Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Pagsisinungaling—Ito ba’y Nabigyang-Matuwid Kailanman?

Pagsisinungaling—Ito ba’y Nabigyang-Matuwid Kailanman?

“NAIIWASAN KUNG MINSAN ANG NAPAKAHABANG PAGPAPALIWANAG DAHIL SA KAUNTING DI-PAGSASABI NG TOTOO.

INILALARAWAN ng komentong ito kung ano ang nadarama ng maraming tao hinggil sa pagsisinungaling. Ikinakatuwiran nila na hindi naman mali ang pagsisinungaling kung hindi naman ito nakapipinsala sa iba. Mayroon pa ngang akademikong katawagan ang gayong pangangatuwiran​—situation ethics, na nagsasabi na ang tanging batas na kailangan mong sundin ay ang tinatawag na batas ng pag-ibig. Sa ibang pananalita, gaya ng paliwanag ng awtor na si Diane Komp, “kung tama ang iyong motibo at wasto ang iyong intensiyon (kung gayon) ang bagay na ikaw ay nagsinungaling . . . ay hindi na mahalaga.”

Karaniwan na ang gayong pangmalas sa daigdig ngayon. Ginimbal ang lipunan ng mga iskandalo na may kinalaman sa pagsisinungaling ng kilalang mga pulitiko at ng iba pang lider sa daigdig. Palibhasa’y naimpluwensiyahan ng kalakarang ito, maraming tao ang naging maluwag sa kanilang pananagutan na magsabi ng totoo. Nagiging opisyal na patakaran pa nga ang pagsisinungaling sa ilang lugar. “Binabayaran ako upang magsinungaling. Nananalo ako sa mga paligsahan sa pagbebenta at taun-taon ay tumatanggap ako ng kapuri-puring panunuri kapag ako’y nagsisinungaling. . . . Waring ito ang pangunahing salik sa pagsasanay ukol sa tingiang pagbebenta saanman,” ang reklamo ng isang tindera. Marami ang naniniwala na wala naman talagang masama sa tinatawag na maliliit na kasinungalingan (white lies). Totoo ba ito? May pagkakataon ba na maaaring bigyang-matuwid ang pagsisinungaling ng mga Kristiyano?

Ang Mataas na Pamantayan ng Bibliya

Lubusang hinahatulan ng Bibliya ang lahat ng uri ng pagsisinungaling. ‘Pupuksain [ng Diyos] yaong mga nagsasalita ng kasinungalingan,’ ang sabi ng salmista. (Awit 5:6; tingnan ang Apocalipsis 22:15.) Sa Kawikaan 6:16-19, itinatala ng Bibliya ang pitong bagay na kinamumuhian ni Jehova. Ang “bulaang dila” at “bulaang saksi na nagbubunsod ng mga kasinungalingan” ay pangunahing kabilang sa talaang ito. Bakit? Sapagkat kinapopootan ni Jehova ang pinsalang nagagawa ng pagbubulaan. Isang dahilan iyan kung bakit tinawag ni Jesus si Satanas na isang sinungaling at isang mamamatay-tao. Isinadlak ng kaniyang mga kasinungalingan ang sangkatauhan sa kahirapan at kamatayan.​—Genesis 3:4, 5; Juan 8:44; Roma 5:12.

Itinampok ng nangyari kina Ananias at Safira kung gaano kaselan ang pangmalas ni Jehova sa pagsisinungaling. Kusang nagsinungaling ang dalawang ito sa mga apostol sa pagtatangkang magtinging mas bukas-palad kaysa sa tunay na pagkatao nila. Ang kanilang ginawa ay kusa at pinag-isipan nang patiuna. Kaya naman sinabi ni apostol Pedro: “Nagbulaan ka, hindi sa tao, kundi sa Diyos.” Dahil dito, pareho silang namatay sa kamay ng Diyos.​—Gawa 5:1-10.

Pagkalipas ng mga taon, pinayuhan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano: “Huwag kayong magsisinungaling sa isa’t isa.” (Colosas 3:9) Ang payong ito ay lalo nang mahalaga sa Kristiyanong kongregasyon. Sinabi ni Jesus na ang may simulaing pag-ibig ang magiging mapagkakakilanlang tanda ng kaniyang tunay na mga tagasunod. (Juan 13:34, 35) Maaari lamang lumago at umunlad ang gayong walang-pagpapaimbabaw na pag-ibig sa isang kapaligirang lipos ng katapatan at pagtitiwala. Mahirap ibigin ang isang tao kung hindi tayo makapagtitiwala na siya’y laging magsasabi sa atin ng katotohanan.

