Ang Lihim na mga Sugat ng Damdamin na Likha ng Pag-abuso sa Bata
Ang Lihim na mga Sugat ng Damdamin na Likha ng Pag-abuso sa Bata
“Basta naiinis ako sa aking sarili. Lagi kong naiisip na sana’y may ginawa ako, sana’y nasabi kong itigil ito. Para bang napakarumi ko.”—Ann.
“Para akong nakabukod sa mga tao. Madalas akong makadama ng kawalang pag-asa at kabiguan. Kung minsan nais ko nang mamatay.”—Jill.
“ANG seksuwal na pag-abuso sa pagkabata ay . . . isang napakalaki, nakapipinsala, at nakahihiyang pagsalakay sa isip, kaluluwa, at katawan ng bata . . . Ang pag-abuso ay lumalapastangan sa bawat pitak ng pag-iral ng isa.” Gayon ang sabi ng The Right to Innocence, ni Beverly Engel.
Hindi pare-pareho ang reaksiyon ng mga bata sa pag-abuso. a Ang mga bata ay may iba’t ibang personalidad, kakayahan sa paglutas ng problema, at damdamin na maaasahan kung kinakailangan. Depende rin ito sa kaugnayan ng bata sa mang-aabuso, sa kaselangan ng abuso, gaano katagal ang pag-abuso, ang edad ng bata, at iba pang salik. Higit pa riyan, kung ang pag-abuso ay naibunyag at ang bata ay tumatanggap ng maibiging tulong buhat sa mga adulto, kadalasang mababawasan ang pinsala. Gayunman, maraming biktima ang dumaranas ng malalim na mga sugat ng damdamin.
Kung Bakit Ito Mapangwasak
Ang Bibliya ay nagbibigay ng matalinong unawa sa kung bakit nangyayari ang gayong pinsala. Ganito ang sabi ng Eclesiastes 7:7: “Tunay na nagpapamangmang sa pantas ang pang-aapi.” Kung totoo ito sa isang adulto, gunigunihin ang epekto ng malupit na pang-aapi sa maliit na bata—lalo na kung ang mang-aabuso ay isang pinagkakatiwalaang magulang. Dapat alalahanin, ang unang mga taon ng buhay ay mahalaga sa emosyonal at espirituwal na paglaki ng bata. (2 Timoteo 3:15) Sa mga taon ng kamusmusan ang bata ay nagsisimulang magkaroon ng mga hangganang moral at ng pagkadama ng personal na halaga. Sa pagiging malapit sa kaniyang mga magulang, natututuhan din ng bata ang kahulugan ng pag-ibig at pagtitiwala.—Awit 22:9.
“Sa mga batang inabuso,” paliwanag ni Dr. J. Patrick Gannon, “ang prosesong ito ng pagkakaroon ng tiwala ay nadidiskaril.” Dahil sa pag-abuso ang dating pagtitiwala ng bata sa mang-aabuso ay nawawala; inaalisan niya ito ng anumang anyo ng kaligtasan, pribadong buhay, o paggalang-sa-sarili at ginagamit ito bilang isang bagay lamang para sa kaniyang pagbibigay-kasiyahan sa sarili. b Hindi nauunawaan ng mumunting bata ang kahulugan ng imoral na mga kilos na ipinipilit sa kanila, ngunit halos sa buong sansinukob ay nasusumpungan nila ang karanasan na nakababalisa, nakatatakot, nakahihiya.
Kaya nga ang pag-abuso sa pagkabata ay tinatawag na “ang pinakamasamang pagkakanulo.” Tayo’y napaaalalahanan ng tanong ni Jesus: “Sino sa inyo ang kung siya’y hingan ng tinapay ng kaniyang anak—ay bato ang ibibigay?” (Mateo 7:9) Subalit ang ibinibigay ng mang-aabuso sa bata, ay hindi pag-ibig at pagmamahal, kundi ang pinakamalupit na “bato” sa lahat—seksuwal na pagsalakay.
Kung Bakit Patuloy na Umiiral ang mga Sugat ng Damdamin
Ang Kawikaan 22:6 ay nagsasabi: “Sanayin mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran; kahit tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan iyon.” Maliwanag, ang impluwensiya ng magulang ay maaaring tumagal habang-buhay. Ano, kung gayon, kung ang bata ay sinanay na maniwalang siya ay walang lakas na iwasan ang seksuwal na panghihimasok? Kung siya ay sinanay na magsagawa ng lisyang mga gawi kapalit ng “pag-ibig”? Kung siya ay sinanay na malasin ang kaniyang sarili na walang halaga at marumi? Hindi ba iyan ay maaaring humantong sa isang habang-buhay na mapangwasak na paggawi? Hindi naman ibig sabihin nito na ang pag-abuso sa pagkabata ay nagbibigay-matuwid sa di-angkop na paggawi ng adulto sa dakong huli, kundi tumutulong ito upang ipaliwanag kung bakit ang mga biktima ng pang-aabuso ay maaaring kumilos o makadama nang gayon.
