Isang Marsupial na Paluksu-lukso Kung Lumakad
Isang Marsupial na Paluksu-lukso Kung Lumakad
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA AUSTRALIA
“PAG-UWI ko ng bahay mula sa paaralan araw-araw, si Joey, ang aking alagang kangaroo, ay nauupo at naghihintay sa akin sa may tarangkahan,” gunita ni John. “Pagbukas na pagbukas ko sa tarangkahan, lulukso siya sa akin at yayapusin ako ng kaniyang mga paa sa harapan at yayapusin ko siya. Nag-uusap kami sa isang wika na nagsasabing, ‘Natutuwa akong makita ka!’ Pagkatapos si Joey ay tatalon nang ilang metro patungo sa driveway na tulad ng isang asong tuwang-tuwa, lulundag pabalik, at uulitin ito hanggang makarating kami sa bahay.”
Ang mga taong nakatira sa iláng ng Australia ay legal na pinahihintulutang magkaroon ng mga alagang kangaroo, katulad ng pamilya ni John. Karaniwan na, ang mga kangaroo na ito ay mga ulila, na nasagip bilang mga supling pagkatapos mapatay ang kanilang mga ina, marahil habang tumatawid sa daan. Kahit na ito ang ipinangalan ni John sa kaniyang alagang hayop, ang “joey” ay, sa katunayan, ang karaniwang tawag sa isang supling na kangaroo.
Natural, nais ng pamilyang umampon sa supling na kangaroo na siya’y agad na mapalagay. Kaya ang isa sa unang mga bagay na ginawa nila ay bigyan ito ng isang lukbutan. Pinili nila ang isang ligtas na lugar—at medyo malapit sa dapugang may tsiminea—at doon ay isinabit nila ang isang malaki at matibay na telang supot na nahahawig sa lukbutan ng isang nanay na kangaroo. Pagkatapos ay inilagay nila ang joey sa loob nito na may isang bote ng mainit at pantanging inihandang
gatas. Sa ganitong paraan maraming joey ang natulungang mabuhay. Di-nagtatagal ang mga ito’y nasasanay sa kanilang bagong lukbutan at lumulukso rito na una ang ulo, na para bang ito’y sa kanilang ina.Paano Mo Ilalarawan ang Isang Kangaroo?
Ang mga hayop na nagpapalaki ng kanilang mga anak sa loob ng isang lukbutan, o marsupium, ay tinatawag na mga marsupial. Binubuo ng mga 260 uri, kabilang sa mga marsupial ang kangaroo, koala, wombat, bandicoot, at opossum, ang tanging mga uri na katutubo sa Hilagang Amerika. Mauunawaan naman, nasumpungan ng sinaunang mga manggagalugad na ang pambihirang mga hayop na ito, lalo na ang kangaroo, ay mahirap ilarawan sa mga tao sa kanilang bansa. Ang unang sumulat ng salitang “kangaroo” sa Ingles ay ang Britanong manggagalugad na si Captain James Cook. Itinulad niya ang hayop sa ‘isang galgo na tumatalong gaya ng isang kuneho o ng isang usa.’ Nang maglaon, nang isang buháy na kangaroo ang itanghal sa London, ito ay lumikha ng matinding kasiyahan.
Ang mga kangaroo ay may malalaking tainga na pumipihit sa isang ulo na parang usa. Ang kanilang maliliit subalit malalakas na paa sa harapan ay parang kamay ng tao, lalo na kapag nakatayo nang tuwid ang kangaroo. Ang mga kangaroo ay mayroon ding malalaki at maskuladong balakang; isang mahaba, makapal at nakabaluktot na buntot; at, sabihin pa, napakalaking paa—isang katangian na nagbigay sa kanila ng pangalan na “Macropodidae,” na ang ibig sabihin ay “mahahabang paa.”
Iba’t iba ang laki ng mga 55 uri ng Macropodidae mula sa sinlaki ng tao hanggang sa sinlaki ng daga. Lahat ng Macropodidae ay may maiikling paa sa harapan at mahahabang paa sa likuran para sa paglukso. Ang mga pulang kangaroo, abuhing kangaroo, at mga wallaroo, o euro, ang pinakamalalaki. Isang lalaking pulang kangaroo ang sumukat nang mahigit na pitong talampakan mula sa kaniyang ilong hanggang sa dulo ng kaniyang buntot at tumimbang nang 77 kilo. Ang mas maliliit na uri ng kangaroo ay tinatawag na wallaby.
Nakakita ka na ba o nakabalita tungkol sa isang kangaroo na nakatira sa mga punungkahoy? Buweno, sa maniwala ka o hindi, ang mga kangaroo ay may “unggoy” sa pamilya—ang tree kangaroo. Masusumpungan sa tropikal na maulang kagubatan ng New Guinea at hilagang-silangan ng Australia, ang mga hayop na ito na maiikli ang paa at maliliksi, ay sanay na sanay sa mga punungkahoy, nakalulukso ng mga 9 na metro mula sa isang sanga o puno tungo sa iba pa. Sa gabi ay bumababa sila sa pinakasahig ng kagubatan, kung saan sila nanginginain pangunahin na ng mga halamang gamot at mga uod ng insekto.
