Ang Pagdami ng mga Humihiling ng Paggamot at Pag-opera Nang Walang Dugo
Ang Pagdami ng mga Humihiling ng Paggamot at Pag-opera Nang Walang Dugo
“Kailangang isaalang-alang ng lahat ng gumagamit ng dugo at mga nangangalaga sa mga pasyenteng naoperahan ang pag-opera nang walang dugo.”—Dr. Joachim Boldt, propesor ng anesthesiology, Ludwigshafen, Alemanya.
ANG trahedya ng AIDS ang pumilit sa mga siyentipiko at mga doktor na gumawa ng karagdagang mga hakbang upang gawing mas ligtas ang pag-oopera. Maliwanag, nangangahulugan ito ng mas mahigpit na pagsusuri sa dugo. Subalit sinasabi ng mga dalubhasa na maging ang mga hakbanging ito ay hindi tumitiyak na wala nang panganib ang mga pagsasalin. “Kahit na gumagastos ang lipunan ng malaking halaga upang gawing mas ligtas ang suplay ng dugo nang higit kailanman,” sabi ng magasing Transfusion, “naniniwala kami na iiwasan pa rin ng mga pasyente ang allogeneic [kaloob] na mga pagsasalin dahil ang suplay ng dugo ay hindi kailanman magiging lubusang ligtas.”
Hindi kataka-taka, maraming doktor ang
nagiging maingat sa paggamit ng dugo. “Ang pagsasalin ng dugo ay talagang hindi mabuti, at talagang sinisikap naming makaiwas dito ang lahat,” ang sabi ni Dr. Alex Zapolanski, ng San Francisco, California.Nagkakaroon na rin ng kabatiran ang publiko sa mga panganib ng pagsasalin. Sa katunayan, isiniwalat ng isang surbey noong 1996 na mas pipiliin ng 89 na porsiyento ng mga taga-Canada ang isang panghalili kaysa sa ipinagkaloob na dugo. “Hindi lahat ng pasyente ay tatangging magpasalin ng kauring dugo di-tulad ng mga Saksi ni Jehova,” ang sabi ng Journal of Vascular Surgery. “Magkagayunman, ang mga panganib na mahawa ng sakit at mabago ang takbo ng sistema ng imyunidad ay maliwanag na nagpapakitang kailangan tayong humanap ng mga mapagpipilian para sa lahat ng ating mga pasyente.”
Isang Mas Pinipiling Pamamaraan
Mabuti na lamang, may mapagpipilian—ang paggamot at pag-opera nang walang dugo. Minamalas ito ng maraming pasyente, hindi bilang huling paraan kundi bilang isang mas pinipiling panggagamot, at may mabuting dahilan dito. Sinabi ni Stephen Geoffrey Pollard, isang kasangguning siruhano na taga-Britanya, na ang dami ng nahahawahan at namamatay sa mga inooperahan nang walang dugo ay “sa paano ma’y kapareho lamang niyaong mga pasyenteng tumatanggap ng dugo, at sa maraming kaso, sila’y nakaliligtas sa mga impeksiyon at mga komplikasyon pagkatapos ng operasyon na karaniwan nang sanhi ng dugo.”
Paano ba nagsimula ang panggagamot nang walang dugo? Sa isang diwa, ang tanong ay kakatwa, yamang ang paggamot nang walang dugo ay talagang mas nauna pa sa paggamit ng dugo. Ang totoo, nito lamang pagsisimula ng ika-20 siglo sumulong ang teknolohiya sa pagsasalin hanggang sa punto na palagi na itong ginagamit. Gayunman, nitong nakaraang mga dekada, ipinakilala ng ilan ang larangan ng pag-opera nang walang dugo. Halimbawa, noong dekada 1960, ang kilalang siruhano na si Denton Cooley ay nagsagawa ng ilan sa kauna-unahang open-heart na mga operasyon na hindi ginagamitan ng dugo.