Maraming biktima ng pang-aabuso ang dumaranas ng sarisaring sintomas, pati na ng panlulumo. Ang iba ay patuloy na kumukulo sa galit at kung minsan ay lipos ng pagkadama ng pagkakasala, kahihiyan, at matinding galit. Ang ibang biktima ay maaaring dumanas ng emotional shutdown, kawalang kakayahang magpahayag o makadama ng damdamin. Ang mababang pagpapahalaga-sa-sarili at mga damdamin ng kawalan ng lakas ay nagpapahirap din sa marami. Ganito ang nagugunita ni Sally, na inabuso ng kaniyang tiyo: “Tuwing aabusuhin niya ako ay nawawalan ako ng lakas at hindi makakilos, manhid, naninigas, nalilito. Bakit ba ito nangyayari?” Ganito ang report ng sikologong si Cynthia Tower: “Ipinakikita ng mga pagsusuri na kadalasang dadalhin ng mga taong inabuso noong sila’y bata sa buong buhay nila ang pagkakilala sa kanilang sarili bilang isang biktima.” Maaaring mapangasawa nila ang isang abusadong lalaki, magpakita ng kahinaan, o makadama ng kawalan ng lakas na ipagtanggol ang kanilang sarili kapag sila’y pinagbabantaan.
Karaniwan na, ang mga bata ay may 12 taon o higit pa upang maghanda para sa mga damdamin na nagigising sa panahon ng pagbibinata o pagdadalaga. Subalit kapag ang mahahalay na kilos ay ipinipilit sa isang bata, maaaring hindi niya makayanan ang napukaw na mga damdamin. Gaya ng ipinakikita ng isang pag-aaral, maaari nitong hadlangan sa dakong huli ang kaniyang kakayahang masiyahan sa ugnayan nilang mag-asawa. Ganito ang ipinagtapat ng isang biktimang nagngangalang Linda: “Nasusumpungan ko ang seksuwal na bahagi ng pag-aasawa na pinakamahirap na bagay sa aking buhay. Kinikilabutan ako na para bang ang tatay ko ang naroon, at ako’y takot na takot.” Ang ibang mga biktima ay maaari namang kumilos sa kabaligtaran at magkaroon ng walang taros na imoral na pagnanasa. “Namuhay ako ng handalapak na buhay at bunga nito ako ay nakikipagtalik sa ganap na mga estranghero,” sabi ni Jill.
Baka mahirapan din ang mga biktima ng pang-aabuso na panatilihin ang mahusay na mga kaugnayan. Ang iba ay basta hindi makapagkuwentuhan sa mga lalaki o sa mga taong may awtoridad. Sisirain naman ng iba ang mga pagkakaibigan at pag-aasawa
sa pagiging abusado o mapaniil. Gayunman waring lubusang iniiwasan ng iba ang malapit na mga kaugnayan.May iba pa ngang mga biktima na ibinabaling ang kanilang mapangwasak na mga damdamin sa kanilang sarili. “Kinamumuhian ko ang aking katawan sapagkat ito’y tumugon sa pagpapasigla ng pag-abuso,” sabi ni Reba. Kalunus-lunos, ang mga sakit na kaugnay ng pagkain, c walang tigil na pagnanais na magtrabaho, pagmamalabis sa alak at droga, ay karaniwan sa mga biktima ng pang-aabuso—sa pagsisikap na lunurin ang kanilang mga damdamin. Maaari namang isagawa ng iba ang kanilang pagkamuhi-sa-sarili sa mas tuwirang paraan. “Hinihiwa ko ang aking sarili, ibinabaon ko ang aking mga kuko sa aking mga kamay, pinapaso ko ang aking sarili,” sabi pa ni Reba. “Sa pakiwari ko’y karapat-dapat akong abusuhin.”
Gayunman, huwag kaagad maghinuha na ang sinuman na nakadarama o kumikilos sa gayong paraan ay seksuwal na inabuso. Maaaring may ibang pisikal o emosyonal na salik na nasasangkot. Halimbawa, sinasabi ng mga dalubhasa na ang kahawig na mga sintomas ay karaniwan sa mga adultong lumaki sa di-normal na mga pamilya—kung saan sila’y binugbog, hinamak o ipinahiya, hindi inintindi ang kanilang pisikal na mga pangangailangan ng kanilang mga magulang, o kung saan ang kanilang mga magulang ay mga sugapa sa droga o sa alak.