Mabilis, Magandang Kumilos, Mahusay
Kapag kumikilos nang mabagal, ang mga kangaroo ay waring asiwa at wala sa ayos. Ang kanilang buntot at maiikling paa sa harapan ay nagiging tripod na sumusuporta sa kanilang timbang habang inihahakbang ang mga paa sa likuran. Ngunit ang mga ito ay mahuhusay na mananakbo. Kapag lumulukso sa kahabaan nang hanggang 50 kilometro bawat oras, ginagamit nila ang kanilang malaking buntot bilang panimbang sa kanilang sarili. Ayon sa The World Book Encyclopedia, “maaari [nilang] maabot ang pinakamatulin na bilis na 60 kilometro [38 milya] bawat oras.” Sa kaso ng isang malaking kangaroo, ang isang mabilis na lukso ay maaaring umabot ng mula 9 hanggang 13.5 metro—isang lukso na halos maituturing na paglipad!
Ang mga kangaroo ay hindi lamang mabilis kundi mahusay din sa kanilang paggamit ng enerhiya. Si Propesor Uwe Proske, ng Monash University
sa Melbourne, Australia, ay nagsasabi na ang nakukunsumong oksiheno ng isang kangaroo ay sa katunayan mas matipid sa enerhiya kapag lumulukso nang matulin kaysa kung lumulukso nang mabagal. Tinantiya rin ni Proske na “sa 20 kilometro [12 milya] bawat oras o mas mabilis pa, ang enerhiyang nagagamit ng lumuluksong kangaroo ay mas mababa kaysa sa mamal na may inunan at apat ang paa [isang mamal na isinilang na ganap ang anyo, gaya ng isang aso o isang usa] na magkasimbigat, na tumatakbo sa magkaparehong bilis.” Dahil sa matipid na paggamit ng kangaroo ng enerhiya sa pagluksu-lukso, nakapaglalakbay ito ng malalayong distansiya nang hindi napapagod. Subalit paano nagagawa ng kangaroo na tumakbo nang napakatipid?Ang sekreto ay nasa mahahaba nitong Achilles tendon (mga litid na naghuhugpong ng mga kalamnan sa binti sa sakong). “Para bang ang mga kangaroo ay lumulukso na may pares ng mga nakalikaw na muwelye,” ang sabi ni Proske. Tulad niyaong nakahugpong sa kalamnan ng binti ng tao, ang mga Achilles tendon ng kangaroo ay nababanat kapag lumalapag at umuurong naman kapag lumulukso. Ang mga kangaroo ay lumulukso sa magkakatulad na bilang ng lukso sa bawat segundo (mga dalawa para sa pulang kangaroo) sa iba’t ibang tulin. Upang bumilis, hinahabaan lamang nila ang kanilang bawat hakbang. Maliban na lamang kapag nagulat ang isang kangaroo. Ito ay kumakaripas sa pamamagitan ng maliliit at mabibilis na lukso upang maging mas mabilis.
Eksperto ring mga manlalangoy ang mga kangaroo. Hindi lamang nila ginagamit ang kanilang malalakas na binti kundi lalo pang bumibilis ang kanilang paglangoy dahil sa pagkampay ng kanilang buntot sa magkabi-kabila. Kapag hinabol ng mga aso, ang mga kangaroo ay kilala sa paggamit ng kanilang kasanayan sa tubig sa pamamagitan ng paglukso sa tubig o sa ilog. Ang sinumang matapang na aso na hahabol sa kangaroo ay agad na isasalya sa ilalim ng tubig sa pamamagitan ng maskuladong mga paa sa harapan ng kangaroo at limang-daliring pangalmot, na bawat isa’y nasasangkapan ng matatalim na kuko. Si John, na nabanggit sa pasimula, ay may dalawang aso na halos ilunod ng isang ligaw na lalaking kangaroo nang mag-away ang mga ito sa isang maliit na imbakan ng tubig na nasa lote ng kaniyang pamilya.
Ang Kamangha-manghang Pagsilang ng Marsupial
Bagaman ang mga adulto ay malakas at matipuno, ang mga kangaroo ay lubhang hindi pa kumpleto at napakahina kapag isinilang. Katulad lamang ng mamula-mulang uod na sumusukat
ng mga isang pulgada ang haba at wala pang isang onsa ang timbang, ang mga ito’y walang buhok, bulag, at bingi kapag isinilang. Gayunman, dahil sa unang nagkakaroon ito ng mga paa sa harapan na nasasangkapan ng matatalim na kuko at sensitibo ang pang-amoy, ang munting “uod” ay likas na gumagapang sa balahibo ng ina nito hanggang sa lukbutan nito. Kapag nasa loob na ng lukbutan, ito ay kumakapit sa isa sa apat na pasusuhan na utong. Ang dulo ng utong ay agad na lumalaki sa loob ng bibig ng supling, anupat mahigpit na nakakapit dito sa loob ng ilang linggo. Kung isasaalang-alang ang paraan ng paglalakbay ng ina nito, maliwanag na isang bentaha nga ang mahigpit na pagkapit! Sa katunayan, napakahusay ng pagkakakapit nito anupat ipinalalagay ng naunang mga tagamasid na ang batang kangaroo ay lumalaki sa utong!Sabihin pa, sa dakong huli ay lumalaki ang joey sa yugtong iiwan na nito ang lukbutan, bagaman pansamantala lamang sa pasimula. Subalit, pagkaraan ng pito hanggang sampung buwan, kapag ito’y ganap nang naawat, iiwan nito ang lukbutan nang permanente. Subalit balikan natin ang panahon nang unang kumapit ang joey sa isang utong at tingnan natin ang isa pang kamangha-manghang bagay hinggil sa pagpaparami ng kangaroo.
