Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Maiiwasan ang mga Panganib sa Internet?
GUNIGUNIHIN mo ang iyong sarili na nasa pinakamalaking silid-aklatan sa daigdig. Ang lahat ng uri ng mga aklat, pahayagan, katalogo, larawan, at mga rekording—sa halos lahat ng paksa—ay nakapalibot sa iyo. Ang lahat ng pinakabagong impormasyon at karamihan sa mga literatura noong nakalipas na mga siglo ay nasa dulo lamang ng iyong mga daliri.
Buweno, nailalagay ng Internet ang gayong mga impormasyon sa dulo ng iyong mga daliri. Nagagawa nito na ang isang tao’y maupo sa harap ng kaniyang computer at makipagpalitan ng mga impormasyon sa ibang mga computer at mga gumagamit ng computer saanman sa daigdig. * Nagagawa nito na ang mga gumagamit nito’y makapagbenta ng mga produkto, makabili, makagawa ng mga transaksiyon sa bangko, makipag-usap, makapakinig ng pinakabagong nakarekord na musika—pawang sa loob mismo ng kanilang sariling bahay.
Kung gayon, hindi nga kataka-taka na humula ang ilan sa mga eksperto na sa pagtatapos ng taóng ito, mahigit sa 320 milyon katao ang gagamit ng Internet. Kaya nga ang paggamit ng Internet ay nagiging karaniwan na lamang sa maraming bahagi ng daigdig. Palibhasa’y gayon na lamang ang pagtataguyod ng mga paaralan at mga silid-aklatan sa paggamit nito, milyun-milyong kabataan ang nakagagamit na nito. Sa Estados Unidos, halos 65 porsiyento ng mga kabataan na nasa pagitan ng edad 12 at 19 ang nakagamit na o nakapagsuskribi na sa mga on-line service.
Kapag tama ang paggamit, ang Internet ay maaaring pagmulan ng kapaki-pakinabang na mga impormasyon hinggil sa lagay ng panahon, paglalakbay, at iba pang mga paksa. Sa pamamagitan nito, makabibili ka ng mga aklat, mga piyesa ng sasakyan, at iba pang mga bagay. Ginagamit ito ng marami para sa mga gawain sa paaralan.
Bagaman maaaring maging kapaki-pakinabang ang Internet, maaari rin itong maging parang isang silid-aklatan na walang mga librarian o iba pang mga tagamasid. Mababasa-basa ito ng isang tao na nakadaramang walang ibang nakakakita. Subalit ito ang isa sa pinakamalaking panganib ng paggamit ng Internet. Bakit? Sapagkat napakarami ang mga Web site na naglalaman ng mga bagay na nakasasamâ sa moral at nakasisira ng espirituwalidad. Kaya naman, ang mga kabataang Kristiyano ay maaaring mapalantad sa tukso dahil sa Internet. Kung sa bagay, likas lamang sa mga tao ang maging mausisa—isang hilig na malaon nang sinasamantala ni Satanas na Diyablo. Tiyak na sinamantala ni Satanas ang pagkamausisa ni Eva at ‘dinaya siya sa pamamagitan ng kaniyang katusuhan.’—2 Corinto 11:3.
Sa katulad na paraan, ang isang kabataang Kristiyano ay madaling madadaya ng nakapipinsalang impormasyon kung hindi siya determinado na ingatan ang kaniyang espirituwalidad. Isang
artikulo sa Better Homes and Gardens ang nagpaliwanag: “Ang Internet ay isang kapana-panabik na larangan na doon inilalako ng matatalinong pasimuno nito ang pinakabagong impormasyon; ngunit ang mga pedophile, manggagantso, mga panatiko, at iba pang di-kanais-nais na mga tao ay gumagalugad din sa cyberspace.”Ganito ang sabi ng isang kabataan na nagngangalang Javier *: “Nakagugulat ang ilang Web site. Bigla na lamang lumilitaw ang mga ito.” Dagdag pa niya: “Sinisikap ng mga ito na mabitag ka. Inaakit ka ng mga ito—na makuha ang pera mo.” Inamin ng isang kabataang Kristiyano na nagngangalang John: “Minsang simulan mong tingnan ang di-nararapat na materyal, mahirap nang tumigil—talagang nakaka-addict ito.” Ang ilan sa mga kabataang Kristiyano ay madalas na magbukas sa nakapipinsalang mga Web site, at ito’y umakay sa kanila sa mas malubhang problema. Nasira pa nga ng ilan ang kanilang kaugnayan kay Jehova. Paano kaya ito maiiwasan?
