Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Nabubuhay na mga Salinlahi

Kung hahatiin mo ang mga Amerikano sa tatlong salinlahi mula noong kalagitnaan ng 1800’s hanggang 1920’s, gaano karaming tao mula sa bawat salinlahi ang nabubuhay pa ngayon sa Estados Unidos? Isang kabuuan na mahigit 30 milyon, ayon sa Constitution ng Atlanta. Inilathala nito ang sumusunod: Doon sa mga ipinanganak noong mga taóng 1860 hanggang 1882, may 3,000 pa ang nabubuhay ngayon. Doon sa mga ipinanganak noong mga taóng 1883 hanggang 1900, may 1,100,000 pa ang nabubuhay ngayon. At doon sa mga ipinanganak noong mga taóng 1901 hanggang 1924, mayroon pang 29,000,000 ang nabubuhay ngayon.

Pinakamatinding Pagbaba ng Bilang ng Relihiyon

Ang miyembro ng pinakamalaking denominasyong Protestante sa Canada, ang United Church of Canada, ay dumanas ng pinakatinding pagbaba sa bilang sa loob halos ng 20 taon, bumaba ng 21,000 tao noong nakaraang taon. “Ang mga miyembro ay pinakamarami noong 1965 nang ito ay umabot ng 1,064,033,” ulat ng The Toronto Star, subalit nagkaroon ng pagbaba sa pagsuporta sa relihiyon buhat noon. Ang mga miyembro ng relihiyon ngayon ay 808,441, isang pagbaba na mahigit 250,000. Kabilang sa mga dahilan ng pagbaba ay “ang pagtatalo tungkol sa ordinasyon ng mga homoseksuwal” sa mga klero, sabi ng Star. Isang kilalang konserbatibo ng relihiyon ang naghinuha na may “panlahat na kawalan ng tiwala sa liderato at patnubay ng simbahan.”

Karamdaman Dala ng Nakatatakot na Karanasan

Isa sa pinakakaraniwang karamdaman sa isipan sa gitna ng batang mga adulto sa mga lungsod ay maaaring ang PTSD (post-traumatic stress disorder), ulat ng isang labas kamakailan ng Archives of General Psychiatry. Natuklasan ng pag-aaral na isinagawa ng mga siyentipiko sa E.U. na sa 1,007 katao sa pagitan ng gulang na 21 at 30 na naghahangad ng medikal na pansin, halos 40 porsiyento, o 394, ang iniulat na nalantad sa labis-labis na nakatatakot na pangyayari, gaya ng pagsalakay o panggagahasa o pagkakita sa isa na pinatay. Mahigit na 75 porsiyento ng mga adultong nalantad sa gayong mga pangyayari ay hindi gaanong naapektuhan, subalit 9 na porsiyento ang nagkaroon ng PTSD. Ang reaksiyon sa nakatatakot na pangyayari ay maaaring magsimula mga ilang araw, linggo, buwan, o mga taon pa nga pagkatapos. Maaaring hindi sinasadyang magunita ng mga nakaligtas ang nakatatakot na pangyayari sa pamamagitan ng nagbabalik na alaala at mga masamang panaginip. O ang mga sintomas ay maaaring ang paglayo ng damdamin sa mga minamahal, labis-labis na paghihinala sa iba, at mahirap magtuon ng isip.

Mga Tanong ng Bata

Isinisiwalat ng isang surbey tungkol sa mga saloobin ng mga batang Pranses mula 12 hanggang 15 taóng gulang na ang malaking bahagi sa kanila (57 porsiyento) ay nakatitiyak na ang Diyos ay umiiral o na marahil umiiral ang Diyos. Isinisiwalat din ng surbey na 59 porsiyento sa kanila ang nananalangin. Nang sila’y tanungin kung anong mga tanong ang nais nilang masagot, ang karamihan ng tugon ay: “Ano ang kahulugan ng buhay?” Ang iba pang mga tanong ay: “Saan tayo nanggaling, at saan tayo patungo?” “Ano ang maaari nating gawin upang gawing kawili-wili ang buhay?” “Bakit kailangang mag-aral nang puspusan sa paaralan?” “Ano ang gagawin ko sa dakong huli ng buhay?” Ang mga sosyologong sila Françoise Champion at Yves Lambert, na nagsagawa ng surbey, ay nakapansin na sa pangkalahatan, ang mga kabataan ngayon ay nakadarama ng “kahungkagan, malabong pagkabalisa.”

