Ang Kagila-gilalas na Daigdig ng mga Insekto
Ang Kagila-gilalas na Daigdig ng mga Insekto
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ESPANYA
ANG mga insekto ba sa iyong palagay ay peste lamang? Nais mo bang mawala sa daigdig ang nakayayamot na mga pesteng ito? Iniispreyhan mo ba sila, hinahampas, o tinatapakan sa bawat pagkakataon? Bago makipagdigmaan sa bawat insekto na makikita mo, bakit hindi subukang alamin ang ilang bagay tungkol sa kanilang daigdig? Tutal, sa populasyon na nakahihigit sa mga tao nang halos 200,000,000 sa 1, makatitiyak ka na ang mga insekto ay mananatiling kasama natin!
Ang maikling pagmamasid sa ilan lamang sa kagila-gilalas na mga nilalang na ito ay maaaring makakumbinsi sa iyo na ang mga insekto ay karapat-dapat sa iyong paggalang.
Mga Dalubhasa sa Paglipad, mga Kahanga-hanga sa Paningin
Maraming insekto ang mga dalubhasa sa paglipad. Isaalang-alang ang ilang halimbawa. Ang mga lamok ay nakalilipad nang patiwarik. Ang ilan ay nakalilipad pa nga sa ulan nang hindi nababasa—oo, sa katunayan ay nakaiiwas sa mga patak ng ulan! Ang ilang pantropikong putakti at bubuyog ay humuhugong sa paligid sa bilis na hanggang 72 kilometro bawat oras. Isang paruparong monarch ng Hilagang Amerika ang nakapagtala ng 3,010 kilometro sa paglipad nito sa pandarayuhan. Kayang ipagaspas ng mga hover fly ang kanilang mga pakpak nang mahigit sa isang libong beses bawat segundo—mas mabilis kaysa sa mga hummingbird. Nakalilipad nang paatras ang mga tutubi, isang katotohanang nagpasigla sa pagkamausisa—at tumpak na pag-aaral—ng mga mananaliksik.
Kung nasubukan mo nang hampasin ang isang langaw, alam mo na ang mga insektong ito ay may natatanging matalas na paningin,
na sinamahan pa ng pagkilos na sampung beses na mas mabilis kaysa sa atin. Kapansin-pansin, ang langaw ay may masalimuot na mata, na may libu-libong lente na may anim na anggulo, na bawat isa ay gumagana nang magkakahiwalay. Kung gayon, malamang na ang paningin ng langaw ay nahahati sa maliliit na piraso.Nakikita ng ilang insekto ang ultravilolet na liwanag, na di-nakikita ng mga tao. Kung kaya, ang nakikita nating mapusyaw na puting paruparo ay hindi mapusyaw sa lalaking paruparo. Sa katunayan, kapag tiningnan sa ultraviolet na liwanag, ang babae ay may kaakit-akit na mga disenyo na tamang-tama upang makuha ang pansin ng nanliligaw na mga lalaki.
Ang mga mata ng maraming insekto ay nagsisilbing kompas. Halimbawa, nahahalata ng mga bubuyog at putakti ang patag ng polarized na liwanag, na nagpapangyari sa kanila na makita ang kinaroroonan ng araw sa himpapawid—kahit na ito ay natatakpan ng mga ulap. Sa tulong ng kakayahang ito, ang mga insektong ito ay maaaring gumala-gala
nang malayo sa kanilang mga pugad at gayunma’y nakauuwi pa rin sila nang hindi naliligaw.Ang Pag-ibig na Nasa Lahat ng Dako
Sa daigdig ng insekto, madalas na ginagamit ang mga tunog at bango upang maghanap ng kapareha—isang kahanga-hangang tagumpay kung ang iyong haba ng buhay ay ilang linggo lamang at ang inaasahang mga makakapareha ay iilan lamang.
Ang mga babaing emperor moth ay nakatatagpo ng manliligaw sa pamamagitan ng pagpapalabas ng isang amoy na napakalakas anupat mapapansin ng isang lalaki ang amoy at masusumpungan ang pinagmumulan nito mula sa layong halos 11 kilometro. Ang kaniyang sensitibong mga antena ay makapapansin sa isang molekula ng nasabing amoy.
Mas pinipili ng mga kuliglig, tipaklong, at mga cicada na sila’y marinig. Kahit tayong mga tao ay makaririnig sa palaibig na cicada, habang ginagawa nitong isang sounding board ang buong katawan. Aba, ang isang malaking grupo ng nagliligawang
mga cicada ay makagagawa ng ingay na mas maingay pa kaysa sa isang barenang pneumatic! Sa kabaligtaran, ang ilang babae ay wala man lamang kaingay-ingay.Paggising at Pagpapainit
Para sa mga tao na naninirahan sa malamig na klima, ang pagpapainit ay mahalaga. Totoo rin ito sa mga insektong may malamig na dugo na gumigising sa bawat umaga na halos matigas na matigas. Kakampi nila ang araw, at sinasamantala nila ito.
