TALAMBUHAY
Masayang Maglingkod kay Jehova
NAGSIMULA akong maglingkod sa Bethel sa Canada noong 1958. Labingwalong taóng gulang ako noon, at ang una kong trabaho ay maglinis ng sahig ng building kung saan nag-iimprenta. Di-nagtagal, naging operator ako ng makina na nagti-trim ng mga magasin. Ang saya-saya ko na nasa Bethel ako!
Nang sumunod na taon, naghahanap ng mga boluntaryo sa Bethel na tutulong sa sangay sa South Africa kung saan magkakaroon ng bagong palimbagan. Nagpalista ako, at tuwang-tuwa ako nang mapili ako. Napili rin sina Dennis Leech, Bill McLellan, at Ken Nordin. Sinabihan kami na magtatagal kami sa South Africa.
Tumawag ako kay Nanay: “Nay, may ibabalita ako sa inyo. Ipapadala po ako sa South Africa!” Matibay ang pananampalataya ni Nanay. Wala siyang gaanong sinabi, pero alam ko na natutuwa siya para sa akin. Laging sinusuportahan nina Tatay at Nanay ang mga desisyon ko. Pero alam ko na nalungkot sila kasi mapapalayo ako.
PAPUNTA SA SOUTH AFRICA!
Tatlong buwan muna kaming sinanay sa Bethel sa Brooklyn sa typesetting gamit ang mainit na tingga para sa letterpress printing. Pagkatapos, bumiyahe na kami papuntang Cape Town, South Africa, sakay ng isang barkong pangkargamento. Beinte anyos lang ako noon. Mula sa Cape Town, sumakay kami ng tren papunta sa Johannesburg. Gabi kami umalis. At sa haba ng biyahe, madaling-araw na kaming nakarating sa isang maliit na bayan sa Karoo. Medyo disyerto ang lugar na iyon. Mainit at maalikabok. Pagsilip naming apat sa bintana, naisip namin: ‘Anong klaseng lugar ito? Ano kaya ang magiging buhay namin dito sa Africa?’ Pero di-nagtagal, nang bumalik kami sa lugar na iyon, gandang-ganda kami sa maliliit na bayan doon kasi napakatahimik.
Ilang taon din akong naging operator ng Linotype machine at naghahanay ako ng mga tingga na gagamitin sa pag-iimprenta ng magasing Bantayan at Gumising! Nag-iimprenta ang tanggapang pansangay ng mga magasin sa maraming wika sa Africa. Pero hindi lang kami nag-iimprenta para sa South Africa kundi para din sa iba pang bansa sa hilaga. Ang saya-saya namin kasi sulit ang punta namin dito. Gamit na gamit ang bagong printing press!
Nang maglaon, naatasan ako sa Factory Office na nag-aasikaso ng iba’t ibang trabaho sa printing, shipping, at translation. Napakarami kong ginagawa, pero masayang-masaya ako.
PAG-AASAWA AT ISANG BAGONG ATAS
Noong 1968, napangasawa ko si Laura Bowen, isang payunir na nakatira malapit sa Bethel. Taga-type siya ng Translation Department. Noon, lahat ng bagong kasal ay hindi pinapahintulutan na manatili sa Bethel kaya inatasan kami na maging special pioneer. Medyo nag-alala ako noon. Sampung taon ako sa Bethel, at nasanay ako na libre ang pagkain at tuluyan. Kaya iniisip ko kung paano namin pagkakasyahin ang allowance namin. Buwan-buwan, makakatanggap lang ang bawat isa sa amin ng 25 rand ($35, U.S. noon)—kung maaabot namin ang kahilingang bilang ng oras, pagdalaw-muli, at naipamahaging literatura. Pagkakasyahin namin iyon para sa renta, pagkain, pamasahe, gamot, at iba pang gastusin.
Naatasan kami na suportahan ang isang maliit na grupo na malapit sa lunsod ng Durban, sa Indian Ocean. Napakaraming Indian doon, at karamihan sa kanila ay kamag-anak ng mga pumunta sa South Africa para magtrabaho sa pabrika ng asukal noong mga 1875. Iba na ang trabaho nila ngayon. Pero hindi nagbago ang kultura nila at mga pagkain; mahilig pa rin sila sa masarap na curry. Nagsasalita rin sila ng English kaya hindi kami nahirapan.
Hinihilingan ang mga special pioneer noon na gumugol ng 150 oras sa ministeryo buwan-buwan. Kaya sa unang araw namin, napag-usapan namin na anim na oras ang gagamitin namin sa ministeryo. Mainit noon at maalinsangan. Wala pa kaming return visit o Bible study. Kaya talagang anim na oras kaming magbabahay-bahay. Matapos ang ilang bahay, tumingin ako sa relo ko at nakaka-40 minuto pa lang kami! Naisip ko, kaya ba talaga naming magpayunir?
