Mga Tagapanguna sa Paggamot
Mga Tagapanguna sa Paggamot
SA EDAD na 61, sinabihan si José, isang taga-Belgium mula sa maliit na bayan ng Oupeye, na kailangan siyang magpa-transplant (paglilipat ng sangkap sa katawan) ng atay. “Ito ang pinakakagimbal-gimbal na pangyayari sa buhay ko,” ang sabi niya. Noong nakalipas na apat na dekada, hindi pa lubos-maisip ang tungkol sa pagta-transplant ng atay. Maging noong dekada 1970, ang dami ng naliligtas ay halos 30 porsiyento lamang. Gayunman, sa ngayon, ang pagta-transplant ng atay ay karaniwan nang isinasagawa, taglay ang mas malaking tsansa na magtagumpay.
Subalit mayroon pa ring malaking problema. Yamang malimit na kasangkot sa mga pagta-transplant ng atay ang labis na pagdurugo, karaniwan nang nagsasalin ng dugo ang mga doktor habang nag-oopera. Dahil sa kaniyang relihiyosong paniniwala, ayaw ni José na magpasalin ng dugo. Subalit nais niyang magpa-transplant ng atay. Imposible? Baka gayon nga ang isipin ng ilan. Subalit inakala ng punong siruhano na malaki ang tsansa niya at ng kaniyang mga kasamahan na makapag-opera nang matagumpay nang walang dugo. At gayon mismo ang ginawa nila! Pagkalipas lamang ng 25 araw matapos ang kaniyang operasyon, nakauwi na si José kasama ng kaniyang asawa at anak na babae. *
Dahil sa kadalubhasaan niyaong mga tinatawag ng magasing Time na “mga bayani sa medisina,” nagiging pangkaraniwan sa ngayon nang higit kailanman ang paggamot at pag-opera nang walang dugo. Subalit bakit gayon na lamang karami ang humihiling nito? Upang masagot ang katanungang iyan, suriin natin ang magulong kasaysayan ng pagsasalin ng dugo.
[Talababa]
^ par. 3 Ang mga operasyon ukol sa pagta-transplant ng mga sangkap sa katawan ay minamalas ng mga Saksi ni Jehova bilang isang bagay na ipinauubaya sa budhi ng indibiduwal.
[Larawan sa pahina 3]
Sa buong daigdig, sa kasalukuyan ay mahigit sa 90,000 doktor ang nagpahayag na handa silang manggamot nang walang dugo sa mga Saksi ni Jehova