Naabot ni Hulda ang Goal Niya
KUNG nakapasyal ka na sa maliit na isla ng Sangir Besar sa Indonesia nitong mga nakaraang taon, baka nakita mo ang tatlong sister natin na nasa beach. Kilala sila sa isla dahil sa ministeryo nila—tinutulungan nila ang mga tao na maintindihan ang Bibliya. Pero iba ang ginagawa nila kapag nasa beach.
Una, nangunguha sila ng mga bato sa dagat. Kasinlaki ng bola ng soccer ang ilan sa mga iyon. Pagkatapos, umuupo sila sa mga kahoy na bangkito at gumagamit ng martilyo para pukpukin ang mga bato hanggang sa maging mas maliit na sa itlog ng manok ang mga ito. Inilalagay nila ang maliliit na bato sa mga timba at naghahagdan sila paakyat sa tinitirhan nila. Pagkatapos, inilalagay nila ang mga bato sa malalaking lalagyan para maisakay sa mga truck at magamit sa paggawa ng daan.
Isa sa mga sister na iyon si Hulda. Kumpara sa dalawang sister, mas marami siyang panahon para sa trabahong iyon. Ginagamit niya ang lahat ng kinikita niya para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya niya. Pero mayroon siyang goal ngayon. Gusto niyang magkaroon ng tablet para magamit niya ang JW Library® app. Alam niya na tutulong ang mga video at iba pang nasa app para mapasulong niya ang ministeryo niya at mas maintindihan niya ang Bibliya.
Para makaipon, nagdagdag si Hulda ng dalawang oras kada umaga sa pagpukpok ng bato. Nakakapuno siya ng isang maliit na truck. Pagkalipas ng isa’t kalahating buwan, nakaipon na siya ng pambili ng tablet.
Sinabi ni Hulda: “Pagod na pagod ako at sumasakit ang katawan ko sa pagpukpok ng mga bato. Pero nalimutan ko ang lahat ng iyon nang magamit ko na ang tablet para maging mas epektibo ako sa ministeryo at makapaghanda sa mga pulong.” Sinabi rin niya na nakatulong ang tablet lalo na noong simula pa lang ng pandemic. Lahat kasi ng gawain sa kongregasyon, ginagawa online. Masaya tayo na naabot ni Hulda ang goal niya.