Sagad-sa-Balat na Pag-aahit
Sagad-sa-Balat na Pag-aahit
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA AUSTRALIA
KUNG ang isang lalaki ay gumugugol ng limang minuto bawat araw sa pag-aahit at ginagawa ito araw-araw sa loob ng 50 taon, gugugol siya ng mahigit nang kaunti sa 63 araw ng kaniyang buhay sa pag-aahit ng balbas at bigote! Ano kaya ang nadarama ng mga lalaki hinggil sa araw-araw na ritwal na ito?
Isang kamakailang impormal na surbey ang pinagmulan ng mga komentong ito hinggil sa pag-aahit: “Ayoko nito.” “Inis na inis ako rito.” “Isa ito sa mga panganib sa buhay.” “Isang bagay ito na iiwasan kailanma’t maiiwasan.” Kung talagang ayaw na ayaw ng ilang lalaki ang pag-aahit ng balbas at bigote, bakit nila ginagawa ito? Pag-aralan natin ang ilan pang bagay hinggil sa pag-aahit. Marahil ay masusumpungan natin ang sagot.
Mula sa Balat ng Tulya Tungo sa Itinatapong Pang-ahit
Naguniguni mo na bang mag-ahit na gamit ang balat ng tulya? Ang isang ngipin ng pating? Marahil ang isang matalas na piraso ng bato? Naipakita na ng mga tao ang kahanga-hangang talino sa pagpili ng mga kasangkapan sa pag-aahit! Sa sinaunang Ehipto, ang mga lalaki ay nag-aahit sa pamamagitan ng isang tansong pang-ahit na katulad ng isang maliit na ulo ng palakol. Hindi pa natatagalan, noong ika-18 at ika-19 na mga siglo, ang nakilala bilang mga labaha ay ginawa, pangunahin na sa Sheffield, Inglatera. Kadalasan ay napapalamutian, ang mga pang-ahit na ito ay may paukab na aserong talim na naititiklop sa loob ng hawakan kapag hindi ginagamit. Ang mga kasangkapang ito ay dapat na gamitin nang buong ingat, at walang-alinlangan na magkakasugat-sugat ka muna bago mo makasanayang gamitin ang mga ito. Para sa mga di-gaanong magaling ang kamay, ang unang paggamit nito ay magiging isang masakit na karanasan. Gayunman, ang ika-20 siglo ay naglaan ng ginhawa.
Noong 1901, isang lalaki sa Estados Unidos na nagngangalang King Camp Gillette ang nagpatente ng isang ligtas na pang-ahit na may itinatapong talim. Sinikap ng daigdig na mahigitan ang kaniyang ideyang ito at sa dakong huli ay umakay ito sa pagkakaroon ng iba’t ibang disenyo, pati na ang mga pang-ahit na ang mga hawakan ay tubóg sa pilak o ginto. Kabilang sa kamakailang naimbento ay ang mga pang-ahit na itinatapon nang buo, mga pang-ahit na may doblehan o tatluhan pa ngang talim, at mga pang-ahit na may gumagalaw o umiikot na mga uluhan.
Mangyari pa, hindi rin dapat kalimutan ang mga pang-ahit na de-kuryente, na unang lumabas sa pamilihan noong 1931. Patuloy na sumulong ang kahusayan at popularidad nito, ngunit ang matalas na dulo ng isang talim ang siya pa ring ginagamit ng marami na nagnanais ng isang tunay na sagad-sa-balat na pag-aahit.
Ang Pabalik-balik na Kausuhan sa Kasaysayan
Mula pa noong unang panahon, pabalik-balik lamang ang kausuhan ng balbas sa sangkatauhan. Ang sinaunang mga Ehipsiyo, sabi ng aklat na Everyday Life in Ancient Egypt, “ay hindi nakilala sa pagiging balbon at ipinagmamalaki nila ang makinis na pagkakaahit sa kanilang mga sarili, na gumagamit ng de-kalidad na mga pang-ahit na itinatago nila sa malinis na lalagyang katad.” Maaaring liwanagin ng kostumbreng ito kung bakit ang bilanggong Hebreo na si Jose ay nag-ahit muna bago humarap kay Paraon.—Genesis 41:14.