Dahil sa pagdami ng nagkakaroon ng hepatitis sa mga nasasalinan noong dekada 1970, maraming doktor ang nagsimulang maghanap ng mga panghalili sa dugo. Pagsapit ng dekada 1980, marami nang mga grupo ng manggagamot ang nag-oopera nang walang dugo. Pagkatapos, nang kumalat ang epidemya ng AIDS, ang mga grupong ito ay paulit-ulit na kinonsulta ng iba na gustong gumamit ng gayunding pamamaraan. Noong dekada 1990, maraming ospital ang gumawa ng mga programa na naglalaan ng mapagpipiliang walang-dugong paggamot para sa kanilang mga pasyente.
Matagumpay nang naisasagawa ngayon ng mga doktor ang mga pamamaraang walang dugo kapag nag-oopera at nagsasagawa ng mga pangkagipitang panggagamot na karaniwan nang nangangailangan ng pagsasalin. “Ang pag-opera sa malulubhang sakit sa puso, ugat, mga kaso hinggil sa sakit ng babae at panganganak, pinsala sa buto, mga sakit sa palaihian ay maisasagawa na ngayon nang matagumpay nang hindi gumagamit ng dugo o mga produkto ng dugo,” ang sabi ni D.H.W. Wong, sa Canadian Journal of Anaesthesia.
Ang isang bentaha ng pag-opera nang walang dugo ay na pinasisigla nito ang mas mahusay na kalidad ng pangangalaga. “Ang kadalubhasaan ng siruhano ay napakahalaga para maiwasan ang pagkaubos ng dugo,” ang sabi ni Dr. Benjamin J. Reichstein, isang direktor sa pag-oopera sa Cleveland, Ohio. Sinabi ng isang babasahing pambatas sa Timog Aprika na sa ilang kalagayan, ang pag-opera nang walang dugo ay maaaring maging “mas mabilis, mas malinis at mas mura.” Sinabi pa nito: “Tiyak na, sa maraming kaso, ang paggamot sa mga naoperahan ay mas matipid at hindi gaanong umuubos ng panahon.” Ilan lamang ito sa mga dahilan kung bakit mga 180 ospital sa buong daigdig ngayon ang may mga programa sa pagpapakadalubhasa sa paggamot at pag-opera nang walang dugo.
Ang Dugo at ang mga Saksi ni Jehova
Bunga ng salig-Bibliyang mga kadahilanan, tinatanggihan ng mga Saksi ni Jehova ang pagsasalin * Subalit tinatanggap naman nila—at itinataguyod nang husto—ang mga gamot na panghalili sa dugo. “Puspusang hinahanap ng mga Saksi ni Jehova ang pinakamahusay na paggamot,” ang sabi ni Dr. Richard K. Spence, dating direktor sa pag-oopera sa isang ospital sa New York. “Bilang isang grupo, sila ang pinakamahuhusay na pasyente na makikilala kailanman ng siruhano.”
ng dugo.Ganap na napagbuti ng mga doktor ang maraming pamamaraan ng pag-oopera nang walang dugo sa mga Saksi ni Jehova. Kuning halimbawa ang karanasan ng siruhano sa puso at ugat na si Denton Cooley. Sa loob ng 27 taon, nakapagsagawa ang kaniyang grupo ng open-heart na operasyon nang walang dugo sa 663 mga Saksi ni Jehova. Ang mga resulta ay maliwanag na nagpapatunay na ang mga operasyon sa puso ay matagumpay na maisasagawa nang hindi gumagamit ng dugo.
Totoo, marami ang bumabatikos sa mga Saksi ni Jehova dahil sa kanilang pagtanggi sa dugo. Subalit isang aklat-patnubay na inilathala ng Association of Anaesthetists sa Gran Britanya at Ireland ang tumukoy sa paninindigan ng mga Saksi bilang “isang tanda ng paggalang sa buhay.” Ang totoo, ang matatag na paninindigan ng mga Saksi ay naging pangunahing salik sa pagkakaroon ng mas ligtas na panggagamot para sa lahat. “Ang mga Saksi ni Jehova na nangangailangan ng operasyon ang nagpakita ng daan at nag-udyok upang mapasulong ang isang mahalagang sektor ng paglilingkod ukol sa kalusugan sa Norway,” ang isinulat ni Propesor Stein A. Evensen, ng National Hospital sa Norway.
