Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Dumaranas ng Kaigtingan
“Halos kalahati ng mga taga-Canada ay nagrereklamo na dumaranas sila ng katamtaman hanggang sa matitinding antas ng kaigtingan sa pagtitimbang sa kanilang buhay sa trabaho at sa tahanan,” ulat ng Vancouver Sun. “Dalawang beses ang kahigitan niyan kaysa noong nakaraang dekada.” Bakit? Isang surbey ng Conference Board of Canada ang nagsiwalat na dumami ang mga manggagawang taga-Canada na nag-aalaga sa mga miyembro ng pamilya. Marami ang nag-aanak kapag may-edad na, at sila’y malimit na napapaharap sa hamon “ng magkasabay na pag-aalaga sa mga anak at mga magulang.” Bagaman 84 na porsiyento ang nakadarama pa rin ng kasiyahan sa kanilang trabaho, binanggit ng ulat na kapag nagkaproblema sa pagbabalanse sa mga gawain sa tahanan at sa trabaho, “ang unang binabawasan ng nakararami ay ang kanilang panahon sa sarili at sa pagtulog.” Sinabi ng Conference Board: “Nagbubunga ito ng kaigtingan, at napipinsala ang kalusugan.”
Pagtuturo ng Paggalang sa Awtoridad
“Ang mga magulang sa ngayon ay halos hindi na humihiling ng paggalang sa kanilang awtoridad anupat baka pinabababa natin ang paggalang ng ating mga anak sa kanilang sarili,” ang sabi ng ulat sa The Toronto Star. “Ang pagkaalam sa kanilang mga limitasyon, sa totoo, ay tumutugon sa pangangailangan ng mga bata ng kabatiran kung ano ang aasahan at ng seguridad—na tumutulong naman sa kanila na makadama ng mas mataas na paggalang sa sarili,” sabi ng espesyalista sa paggawi na si Ronald Morrish. “Ang mga bata na lumalaking walang kinikilalang mga tuntunin at mga pananagutan ang nakadarama ng kakulangan ng seguridad at pagtitiwala sa sarili.” Sabi pa niya: “May alam akong mga batang 6 anyos na nagtatakda ng kanilang sariling oras ng pagtulog. Nakakakita ako ng mga batang 3 anyos na sinisikap hikayatin ng kanilang ina na huwag maglikot sa pamamagitan ng pagpapaliwanag kung ano ang nadarama ni Nanay hinggil dito.” Ang mga bata ay kailangang matutong sumunod sa mga tuntunin ng pamilya, at mali ang ideya na sila’y likas na nagiging mas masuwayin habang sila’y tumatanda, sabi ni Morrish. “Inaasahan natin na patuloy na matututo ang mga bata sa paaralan taun-taon. Kung gayon, bakit hindi rin natin asahan na susulong ang paggawi ng mga bata taun-taon?” tanong niya. “Kung hindi ninyo maipapupulot sa isang paslit ang isang laruan, hindi kayo magkakaroon ng tin-edyer na susunod sa takdang oras ng pag-uwi.”
Mga Rekording Para sa mga Nanginginain sa Bakuran
Natuklasan ng mga siyentipikong taga-Canada na ang mga batang hayop sa bukid ay mapasisiglang manginain sa pamamagitan ng pagpapatugtog ng mga rekording para sa kanila, ang ulat ng New Scientist. “Inirekord namin ang huni ng inahing manok kapag nakakakita ito ng isang bagay na nais niyang ipakain sa kaniyang mga sisiw,” ang sabi ni Luis Bate ng University of Prince Edward Island. Nang ang mga rekording ay pinatugtog sa mga loudspeaker na inilagay malapit sa pagkain, kumain ang mga sisiw kahit na wala ang inahin. Subalit dapat na eksakto ang mga tunog. Ganito ang napansin ni Bate: “Nang patugtugin namin para sa kanila ang huni ng isang inahing manok matapos mapisa ang mga itlog, na sa aking pandinig ay katulad ng huni kapag nag-aanyaya itong kumain, hindi nagsikilos ang mga sisiw.” Tunguhin ng mga siyentipiko na pabilisin ang paglaki ng mga hayop, at sa unang mga eksperimento, lumaki ang mga sisiw ng 20 porsiyento na mas mabilis kaysa sa normal na paglaki sa kanilang unang tatlong linggo. Sa katulad na mga eksperimento, ang mga sisiw na pabo at mga biik ay mapasisigla ring kumain nang mas madalas.
Reseta Para sa Panganib
“Higit na marami ang namatay sa mga gamot sa Alemanya nitong nakaraang taon kaysa sa mga aksidente sa sasakyan,” ang ulat ng pahayagang Stuttgarter Nachrichten. Ayon sa ulat, 25,000 katao ang namatay noong 1998 dahil sa maling pagrereseta ng mga gamot. Ito ay tatlong ulit ng dami ng mga namatay sa mga aksidente sa sasakyan noong panahon ding iyon. Sinasabi na pumapangalawa lamang dito ang epektong dulot ng paggamot sa sarili. Lumilitaw na ang pangunahing problema ay ang kakulangan ng impormasyon at pagsasanay sa mga doktor tungkol sa mga gamot at sa mga epekto ng mga ito. Ang parmakologong si Ingolf Cascorbi ay nagsabi na ayon sa isang pagtaya, “taun-taon sa Alemanya, maiiwasan sana ang 10,000 kamatayan at 250,000 kaso ng pagdurusa ng mga tao dahil sa malulubhang epekto ng gamot kung lubusang isinagawa ang pagsasaliksik at pagsasanay,” ang sabi ng ulat.
Gayundin naman, iniuulat ng magasin sa Pransiya na Sciences et avenir ang isang pag-aaral kamakailan sa Pransiya na nagsisiwalat na sa 150,000 mga resetang ibinigay sa mga taong mahigit nang 70 taóng gulang, halos 10,700 ang alinman sa mali o hindi mabisa. Halos 1 sa bawat 50 reseta ay potensiyal na magdudulot ng panganib dahil sa posibleng mga reaksiyon ng mga ito sa ibang iniresetang gamot o iba pang mga peligro. Sa Pransiya, tinataya na ang mga taong may-edad na ay gumugugol ng isang milyong araw taun-taon sa ospital bunga ng negatibong mga reaksiyon sa gamot.