Di-nagtagal, naayos na namin ang iskedyul namin. Araw-araw, naghahanda kami ng sandwich at nagbabaon ng soup o kape sa thermos. Kapag pagod na kami, ipinaparada namin ang Volkswagen namin sa lilim ng isang puno. Minsan, nilalapitan kami ng maliliit na batang Indian at tinitingnan kami kasi iba ang hitsura namin. At nang sumunod na mga araw, hindi na namin namamalayan ang oras at mabilis na lumilipas ang maghapon.
Masayang-masaya kami na maturuan sa Bibliya ang mga Indian! Mapagpatuloy sila, magalang, mabait, at may takot sa Diyos. Tinanggap ng maraming Hindu ang mensaheng dala namin. Gustong-gusto nilang pag-usapan ang tungkol kay Jehova, kay Jesus, ang Bibliya, ang mapayapang bagong sanlibutan, at ang pag-asa ng mga namatay. Makalipas ang isang taon, may 20 Bible study na kami. Araw-araw, masaya kaming kumakaing kasama ang isa sa mga pamilya na ini-study namin. Napakasaya talaga namin.
Pagkatapos, nakatanggap ulit kami ng bagong atas—gawaing pansirkito sa baybayin ng magandang Indian Ocean. Linggo-linggo, iba-ibang pamilya ang tinutuluyan namin habang dumadalaw at naglilingkod kasama ng mga kapatid sa kongregasyon para patibayin sila. Pamilya ang turing nila sa amin. At masaya kaming makasama ang mga anak nila, pati na ang mga alagang hayop. Makalipas ang dalawang masasayang taon, nakatanggap ulit kami ng tawag mula sa tanggapang pansangay. Sabi nila, “Gusto namin na bumalik kayo dito sa Bethel.” Ang sabi ko, “Alam n’yo, masayang-masaya kami dito.” Pero siyempre, handa naming tanggapin ang anumang atas na ibigay sa amin.
BALIK SA BETHEL
Naatasan ako sa Service Department at nagkapribilehiyo na makatrabaho ang mga may-gulang at makaranasang brother. Noon, sinusulatan ang mga kongregasyon pagkatapos maipadala ng tagapangasiwa ng sirkito ang report ng dalaw niya. Ginagawa ang sulat na iyon para mabigyan ang kongregasyon ng pampatibay at karagdagang tagubilin. Malaking trabaho iyon para sa mga brother na magsasalin ng mga sulat na iyon sa English mula sa Xhosa, Zulu, at iba pang wika. At mula naman sa English, isasalin iyon sa iba’t ibang wika sa Africa. Talagang nagpapasalamat ako sa masisipag na translator na tumulong sa akin para maintindihan ang pinagdadaanan
ng mga kapatid natin na black African.Noong panahong iyon, nasa ilalim ng apartheid system ang mga South African. Ipinagbabawal ng gobyerno na magsama-sama ang magkakaiba ng lahi. Kaya ang mga kapatid natin na black African na magkakapareho ng wika ang magkakasamang nangangaral at dumadalo sa mga pulong.
Wala akong masyadong nakilalang mga kapatid na black African dahil palagi akong naa-assign sa English congregation. Pero ngayon, mas nakilala ko ang mga kapatid natin na black African at nalaman ang kanilang kultura at mga kaugalian. Nalaman ko na may mga problemang napapaharap sa kanila dahil sa mga tradisyon at relihiyosong paniniwala sa Africa. Napakalakas ng loob nila! Hindi nila sinusunod ang mga tradisyon na salungat sa Bibliya. At kahit pag-usigin sila ng kanilang mga kapamilya at kanayon, hindi pa rin sila nakikibahagi sa espiritistikong gawain. Napakahirap din ng buhay sa mga lugar na malayo sa siyudad. Marami ang hindi nakapag-aral, pero nakikinig sila sa mensahe ng Bibliya.
Nagkapribilehiyo ako na tumulong sa paghawak ng mga kaso may kinalaman sa kalayaan sa pagsamba at neutralidad. Napatibay ako sa katapatan at lakas ng loob ng mga batang Saksi na napatalsik sa paaralan dahil sa pagtangging sumama sa panalangin at kumanta ng mga relihiyosong awitin.
Sa isa namang maliit na bansa sa Africa na tinatawag noong Swaziland, may hamong napaharap sa mga kapatid. Nang mamatay si Haring Sobhuza II, inobliga ang lahat ng mamamayan na makibahagi sa ritwal. Kailangang magpakalbo ang mga lalaki, at kailangan namang magpagupit nang maikli ang mga babae. Maraming kapatid ang pinag-usig dahil hindi sila nakibahagi sa ritwal na iyon na may kaugnayan sa pagsamba sa mga ninuno. Hangang-hanga kami sa katapatan nila kay Jehova. Nasaksihan namin ang pananampalataya, katapatan, at pagtitiis ng mga kapatid natin sa Africa. Napatibay nila ang pananampalataya namin.
