Makipagkilala sa Kontrobersiyal na Dingo ng Australia
Makipagkilala sa Kontrobersiyal na Dingo ng Australia
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Australia
MAY matagal ng debate sa Australia tungkol sa mga dingo. Ang hayop bang ito ay may karapatang mabuhay sa kagubatan ng Australia? O isa ba itong mamamaslang na dapat ikulong at unti-unting lipulin?
Ang dingo ay isang asong gubat. Ito’y mataba, na may maikli, malambot na balahibo at tuwid, matulis na mga tainga. Ang ganap na ang laking dingo, ay tumatayo ng animnapung centimetro mula sa balikat at sumusukat na halos isang daan at dalawampung centimetro mula sa ilong nito hanggang sa dulo ng tatlumpung centimetrong buntot nito. Ito’y mayroong mas malaking bungo at mas mahahabang ngipin kaysa mga alagang aso na kasinlaki nila at maaaring makilahi sa kanila. Ang pangalang dingo ay ginamit ng mga Aborigine o katutubo na nakatira sa paligid ng Sydney at unang lumitaw sa pagsulat noong taóng 1790.
Ang mga dingo ay masusumpungan sa lahat ng dako sa kontinente ng Australia subalit hindi sa estadong-isla ng Tasmania. Sila ay may kaakit-akit na mga balahibo na kulay krema, mapusyaw na dilaw, puti, matingkad na mamula-mulang kayumanggi, kalawang na pula, manilaw-nilaw na kayumanggi, at itim. Ang purong adultong dingo ay laging puti ang dulo ng buntot at karaniwang may puting paa, anuman ang kanilang panlahat na kulay.
Saan Ito Galing?
Ang dingo ay hindi katutubo sa malawak, mainit na bansang ito kundi marahil ay dinala rito sakay ng bapor. Kung kailan at sino ang nagdala ay hindi tiyak. Ang pinakamatibay na tanda ng pinagmulan ng dingo ay lumilitaw na ito ay inapo ng lobong (wolf) Indian. Ipinakikita ng mga labí ang pagkakahawig nito sa mga asong Indus Valley na lahi ng pinagsamang alagang aso at lobong Indian.
Ang iba pang pagkakahawig sa lobo ay ang walang-ingay na pangangaso ng dingo at ang bagay na hindi ito tumatahol kundi umaalulong. Ang isang popular na teoriya ay na ang mga manlalakbay mula sa India, na may mga barkong tumatawid ng dagat, ay dinala muna ang mga dingo sa Timor at saka pumatimog sa Australia.
Maaari ba Itong Paamuin?
Ang tutang dingo ay magandang kargahing hayop. Mula noong unang mga panahon ng mga Aborigine inalagaan nila ito bilang mga alagang hayop. Subalit kapag ang mga tuta ay lumalaki na, sila ay laging nagbabalik sa kagubatan.
Si Propesor N. W. G. MacIntosh ng University
of Sydney ay hindi pabor sa mga pagsisikap na paamuin ang mga dingo. Sinasabi niyang kahit na ang mga tagapagsanay ng mga police-dog, na may malaking karanasan, pagtitiyaga, at pagmamahal sa mga hayop, ay hindi nasanay ang mga dingo na sumunod.Sa kabilang dako naman, si George Bingham, na nagtrabaho kasama ng mga dingo sa loob halos ng dalawang dekada, ay nagsasabi na yaong mga inalagaan niya ay lubhang nagtitiwala at mapaglaro at hindi kailanman agresibo. Subalit inaamin niya na kung hindi isasaalang-alang ang kanilang likas na mga katangian, sila ay maaaring maging hindi masupil at mapangwasak sa personal na mga pag-aari, bagaman hindi naman mabalasik. Kinikilala niya ang kanilang pagnanais na magbalik sa kagubatan at siya’y nagbababala na kung ang alagang dingo ay hahayaang bumalik sa kagubatan, ito’y babalik bilang isang bisita sa halip na isang kasamang aso.
