Mga Protesta at Demonstrasyon—Mababago ba Nito ang Daigdig?
Ang Pangmalas ng Bibliya
Mga Protesta at Demonstrasyon—Mababago ba Nito ang Daigdig?
“DAPAT na Buong Tapang Nating Sabihin ang Ating mga Opinyon, Dapat Tayong Magdemonstrasyon.” Gayon ang mababasang ulo ng balita sa isang editoryal sa National Catholic Reporter, isang pahayagang Romano Katoliko, bago sumiklab ang digmaan sa Persian Gulf noong 1991. Hinihimok ang mga mambabasa na lumahok sa mga martsang pangkapayapaan at mga demonstrasyon sa buong Estados Unidos, ang editoryal ay nagpatuloy: “Mangangailangan ng angaw-angaw na mga tao at walang tigil na pagsisikap na makamit ang kapayapaan upang mapasok ang kawalang-alam at labis na kapalaluan ng administrasyong ito. . . . Ang bayan ay kailangang magdemonstrasyon.”
Ang mga panawagang iyon na kumilos ay madalas marinig ngayon. Dahil sa napakaraming krisis sa pulitika, ekonomiya, at sa kapaligiran na nagbabanta sa kapakanan ng sangkatauhan, ang mga tao ay napipilitang “magtungo sa mga lansangan” sa mga protesta, paglalamay, at mga demonstrasyon. Ang mga isyu ay mula sa pagpapahinto ng krimen sa purok hanggang sa pagtatatag ng pandaigdig na kapayapaan. Kawili-wili, marami sa mga demonstrasyong ito ay nagdadala ng pagsang-ayon ng mga organisasyon ng simbahan at ng mga lider ng relihiyon.
Gayunman, wasto ba para sa mga Kristiyano na makibahagi sa gayong mga demonstrasyon? At talaga bang mababago ng mga protesta—ito man ay sa anyo ng magulong mga martsa o mahinahong paglalamay na may dalang nakasinding kandila—ang daigdig sa ikabubuti?
Mga Demonstrasyon—Ang Kristiyanong Pangmalas
Ang mga demonstrasyon ay inilarawan ng isang sosyologo bilang “isang partikular na mabisang paraan ng pulitikal na kapahayagan . . . upang pakilusin ang mga awtoridad na walang ginagawang pagkilos.” Oo, yaong mga nagmamartsa bilang protesta o mga nagdedemonstrasyon ay karaniwang ginagawa iyon sa pag-asang maitutuwid ng kanilang sama-samang pagsisikap ang mga kawalang-katarungan at katiwalian na nakikita sa kasalukuyang sosyal at pulitikal na mga sistema.
Gayunman, anong halimbawa ang iniwan ni Jesu-Kristo para sa kaniyang mga tagasunod? Si Jesus ay nabuhay noong panahon nang nasumpungan ng mga Judio ang kanilang sarili sa ilalim ng paniniil ng Imperyong Romano. Tiyak, ang paglaya mula sa mapaniil na pamatok ng Roma ay lubhang minimithi ng bayan. Gayunman, hindi kailanman hinimok ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na magdemonstrasyon, magmartsa bilang pagprotesta, o pulitikal na masangkot sa iba pang paraan. Sa kabaligtaran, paulit-ulit niyang sinabi na ang kaniyang mga alagad ay “hindi bahagi ng sanlibutan.”—Juan 15:19; 17:16; tingnan din ang Juan 6:15.
Sa katulad na paraan, nang si Jesus ay di makatarungang dakpin ng mga opisyal ng gobyerno, hindi niya sinubok na magsulsol ng isang protesta, bagaman tiyak na magagawa niya iyon kung gusto niya. Sa halip, sinabi niya sa Romanong gobernador: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito. Kung ang kaharian ko ay bahagi ng sanlibutang ito, ang akingJuan 18:33-36) Napaharap sa isang pagtatalo, si Jesus ay hindi nagprotesta, kinikilala ang pangangailangang manatiling hindi bahagi ng pulitikal na mga bagay. At hinimok niya ang kaniyang mga tagasunod na gawin din ang gayon.
