permanenteng buklod ng pag-aasawa. (Genesis 2:24) Kung gayon ay kalooban niya na bawat bata ay magkaroon kapuwa ng isang ina at isang ama.
Gayunman, di-nagtagal ay nagsimulang kumuha ang mga lalaki ng maraming asawa. (Genesis 4:19) Sinasabi sa atin ng Genesis 6:2 na maging ang ilang anghel ay ‘nakapansin sa mga anak na babae ng mga tao, na sila ay magaganda.’ Matapos magkatawang tao, ang mga anghel na ito ay “kumuha ng kani-kanilang mga asawa,” anupat buong-kasakimang kinuha ang “lahat ng kanilang pinili.” Dahil sa Baha noong panahon ni Noe, ang mga demonyong ito ay napilitang bumalik sa daigdig ng mga espiritu. Subalit ipinahihiwatig ng Bibliya na sila ngayon ay namamalagi sa kapaligiran ng lupa. (Apocalipsis 12:9-12) Kaya naman si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay may napakalakas na impluwensiya sa mga tao ngayon. (Efeso 2:2) Ang mga kabataang lalaki ay walang kamalay-malay na nagpapadala sa gayong balakyot na impluwensiya kapag sila ay nagiging ama ng di-ninanais at di-minamahal na mga bata.
Kung gayon, may mabuting dahilan na sabihin ng Kasulatan: “Ito ang kalooban ng Diyos, ang pagpapabanal sa inyo, na kayo ay umiwas sa pakikiapid; na ang bawat isa sa inyo ay dapat makaalam kung paano aariin ang kaniyang sariling sisidlan sa pagpapabanal at karangalan, hindi sa mapag-imbot na seksuwal na pagnanasa na gaya rin niyaong sa mga bansa na hindi nakakakilala sa Diyos; upang walang sinumang umabot hanggang sa punto ng pamiminsala at manghimasok sa mga karapatan ng kaniyang kapatid sa bagay na ito, sapagkat si Jehova ay isa na naglalapat ng kaparusahan para sa lahat ng mga bagay na ito.”—1 Tesalonica 4:3-6.
“Umiwas sa pakikiapid”? Maaaring ipagkibit-balikat ng maraming kabataang lalaki ang ideyang ito. Tutal, bata pa sila, at masidhi ang kanilang mga pagnanasa! Subalit pansinin na sangkot sa pakikiapid ang ‘pamiminsala at panghihimasok sa mga karapatan’ ng iba. Hindi ba pamiminsala sa isang batang babae na iwanan siyang may sanggol ngunit walang suporta ng isang asawang lalaki? At paano naman ang mga panganib na mahawahan siya ng isang sakit na naililipat ng pagtatalik, gaya ng genital herpes, syphilis, gonorrhea, o AIDS? Totoo, kung minsan ay posibleng maiwasan ang gayong masamang ibinubunga. Gayunpaman, ang pakikipagtalik bago ang kasal ay panghihimasok pa rin sa karapatan ng batang babae na maingatan ang isang mabuting reputasyon at makapasok sa pag-aasawa bilang isang birhen. Kaya naman ang pag-iwas sa pakikiapid ay makatuwiran at nagpapamalas ng pagkamaygulang. Totoo, kailangan ang pagpipigil sa sarili at determinasyon upang ‘magawang ariin ang sariling sisidlan ng isa’ at makaiwas mula sa pagtatalik bago ang kasal. Ngunit gaya ng sinasabi sa atin ng Isaias 48:17, 18, sa pamamagitan ng kaniyang mga batas, ‘tinuturuan tayo ng Diyos upang tayo’y makinabang.’
“Magpakalalaki Kayo”
Subalit, paano, kung gayon mapatutunayan ng isang kabataang lalaki ang kaniyang tunay na pagkalalaki? Tiyak na hindi sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga anak sa ligaw. Nagpapayo ang Bibliya: “Manatili kayong gising, tumayo kayong matatag sa pananampalataya, magpakalalaki kayo, magpakalakas kayo. Ang lahat ng inyong mga gawain ay maganap nawa na may pag-ibig.”—1 Corinto 16:13, 14.