Espirituwal na Pinsala
Ang pinakamapaminsalang epekto sa lahat na maaaring sirain ng pag-abuso sa pagkabata ay ang potensiyal na espirituwal na pinsala. Ang pag-aabuso ay isang “karumihan sa laman at sa espiritu.” (2 Corinto 7:1) Sa pagsasagawa ng mahalay na mga gawa sa isang bata, sa paglapastangan sa kaniyang pisikal at moral na mga hangganan, sa pagkakanulo ng kaniyang pagtitiwala, dinudumhan ng mang-aabuso ang espiritu ng bata, o ang dominanteng hilig ng kaisipan. Sa dakong huli ay maaari nitong hadlangan ang moral at espirituwal na paglaki ng biktima.
Ganito pa ang sabi ng aklat na Facing Codependence, ni Pia Mellody: “Anumang grabeng pag-abuso . . . ay espirituwal na pag-abuso rin, sapagkat sinisira nito ang pagtitiwala ng bata sa Diyos.” Halimbawa, isang babaing Kristiyanong nagngangalang Ellen ay nagtatanong: “Papaano ko maiisip si Jehova bilang isang Ama gayong ang ideya ko tungkol sa isang makalupang ama ay isa na malupit, nagngangalit?” Ganito ang sabi ng isa pang biktima, na ang pangala’y Terry: “Hindi Ama ang turing ko kay Jehova. Itinuturing ko siya bilang Diyos, Panginoon, Soberano, Maylikha, oo! Ngunit bilang Ama, hindi!”
Ang gayong mga indibiduwal ay hindi naman espirituwal na mahina o kulang ng pananampalataya. Sa kabaligtaran, ang kanilang patuloy na pagsisikap na sundin ang mga simulain ng Bibliya ay isang katibayan ng espirituwal na lakas! Subalit gunigunihin kung ano ang maaaring nadarama ng ilan kapag nababasa nila ang teksto sa Bibliya na gaya ng Awit 103:13, na nagsasabing: “Kung paanong ang ama ay nagpapakita ng awa sa kaniyang mga anak, gayon nagpakita ng awa si Jehova sa mga natatakot sa kaniya.” Maaaring intelektuwal na maunawaan ito ng iba. Subalit kung walang kaaya-ayang ideya tungkol sa isang ama, baka mahirap para sa kanila na emosyonal na tumugon sa tekstong ito!
Baka mahirapan din ang iba na maging “gaya ng isang bata” sa harap ng Diyos—mahina, mapagpakumbaba, nagtitiwala. Maaaring pigilan nila ang kanilang tunay na mga damdamin sa Diyos kapag nananalangin. (Marcos 10:15) Maaaring nag-aatubili silang ikapit sa kanilang sarili ang mga salita ni David sa Awit 62:7, 8: “Nasa Diyos ang aking kaligtasan at aking kaluwalhatian. Aking matibay na bato, ang kanlungan ko’y nasa Diyos. Magtiwala kayo sa kaniya sa buong panahon, Oh bayan. Buksan ninyo ang inyong puso sa harap niya. Diyos ang kanlungan sa atin.” Ang pagkadama ng pagkakasala at kawalang-halaga ay maaari pa ngang magpahina sa kanilang pananampalataya. Isang biktima ay nagsabi: “Ako’y talagang naniniwala sa Kaharian ni Jehova. Gayunman, inaakala kong hindi ako karapat-dapat doon.”
Mangyari pa, hindi lahat ng biktima ay naaapektuhan sa gayong paraan. Ang ilan ay naging malapit kay Jehova bilang isang maibiging Ama at wala silang nadaramang hadlang sa kaniyang kaugnayan kay Jehova. Anuman ang kalagayan, kung ikaw ay isang biktima ng seksuwal na pag-abuso sa pagkabata, masusumpungan mong mahalaga na maunawaan kung paano ito nakaapekto sa iyong buhay. Subalit ang ilan ay maaaring kontento na lamang na tanggapin kung ano ang kalagayan. Subalit, kung sa palagay mo ang pinsala ay malaki, tibayan mo ang loob mo. Ang iyong mga sugat ng damdamin ay maaaring gumaling.
[Mga talababa]
a Ang aming pagtalakay ay nagtutuon ng pansin sa kung ano ang tinatawag ng Bibliya na por·neiʹa, o pakikiapid. (1 Corinto 6:9; ihambing ang Levitico 18:6-22.) Kasali rito ang lahat ng anyo ng imoral na pagtatalik. Ang iba pang abusadong gawain, gaya ng lisya at mahalay na pagpapakita ng pribadong bahagi ng katawan, paninilip, at pagkalantad sa pornograpya, bagaman hindi maituturing na por·neiʹa, ay makapipinsala rin sa damdamin ng bata.
b Yamang ang mga bata ay may hilig na magtiwala sa mga adulto, ang pag-abuso ng isang pinagkakatiwalaang miyembro ng pamilya, nakatatandang kapatid, kaibigan ng pamilya, o ng isang estranghero pa nga ay isang mapangwasak na pagkakanulo ng pagtitiwala.
c Tingnan ang Gumising! ng Disyembre 22, 1990.