mga alipin nga ay nakipagbaka sana upang huwag akong maibigay sa mga Judio. Ngunit, ngayon, ang kaharian ko ay hindi rito.” (Samakatuwid, ang pakikibahagi sa mga demonstrasyon ay lalabag sa mahalagang simulain ng Kristiyanong neutralidad na itinuro ni Jesus. Isa pa, ang pakikibahagi rito ay maaari pa ngang humantong sa pagkasangkot sa iba pang di-Kristiyanong paggawi. Sa anong paraan? Ang mga demonstrasyon na ginagawa taglay ang mabubuting intensiyon ay kadalasang nagkakaroon ng mapaghimagsik na espiritu, na ang mga kalahok ay nagiging militante, berbal na mapang-abuso, o marahas. Ang pagsali sa ilegal at panghadlang na mga taktika ay maaaring kumuha ng atensiyon, subalit hindi naman kasuwato ng payo ng Bibliya na “pasakop sa nakatataas na mga kapangyarihan” at na “makipagpayapaan sa lahat ng tao.” (Roma 12:18; 13:1) Sa halip na palakasin-loob ang hindi pagsunod sa mga utos ng pamahalaan, hinihimok ng Bibliya ang mga Kristiyano na panatilihin ang kanilang mabuting ugali sa gitna ng mga bansa at manatiling napasasakop sa mga pamahalaan ng tao, kahit na roon sa mga nasa kapangyarihan na mahirap palugdan o hindi makatuwiran.—1 Pedro 2:12, 13, 18.
‘Subalit hindi naman lahat ng demonstrasyon ay militante o marahas,’ maaaring sabihin ng ilan. Totoo, at ang ilang demonstrasyon ay waring nagbubunga ng mabubuting resulta. Subalit talaga bang maaaring baguhin ng mga protesta—kahit na kung ang mga ito ay mapayapa at ginagawa para sa isang mabuting layunin—ang daigdig sa ikabubuti?
Mababago ba Nito ang Daigdig?
Ang mga Kristiyano ay lubhang nababahala sa kanilang mga kapuwa at nagnanais na tulungan sila. Subalit talaga bang ang pakikibahagi sa mga demonstrasyon ang pinakamabuting paraan upang tumulong? Ang aklat na Demonstration Democracy ay nagsasabi: “May limitasyon sa kung ano ang maaaring gawin ng anumang kagamitan ng pulitikal na kapahayagan.” Walang alinlangan, ang pag-aalis sa mga kaabahan na nakakaharap ng sangkatauhan ay nangangailangan ng mga pagbabago na hindi magagawa ng anumang protesta o martsa.
Gayunding punto ang sinabi ni Jesus nang banggitin niya ang mga dantaong-gulang na relihiyosong sistema noong panahon niya. Tungkol sa mapagpaimbabaw na sistema ng pagsambang iyon na isinasagawa ng mga Fariseo, sabi niya: “Sinuma’y hindi nagtatagpi ng bagong kayo sa damit na luma; sapagkat ang tagpi ay bumabatak sa damit at lalong lumalala ang punit.” (Mateo 9:16) Ano ang punto ni Jesus? Na ang tunay na Kristiyanismo ay hindi makikiayon sa balakyot at sirang mga sistema na handa nang itapon. Kinilala niya na ang pagtatagpi sa isang walang silbing sistema ay magiging walang-saysay.
Totoo rin ito kung tungkol sa sistema ng daigdig na ipinailalim ang sangkatauhan sa mga dantaon ng kawalang-katarungan, kalupitan, at pang-aapi. Ang Eclesiastes 1:15 ay tahasang nagsasabi: “Ang baluktot ay hindi na maitutuwid.” Oo, ang sistema ng daigdig sa ngayon ay hindi na maitutuwid, sa kabila ng pinakamarangal na mga pagsisikap. Bakit hindi? Sapagkat, gaya ng sabi ng 1 Juan 5:19, “ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot,” si Satanas na Diyablo. Tinukoy ni Jesus ang isang iyon bilang “ang pinuno ng sanlibutang ito.” (Juan 12:31) Habang ang sistemang ito ay kumikilos sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas, anumang pagtatagpi ay hindi magdadala ng permanenteng ginhawa.
Hindi naman ito nangangahulugan na ang mga Kristiyano ay walang malasakit sa mga problema ng daigdig o na ayaw nilang kumuha ng positibong pagkilos. Sa katunayan, ang mga Kristiyano ay sinasabihang maging lubhang aktibo, hindi sa protesta, kundi sa gawaing pangangaral at pagtuturo ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos—ang mismong pamahalaang Kaharian na itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na idalangin. (Mateo 6:10; 24:14) Ipinakikita ng Bibliya na hindi sisikaping iligtas ng Kahariang iyon ang hindi na mapabubuting daigdig na ito; lubusang aalisin nito ang balakyot na mga pamahalaan at kaayusang panlipunan na ngayo’y nagpapahirap sa sangkatauhan at hahalinhan ito ng isang sistema na makapagtatatag ng tunay na katarungan at katuwiran sa buong lupa. (Daniel 2:44) Sa ilalim ng sistemang iyon, wala nang magpoprotesta sapagkat titiyakin ng Diyos na Jehova, na “sinasapatan ang nasa ng bawat nabubuhay na bagay,” na lahat ng ating mga pangangailangan ay lubusang matutugunan.—Awit 145:16.
[Picture Credit Line sa pahina 18]
Welga ng manggagawa, Leslie’s