Bagaman ang lahat ng pagsisinungaling ay masama, ang ilang pagsisinungaling ay mas malubha kaysa sa iba. Halimbawa, baka magsinungaling ang isang tao dahil sa pagkapahiya o pagkatakot. Ang iba naman ay may kabalakyutang nagsisinungaling taglay ang intensiyong maminsala o manakit. Dahil sa kaniyang buktot na motibo, ang gayong kusang-loob na nagsisinungaling ay isang panganib para sa iba at ititiwalag sa kongregasyon kung hindi siya magsisisi. Yamang hindi naman lahat ng pagsisinungaling ay udyok ng kabuktutan, dapat na maging maingat na huwag humatol nang di-kinakailangan kundi tiyakin na alam ng isa ang lahat ng salik na nasasangkot kapag nagsinungaling ang isang tao. Dapat na isaalang-alang ang mga motibo at makatuwirang mga kadahilanan.​—Santiago 2:13.

“Maingat Gaya ng mga Serpiyente”

Mangyari pa, ang pagsasabi ng totoo ay hindi naman nangangahulugan na obligado tayong magsiwalat ng lahat ng impormasyon sa sinuman na nagtatanong sa atin tungkol dito. ‘Huwag ninyong ibigay sa mga aso kung ano ang banal, ni ihagis ang inyong mga perlas sa harap ng mga baboy, upang hindi sila kailanman . . . bumaling at kayo ay wakwakin,’ ang babala ni Jesus, sa Mateo 7:6. Halimbawa, walang karapatan ang mga taong may masamang motibo na malaman ang ilang mga bagay. Nauunawaan ng mga Kristiyano na sila’y nabubuhay sa isang palaaway na sanlibutan. Sa gayon, pinayuhan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na maging “maingat gaya ng mga serpiyente” samantalang nananatiling “inosente gaya ng mga kalapati.” (Mateo 10:16; Juan 15:19) Hindi laging isinisiwalat ni Jesus ang buong katotohanan, lalo na kapag ang pagsisiwalat ng lahat ng totoong bagay ay maaaring magdulot ng di-kinakailangang pinsala sa kaniyang sarili o sa kaniyang mga alagad. Gayunpaman, kahit sa gayong pagkakataon, hindi siya nagsinungaling. Sa halip, ipinasiya niya na alinman sa hindi na lamang magsalita o ibahin ang usapan.​—Mateo 15:1-6; 21:23-27; Juan 7:3-10.

Ang tapat na mga lalaki at babae na binanggit sa Bibliya, gaya nina Abraham, Isaac, Rahab, at David, ay matatalino at maiingat din naman kapag nakikitungo sa posibleng mga kaaway. (Genesis 20:11-​13; 26:9; Josue 2:1-6; 1 Samuel 21:10-​14) Itinuturing ng Bibliya na tapat na mga mananamba ang gayong mga lalaki’t babae na ang mga buhay ay kinakitaan ng pagkamasunurin. Kaya naman karapat-dapat silang tularan.​—Roma 15:4; Hebreo 11:8-​10, 20, 31, 32-39.

May mga pagkakataon na waring ang pinakamadaling gawin ay ang magsinungaling. Subalit dapat tularan ng mga Kristiyano sa ngayon ang ginawa ni Jesus at sundin ang kanilang budhing sinanay sa Bibliya lalo na kapag napapaharap sa mahihirap na situwasyon.​—Hebreo 5:14.

Hinihimok tayo ng Bibliya na magsalita nang totoo at tapat. Ang pagsisinungaling ay mali, at dapat nating sundin ang payo ng Bibliya: “Magsalita ng katotohanan ang bawat isa sa inyo sa kaniyang kapuwa.” (Efeso 4:25) Sa paggawa ng gayon, magkakaroon tayo ng malinis na budhi, mapasusulong ang kapayapaan at pag-ibig sa kongregasyon, at patuloy na mapapupurihan “ang Diyos ng katotohanan.”​—Awit 31:5; Hebreo 13:18.

[Larawan sa pahina 20]

Naiwala nina Ananias at Safira ang kanilang buhay dahil sa pagsisinungaling