Ang mga langaw at salaginto ay naaakit sa mga bulaklak o dahon na sumisipsip sa init ng araw sa maagang bahagi ng umaga. Ang ilang salaginto ay madalas na pumupunta sa mga Australian water lily na nagsisilbing gaya ng mga halamang kalan, na pinaiinit ang kanilang mga bulaklak ng hanggang 20 digri Celcius na mas mataas kaysa sa temperatura sa paligid. Sa kabaligtaran, ang mga paruparo ay may panloob na sistema ng pagpapainit. Kapag kailangan nilang magpainit, ibinubuka nila ang kanilang mga pakpak, na nagsisilbing mabisang mga solar panel, at ipinapaling ito paharap sa araw.
Sabihin Mo Kung Ano, Ginagawa Ito ng mga Insekto!
Sa daigdig ng insekto, halos bawat uri ay may iba’t ibang papel, na ang ilan sa kanila ay hindi kapani-paniwala. Halimbawa, ang ilang tangà ay naghahanap ng nakapagbibigay-buhay na asin at halumigmig
sa pamamagitan ng pagsipsip sa mga luha ng kalabaw. Ang ibang insekto, na nasasangkapan ng mabisang panlaban sa pagyeyelo, ay naninirahan sa nagyeyelong mga taluktok ng bundok at ginugugol ang kanilang buhay sa pagkain ng mga insekto na namatay sa lamig.Gaya ng napagmasdan ng matalinong haring si Solomon libu-libong taon na ang nakalipas, ang langgam ay natatangi sa kasipagan. Sumulat si Solomon: “Pumaroon ka sa langgam, ikaw na tamad; tingnan mo ang mga lakad nito at magpakarunong ka. Bagaman wala itong kumandante, opisyal o tagapamahala, naghahanda ito ng kaniyang pagkain maging sa tag-init; nagtitipon ito ng kaniyang laang pagkain maging sa pag-aani.” (Kawikaan 6:6-8) Mas kahanga-hanga ang pagiging walang tagapamahala ng mga ito kung isasaalang-alang na ang ilang kolonya ng mga langgam ay bumibilang ng mahigit sa 20 milyon! Gayunman, ang “metropolis” ng insektong ito ay gumagana nang maayos na maayos, na ang bawat langgam ay nagsasagawa ng kaniyang espesipikong atas, upang ang buong kolonya ay mapaglaanan ng pagkain, proteksiyon, at pabahay.
Marahil ang pinakakahanga-hangang halimbawa ng pabahay ng insekto ay ang bunton ng anay. Ang ilan sa mga ito ay may taas na 7.5 metro. * Ang mga kamangha-mangha na pagtatayong ito ay may masalimuot na air-conditioning at mga hardin ng halamang singaw sa ilalim ng lupa. Higit pang kahanga-hanga, ang mga anay na nagtayo ng nagtataasang mga piramideng ito ay bulag!
Kung Bakit Natin Kailangan ang mga Insekto
Gumaganap ng mahalagang papel ang mga insekto sa ating pang-araw-araw na buhay. Sa katunayan, mga 30 porsiyento ng mga pagkain na kinakain natin ay nakadepende sa polinasyon ng mga bubuyog, na karamihan ay mga ligaw na bubuyog. Ngunit ang polinasyon ay isa lamang sa nakatutulong na gawain na isinasagawa ng mga insekto. Pinanatiling malinis ng mga insekto ang lupa sa pamamagitan ng mahusay na sistema ng pagreresiklo, habang muli nilang pinoproseso ang patay na mga halaman at mga hayop. Sa gayon, ang lupa ay napatataba, at ang mga nutriyente na napalabas ay makapagpapalaki sa mga bagay. “Kung walang mga insekto,” isinulat ng entomologo na si Christopher O’Toole sa kaniyang aklat na Alien Empire, “tayo ay mapupunô ng patay na halaman at hayop.”
Ang mga insekto ay lubhang hinahanap kapag hindi nagagampanan ang kanilang gawain. Isaalang-alang ang nangyari sa Australia, na pinaninirahan ng milyun-milyong baka. Hindi maiiwasang magkalat ang kawan ng dumi kung saan-saan. Maliban sa pangit tingnan, ang dumi ay pinamumugaran ng bush fly—isang salot kapuwa sa tao at baka. Kaya nag-angkat ng mga dung beetle mula sa Europa at Aprika. Nalunasan ang suliranin!
Mga Kaibigan o Mga Kaaway?