Mapanganib na Yo-Yong Pagdidiyeta

Ang wari bang walang katapusang siklo ng pagpayat at pagtaba ng ilang nagdidiyeta, tinatawag na yo-yong pagdidiyeta, ay maaaring magkaroon ng grabe at nakamamatay pa ngang mga resulta sa kalusugan, ulat ng isang pag-aaral kamakailan sa The New England Journal of Medicine. Sang-ayon sa The New York Times, si Dr. Kelly D. Brownell, isang sikologo at espesyalista sa timbang sa Yale University na nanguna sa pag-aaral, ay nagsabi: “Ang panggigipit sa lipunang ito na maging payat anuman ang mangyari ay maaaring nagbabayad ng mahal.” At ayon sa isa pang pag-aaral na isinagawa ng Federal Centers for Disease Control, ang mga taong pumapayat at pagkatapos ay tumataba ng mahigit na 11 kilo ay nanganganib na mamatay nang wala sa panahon kaysa roon sa mga naninigarilyo. Si Dr. Brownell ay nagbabala: “Ang mga tao ay hindi dapat magdiyeta maliban na lamang kung talagang handa silang hindi lamang pumayat kundi panatilihin itong gayon magpakailanman.”

Dumarami ang mga Batang Walang Tirahan

Taun-taon, ang Youth Accommodation Association sa Sydney, Australia, ay naghahanda ng isang listahan ng mga kabataang walang tirahan sa lungsod. Dalawang bagay na nakababahala ang lumitaw sa ulat sa taóng ito: (1) Ang bilang ng mga kabataang walang tirahan ay dumarami, at (2) yaong nagiging walang tirahan ay nagiging gayon sa maagang gulang. Isa pa, sa mahigit na 15,000 kabataang naghahanap ng matitirhan sa unang hati ng 1990, mahigit na 6,000 lamang ang nakasumpong ng isang kama o isang pansamantalang tirahan. Sinipi ng The Sydney Morning Herald ang isang tagapagsalita para sa asosasyon na nagsasabi na ang mga bilang ay nagpapabanaag ng malubhang problema sa estado. “Ang problema ng mga kabataang walang tirahan ay patuloy na dumarami,” susog niya. “Ang panandaliang matutuluyan ay bahagi lamang ng lunas.”

Hindi Nagagamot na Alkoholismo

Ang Hapón ay may suliranin sa pag-inom, sabi ng Asahi Evening News. Parami nang paraming mga babae at mga kabataang Hapones ang bumabaling sa pag-inom ng inuming nakalalasing. Ang bilang ng mga manginginom sa Hapón ay mahigit na dumoble sa nakalipas na 25 taon, hanggang sa halos 55 milyong mga adulto. Tinatayang 2.2 milyong manginginom ay mga alkoholiko. Kapag ang mga pasyente ay ipinapasok sa mga ospital sa unang yugto ng alkoholismo, sila ay karaniwang naririkonosi na dumaranas lamang ng problema sa atay, sakit sa lapay, diabetes, o iba pang sakit, sabi ng ulat sa balita, sa pagtukoy sa pangunahing depekto sa paggamot ng bansa sa mga alkoholiko.

Di-Sinasadyang Napatay Nang Walang Litis

Sinisiyasat ng Brazilianong mga awtoridad sa Mato Grosso ang isang pagpatay nang walang litis kung saan tatlong magnanakaw “ang binugbog at sinunog sa kamatayan sa lansangan ng isang galit na galit na pulutong​—na ang mga larawan ay iningatan sa video.” Ang magasing Veja ay nagkokomento: “Yaong mga isinakdal sa pagpatay nang walang litis at pagpatay ay mabubuting ulo ng pamilya, mga pulitiko, at kapuri-puring mga negosyante sa isang maliit na bayan. Sila’y nagsisimba kung Linggo, nagbabayad ng kanilang mga buwis sa panahon, at pinag-aaral ang kanilang mga anak ayon sa mahigpit na mga pamantayan.” Subalit nang ilagay ng isang pulutong ang batas sa kanilang sariling kamay, maaaring mangyari ang katakut-takot na pagkakamali. Ang pahayagan, O Estado de S. Paulo, ay nagsasabi: “Di-sinasadya, halos 20 katao ang pumatay kay Josué Nascimento Silva, 15 anyos, sa pamamagitan ng pagbambo.” Sa isa pang insidente ‘isang 13-anyos na lalaki, na napatunayang walang-sala, ay pinatay sapagkat siya ay nangyaring nakikipag-usap sa isang pinaghihinalaan nang dumating ang mga pumapatay nang walang litis.’

