Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Natatandaan Mo Ba?

Natatandaan Mo Ba?

Nabasa mo bang mabuti ang nakaraang mga isyu ng Bantayan? Tingnan kung masasagot mo ang mga sumusunod:

Ano ang dapat na maging saloobin ng mga brother, gaya ng mga tagapangasiwa ng sirkito at mga elder, kapag may mga tagubilin mula sa organisasyon ng Diyos?

Dapat silang maging handang sumunod. Puwede nilang tanungin ang sarili: ‘Nakatutulong ba ako sa espirituwalidad ng mga nakapaligid sa akin? Agad ko bang tinatanggap at sinusuportahan ang ibinibigay na mga tagubilin?’—w16.11, p. 11.

Kailan naging bihag ng Babilonya ang mga tunay na Kristiyano?

Nangyari ito di-nagtagal pagkamatay ng mga apostol. Nang panahong iyon, nagsimulang lumitaw ang isang uring klero. Itinaguyod ng Simbahan at ng Pamahalaan ang apostatang Kristiyanismo at sinikap na tabunan ang tinig ng tulad-trigong mga pinahirang Kristiyano. Pero noong mga dekada bago ang 1914, nagsimulang lumaya ang mga pinahiran.—w16.11, p. 23-25.

Bakit mahalaga ang akda ni Lefèvre d’Étaples?

Noong dekada ng 1520, isinalin ni Lefèvre ang Bibliya sa wikang Pranses para maunawaan ito ng ordinaryong mga tao. Ang paliwanag niya sa mga bahagi ng Bibliya ay nakaimpluwensiya kina Martin Luther, William Tyndale, at John Calvin.—wp16.6, p. 10-12.

Ano ang pagkakaiba ng “pagsasaisip ng laman” at ng “pagsasaisip ng espiritu”? (Roma 8:6)

Ang nagsasaisip ng laman ay nakapokus sa pagnanasa at hilig ng di-sakdal na laman, laging nakikipag-usap tungkol sa laman, at nasisiyahan sa mga bagay na may kaugnayan dito. Pero nakasentro ang buhay ng taong nagsasaisip ng espiritu sa mga bagay na may kaugnayan sa Diyos at sa kaniyang kaisipan; nangingibabaw sa Kristiyanong iyon ang banal na espiritu. Ang nauna ay hahantong sa kamatayan, ang huli naman ay sa buhay at kapayapaan.—w16.12, p. 15-17.

Ano ang ilang praktikal na paraan para mabawasan ang kabalisahan?

Magtakda ng mga priyoridad, maging makatotohanan sa mga inaasahan, maglaan ng panahon araw-araw para mapag-isa, masiyahan sa mga nilikha ng Diyos, maging masayahin, mag-ehersisyo nang regular, at matulog nang sapat.—w16.12, p. 22-23.

Si Enoc ay inilipat upang hindi makakita ng kamatayan.” (Heb. 11:5) Paano?

Malamang na unti-unting inilipat ng Diyos si Enoc mula sa buhay tungo sa kamatayan nang hindi nito namamalayan.—wp17.1, p. 12-13.

Bakit mahalaga pa rin ang kahinhinan?

Ang kahinhinan ay tumutukoy sa balanseng pananaw sa sarili at pagkilala sa ating mga limitasyon. Kailangang alam natin kung paano nakaaapekto sa iba ang ating paggawi at huwag masyadong maging importante sa atin ang ating sarili.—w17.01, p. 18.

Ano ang ebidensiya na pinatnubayan ng Diyos ang lupong tagapamahala noong unang siglo, gaya ng ginagawa niya sa Lupong Tagapamahala ngayon?

Sa tulong ng banal na espiritu, naunawaan nila ang mga katotohanan sa Kasulatan. Sa tulong ng mga anghel, pinangasiwaan nila ang gawaing pangangaral, at nanalig sila sa Salita ng Diyos kapag nagbibigay ng tagubilin. Totoo rin ito sa ngayon.—w17.02, p. 26-28.

Ano ang mga dahilan kung bakit mahalaga sa atin ang pantubos?

Ang mga ito ay: Kung sino ang nagbigay nito, kung bakit ito ibinigay, kung ano ang isinakripisyo, at kung anong pangangailangan ang natugunan nito. Dapat nating bulay-bulayin ang mga dahilang iyan.—wp17.2, p. 4-6.

Matapos pagpasiyahan ang isang bagay, puwede bang magbago ng isip ang isang Kristiyano?

Dapat nating tuparin ang ating ipinangako. Pero may mga pagkakataong kailangan nating pag-isipang muli ang isang desisyon. Nang magsisi ang mga Ninevita, binago ng Diyos ang kaniyang pasiya tungkol sa Nineve. Kung minsan, baka kailangan din nating gawin iyan dahil sa nagbagong mga kalagayan o bagong impormasyon.—w17.03, p. 16-17.

Bakit napakamapanganib ng tsismis?

Maaaring lumala ang problema dahil dito. Tama man tayo o mali, hindi bubuti ang sitwasyon kung magsasalita tayo ng nakasasakit.—w17.04, p. 21.