Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pinatataas ba ng Kape ang Antas ng Iyong Kolesterol?

Pinatataas ba ng Kape ang Antas ng Iyong Kolesterol?

Pinatataas ba ng Kape ang Antas ng Iyong Kolesterol?

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRAZIL

ANG mga mananaliksik sa Wageningen Agricultural University, sa Netherlands, ay nagsabi na ang pag-inom ng di-nasalang kape ay magpapataas sa antas ng iyong kolesterol.

Ang mahalagang salita ay “di-nasala.” Bakit? Ang Research Reports, isang newsletter mula sa Netherlands Organization for Scientific Research, ay nagsabi na ang mga butil ng kape ay naglalaman ng sustansiyang nakapagpapataas ng kolesterol na tinatawag na cafestol. Kapag tuwirang ibinuhos ang mainit na tubig sa giniling na kape, ang cafestol ay nakakatas. Totoo rin ito kapag ang giniling na kape ay pinakuluan sa tubig nang ilang ulit, tulad ng sa Turkish coffee, o kapag gumamit ng isang metal na pansala sa halip na papel na pansala, tulad ng sa French press. Kapag walang papel na pansala, sumasama ang cafestol sa nilaga.

Ang isang di-nasalang tasa ng kape, na maaaring naglalaman ng hanggang apat na miligramo ng cafestol, ay makapagpapataas sa antas ng kolesterol nang halos 1 porsiyento. Ang espresso ay naglalaman din ng cafestol, yamang ito’y ginagawa nang walang papel na pansala. Gayunman, ang nakapagpapataas-ng-kolesterol na epekto nito ay mas mababa kung gagamit ka ng maliit na tasa. Mas kaunting espresso, mas kaunting cafestol​—marahil kasing-unti ng isa o dalawang miligramo bawat tasa. Gayunman, nagbababala ang Research Reports, na ang limang maliliit na tasa ng espresso bawat araw ay makapagpapataas sa antas ng kolesterol ng katawan nang 2 porsiyento.

Ang mahalaga ay na walang cafestol ang kape na ginawa na may papel na pansala.