Isang Panganib sa Magsasaka
Sa kabila ng kanilang pagkukusang maging alagang hayop ng mga tao, ang di-matatanggihang katotohanan ay na ang gumagala-galang mga dingo ay matakaw na mga mangangaso at maaaring makapinsala sa mga kawan ng tupa at sa mga kawan ng baka. Bihira silang mangaso bilang isang grupo. Sila’y likas na mapag-isa, subalit paminsan-minsan sila’y pares-pares na nangangaso. Ito’y ginagawa lalo na kapag sumasalakay sa isang malaking hayop na gaya ng isang kangaroo, kung saan ang isang dingo ay kinakagat ang buntot o isang paa ng biktima samantalang ang ikalawang dingo ay sumasalakay sa lalamunan.
Ang mga dingo ay nagpapakita ng katusuhan sa maraming paraan. Susundan nila ang isang nagpapastol ng kaniyang kawan ng tupa sa loob ng ilang linggo, pinapatay ang alinmang hayop na humihiwalay sa malaking kawan. O tahimik na pipiliin ang isang baka na nasanay na sa kanilang pagkanaroroon sa loob ng ilang araw at saka nila biglang susunggaban ang kaniyang guya kapag siya’y nalingat.
Ang ilang nag-aalaga ng tupa ay nag-ulat ng pagkawala ng hanggang 50 porsiyento ng bagong silang na mga tupa o baka dahil sa mga dingo. Ang isa ay nawalan ng 900 tupa mula sa kawan ng 5,500 sa loob lamang ng apat na buwan. Na kadalasang pinapatay ng mga dingo ang tupa at na kaunti lamang ang kinakain nila sa bangkay nito ay lalo pang nakagagalit sa mga nag-aalaga ng tupa.
Kaya madaling maunawaan kung bakit ang dingo ay inilalarawan bilang isa sa pinakakontrobersiyal na hayop sa Australia. Sila’y inilalarawan ng karamihan ng mga pastol na malulupit, tusong mga mamamaslang. Hinihimok ng mga tagapag-alaga ng mga hayop ang pagpapanatili sa mga ito pati na ang iba pang mga hayop-gubat sa Australia at binanggit ang kanilang tulong sa paglinis sa mga bangkay ng mga hayop.
Magastos na mga Hakbang sa Pamamahala
Kabilang sa mga pagsisikap na kontrolin ang pagdami ng mga dingo ang dalawa at kalahating metrong bakod na umaabot ng mahigit na 8,000 kilometro. Ang “malaking bakod na ito ng dingo” ay sinasabing mas mahaba pa sa Great Wall ng Tsina at itinayo sa pagkalaki-laking halaga, taglay ang ambisyosong layunin na ingatan ang mga dingo sa hilaga nang huwag pinsalain ang mga tupa sa gawing timog ng bansa. Kabilang sa iba pang mga paraang ginagamit na may iba’t ibang tagumpay ay ang pagsilo at pagbaril ng propesyonal na mga maninilo ng dingo, at ang paglalagay ng mga paing lason, pati na ang paghuhulog ng mga pain mula sa himpapawid. Nakalulungkot nga, kadalasang apektado rin ang iba pang hayop at pananim sa gubat.
Sila ba’y mga Mangangain-ng-Tao?
Hanggang sa ngayon wala pang awtentikong rekord ng mga dingo na sumasalakay sa mga tao, nang isahan o nang pangkatan. Kapag naninirahan malapit sa kabihasnan, ang mga dingo ay mga hayop na kumakain ng mga bulok na bagay at kakanin nila ang anumang pagkaing masusumpungan sa mga basurahan. Sa kagubatan ng Australia, sila’y karaniwang nangangaso at kumakain ng anumang hayop na mas maliit kaysa kanilang sarili, pati na ang mga kuneho, opossum, wombat, mga daga, at maliliit na wallabies (isang uri ng kangaroo).
Kung aling pagpapakahulugan ng Bibliya—“mabangis na hayop” o “maamong hayop”—ang angkop sa dingo ay isang palaisipan. (Genesis 1:25) Subalit anuman ang eksaktong papel nito, ang kontrobersiyal na dingo ng Australia kasama ang magagandang tuta nito ay maaaring umiral sa Paraisong lupa kapag ang lahat ng nilalang na hayop ay magdudulot ng kasiyahan sa tao at magpaparangal sa mapaglikhang-isip at mapagmahal ng Maylikha.—Isaias 11:6-9.