Ang Black Death—Salot sa Europa Noong Edad Medya
Ang Black Death—Salot sa Europa Noong Edad Medya
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Pransiya
Ang taon noon ay 1347. Ang salot ay nanalanta na sa Malayong Silangan. Ngayon ay lumaganap na ito sa silanganing hangganan ng Europa.
KINUKUBKOB noon ng mga Mongol ang nakukutaang himpilang pangkalakal ng mga taga-Genoa, ang Kaffa, na tinatawag ngayong Feodosiya, sa Crimea. Palibhasa’y nangamatay rin ang marami sa kanila dahil sa mahiwagang sakit, itinigil ng mga Mongol ang kanilang pagsalakay. Subalit bago umatras, nagsagawa muna sila ng nakamamatay na panunudla. Ginagamit ang higanteng mga katapulta, pinaghahagis nila sa kabila ng mga pader ng lunsod ang maiinit pang bangkay ng mga biktima ng salot. Nang lumulan na nang dakong huli sa kanilang mga galera ang ilan sa mga tagapagtanggol ng Genoa upang lisanin na ang ngayo’y sinasalot na bayan, ikinalat nila ang sakit sa bawat daungan na kanilang puntahan.
Sa loob lamang ng mga buwan ay kalát na ang mga namamatay sa buong Europa. Mabilis itong lumaganap sa Hilagang Aprika, Italya, Espanya, Inglatera, Pransiya, Austria, Hungary, Switzerland, Alemanya, Scandinavia, at sa Baltics. Sa loob ng mahigit lamang sa dalawang taon, mahigit sa sangkapat ng populasyon ng Europa, mga 25 milyong kaluluwa, ang naging biktima ng tinawag noon na “pinakabrutal na kapahamakan sa populasyon na nakilala kailanman ng sangkatauhan”—ang Black Death. *
Naihanda ang Kalagayan Para sa Sakuna
Ang trahedya hinggil sa Black Death ay nagsasangkot nang higit pa kaysa sa sakit lamang. Maraming salik ang naging dahilan ng paglala ng sakunang ito, isa na rito ang sigasig sa relihiyon. Isang halimbawa ay ang doktrina ng purgatoryo. “Sa katapusan ng ika-13 siglo, laganap na ang paniniwala sa purgatoryo,” ang sabi ng mananalaysay na Pranses na si Jacques le Goff. Sa unang mga taon ng ika-14 na siglo, inilabas ni Dante ang kaniyang maimpluwensiyang akda na The Divine Comedy, na may malilinaw na paglalarawan hinggil sa impiyerno at purgatoryo. Kaya naman isang relihiyosong kapaligiran ang naitatag kung saan nakahilig ang mga tao na harapin ang salot taglay ang nakagugulat na pagwawalang-bahala at pagpaparaya, anupat minamalas ito bilang isang parusa mula sa Diyos mismo. Gaya ng makikita natin, ang gayong negatibong kondisyon ng isipan ang talagang nagpalubha sa paglaganap ng sakit. “Wala nang mas mainam na kapaligiran na magpapalaganap sa salot kaysa roon,” ang sabi ng aklat na The Black Death, ni Philip Ziegler.
Bukod dito, nariyan din naman ang problema hinggil sa paulit-ulit na kakapusan ng ani sa Europa. Bunga nito, ang dumaraming populasyon ng kontinente ay kulang sa nutrisyon—hindi handa para labanan ang sakit.
Lumaganap ang Salot
Ayon sa personal na doktor ni Pope Clement VI, si Guy de Chauliac, dalawang uri ng salot ang nanalanta sa Europa: may kinalaman sa pulmonya at
pamamaga (bubonic). Malinaw niyang inilarawan ang mga sakit na ito, anupat isinulat: “Ang una ay nagtagal nang dalawang buwan, na may kasamang patuluyang lagnat at pagdura ng dugo, at sa sakit na ito ay namamatay ang isa sa loob ng tatlong araw. Ang ikalawa naman ay nanatili sa buong panahon ng epidemya, mayroon din itong kasamang patuluyang lagnat ngunit lakip ang pagnanaknak [pag-iipon ng nana] at pagkakabakukang ng mga panlabas na bahagi ng katawan, lalo na sa kili-kili at singit. Sa sakit na ito ay namamatay ang isa sa loob ng limang araw.” Walang magawa ang mga doktor para mapigil ang paglaganap ng salot.Maraming tao ang tumakas sa matinding takot—anupat iniwan ang libu-libong nahawahan. Sa katunayan, kabilang sa unang nagsitakas ay ang mayayamang maharlika at mga propesyonal. Bagaman ang ilang klerigo ay nagsitakas din, maraming relihiyosong orden ang nagtago sa kanilang mga monasteryo, anupat umaasang makaligtas mula sa pagkahawa.
