Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Timbang Nais ko kayong pasalamatan mula sa kaibuturan ng aking puso sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Mapagtatagumpayan ang Labis na Pagkabahala sa Aking Timbang?” (Mayo 22, 1999) Matagal-tagal na rin ngayon, na ang naiisip ko lang lagi ay ang tungkol sa aking hitsura at sa aking timbang. Nahihiya ako sa aking sarili kapag tumitingin ako sa salamin, at halos hindi na ako nagtitimbang. Gayunman, pagkatapos basahin ang artikulong ito, natanto ko na ang mas mahalaga ay ang panloob na pagkatao.
L. R., Pransiya
Mga Kapansanan Ginugugol ko ang karamihan ng aking oras sa isang silyang de-gulong. Ang aking asawa ay may chronic fatigue syndrome at nagdurusa dahil sa malubhang panlulumo. Ang seryeng “Pag-asa Para sa mga May Kapansanan” (Hunyo 8, 1999) ay bumanggit na ang pamimighati ay isang karaniwang reaksiyon dahil sa malaking kawalan. Gayundin, ang mga larawan sa artikulong “Kapag Wala Nang Lahat ang Kapansanan” ay nakatulong upang ang paggaling ng aming mga kapansanan sa hinaharap ay maging higit na totoo sa akin.
C. W., Estados Unidos
Naputol ang aking kaliwang paa dahil sa isang aksidente nang ako ay apat na taóng gulang pa lamang. Tinulungan ako ng inyong serye upang maharap ang aking madalas na pakikipagpunyagi sa panlulumo. Pakisuyong ipagpatuloy ang mabuting gawain ng pakikipaglaban sa pagtatangi.
A.J.T.P., Brazil
Kailangang mabatid ng mga tao na ang mga taong may kapansanan ay may damdamin at emosyon na tulad din ng iba at na maaari at nasasaktan din kami. Kung minsan ay tinitingnan ka ng mga tao na parang ikaw ay isang abnormal at nagkokomento nang may kagaspangan, o sila ay gumagawi na para bang hindi ka umiiral. Ang mga taong may kapansanan ay hindi mangmang ni tamad ni kaawa-awa. Kung bibigyan mo ng pagkakataon, marami sa amin ang marunong magluto, maglinis, mamili, magpamilya, humawak ng trabaho, at kahit na magpaandar ng sasakyan. Ang isang bagay na tumulong sa akin na magpatuloy ay ang aking pagkatuto tungkol kay Jehova at sa kaniyang maibigin at magiliw na mga daan. Hindi pa ako isang Saksi ni Jehova, ngunit ako ay umaasa na magiging Saksi sa hinaharap.
A. G., Estados Unidos
Halaga sa Paningin ng Diyos Madalas akong nakadarama ng panlulumo at kawalang-halaga, na nag-iisip kung minsan na hindi ako dapat isang buong-panahong ebanghelisador dahil ang aking mga pagsisikap ay hindi sapat. Ang artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: May Halaga Ka sa Paningin ng Diyos!” (Hunyo 8, 1999) ay nagpabuti ng aking pakiramdam. Tinulungan ako nito na makita na si Satanas ay lubos na nagsisikap upang makadama tayo ng gayon upang patigilin tayo sa paglilingkod kay Jehova.
L. W., Canada
Ang artikulo ay lubos na nakaaaliw. Hanggang sa ngayon, ang pakiramdam ko ay para bang hindi pinakikinggan ni Jehova ang aking mga panalangin. Ngunit mula nang mabasa ko ang inyong artikulo, nagkaroon ako ng higit na tiwala kay Jehova at sa aking sarili. Pakisuyong ipagpatuloy ang paglalathala ng nakaaaliw na mga artikulong gaya nito.
R.V.T., Belgium
Taglay ko ang mga pilat ng masasakit na karanasan—mga pagkakamaling sumira sa aking pagpapahalaga sa sarili. Sa ngayon ang aking kaugnayan kay Jehova at ang kaalaman na ang kaniyang pag-ibig ay higit sa mapag-uunawa ng tao ay nagbibigay sa akin ng damdamin ng kagalakan at katiwasayan.
V.S.C., Brazil
Katatapos ko lamang pakinggan ang artikulo sa audiocassette. Bulag na ako sa loob ng halos 44 na taon, at maging noong mabautismuhan ako bilang isang Kristiyano, hindi ko nadama na ako ay masyadong mahalaga. Ang artikulong ito ay lubhang nakaantig sa akin. Lubos kong pinasasalamatan ang Diyos sapagkat hindi niya tayo minamalas gaya ng pagtingin natin sa ating mga sarili.
A. K., Italya
Ako ay sinasalot ng negatibong emosyon. Ngunit habang binabasa ko ang artikulo, para bang banayad na nakikipag-usap sa akin si Jehova. Napakahirap magbago ng kaisipan, ngunit hindi ko susubuking kalimutan kung ano ang sinabi ng artikulo: “Si Jehova, gaya ng isang maibiging magulang, ‘ay malapit’—laging nagbabantay, nakikinig, at handang tumulong.—Awit 147:1, 3.”
K. F., Hapon