Upang tulungan ang mga doktor na makapanggamot nang hindi gumagamit ng dugo, bumuo ang mga Saksi ni Jehova ng nakatutulong na liaison service. Sa kasalukuyan, mahigit sa 1,400 Hospital Liaison Committee sa buong daigdig ang handang maglaan sa mga doktor at mga mananaliksik ng literaturang pangmedisina na galing sa tinipong mga impormasyon buhat sa mahigit na 3,000 artikulong may kaugnayan sa paggamot at pag-opera nang walang dugo. “Hindi lamang ang mga Saksi ni Jehova, kundi ang mga pasyente sa pangkalahatan, ang malamang na hindi na makararanas ngayon ng di-kinakailangang pagsasalin ng dugo dahil sa nagawa ng mga Hospital Liaison Committee ng mga Saksi,” ang sabi ni Dr. Charles Baron, isang propesor sa Boston College Law School. *
Ang impormasyon hinggil sa paggamot at pag-opera nang walang dugo na tinipon ng mga Saksi ni Jehova ay naging kapaki-pakinabang sa marami na nasa larangan ng medisina. Halimbawa, sa paghahanda ng materyal para sa isang aklat na pinamagatang Autotransfusion: Therapeutic Principles and Trends, hiniling ng mga awtor sa mga Saksi ni Jehova na bigyan sila ng impormasyon tungkol sa mga panghalili sa pagsasalin ng dugo. Malugod na tinugon ng mga Saksi ang kanilang kahilingan. Nang maglaon, may-pasasalamat na sinabi ng mga awtor: “Sa lahat ng nabasa namin hinggil sa paksang ito, kailanma’y wala kaming nabasang gayon kaikli ngunit maliwanag at kumpletong talaan ng mga pamamaraan upang maiwasan ang pagsasalin ng kauring dugo.”
Ang pagsulong sa larangan ng medisina ay naging dahilan para pag-isipan ng marami ang paggamot nang walang dugo. Saan tayo aakayin nito? Si Propesor Luc Montagnier, ang nakatuklas ng virus ng AIDS, ay nagsabi: “Ang pagsulong ng ating pagkaunawa sa larangang ito ay nagpapakita na darating ang araw na tiyak na maglalaho ang pagsasalin ng dugo.” Samantala, ang mga panghalili sa dugo ay nakapagliligtas na ng mga buhay.
[Mga talababa]
^ par. 13 Tingnan ang Levitico 7:26, 27; 17:10-14; Deuteronomio 12:23-25; 15:23; Gawa 15:20, 28, 29; 21:25.
^ par. 16 Kung aanyayahan, maaari ring magtanghal ng mga presentasyon ang mga Hospital Liaison Committee sa mga tauhan ng ospital. Karagdagan pa, kapag tuwirang hiniling ang kanilang tulong, tinutulungan nila ang mga pasyente na makipag-usap nang patiuna, prangkahan, at patuluyan sa nangangasiwang doktor.
[Kahon/Larawan sa pahina 7]
Kung Ano ang Sinasabi ng Ilang Doktor
‘Ang pag-oopera nang walang dugo ay hindi lamang para sa mga Saksi ni Jehova kundi para sa lahat ng pasyente. Sa palagay ko, lahat ng doktor ay dapat na magsagawa nito.’—Dr. Joachim Boldt, propesor sa anesthesiology, Ludwigshafen, Alemanya.
“Bagaman ang mga pagsasalin ng dugo ay mas ligtas sa ngayon kaysa noon, naghaharap pa rin ng mga panganib ang mga ito, kasali rito ang mga reaksiyon ng sistema ng imyunidad at pagkahawa sa hepatitis o sa mga sakit na naililipat sa pagtatalik.”—Dr. Terrence J. Sacchi, klinikal na kasamang propesor sa medisina.