Sa gitna ng pagkakagulong ito, idineklara ng papa ang 1350 bilang isang Banal na Taon. Ang mga peregrinong maglalakbay patungong Roma ay pahihintulutang makarating sa paraiso nang hindi na kinakailangang dumaan sa purgatoryo! Daan-daang libong peregrino ang tumugon sa panawagan—anupat ikinakalat ang salot habang sila’y naglalakbay.
Bigong mga Pagsisikap
Nabigo ang mga pagsisikap na kontrolin ang Black Death dahil isa man ay walang nakaaalam kung paano ito naililipat. Ang alam ng karamihan ay na ang pagkakadaiti sa isang maysakit—o kahit sa kaniyang damit lamang—ay mapanganib. Kinatatakutan pa nga ng ilan maging ang titig ng isang maysakit! Gayunman, sinisi naman ng mga naninirahan sa Florence, Italya, ang mga pusa at aso roon bilang mga sanhi ng salot. Pinagpapatay nila ang mga hayop na ito, anupat di-natatanto na sa paggawa niyaon, pinagkakalooban nila ng kalayaan ang isang nilikha na siya talagang sangkot sa pagpapalaganap ng sakit—ang daga.
Habang dumarami ang mga namamatay, ang ilan ay humingi ng tulong sa Diyos. Ibinigay ng mga lalaki at babae sa simbahan ang lahat ng kanilang tinataglay, anupat umaasa na ipagsasanggalang sila ng Diyos mula sa sakit—o sa paano man ay gagantimpalaan sila ng makalangit na buhay kung sila’y mamatay. Nagdulot ito ng napakalaking kayamanan sa mga kamay ng simbahan. Ang mga anting-anting, imahen ni Kristo, at mga pilakterya ay naging popular ding mga panlaban sa sakit. Ang iba naman ay bumaling sa pamahiin, mahika, at huwad na panggagamot para gumaling. Ang mga pabango, suka, at pantanging mga timpla ay sinasabing nagtataboy sa sakit. Ang pagpapaagas ng dugo ay isa pang paboritong lunas. Ang salot ay iniugnay pa nga ng pakultad ng mga matatalinong manggagamot sa University of Paris sa pagkakaayos ng mga planeta! Gayunman, ang maling mga paliwanag at “mga gamot” ay walang nagawa upang pigilin ang paglaganap ng nakamamatay na salot na ito.
Nagtatagal na mga Epekto
Sa loob ng limang taon, sa wakas ay waring naglaho rin ang Black Death. Subalit bago matapos ang siglo, bumalik ito nang di-kukulangin sa apat na beses. Kaya naman ang kasunod na mga epekto ng Black Death ay naihambing sa kasunod na mga epekto ng Digmaang Pandaigdig I. “Halos nagkakaisa ang makabagong mga mananalaysay na ang paglitaw ng katutubong salot ay may malaking pinsalang nagawa kapuwa sa ekonomiya at sa lipunan pagkatapos ng 1348,” ang sabi ng 1996 na aklat na The Black Death in England. Nilipol ng salot ang malaking bahagi ng populasyon, at maraming siglo ang lumipas bago nakabawi ang ilang lugar. Dahil nabawasan ang mga manggagawa, ang bayad sa mga manggagawa ay likas lamang na tumaas. Nabangkarote ang dati’y mayayamang may-ari ng lupa, at ang feudal system—isang pagkakakilanlan ng Edad Medya—ay gumuho.
Samakatuwid, ang salot ang siyang nagbunsod ng mga pagbabago sa pulitika, relihiyon, at lipunan. Bago ang salot, Pranses ang karaniwang wika na ginagamit ng mga edukadong tao sa
Inglatera. Gayunman, ang pagkamatay ng maraming guro sa wikang Pranses ay nakatulong sa wikang Ingles upang ito’y manaig sa wikang Pranses sa Britanya. Nagkaroon din ng pagbabago sa daigdig ng relihiyon. Gaya ng sabi ng mananalaysay na Pranses na si Jacqueline Brossollet, dahil sa kakulangan ng mga kandidato sa pagkapari, “napakadalas na ang Simbahan ay kumukuha ng mga ignorante at walang-malasakit na mga indibiduwal.” Idiniin ni Brossollet na “ang pagbaba ng uri ng mga sentro [ng simbahan] ukol sa pagkatuto at pananampalataya ang isa sa mga sanhi ng Repormasyon.”Tiyak na nakapag-iwan ng marka ang Black Death sa sining, anupat ang kamatayan ang nagiging karaniwang tema sa sining. Ang bantog na danse macabre genre (sayaw ng kamatayan), na karaniwan nang naglalarawan ng mga kalansay at bangkay, ay naging isang popular na alegorya tungkol sa kapangyarihan ng kamatayan. Palibhasa’y di-nakatitiyak sa kinabukasan, marami sa mga nakaligtas sa salot ang nagpakasasa sa kawalan ng mabuting asal. Kaya naman ang moralidad ay nasadlak sa napakababang kalagayan. Kung tungkol naman sa simbahan, dahil sa pagkabigo nitong hadlangan ang Black Death, “nadama ng tao noong edad medya na binigo siya ng kaniyang Simbahan.” (The Black Death) Sinasabi rin ng ilang mananalaysay na ang sumunod na mga pagbabago sa lipunan bunga ng paglitaw ng Black Death ang naging
dahilan ng indibiduwalismo at pangangalakal at nagpasulong sa higit na pagkilos ng lipunan at ng ekonomiya—ang mga tagapanguna sa kapitalismo.Napakilos din ng Black Death ang mga pamahalaan na magtatag ng mga sistema tungkol sa pagkontrol sa kalinisan. Matapos humupa ang salot, gumawa ng hakbang ang Venice upang linisin ang mga lansangan sa lunsod nito. Si Haring John II ng Pransiya, ang tinawag na Mabuti, ay nag-utos din na linisin ang mga lansangan bilang paraan ng paglaban sa banta ng isang epidemya. Ginawa ng hari ang hakbanging ito matapos na malaman na nailigtas ng isang sinaunang doktor na Griego ang Atenas mula sa salot sa pamamagitan ng paglilinis at paghuhugas sa mga lansangan. Maraming lansangan noong edad medya, na may bukás na kanal, ang nalinis din sa wakas.
