Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Sansinukob Dapat ko kayong pasalamatan sa impormasyong halos di-malirip ng isip sa serye ng “Pagtuklas sa mga Lihim ng Sansinukob.” (Marso 22, 1992) Subalit sa anong awtoridad masasabi natin na ang mga red giant, pulsar, at black hole ay mga yugto sa buhay [at kamatayan] ng mga bituin? Sinasabi ng Isaias 40:26 tungkol sa mga bituin na “ni isa man sa mga ito ay walang nagkukulang.”
E. W., Sierra Leone
Hindi tinutukoy ng tekstong ito sa Bibliya kung baga ang mga bituin ay may kapaha-pahamak na katapusan. Bagkus, itinatampok nito ang di-masayod na kaalaman at karunungan ng Diyos. Bilang Maylikha, alam ng Diyos ang kalagayan ng bawat indibiduwal na bituin. Wala ni isa man ang “nagkukulang” kung para sa kaniya. (Tingnan “Ang Bantayan” ng Setyembre 15, 1989, pahina 31.)—ED.
Pag-iibigan ng mga Tin-edyer Maraming salamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Anong Masama sa Aming Pag-uusap?” (Agosto 22, 1992) Ako’y nakikipagsulatan sa isang kabataang lalaki sa aking kongregasyon. Kami’y nagtatawagan din sa telepono. Gayunman, yamang wala pa ni isa man sa amin ang nasa hustong gulang upang mag-asawa, naipasiya naming ihinto ang paggugol nang labis na panahon sa pag-uusap sa isa’t isa. Ako’y natuwang mabasa na tama ang ginawa naming pasiya.
M. N., Hapón
Para bang nabasa ninyo kung ano ang aking iniisip! Seryoso kong pinag-isipan na makipagsulatan sa ilang kabataang lalaki. Sa palagay ko nilinlang ko ang aking sarili sa paniniwala na ang mga sulat na ito ay upang magpasigla lamang sa kanila. Dumating ang inyong artikulo sa tamang panahon.
D. B., Estados Unidos
Ako po’y 12 taóng gulang at nakikipagsulatan sa maraming tao. Isa sa kanila ay isang kabataang lalaki. Hindi ko kailanman akalain na ako’y magkakaroon ng romantikong damdamin para sa kaniya, subalit isang araw siya’y sumulat at sinabing iniibig niya ako! Ang inyong artikulo ay dumating sa tamang panahon!
E. V., Estados Unidos
Arthritis Ang inyong artikulong “Kung Paano Mapagtitiisan ang Arthritis” (Hunyo 8, 1992) ay binasa ko na may malaking interes. Subalit bilang isang pinahihirapan ng arthritis, inaakala ko na hindi nito lubusang inilarawan ang maaaring likhaing kapinsalaan ng sakit na ito dahil sa iba’t ibang epekto nito: kaigtingan, kirot, pagkahapo, di pagkatulog, at panlulumo. Ipinakita ninyo ang isang larawan ng kimaw na mga kamay na para bang ito ang pinakamalalang arthritis. Ang nakikitang mga kapinsalaan sa katawan ay hindi lamang ang tanging bagay na dapat pagtiisan. Ang kanang tadyangan ko ay nasa ibaba ng aking kanang balakang, at dahil sa wala isa man ang nakakikita ng kapinsalaan, hindi ito kinikilala ng iba. Hinihimok kami ng inyong artikulo na “paunlarin ang optomistikong pangmalas,” subalit kung minsan mahirap itong gawin kung walang suporta ng iba.
M. J., Estados Unidos
Aming pinahahalagahan ang prangkang mga komentong ito. Ang aming maikling artikulo ay totoong limitado ang saklaw. Isa pa, ito ay ipinatungkol pangunahin na sa mga biktima ng arthritis mismo, na siyang higit na nakaaalam ng mga epekto ng sakit na ito. Gayunman, kami ay sumasang-ayon na makatutulong na mabatid ng mga kaibigan at miyembro ng pamilya ang nakapipinsalang mga epekto ng arthritis at dapat na magsikap na maging matulungin.—ED.
Maraming salamat sa paglalathala ng artikulong ito. Ako’y 31 anyos at nagdaranas ng matinding kirot ng arthritis. Ang pagkahapo ay nagdulot ng panlulumo, paghihinagpis, at kabiguan. Subalit ako ay nakapagtitiis sapagkat nasisiyahan ako sa espirituwal na kalusugan na lubhang napakahalaga para sa akin.
T. R., Estados Unidos
Matagal ko nang inaasam-asam na inyong talakayin ang paksang ito, at ako’y tuwang-tuwa na mabasa ito. Ako’y nagtitiis sa kirot ng rheumatoid arthritis mula pa noong ako’y siyam na taon. Sa kabila ng katotohanan na kami’y napapasama kung minsan sa iba na hindi ganap na nakauunawa sa aming mga problema, ipinakikita ni Jehova ang kaniyang interes at pinalalakas ang loob namin sa pamamagitan ng ganitong mga artikulo.
P. C., Italya