Pansinin na sangkot sa ‘pagpapakalalaki’ ang pagiging alisto, matatag sa pananampalataya, malakas ang loob, at maibigin. Sabihin pa, mariing kumakapit ang mga simulaing ito kapuwa sa mga lalaki at mga babae. Subalit kung mapauunlad mo ang espirituwal na mga katangiang tulad nito, magkakaroon ng dahilan ang mga tao upang igalang at hangaan ka bilang isang tunay na lalaki! Matuto mula sa pinakadakilang tao na nabuhay kailanman—si Jesu-Kristo. Isipin na lamang ang kaniyang lalaking-lalaki at may lakas-loob na paggawi sa harap ng pagpapahirap at maging ng kamatayan. Subalit paano gumawi si Jesus sa harap ng di-kasekso?
Tiyak na nagkaroon ng pagkakataon si Jesus na masiyahan sa pakikipagsamahan sa mga babae. Marami siyang mga tagasunod na babae, ang ilan sa mga ito ay “naglilingkod sa [kaniya at sa kaniyang mga apostol] mula sa kanilang mga tinatangkilik.” (Lucas 8:3) Siya ay lalo nang malapit sa dalawang kapatid na babae ni Lazaro. Sa katunayan, sinasabi ng Bibliya na “iniibig ni Jesus si Marta at ang kaniyang kapatid na babae.” (Juan 11:5) Ginamit ba ni Jesus ang kaniyang talino, kagandahang-lalaki, o magandang pangangatawan, na siguradong taglay niya bilang isang sakdal na lalaki, upang marahuyo ang mga babaing ito sa imoral na mga gawain? Sa kabaligtaran, sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jesus na “hindi siya nakagawa ng kasalanan.” (1 Pedro 2:22) Hindi siya gumawi nang hindi wasto kahit na ang isang babae na kilalang-kilala bilang isang makasalanan, marahil isang nagbibili ng aliw, ay “tumangis at nagpasimulang basain ang kaniyang mga paa ng luha niya at pinupunasan niya ang mga iyon ng buhok ng kaniyang ulo.” (Lucas 7:37, 38) Ni hindi inisip ni Jesus na pagsamantalahan ang mahinang babaing ito! Ipinamalas niya na kaya niyang kontrolin ang kaniyang damdamin—ang tanda ng isang tunay na lalaki. Pinakitunguhan niya ang mga babae, hindi bilang mga bagay na para lamang sa pakikipagtalik, kundi bilang mga indibiduwal na karapat-dapat ibigin at igalang.
Kung ikaw ay isang kabataang Kristiyanong lalaki, ang pagsunod sa halimbawa ni Kristo—at hindi sa ilang kasamahan mo—ang hahadlang sa iyo mula sa ‘pamiminsala at panghihimasok sa karapatan’ ng isang tao. Ipagsasanggalang ka rin nito mula sa pagdanas ng masaklap na trahedya ng pagiging ama ng isang anak sa ligaw. Totoo, maaaring tuksuhin ka ng iba dahil sa pag-iwas mo sa pakikiapid. Ngunit sa dakong huli, ang pagtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos ay pakikinabangan mo nang higit kaysa sa pagtatamo ng pansamantalang pagsang-ayon ng iyong mga kasamahan.—Kawikaan 27:11.
Subalit, paano kung ang isang kabataan ay namuhay nang imoral noon ngunit tinalikdan na niya ang kaniyang imoral na landasin at tunay nang nagsisi? Kung gayon, gaya ng nagsising si Haring David, na nasangkot din sa di-wastong paggawi sa sekso, siya ay makatitiyak na patatawarin siya ng Diyos. (2 Samuel 11:2-5; 12:13; Awit 51:1, 2) Ngunit kung nagbunga iyon ng anak sa ligaw, ang isang kabataang lalaki ay maaaring may seryosong mga pagpapasiya pa rin na dapat gawin. Dapat ba niyang pakasalan ang kabataang babae? Mayroon ba siyang anumang pananagutan sa kaniyang anak? Tatalakayin ng isang artikulo sa hinaharap ang mga katanungang ito.
[Mga larawan sa pahina 15]
Maraming kabataan ang may-kamaliang nag-aakala na walang masamang ibubunga ang pakikipagtalik