“Pagtingin sa Walang Kabuluhan”
Kung minsan, sa Web-site address pa lamang ay maliwanag nang ipinahihiwatig na ang site ay naglalaman ng di-kanais-nais na materyal. * Nagbababala ang Kawikaan 22:3: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli, ngunit ang mga walang-karanasan ay dumaraan at daranas ng kaparusahan.”
Gayunman, mas madalas, ang problema ay na ang mga tao ay baka makapasok sa isang di-kanais-nais na site nang hindi naman talaga sinasadya. Ang home page ay maaaring maglaman ng nakapupukaw na larawan na maingat na dinisenyo upang akitin ka na saliksikin pa ang site—at balik-balikan pa ito! *
Inilarawan ni Kevin ang nangyari sa isa sa kaniyang mga kaibigan: “Wala siyang magawa at naging mausisa. Di-nagtagal ay palagi na siyang nanonood ng pornograpya.” Mabuti na lamang, lumapit ang kabataang Kristiyanong ito sa isang elder at tumanggap ng tulong.
Naipasiya mo na ba kung ano ang gagawin mo kapag napapasok ka sa gayong site? Maliwanag kung ano ang dapat gawin ng isang Kristiyano: Lumabas agad sa site—o kaya’y patayin pa nga ang browser ng Internet! Tularan mo ang salmista na nanalangin: “Palampasin mo ang aking mga mata sa pagtingin sa walang kabuluhan.” (Awit 119:37; ihambing ang Job 31:1.) Tandaan na kahit na walang ibang taong nakakakita sa atin, may nagmamasid sa atin. Ipinaaalaala sa atin ng Bibliya na lahat ng bagay ay “hubad at hayagang nakalantad sa mga mata niya na pagsusulitan natin.”—Hebreo 4:13.
Ang pakikipag-usap sa iyong mga magulang o sa ibang maygulang na Kristiyano ay makapagpapatibay sa iyong pasiya na huwag nang balikan pa ang di-kanais-nais na mga site. Kung tutuusin, kapag nahulog ka sa kumunoy, hihintayin mo pa bang lumubog ka muna hanggang leeg sa pagsisikap na makaahon bago ka humingi ng tulong?
Kumusta Naman ang Association On-Line?
Ang chat ay nagpapangyari sa mga gumagamit ng Internet sa buong daigdig na agad na magkausap. Ginagamit ito ng mga negosyo para sa mga on-line conference at upang makapagserbisyo sa mga parokyano. Ang ilang chat room ay nagpapangyari sa mga gumagamit nito na ibahagi ang mga impormasyon hinggil sa teknikal na mga bagay, gaya ng pagkukumpuni ng sasakyan o computer programming. Ang ilang anyo naman ng chat ay nagpapangyari sa mga magkakaibigan at mag-aanak na makapag-usap nang pribado nang hindi na tatawag pa sa long distance. Bagaman may makatuwiran ngang paggamit sa paraang ito, mayroon naman kayang mga panganib?
Talagang kailangang mag-ingat kung tungkol sa pampublikong mga chat room, sapagkat ito’y maaaring lumikha ng ilang panganib. Ganito ang sabi ng manunulat na si Leah Rozen: “Ang mga tin-edyer na mahuhusay sa teknolohiya ay gumugugol ng maraming oras sa pakikipag-usap nang naka-on-line sa di-kilalang mga estranghero sa buong
bansa at, maging, sa buong daigdig. Nakalulungkot, ang ilan sa mga estrangherong ito na maaaring kinakausap ng mga tin-edyer sa on-line ay nagkataon din na mahahalay na adulto na naghahanap ng mga batang makikipagkasundo sa kanila hinggil sa sekso.” Nagbabala ang isang artikulo sa Popular Mechanics na “dapat kang mag-ingat na mabuti” kapag gumagamit ng pampublikong mga chat room. Ang pagbibigay ng iyong pangalan o direksiyon sa isang estranghero ay maaaring maging isang paanyaya sa malubhang suliranin! Bakit mo ilalagay ang iyong sarili sa gayong panganib?Gayunman, isang mas tusong panganib ang masilo sa pagkakasangkot sa maling pakikisama sa mga estrangherong hindi gumagalang sa mga simulain ng Bibliya. * Sinasabi ng mga mananaliksik na ang kadalasang pinag-uusapan ng mga tin-edyer sa mga chat room ay nakatuon sa mga isyu tungkol sa sekso. Ang payo ng Bibliya sa 1 Corinto 15:33 ay angkop nga: “Huwag kayong palíligaw. Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga kinaugalian.” Ang masasamang pakikisama sa pamamagitan ng isang kawing sa computer ay mapanganib. Dapat bang walang-ingat na ilantad ng isang may-takot sa Diyos na kabataan ang kaniyang sarili sa gayong mga panganib?