Walang alinlangan, ang ilang insekto ay kumakain ng pananim at nagdadala ng sakit. Ngunit halos isang porsiyento lamang ng mga insekto sa daigdig ang itinuturing na mga peste, at karamihan sa mga ito ay nakagagawa ng higit na pinsala dahil mismo sa paraan ng pagbago ng tao sa kapaligiran. Halimbawa, ang lamok na nagdadala ng malarya ay bihirang maminsala sa mga katutubong tao na naninirahan sa kagubatan sa dako ng ekwador. Gayunman, ito’y malubhang pumipinsala sa mga bayan na nasa hangganan ng kagubatan, kung saan maraming di-umaagos na tubig.
Kadalasan, maaaring kontrolin ng tao ang mga pesteng insekto na sumasalakay sa mga pananim sa likas na paraan, alinman sa pagpapalit-palit ng mga pananim o sa paggamit o pag-iingat ng likas na mga maninila. Ang hamak na mga ladybug at mga lacewing ay mabisang pang-kontrol sa mga pagsalot ng mga aphid (dapulak). At sa Timog-silangang Asia, natuklasan ng mga manggagawa ng pangmadlang-kalusugan na ang dalawang uod ng tutubi ay makapagpapanatili sa isang imbakan ng tubig na walang kitikiti.
Kung gayon, kahit ang mga ito’y may disbentaha, ang mga insekto ay isang mahalagang bahagi ng likas na daigdig kung saan tayo umaasa. Gaya ng binanggit ni Christopher O’Toole, samantalang ang mga insekto ay mabubuhay kahit wala tayo, “hindi tayo mabubuhay nang wala sila.”
[Talababa]
^ par. 20 Para sa mga tao, ang katumbas ay isang mataas na gusali na mahigit na siyam na kilometro ang taas.
[Kahon/Mga larawan sa 16, 17]
METAMORPHOSIS—Isang Bagong Hitsura, Isang Bagong Istilo-ng-Buhay
Lubusang binabago ng ilang insekto ang kanilang anyo sa pamamagitan ng proseso na tinatawag na metamorphosis—sa literal, “pagbabago sa anyo.” Lubhang malaki ang mga pagbabago. Ang mga uod ay nagiging mga langaw, ang mga higad ay nagiging mga paruparo, at ang mga uod sa tubig ay nagiging mga tutubi na lumilipad. Daan-daang libong insekto ang sumasailalim sa metamorphosis.
Upang makagawa ng gayong pagbabago—na katumbas ng paggawa sa isang tren upang maging isang eroplano—malaking mga pagbabago ang kailangang maganap sa loob ng katawan ng insekto. Halimbawa, isaalang-alang ang paruparo. Samantalang ang higad ay natutulog sa anyong chrysalis, karamihan sa dating mga himaymay at mga sangkap ng katawan nito ay naghihiwa-hiwalay at isang buong pangkat ng bagong magulang na mga sangkap—tulad ng mga pakpak, mga mata, at mga antena—ang nabubuo.
Kadalasan, ang pagbabago ay nagsasangkot ng pagkakaroon ng isang bagong istilo-ng-buhay. Halimbawa, habang nasa kalagayang uod, ang tutubi ay nanghuhuli ng maliliit na isda o butete; ngunit kapag ito ay naging isa nang nakalilipad na maygulang, ang kinakain na nito ay insekto. Ito ang katumbas ng isang tao na gumugol sa kaniyang unang 20 taon sa paglangoy sa dagat at sa natitirang bahagi naman ng kaniyang buhay ay sa paglipad-lipad na gaya ng isang ibon.
Magagawa ba ng ebolusyon ang ganitong kamangha-manghang mga pagbabago? Paanong basta na lamang lumitaw sa daigdig ang isang higad, na naiprograma na baguhin nito ang kaniyang sarili upang maging isang paruparo? Tungkol sa bagay na iyan, alin ang nauna—ang higad o ang paruparo? Ang isa ay hindi maaaring umiral nang wala ang isa, sapagkat tanging ang paruparo lamang ang nagpaparami at nangingitlog.
Tunay, ang proseso ng metamorphosis ay nagbibigay ng nakakakumbinsing katibayan ng isang Dalubhasang Disenyador, ang isa na tinutukoy ng Bibliya bilang ang Maylalang ng lahat ng bagay, ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat.—Awit 104:24; Apocalipsis 4:11.
[Mga larawan]
Bagong labas mula sa anyong pupa nito, inuunat ng swallowtail ang mga pakpak nito
[Mga larawan sa pahina 18]
Itaas: Pollen-eating beetle
Itaas sa kanan: Nagpapainit ang isang nababalutan ng hamog na leaf beetle
Dulong kanan: Rhinoceros beetle
[Larawan sa pahina 18]
African short-horned grasshopper
[Larawan sa pahina 18]
Horsefly