BALIK SA PALIMBAGAN
Noong 1981, naatasan akong muli sa palimbagan at tumulong ako sa paggamit ng computer
sa pag-iimprenta. Tuwang-tuwa akong makita ang pagsulong! Nakita ko mismo ang pagbabago sa paraan ng pag-iimprenta. May isang ahente na nag-alok sa sangay na gamitin namin nang libre ang isang phototypesetter. Kaya noong bandang huli, pinalitan namin ang siyam na Linotype machine ng limang bagong phototypesetter. Nag-install din ng bagong rotary offset printing press. Kaya lalong bumilis ang pag-iimprenta!Sa tulong ng computer, nagkaroon ng bagong paraan ng paggawa ng layout ng mga publikasyon gamit ang Multilanguage Electronic Publishing System (MEPS). Napakalaki na ng ipinagbago mula sa mabigat at mabagal na Linotype machine at printing press na gumagamit ng mainit na tingga na nagdala sa aming apat na Bethelite noon sa South Africa! (Isa. 60:17) Kaming apat ay nakapag-asawa ng mababait at masisigasig na payunir. Nasa Bethel pa rin kami ni Bill. Sina Ken at Dennis naman ay may mga pamilya na at nakatira malapit sa Bethel.
Parami nang parami ang trabaho sa sangay. Nadagdagan ang wika na isinasalin namin at iniimprenta, at ipinapadala namin iyon sa ibang mga sangay. Kaya kailangan ng bagong pasilidad sa Bethel. Itinayo ang pasilidad na iyon sa kanluran ng Johannesburg at inialay noong 1987. Napakasaya ko na masaksihan ang lahat ng pagsulong na iyon at makapaglingkod bilang miyembro ng Komite ng Sangay sa South Africa sa loob ng maraming taon.
ISANG PANIBAGONG ATAS
Noong 2001, gulat na gulat kami nang atasan ako na maging miyembro ng bagong Komite ng Sangay sa United States. Malungkot kami kasi kailangan naming iwan ang atas namin at mga kaibigan sa South Africa. Pero masaya kaming simulan ang bagong buhay namin kasama ang pamilyang Bethel sa United States.
Kaya lang nag-aalala kami sa biyenan kong babae kasi may-edad na siya. Hindi na namin siya maaalagaan kasi nasa New York na kami. Buti na lang, nagsabi ang tatlong kapatid ni Laura na sila na ang bahalang mag-asikaso at sumuporta sa kaniya. Sinabi nila: “Hindi namin kayang pumasok sa buong-panahong paglilingkod. Pero kung aalagaan namin si Nanay, matutulungan namin kayo na makapagpatuloy sa atas ninyo.” Ang laki ng pasasalamat namin sa kanila!
Ang kapatid ko naman at hipag, na nakatira sa Toronto, Canada, ang nag-aalaga sa nanay namin na biyuda na. Noong panahong iyon, mahigit 20 taon na nilang kasama si Nanay sa bahay. Nagpapasalamat kami sa lahat ng pag-aalaga at pag-aasikaso nila kay Nanay hanggang sa mamatay siya noong kadarating pa lang namin sa New York. Isa ngang pagpapala ang magkaroon ng pamilya na handang sumuporta at mag-adjust para maalagaan ang may-edad nang mga magulang kahit na hindi iyon madali kung minsan.
Sa United States, mga ilang taon din akong naatasan sa paggawa ng literatura, na lalo pang naging moderno at pinasimple. Pagkatapos, nagtrabaho ako sa Purchasing Department. Masaya ako na 20 taon na akong naglilingkod sa malaking sangay na ito, na sa ngayon ay may mga 5,000 Bethelite at mga 2,000 commuter!
Animnapung taon na ang nakakaraan, hindi ko lubos-maisip na ganito ang magiging buhay ko. Laging nandiyan si Laura para suportahan ako. Napakasaya talaga ng naging buhay ko! Itinuturing naming kayamanan ang lahat ng atas na ibinigay sa amin at ang lahat ng mababait na kapatid na nakatrabaho namin, kasama na ang mga kapatid sa iba’t ibang sangay na nadalaw namin sa iba’t ibang panig ng mundo. Ngayon ay mahigit 80 na ako, at hindi na ganoon karami ang trabaho ko. Marami nang mas batang brother ang sinanay para sa gawain.
Isinulat ng salmista: “Maligaya ang bansa na ang Diyos ay si Jehova.” (Awit 33:12) Totoong-totoo iyan! Masayang maglingkod kay Jehova kasama ang maligayang mga lingkod niya.