Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

MULA SA AMING ARCHIVE

“Mga Mamamahayag ng Kaharian sa Britain—Gising!!”

“Mga Mamamahayag ng Kaharian sa Britain—Gising!!”

MALINAW at apurahan ang panawagan: “Mga mamamahayag ng Kaharian sa Britain—Gising!!” (Informant, * Disyembre 1937, edisyon para sa London) Idinagdag pa ng subtitulo: “Walang Gaanong Pagsulong sa Loob ng 10 Taon.” Sa unang pahina, ipinakikita ng ulat ng paglilingkod mula 1928 hanggang 1937 na totoo nga ito.

MASYADO NANG MARAMING PAYUNIR?

Bakit nawalan ng sigla ang ministeryo sa Britain? Parang nanamlay ang mga kongregasyon at nahirati na lang sa nakasanayan nila sa loob ng maraming taon. Ipinasiya rin ng sangay na sapat na ang mga 200 payunir sa teritoryo nito na naglilingkod sa liblib na mga teritoryo sa halip na kasama ng mga kongregasyon. Kaya sinabihan ng sangay ang mga gustong magpayunir na wala nang teritoryo sa Britain at hinimok silang maglingkod sa ibang bansa sa Europa. Nakatutuwa naman, maraming payunir ang umalis sa Britain para maglingkod sa ibang bansa gaya ng France, kahit kaunti lang o wala silang alam sa wika doon.

“ISANG PANAWAGAN”

Ang artikulong iyon ng Informant noong 1937 ay nagtakda ng tunguhin para sa 1938: Isang milyong oras! Madali nilang maaabot ang tunguhing ito kung gugugol ng 15 oras kada buwan sa ministeryo ang mga mamamahayag at 110 oras naman ang mga payunir. Iminungkahi ring organisahin ang mga grupo sa paglilingkod sa larangan para maglingkod ng limang oras bawat araw at magpokus sa pagdalaw-muli, lalo na sa mga gabi ng gitnang sanlinggo.

Nakapokus sa ministeryo ang masisigasig na payunir

Marami ang nanabik dito. “Ito ay isang panawagan mula sa punong-tanggapan, na matagal nang hinihintay ng karamihan sa amin at nagkaroon ito ng magagandang resulta,” ang naalaala ni Hilda Padgett. * Sinabi naman ng sister na si E. F. Wallis: “Napakaganda ng mungkahi tungkol sa limang oras ng pangangaral bawat araw! May sasaya pa ba kaysa sa maglingkod nang maghapon sa Panginoon? . . . Siguro, pagod kaming umuuwi, pero masaya ba? Oo naman!” Nadama ng kabataang si Stephen Miller ang pagkaapurahan at tumugon siya sa panawagan. Gusto niyang gawin iyon habang may pagkakataon! Naalaala niya ang mga grupo ng mga nakabisikleta na maghapon sa ministeryo. At sa mga gabi tuwing tag-araw, nagpapatugtog sila ng rekording ng mga pahayag. Masigasig silang nakibahagi sa mga information march na may mga plakard at namahagi sila ng mga magasin sa lansangan.

May isa pang panawagan ang Informant: “Kailangan natin ng isang hukbo ng 1,000 payunir.” Ayon sa isang bagong patakaran para sa mga teritoryo, ang mga payunir ay hindi na maglilingkod nang hiwalay sa mga kongregasyon. Sa halip, sasama na sila para suportahan at patibayin ang mga ito. “Maraming kapatid ang nagigising sa katotohanan na kailangan nilang magpayunir,” ang naalaala ni Joyce Ellis (dating Barber). “Kahit 13 anyos lang ako no’n,” ang sabi niya, “iyon ang gusto kong gawin; gusto kong magpayunir.” Naabot niya ang tunguhin niya noong Hulyo 1940, sa edad na 15. Dahil sa panawagan, nagsimulang pag-isipan ni Peter, na nang maglaon ay naging asawa ni Joyce, ang pagpapayunir. Noong Hunyo 1940, sa edad na 17, nagbisikleta siya nang 105 kilometro papuntang Scarborough para sa bagong atas niya bilang payunir.

Maraming mapagsakripisyong bagong payunir ang gaya nina Cyril at Kitty Johnson. Ibinenta nila ang kanilang bahay at mga pag-aari para matustusan ang kanilang buong-panahong ministeryo. Nagbitiw si Cyril sa trabaho, at sa loob ng isang buwan, handa na silang magpayunir. Naalaala niya: “Hindi kami nag-aalala tungkol dito. Ginawa namin ito nang kusa at masaya.”

MGA PIONEER HOME

Mabilis na dumami ang mga payunir, kaya nag-isip ang inatasang mga brother ng praktikal na mga paraan para suportahan ang lumalaking hukbong ito. Si Jim Carr, na naglilingkod noong 1938 bilang zone servant (tinatawag ngayon na tagapangasiwa ng sirkito), ay sumunod sa mungkahi na magsaayos ng mga pioneer home sa mga lunsod. Pinasigla ang maraming grupo ng payunir na tumira at gumawang magkakasama para makatipid. Sa Sheffield, umupa sila ng isang malaking bahay, na pinangasiwaan ng isang brother na may-gulang sa espirituwal. Ang lokal na kongregasyon ay nagbigay ng pondo at mga muwebles. Naalaala ni Jim: “Nagtulong-tulong ang lahat para magawa ito.” May 10 masisipag na payunir na tumira doon. Hindi nila pinabayaan ang kanilang espirituwal na rutin. “Tinatalakay namin ang teksto tuwing almusal bawat umaga,” at “pumupunta ang mga payunir araw-araw sa kani-kanilang teritoryo sa iba’t ibang bahagi ng lunsod.”

Dumagsa ang mga bagong payunir sa Britain

Tumugon ang mga mamamahayag at mga payunir sa panawagan at naabot nila ang tunguhin na isang milyong oras noong 1938. Sa katunayan, ipinakikita ng ulat na sumulong ang lahat ng aspekto ng paglilingkod sa larangan. Sa loob ng limang taon, halos natriple ang dami ng mga mamamahayag sa Britain. Dahil sa pinag-ibayong sigasig sa paglilingkod sa Kaharian, napalakas ang bayan ni Jehova na harapin ang digmaang nangyari nang sumunod na mga taon.

Sa ngayon, muling dumarami ang bilang ng mga payunir sa Britain habang papalapit ang digmaan ng Diyos, ang Armagedon. Nagkaroon ng mga bagong peak sa bilang ng mga payunir nitong nakalipas na 10 taon, na umabot nang 13,224 noong Oktubre 2015. Ang mga payunir na ito ay gising sa katotohanan na ang buong-panahong ministeryo ay isa sa pinakamagagandang paraan ng pamumuhay.

^ par. 3 Tinawag nang maglaon na Ating Ministeryo sa Kaharian.

^ par. 8 Mababasa sa Bantayan, Oktubre 1, 1995, p. 19-24, ang talambuhay ni Sister Padgett.