Isang Tapat na Etiketa

Isang tapat na anunsiyo ang lumitaw kamakailan sa isang di-inaasahang dako​—sa isang kahon ng sigarilyo. Maaga sa taóng ito, sa Los Angeles, California, E.U.A., isang bagong marka ng sigarilyo ang lumitaw sa pamilihan, nakalagay sa isang itim na kahon na may puting bungo at mga butong nakakrus. Nakasulat sa gilid ng kahon sa puting mga letra ang pangalan ng marka: KAMATAYAN. Ayon sa magasing Newsweek, sinasabi ng maygawa nito na ito ay nakapagbili na ng 25,000 kaha, nang walang anunsiyo kundi ang pambihira​—ngunit tumpak—​na etiketa. Siya’y umaasang palawakin ang benta sa bansa, nakaaakit sa mga maninigarilyo na napakabata o walang kamuwang-muwang upang matakot sa kamatayan. Malamang na waling-bahala ng mga mamimiling iyon ang babala sa bawat kaha ng sigarilyong Kamatayan: “Kung Hindi Ka Naninigarilyo, Huwag Mong Simulan. Kung Ikaw ay Naninigarilyo, Huminto Ka.”

Umuunti ang Pighati ng mga Babae sa Scandinavia

“Ang Scandinavia ang pinakamahusay na dakong pamuhayan sa lupa kung ikaw ay isang babae,” sabi ng lingguhang babasahin sa London na The European. Ang obserbasyon ay udyok ng isang report ng United Nations tungkol sa kalidad ng buhay para sa mga babae kung ihahambing sa mga lalaki sa mahigit na 160 mga bansa. Ang pagraranggo ay batay sa mga salik na gaya ng mga karapatan, kalayaan, seksuwal na pagkakapantay-pantay (patas at walang kinikilingang pagtrato sa tao anuman ang kasarian), mga pagkakataon sa trabaho, suweldo, pangangalaga sa kalusugan, materyal na kaligayahan, at sosyal na kapaligiran ng mga babae. Nangunguna sa listahan ay ang Finland, sinusundan ng Sweden at Denmark. Sa Europa, ang Portugal at Ireland ang malayung-malayo sa seksuwal na pagkakapantay-pantay. Sa pinakadulo ng listahan ng UN ay ang Kenya, kung saan ang isang babae ay makaaasang mabuhay na kalahati lamang ng buhay ng lalaki.

Mga Pagpapasimuno Laban sa Paninigarilyo

Ang Australia ay pinapurihan kamakailan ng isang tagapagsalita para sa panel na tagapayo ng World Health Organization sa tabako at kalusugan sa pangunguna sa daigdig sa pagpapasimuno laban sa paninigarilyo. Ang paninigarilyo ay ipinagbawal na sa lahat ng domestic airlines at sa mga sasakyang pampubliko sa malalaking lungsod, gayundin sa lahat ng ospital at mga sinehan. May mga pagsisikap ngayon na hikayatin ang mga gobyerno ng estado na ipagbawal ang paninigarilyo sa mga restauran. Isinisiwalat ng isang surbey kamakailan na 92 porsiyento ng parokyano ng restauran sa Estado ng Victoria ay pabor sa gayong mungkahing pagbabawal. Ang pahayagang The Australian ay nagsabi na sang-ayon sa eksperto sa opinyong legal, ang sinumang kumakain na pinahihirapan ng matinding mga epekto sa kalusugan mula sa paglanghap ng usok ng sigarilyo samantalang kumakain sa isang restauran ay may legal na karapatang ihabla ang may-ari ng reatauran.

Malamang na sumunod ang Europa. Ang Hukumang Konstitusyunal ng Italya, na siyang kataas-taasang tagapagpakahulugang lupon sa Konstitusyon, ay kinilala kamakailan na ang mga mamamayan ay may karapatang humiling ng bayad-pinsala para sa “mga pinsalang nakuha dahil sa paglanghap ng usok ng sigarilyo.” Pinagtitibay ng hukuman na yamang iginagarantiya ng Konstitusyon ang “karapatan sa kalusugan,” sinumang naninigarilyo sa mga dakong pampubliko ay lumalabag sa “pangunahin at panlahat na pagbabawal sa pagsira sa kalusugan ng iba” at maaaring pagbayarin sa kaniyang biktima. “Ang kabayaran,” sabi ng hukuman, ay nauugnay “sa lahat ng mga pinsala na maaaring makahadlang sa tao sa pagganap bilang isang tao.”