Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Teolohiya ng Kasaganaan Nasumpungan kong ang artikulo sa “Pagmamasid sa Daigdig” na “Teolohiya ng Kasaganaan” (Hunyo 22, 1999) ay labis na nakaliligaw, sa magalang na pananalita. Pinasisigla ng mga simbahang Pentecostal at karismatik saanman ang pagbibigay ng salig sa mabubuting simulain ng Bibliya. Ang artikulo ay isinulat taglay ang isang mapanghatol na saloobin.
C. B., Estados Unidos
Buong-kawastuan at makatuwirang sinipi ng aming artikulo ang mga salita ng teologong Lutherano na si Wanda Deifelt gaya ng makikita sa “ENI Bulletin,” ang newsletter ng World Council of Churches. Gaya ng pagkakasabi, ang artikulo sa newsletter na iyon ay hindi tungkol sa mga simbahang Pentecostal at karismatik sa pangkalahatan kundi espesipikong nakapatungkol sa ilang simbahan sa Latin Amerika.—ED.
Vinland Nais ko kayong pasalamatan sa artikulong “Nasaan Kaya ang Maalamat na Vinland?” (Hulyo 8, 1999) Matagal na akong interesado sa mga Viking at umasang tatalakayin ninyo ang paksang ito. Sa wakas ay napagbigyan ang aking hiling.
S. S., Hapon
Ang inyong mga artikulo ay nakapagtuturo. Gayunman, nais kong linawin ang isang punto. Ginagamit ng maraming mananalaysay ang kilalang tawag na “mga Viking” para lamang sa mga piratang Norse na lumusob sa baybayin ng Europa.
J. S., Estados Unidos
Sinangguni ng “Gumising!” ang ilang iginagalang na mga mananalaysay sa Norway at Greenland hinggil sa bagay na ito. Ang kuru-kuro ng karamihan ay na bagaman maaaring may ilang di-pagkakasundo sa gitna ng mga mananalaysay hinggil sa paggamit ng terminong “Viking,” ang mga terminong “mga Viking” at “mga Norseman” ay halos magkasingkahulugan sa mga lugar na nagsasalita ng Ingles.—ED.
Nakaligtas Nang Buháy sa Bilangguan Nais ko kayong pasalamatan mula sa kaibuturan ng aking puso dahil sa artikulong “Ang Diyos ang Naging Katulong Namin.” (Hunyo 22, 1999) Napaluha ako dahil sa kagalakan habang binabasa ko kung paano natutuhan ni Francisco Coana ang katotohanan at kung paano niya ginawang pangunahin sa kaniyang buhay ang paglilingkod kay Jehova. Ang pagbabasa tungkol sa mga pagsubok na dinanas ng aking mga kapatid na Kristiyano sa Mozambique ay tunay na nakapagpapatibay sa pananampalataya.
J. H., Estados Unidos
May Sakit na mga Magulang Ako ay naantig ng artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Malubha si Inay?” (Hulyo 22, 1999) Hindi ko akalain na napakaraming ibang mga kabataan na, kagaya ko, ay may pribilehiyo ng pag-aalaga sa may-sakit na minamahal sa buhay. Nakipisan sa amin ang aking lola, at siya ay naparatay na sa higaan sa loob ng apat na buwan. Nabibigatan na ako at napapagod sa pag-aalaga sa kaniya. Nagkaroon ako ng lubhang kinakailangang lakas mula sa pagbasa ng artikulo. Ipinadama nito sa akin ang pagtitiwala sa alalay ni Jehova.
J. P., Pilipinas
Malaking kaaliwan sa akin ang artikulo, at binigyan ako nito ng lakas upang alalayan ang aking ina, na nagdaranas ng panlulumo. Nagamit ko ang mga mungkahi na ibinigay ng artikulo na tingnan ang situwasyon nang mas makatotohanan at magpakita ng higit na empatiya, unawa, at taktika.
G. L., Italya
Ang artikulo ay dumating sa angkop na panahon. May kanser ako, at kapisan ko ang aking anak na lalaki. Ang aking anak na lalaki ay nagdurusa nang gayon na lamang anupat hindi ko na alam kung paano siya aaliwin. Eksaktong nailarawan ng artikulo ang kaniyang mga nadarama. Ang mga artikulong ito ay hindi lamang para sa mga kabataan. Ang mga ito ay tungkol sa buhay mismo.
R. Z., Alemanya
Tinulungan ako ng artikulong ito na matanto kung gaano kahalaga ang manatiling aktibo sa espirituwal. Nabatid ko na matutulungan mo lamang ang isang may-sakit na tao kung pananatilihin mo na nakatuon sa Kaharian ng Diyos ang iyong sariling buhay.
P. E., Austria