Mga Pag-iingat
Dahil sa panganib na inihaharap ng Internet, dapat itong gamitin sa maingat na paraan. Halimbawa, inilalagay ng ilang pamilya ang computer sa lantad na lugar, gaya sa salas. Maaari rin silang gumawa ng patakaran na gagamitin lamang ang Internet kung may kasama sa bahay. Kapag gumawa ng gayong paghihigpit ang iyong mga magulang, makipagtulungan ka. (Kawikaan 1:8) Ang maliliwanag na alituntunin ay patotoo ng kanilang pagmamahal.
Kung kailangang gumamit ka ng Internet dahil sa gawain sa paaralan, bakit hindi mo bantayan ang panahong ginugugol mo nang naka-on-line? Sikaping magpasiya antimano kung gaanong panahon ang gugugulin mo, na gumagamit ng alarm clock upang magpaalaala sa iyo na tapos na ang oras mo. Nagmungkahi si Tom: “Patiunang magplano, eksaktong alamin kung ano ang hinahanap mo, at manatili ka roon—kahit makakita ka pa ng ibang bagay na mukhang kapana-panabik.”
Kailangan din ang pag-iingat sa paggamit ng E-mail. Ang mga Kristiyanong kabataan ay nag-iingat upang hindi gaanong maabala sa pagbabasa ng pagkarami-raming E-mail, lalo na kung ang karamihan sa mga impormasyon ay hindi naman gaanong mahalaga o kaya’y walang saligan. Maaaring ubusin ng labis-labis na paggamit ng E-mail ang mahalagang panahon na kailangan para sa gawain sa paaralan at sa espirituwal na mga aktibidad.
Sabi nga ni Haring Solomon: “Ang paggawa ng maraming aklat ay walang wakas, at ang labis na debosyon sa mga iyon ay nakapanghihimagod sa laman.” (Eclesiastes 12:12) Ang mga salitang ito ay kapit na kapit sa Internet. Huwag ka nang masyadong mag-abala sa pagsasaliksik ng kung anu-anong mga detalye anupat napapabayaan mo na ang personal na pag-aaral ng Bibliya at pakikibahagi sa ministeryong Kristiyano. (Mateo 24:14; Juan 17:3; Efeso 5:15, 16) Tandaan din na bagaman nagagamit ang computer sa pakikipag-usap, wala nang hihigit pa sa personal na pakikipagkita sa kapuwa Kristiyano. Kaya kung talagang kailangan mong gumamit ng Internet, gumawa ng matatag na pasiya na gagamitin mo ito nang may karunungan. Iwasan ang mapanganib na mga site, at huwag gumugol ng napakaraming oras na naka-on-line. “Ingatan mo ang iyong puso,” at huwag paalipin kailanman sa Internet.—Kawikaan 4:23.
[Mga talababa]
^ par. 4 Tingnan ang seryeng “Ang Internet—Ito ba’y Para sa Iyo?” na nasa Hulyo 22, 1997, isyu ng Gumising!
^ par. 9 Pinalitan ang ilang pangalan.
^ par. 11 Ang Web-site address ay ang sunud-sunod na mga titik na ginagamit upang makapasok sa Web site. Kung minsan ang mga address ay may mga salitang nagpapakilala sa layunin ng site.
^ par. 12 Ang home page ay tulad sa isang pambungad na elektronikong displey. Ipinaliliwanag nito ang mga iniaalok ng site, sino ang gumawa nito, at iba pa.
^ par. 19 Ang gayong mga panganib ay maaaring masumpungan sa pampublikong mga chat room na itinatag ng mga Kristiyanong may mabubuting hangarin para sa layuning pag-usapan ang tungkol sa espirituwal na mga isyu. Kung minsan ay sumasali sa pag-uusap na ito ang di-tapat na mga tao at mga apostata at buong-katusuhang inaakit ang iba na tanggapin ang kanilang di-maka-Kasulatang mga ideya.
[Blurb sa pahina 20]
“Nakagugulat ang ilang Web site. Bigla na lamang lumilitaw ang mga ito”
[Larawan sa pahina 21]
Inilalagay ng ilang pamilya ang computer sa bahay sa lantad na lugar