Alam Mo Ba?
Tama bang tawaging “mga magnanakaw” ang mga nagtitinda ng hayop sa templo sa Jerusalem?
AYON sa ulat ng Ebanghelyo ni Mateo, “pumasok si Jesus sa templo at pinalayas ang lahat niyaong mga nagtitinda at bumibili sa templo, at itinaob ang mga mesa ng mga tagapagpalit ng salapi at ang mga bangkô niyaong mga nagtitinda ng mga kalapati. At sinabi niya sa kanila: ‘Nasusulat, “Ang aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan,” ngunit ginagawa ninyo itong yungib ng mga magnanakaw.’”—Mat. 21:12, 13.
Ipinakikita ng mga rekord ng kasaysayan ng mga Judio na sinasamantala ng mga mangangalakal ang mga mámimili sa pamamagitan ng pagpepresyo nang sobrang mahal. Halimbawa, binanggit sa Mishnah (Keritot 1:7) na noong unang siglo C.E., ang presyo ng isang pares ng kalapati na ginagamit sa paghahain ay tumaas at naging isang ginintuang denar. Katumbas iyon ng kikitain ng isang karaniwang manggagawa sa 25-araw na pagtatrabaho. Ang mga kalapati ay tinatanggap bilang hain ng mahihirap; pero sa sobrang mahal nito, hindi na nila ito kayang bilhin. (Lev. 1:14; 5:7; 12:6-8) Nagalit si Rabbi Simeon ben Gamaliel sa kalakarang ito, at binawasan niya ang bilang ng mga takdang hain, kung kaya agad na bumagsak ang presyo ng dalawang kalapati at naging isang porsiyento na lang ng dating halaga.
Kaya naman, makatuwiran lang na tawagin ni Jesus na “mga magnanakaw” ang mga mangangalakal sa templo dahil sa kanilang pananamantala at kasakiman.