Mga ilang araw pagkatapos kumapit ang bagong silang sa utong ng ina nito, ang ina ay muling nakikipagtalik. Ang nabuong bilig mula sa pagtatalik na ito ay lumalaki sa loob ng mga isang linggo, subalit ito’y natutulog—o naghihintay, wika nga—samantalang ang mas nakatatandang kapatid ay patuloy na lumalaki sa loob ng lukbutan. Kapag ang mas matanda subalit hindi pa rin naaawat na kapatid ay umalis sa lukbutan, ang bilig sa bahay-bata ay magpapatuloy muling lumaki. Pagkatapos ng 30-araw na pagbubuntis, kumakabit din ito sa isang utong, subalit hindi sa isa na sinususuhan ng mas nakatatandang kapatid.
Ito ang isa pang kamangha-manghang bagay hinggil sa biyolohiya ng kangaroo. Ang ina ay nagbibigay sa kaniyang pinakabatang joey ng isang uri ng gatas at ibang uri naman sa mas nakatatanda. Sa pagkokomento tungkol dito, ganito ang sabi ng Scientific American: “Ang dalawang gatas na inilalabas ng magkahiwalay na glandula ng gatas ay lubhang naiiba sa dami at sangkap. Kung paano nagagawa ito sa ilalim ng iisang kalagayan ng hormone ay isang nakapagtatakang katanungan.”
Kung Saan Makakakita ng mga Kangaroo
Kung gusto mong makakita ng mga kangaroo sa kanilang likas na kalagayan, dapat ay handa kang iwan ang mga lunsod at magtungo sa iláng o sa liblib na lugar ng Australia. Yamang naghahanap ng damo at maliliit na halaman, ang mga kangaroo ay masusumpungan na nag-iisa gayundin sa maliliit na grupo o sa malalaking grupo na tinatawag na mga mob, na pinangangasiwaan ng malalaking lalaking kangaroo na tinatawag na mga boomer. Dahilan sa ang mga kangaroo ay pangunahin nang kumakain sa gabi at natutulog sa lilim (kung saan sila ay nakapagbabalatkayo) sa kainitan ng araw, ang mabuting panahon upang makita sila ay sa madaling-araw o sa takipsilim. Subalit sa mas malamig na panahon, maaaring aktibo ang mga ito sa maghapon. Anuman ang kalagayan, tiyaking magdala ng mga telephoto lens at mga largabista—ang mga kangaroo sa iláng ay napakamahiyaing mga hayop.
Mangyari pa, makikita mo rin ang mga kangaroo sa karamihan ng mga zoo, kanlungan ng mga buhay-iláng, at mga pambansang parke sa buong Australia at gayundin sa iba pang bansa. Ang regular na pagkalantad sa mga tao ay nagpangyari sa mga kangaroo na ito na hindi na gaanong mahiyain, kung kaya maaari ka nang makakuha ng litrato nang malapitan, marahil maging ng isang ina na may isang joey na nakasilip mula sa kaniyang lukbutan. Ang mas malalaking joey ay laging nakatatawa kapag sila ay lumulukso na una ang ulo sa lukbutan ng kanilang ina, na ang kanilang mahahabang binti ay asiwang nakalabas, anupat ang inang kangaroo ay nagmumukhang isang bag sa pamimili na punung-puno ng laman. (Ang mga batang kangaroo ay waring puro binti!) Ang isang magandang lalaking kangaroo ay baka magpakita pa nga sa iyo na nakatayo nang tuwid at maringal. Anong malay mo? Maaari ka pa ngang makakita ng dalawang malalaking boomer na nakatayong mataas hanggang sa ipahihintulot ng kanilang mahahaba at malalakas na paa at parang nagboboksing—tunay na mga boxing kangaroo!
Subalit para sa marami, ang pinakamagandang makita ay ang malaking pula o abuhing lalaking kangaroo na napakabilis na lumulukso. Totoo, ang ibang mga hayop ay maaaring makatakbo nang mas mabilis o makatalon nang mas mataas, subalit wala kang makikitang ibang nilalang na may gayong kahanga-hangang kombinasyon ng magandang kilos, lakas, at paluksu-lukso sa dalawa lamang na malalakas na binti.
[Larawan sa pahina 17]
Ang sekreto sa paluksu-lukso nitong paglakad ay ang mahahaba nitong mga Achilles tendon