“Karamihan sa mga doktor ay agad-agad na nagsasagawa ng pagsasalin at basta na lamang ito isinasagawa nang walang-ingat. Hindi ako gayon.”— Dr. Alex Zapolanski, direktor sa pag-oopera ng puso sa San Francisco Heart Institute.
“Wala akong makitang dahilan na ang anumang karaniwang operasyon sa tiyan ng isang normal na pasyente ay laging mangangailangan ng pagsasalin ng dugo.”—Dr. Johannes Scheele, propesor sa pag-oopera, Jena, Alemanya.
[Mga larawan]
Dr. Terrence J. Sacchi
Dr. Joachim Boldt
[Kahon/Mga larawan sa pahina 8, 9]
Paggamot at Pag-opera Nang Walang Dugo
Ang Ilan sa mga Pamamaraan
Mga Likido: Ginagamit ang Ringer’s lactate solution, dextran, hydroxyethyl starch, at iba pa upang mapanatili ang dami ng dugo at maiwasan ang hypovolemic shock (bunga ng kakulangan ng dugo). Ang ilang likido na sinusubok sa ngayon ay nakapagdadala ng oksiheno.
Gamot: Ang mga protina na produkto ng genetic engineering ay maaaring magpabilis sa paggawa ng mga pulang selula ng dugo (erythropoietin), ng mga blood platelet (interleukin-11), at ng iba’t ibang puting selula ng dugo (GM-CSF, G-CSF). Ang iba pang gamot ay may malaking nagagawa upang mapabagal ang mabilis na pagkaubos ng dugo sa panahon ng operasyon (aprotinin, antifibrinolytics) o nakatutulong upang mabawasan ang labis-labis na pagdurugo (desmopressin).
Biyolohikal na mga hemostat: Ang hinabing mga panapal na collagen at cellulose ay ginagamit upang maampat ang pagdurugo sa pamamagitan ng tuwirang paglalagay nito. Ang mga fibrin glue at sealant ay maaaring ipasak sa mga butas ng sugat o itapal sa malalaking bahagi ng nagdurugong himaymay.
Hindi pagsayang sa dugo: Binabawi ng mga salvaging machine ang dugong lumabas sa panahon ng operasyon o trauma. Ang dugo ay nililinis at maaari itong muling ipasok sa pasyente sa pamamagitan ng walang-tigil at walang-tagas na sistema ng padaluyan. Sa pambihirang mga kaso, litru-litrong dugo ang maaaring mabawi sa pamamagitan ng paggamit ng gayong sistema.
Mga instrumento sa pag-opera: Sabay na hinihiwa at isinasara ng ilang instrumento ang mga daluyan ng dugo. Maaari namang isara ng ibang instrumento ang malalaking bahagi ng himaymay na nagdurugo. Pinangyayari ng laparoscopy at ng mga instrumentong hindi gaanong nakasusugat na maisagawa ang mga operasyong hindi madugo di-gaya ng nangyayari kapag malalaki ang ginawang paghiwa.
Mga paraan ng pag-opera: Ang masusing pagpaplano sa pag-oopera, kasali na ang pagsangguni sa mga makaranasang clinician, ay nakatutulong sa pangkat ng mga nag-oopera upang maiwasan ang mga komplikasyon. Mahalaga ang agad na pagkilos upang maampat ang pagdurugo. Ang mga pagkaantala nang mahigit sa 24 na oras ay lalong makapagpapalaki sa posibilidad na mamatay ang pasyente. Nababawasan ang kabuuang dami ng mawawalang dugo kung hahatiin sa maliliit na operasyon ang malalaking operasyon.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 10]
Ang Paggamot Nang Walang Dugo—Ang Bagong “Pamantayan sa Pangangalaga”?
TINALAKAY ng Gumising! ang mga kapakinabangan ng paggamot at pag-opera nang walang dugo sa apat na dalubhasa sa larangang ito.
Bukod sa mga pasyente na tumatangging magpasalin ng dugo bunga ng relihiyosong mga kadahilanan, sino pa ang interesado sa paggamot nang walang dugo?