Isa na Kayang Nakalipas na Bagay?
Gayunman, noon lamang 1894 natuklasan ng baktiryologong si Alexandre Yersin ang baktirya na may pananagutan sa Black Death. Tinawag itong Yersinia pestis, alinsunod sa kaniyang pangalan. Pagkaraan ng apat na taon, isa pang lalaking Pranses, si Paul-Louis Simond, ang nakatuklas sa papel ng pulgas (na dala ng mga daga) sa pagkalat ng sakit. Di-nagtagal at isang bakuna ang naimbento na bahagyang nagtagumpay.
Ang salot kayang ito ay isa nang nakalipas na bagay? Hinding-hindi. Noong taglamig ng 1910, mga 50,000 tao ang namatay dahil sa salot na ito sa Manchuria. At taun-taon, inirerehistro ng World Health Organization ang libu-libong bagong mga kaso—ang bilang ay patuloy na tumataas. Natuklasan din na may mga bagong uri ang sakit na ito—mga uri na hindi na tinatablan ng gamot. Oo, malibang sundin ang mga saligang mga pamantayan sa kalinisan, ang salot na ito ay mananatiling isang banta sa sangkatauhan. Kaya naman ang aklat na Pourquoi la peste? Le rat, la puce et le bubon (Bakit ang Salot? Ang Daga, ang Pulgas, at ang Bubo), na inayos nina Jacqueline Brossollet at Henri Mollaret, ay naghinuha na “tiyak na hindi lamang ito isang sakit ng sinaunang Europa noong Edad Medya, . . . ang nakalulungkot, marahil ang salot na ito ay isang sakit sa hinaharap.”
[Talababa]
^ par. 5 Tinawag ito ng mga tao noong panahong iyon na ang matinding peste o ang epidemya.
[Blurb sa pahina 23]
Ibinigay ng mga lalaki at babae sa simbahan ang lahat ng kanilang tinataglay, anupat umaasa na ipagsasanggalang sila ng Diyos mula sa sakit
[Kahon/Larawan sa pahina 24]
Ang Sekta ng mga Flagellant
Palibhasa’y minamalas ang salot bilang isang parusa mula sa Diyos, sinikap ng iba na pahupain ang galit ng Diyos sa pamamagitan ng paghampas sa sarili, o flagellation. Ang Brotherhood of the Flagellants, isang kilusan na sinasabing may miyembro na umabot sa 800,000, ay sumapit sa kasukdulan ng popularidad nito noong panahon ng Black Death. Ang alituntunin ng sekta ay nagbabawal sa pakikipag-usap sa babae, paghuhugas, o pagpapalit ng damit. Ang hayagang paghahampas ay isinasagawa nang dalawang beses sa isang araw.
“Ang flagellation ay isa sa ilang bagay na maaaring pag-ukulan ng pansin ng isang populasyon na sinaklot ng takot,” ang sabi ng aklat na Medieval Heresy. Ang mga Flagellant ay kilala rin sa pagtuligsa sa herarkiya ng simbahan at sa pagwawalang-bahala sa malakas-kumitang tradisyon ng simbahan na pagkakaloob ng kapatawaran. Hindi nga kataka-taka, kung gayon, na noong 1349 ay hinatulan ng papa ang sekta. Sa katapusan, ang kilusan ay naglaho nang kusa pagkatapos na lumipas ang Black Death.
[Larawan]
Sinikap ng mga Flagellant na payapain ang Diyos
[Credit Line]
© Bibliothèque Royale de Belgique, Bruxelles
[Larawan sa pahina 25]
Ang salot sa Marseilles, Pransiya
[Credit Line]
© Cliché Bibliothèque Nationale de France, Paris
[Larawan sa pahina 25]
Natuklasan ni Alexandre Yersin ang baktirya na siyang sanhi ng salot
[Credit Line]
Culver Pictures