Ang mga Asiryano naman ay isang lahi ng mga lalaking kilala sa pagkakaroon ng magagandang balbas. Dala ng kahambugan, labis-labis ang kanilang pangangalaga at atensiyon sa kanilang mga balbas, anupat ang mga ito’y maingat na kinukulot, tinitirintas, at inaayos.
Ang mga sinaunang Israelitang lalaki naman noon ay may katamtamang haba ng balbas, at sila’y gumagamit ng mga pang-ahit upang mapanatili itong maayos. Kaya, ano ang ibig sabihin ng Kautusan ng Diyos nang utusan nito ang mga Israelitang lalaki na huwag ‘gupitin nang maikli ang buhok sa palibot ng kanilang ulo’ o “sirain ang dulo” ng kanilang balbas? Ito’y hindi naman isang utos na nagbabawal sa paggupit ng *—Levitico 19:27; Jeremias 9:25, 26; 25:23; 49:32.
buhok o balbas. Sa halip, hinihimok nito ang mga lalaking Israelita na huwag tularan ang labis-labis na mga relihiyosong gawain ng karatig na mga bansang pagano.Sa sinaunang lipunan ng mga Griego, karaniwan nang may balbas ang lahat ng lalaki maliban sa mga maharlika, na kadalasa’y makinis ang pagkakaahit sa kanila. Sa Roma, ang kaugalian ng pag-aahit ay waring nagsimula noong ikalawang siglo B.C.E., at sa loob ng ilang siglo mula noon, nanatiling kostumbre ang araw-araw na pag-aahit.
Gayunman, nang bumagsak ang Imperyong Romano, nauso na naman ang balbas, na nagpatuloy sa loob ng 1,000 taon hanggang sa ikalawang kalahatian ng ika-17 siglo, kung saan nauso na naman ang pag-aahit. Ang makinis na pag-aahit ay nagpatuloy hanggang sa matapos ang ika-18 siglo. Subalit, pagsapit ng kalahatian hanggang sa pagtatapos ng ika-19 na siglo, ang pendulo ay umugoy naman sa kabila. Kaya naman, makikita sa mga larawan nina C. T. Russell, ang unang presidente ng Watch Tower Society, at ng kapuwa Kristiyano na si W. E. Van Amburgh na pareho silang may sunod-sa-uso at maayos na balbas na kagalang-galang tingnan at nababagay naman noong kapanahunan nila. Gayunman, noong pasimulang bahagi ng ika-20 siglo, muli na namang naging popular ang pag-aahit na nagpatuloy sa karamihan ng mga bansa hanggang sa panahon natin.
Isa ka ba sa milyun-milyong lalaki na gumagamit ng talim upang isagawa ang araw-araw na ritwal na iyan sa harap ng salamin? Kung oo, walang-pagsalang nanaisin mong gawin ito nang hindi ka nasasaktan, nasusugatan, at nang mahusay hangga’t maaari. Upang magawa iyan, baka gusto mong tingnan ang mga mungkahing nasa kahong “Mga Tip sa Pag-aahit na Gamit ang Isang Talim.” Malamang na ginagawa mo na ang ilan sa mga mungkahing ito. Anuman ang kalagayan—masiyahan sa malinis at sagad-sa-balat na pag-aahit!
[Mga talababa]
^ par. 12 Tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 266 at 1021, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 23]
Mga Tip sa Pag-aahit na Gamit ang Isang Talim
Ang aklat na Men’s Hair ay nagbibigay ng sumusunod na mga mungkahi para sa epektibong pag-aahit na gamit ang isang talim. *
1. Pagpapalambot ng iyong bagong-tubong balbas: Ang tanging paraan upang mapalambot nang husto ang balbas at bigote ay ang paghihilamos ng mainit na tubig. Hangga’t maaari, mag-ahit pagkatapos maligo, yamang ito’y naglalaan ng mas mahabang panahon para mapalambot ng tubig ang bagong-tubong balbas.