Dr. Spahn: Sa aming pagamutan, yaong mga humihiling ng paggamot nang walang dugo ay karaniwan nang mga pasyente na may lubos na kabatiran.
Dr. Shander: Noong 1998, nahigitan ng bilang ng mga pasyenteng tumanggi sa dugo dahil sa personal na mga kadahilanan ang bilang ng mga pasyenteng tumanggi sa dugo dahil sa relihiyosong mga kadahilanan.
Dr. Boyd: Halimbawa, nariyan ang mga pasyenteng may kanser. Maraming ulit nang nakita na kung hindi sila tatanggap ng dugo, mas mabilis silang gumaling at hindi gaanong umuulit ang kanilang sakit.
Dr. Spahn: Malimit naming gamutin ang mga propesor sa pamantasan at ang kani-kanilang pamilya nang hindi gumagamit ng dugo. Maging ang mga siruhano ay humihiling na iwasan namin ang pagsasalin! Halimbawa, isang siruhano ang lumapit sa amin tungkol sa kaniyang maybahay na nangangailangang maoperahan. Sinabi niya: “Basta tiyakin lamang ninyo ang isang bagay—na hindi siya sasalinan ng dugo!”
Dr. Shander: Ang mga miyembro ng aking departamento hinggil sa anestisya ay nagsabi: ‘Mahusay rin naman ang kalagayan ng mga pasyenteng ito na hindi nagpapasalin ng dugo at marahil ay mas mabuti pa nga ang kanilang kalagayan. Bakit pa natin kailangan na magkaroon ng dalawang pamantayan sa pangangalaga? Kung ito ang pinakamabuting pangangalaga, dapat nating gawin ito sa lahat.’ Kaya inaasahan namin na ang paggamot nang walang dugo ang siyang magiging pamantayan sa pangangalaga.
Mr. Earnshaw: Totoong partikular na naiuugnay sa mga Saksi ni Jehova ang pag-opera nang walang dugo. Gayunman, ito ang paraan na nais naming ipanggamot sa lahat.
Ang panggagamot ba na walang dugo ay mas magastos o mas mura?
Mr. Earnshaw: Mas malaki ang matitipid dito.
Dr. Shander: May 25-porsiyentong kabawasan sa gastos sa paggamot nang walang dugo.
Dr. Boyd: Kahit iyon lamang ang dahilan, dapat pa rin nating gamitin ito.
Gaano na kalaki ang isinulong natin sa paggamit ng pamamaraan ng paggamot nang walang dugo?
Dr. Boyd: Sa palagay ko’y napakasulong na nito. Pero patuloy pa ito sa pagsulong. Sa tuwing kikilos kami, nakasusumpong kami ng bagong mabuting dahilan para huwag gumamit ng dugo.
[Mga larawan]
Mr. Peter Earnshaw, FRCS, kasangguning siruhano sa ortopediya, London, Inglatera
Dr. Donat R. Spahn propesor sa anesthesiology, Zurich, Switzerland
Dr. Aryeh Shander kasamang klinikal na propesor sa anesthesiology, Estados Unidos
Dr. Mark E. Boyd propesor sa obstetrics at gynecology, Canada
[Kahon sa pahina 11]
Ang Bahaging Gagampanan ng Pasyente
▪ Ipakipag-usap sa iyong doktor ang tungkol sa mga panghalili na hindi dugo bago pa man bumangon ang pangangailangan sa pagpapagamot. Lalo na itong mahalaga para sa mga babaing nagdadalang-tao, mga magulang na may maliliit na anak, at sa mga may edad na.
▪ Isulat ang mga kahilingan mo, lalo na kung may makukuha namang legal na dokumento para sa layuning iyan.
▪ Kung tumanggi ang iyong doktor na gamutin ka nang walang dugo, humanap ng doktor na papayag sa iyong mga kahilingan.
▪ Yamang ang ilang panghalili sa dugo ay nangangailangn muna ng panahon bago magkabisa, huwag ipagpaliban ang pagpapagamot kung batid mo na kailangan mong magpaopera.