2. Pagpapahid ng mga produkto bago mag-ahit: Lahat ng iba’t ibang sabon, bula, cream, at gel ay nakagagawa ng tatlong pangunahing bagay: (1) Napananatili nitong mamasa-masâ ang bagong-tubong balbas, (2) napananatili nitong nakatayo ang mga ito, at (3) nalalangisan nito ang balat upang mas madaling haguran ng pang-ahit. Pumili ng produktong pinakamabuti para sa iyo. Siyanga pala, nasubukan mo na ba ang hair conditioner? Dinisenyo rin ito para mapalambot ang buhok.
3. Paggamit ng tamang pang-ahit sa tamang paraan: Ang tamang pang-ahit ay ang matalas na pang-ahit. Ang mapurol na pang-ahit ay makasusugat sa iyong balat. Mag-ahit ayon sa direksiyon ng pagkakatubo ng balbas. Ang pag-aahit nang salungat sa direksiyon nito ay maaari ngang sumagad sa balat, ngunit maaahit nito pati ang bagong-tumutubong balbas na nasa ilalim pa lamang ng balat at magiging dahilan ito upang ang mga ito’y tumubo sa nakapalibot na himaymay sa halip na papalabas sa mga butas ng balat. Ayon sa ilang akda, ang walang-ingat na pag-aahit—ng mga lalaki’t babae—ay maaaring magdulot ng mga viral infection na nagiging mga kulugo.
4. Pamproteksiyon sa balat matapos mag-ahit: Sa bawat pag-aahit mo, inaalis mo ang di-nakikitang suson ng balat, na nagpapahina ng iyong balat. Samakatuwid, mahalaga na banlawan ng malinis na tubig ang lahat ng natirang dumi sa iyong mukha—mainit-init sa pasimula, pagkatapos ay malamig naman upang magsara ang mga butas at mapanatili ang pagiging mamasa-masâ. Kung gusto mo, maaari kang magpahid ng moisturizing lotion pagkatapos mag-ahit para maprotektahan at marepreskuhan ang iyong balat.
[Talababa]
^ par. 20 Tinatalakay ng artikulong ito ang pag-aahit para sa mga lalaki. Sa maraming bansa, nag-aahit din ang mga babae sa ilang bahagi ng kanilang katawan, at sa gayon ay baka makatulong din sa kanila ang ilan sa mga puntong binabanggit.
[Kahon/Larawan sa pahina 24]
Ano ba ang Bagong-Tubong Balbas?
Ang bagong-tubong balbas ay mga buhok na tumutubo sa mukha. Ang mga ito’y may sangkap na keratin at kaugnay na protina. Ang keratin ay isang mahimaymay at may-asupreng protina na ginagawa ng katawan ng tao at hayop at siyang pangunahing nagpapatubo ng buhok, kuko, balahibo, mga kuko ng hayop na biyak ang paa, at sungay. Sa lahat ng buhok na nasa katawan ng tao, ang bagong-tubong balbas ay kabilang sa pinakamatigas at pinakamatibay, palibhasa’y mahirap gupitin na gaya ng alambreng tanso na may gayunding kapal. Umaabot sa 25,000 ang nasa mukha ng katamtamang lalaki, at ito’y tumutubo sa bilis na mga kalahating milimetro bawat 24 na oras.
[Credit Line]
Mga lalaki: A Pictorial Archive from Nineteenth-Century Sources/Dover Publications, Inc.
[Mga larawan sa pahina 24]
Ang pag-aahit ay isang pabalik-balik na kausuhan sa kasaysayan
Asiryano
Ehipsiyo
Romano
[Credit Lines]
Museo Egizio di Torino
Photographs taken by courtesy of the British Museum