TALAMBUHAY
Higit sa Inaasahan Ko ang Pagpapalang Ibinigay ni Jehova
‘DAPAT akong magpayunir. Pero masaya nga ba ang pagpapayunir?’ Iyan ang iniisip ko noon. Mahal ko ang trabaho ko sa Germany. Nag-e-export ako ng mga pagkain sa ilang lugar sa Africa, gaya ng Dar es Salaam, Elisabethville, at Asmara. Wala akong kamalay-malay na maglilingkod ako kay Jehova nang buong panahon sa mga lugar na iyon at sa marami pang ibang lugar sa Africa!
Nang mawala ang pag-aalinlangan ko, nagpayunir ako at nabuksan ang pinto tungo sa isang buhay na hindi ko inaasahan. (Efe. 3:20) Pero baka itanong ninyo kung paano nangyari iyon. Ikukuwento ko mula sa umpisa.
Ipinanganak ako sa Berlin, Germany, ilang buwan lang matapos sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II noong 1939. Habang papalapit ang wakas ng digmaan noong 1945, pinaulanan ng bomba ang Berlin. Sa isang pag-atake, tinamaan ang lugar namin. Nakatakas kami at nakapagtago sa isang air-raid shelter. Lumikas kami sa Erfurt, ang lugar kung saan ipinanganak si Nanay.
Gustong-gustong malaman ni Nanay ang katotohanan. Kaya nagbasa siya ng mga libro tungkol sa pilosopiya at sinuri niya ang iba’t ibang relihiyon, pero hindi pa rin siya kontento. Mga 1948 noon nang may dumalaw na dalawang Saksi ni Jehova sa bahay namin. Pinatuloy sila ni Nanay at tinanong sila nang tinanong. Wala pang isang oras, nasabi niya sa aming magkapatid, “Ito na ang katotohanan!” Di-nagtagal, dumadalo na kaming mag-iina sa mga pulong sa Erfurt.
Noong 1950, bumalik kami sa Berlin at umugnay sa Berlin-Kreuzberg Congregation. Nang lumipat kami sa ibang lugar sa Berlin, dumalo naman kami sa Berlin-Tempelhof Congregation. Nang maglaon, nagpabautismo si Nanay, pero hindi pa ako handa noon. Bakit?
NAPAGTAGUMPAYAN KO ANG PAGIGING MAHIYAIN
Mabagal ang pagsulong ko kasi napakamahiyain ko. Sumasama ako sa pangangaral, pero sa loob ng dalawang taon, hindi man lang ako nagsalita para magpatotoo. Nagbago iyan nang makasama ko ang mga kapatid na nagpakita ng tapang at debosyon kay Jehova. Ang ilan ay nabilanggo sa mga kampong piitan ng Nazi o mga bilangguan sa East Germany. Ang iba naman ay palihim na nagpapasok ng mga publikasyon sa East Germany, kahit puwede silang maaresto. Humanga talaga ako sa mga halimbawa nila. Nasabi ko tuloy sa sarili ko na kung kaya nilang isakripisyo ang kanilang buhay at kalayaan para kay Jehova
at sa mga kapatid, dapat din akong magsikap na mapagtagumpayan ang pagkamahiyain ko.Napagtagumpayan ko iyan nang makibahagi ako sa espesyal na kampanya ng pangangaral noong 1955. Sa isang sulat na inilathala sa Informant, * ipinatalastas ni Brother Nathan Knorr na ang kampanyang ito ang isa sa pinakamalaking kaayusang ginawa ng organisasyon. Sinabi niya na kung makikibahagi ang lahat ng mamamahayag, “ito na ang pinakakapana-panabik na pangangaral na magaganap sa daigdig.” Nagkatotoo nga iyan! ’Di pa natatagalan pagkatapos nito, inialay ko ang aking sarili kay Jehova, at noong 1956, nabautismuhan ako kasama ni Tatay at ng kapatid ko. Pero isa pang mahalagang desisyon ang kailangan kong gawin.
Sa loob ng maraming taon, alam kong dapat akong magpayunir, pero lagi ko itong ipinagpapaliban. Una, ipinasiya kong pag-aralan ang negosyo ng pag-i-import at pag-e-export sa Berlin. Pagkatapos, gusto kong magtrabaho muna para magkaroon ng karanasan at kasanayan. Kaya noong 1961, tinanggap ko ang trabaho sa pinakamalaking piyer sa Hamburg, Germany. Habang nawiwili ako sa trabaho, lalo kong ipinagpapaliban ang pagpapayunir. Ano’ng gagawin ko?
Buti na lang, ginamit ni Jehova ang mapagmahal na mga kapatid para ipaunawa sa akin na dapat kong unahin ang paglilingkod kay Jehova. May mga kaibigan akong nagpayunir na at naging magandang halimbawa sila sa akin. Bukod diyan, si Brother Erich Mundt, na nabilanggo noon sa kampong piitan, ay nagpatibay sa akin na magtiwala kay Jehova. Sinabi niya na sa kampong piitan, ang mga kapatid na nagtiwala sa kanilang sarili ay nanghina sa espirituwal. Pero ang mga nagtiwala nang lubos kay Jehova ay nanatiling tapat at naging pundasyon sa kongregasyon.
Kahit si Brother Martin Poetzinger, na nang maglaon ay naging miyembro ng Lupong Tagapamahala, ay patuloy ring nagpapatibay sa mga kapatid. Sinabi niya, “Lakas ng loob ang pinakamahalagang katangian na dapat n’yong taglayin!” Nang mapag-isipan kong mabuti ang mga salitang iyon, nagbitiw ako sa trabaho at nagpayunir noong Hunyo 1963. Iyan ang pinakamagandang desisyong ginawa ko! Pagkaraan ng dalawang buwan, bago pa man ako maghanap ng ibang trabaho, naimbitahan akong maglingkod bilang special pioneer. Pagkalipas ng ilang taon, higit pa sa inaasahan ko ang ibinigay ni Jehova. Naimbitahan ako sa ika-44 na klase ng Paaralang Gilead.
NATUTO NG ISANG MAHALAGANG ARAL SA GILEAD
“Huwag agad susuko sa atas n’yo.” Iyan ang isa sa pinakamahalagang aral na natutuhan ko, lalo na’t galing ito kina Brother Nathan Knorr at Brother Lyman Swingle. Pinatibay nila kaming manatili sa aming atas gaano man ito kahirap. Sinabi ni Brother Knorr: “Saan ba kayo dapat magpokus? Sa mga insekto ba, dumi, kahirapan? O sa mga puno, mga bulaklak, at masasayang mukha? Mahalin ninyo ang mga tao!” Isang araw, habang ipinapaliwanag ni Brother Swingle kung bakit sumusuko agad ang ilan, hindi niya napigilang umiyak. Kinailangan niyang huminto muna para kalmahin ang sarili. Naantig talaga ako at nagpasiyang hinding-hindi ko bibiguin si Kristo o ang kaniyang tapat na mga kapatid.—Mat. 25:40.
Noong matanggap namin ang aming atas, may mga Bethelite na nagtanong sa amin kung saan kami madedestino. Maganda ang komento nila sa bawat atas. Pero nang sabihin kong sa Congo (Kinshasa), natigilan sila at sinabi: “Ha, Congo? Bahala na sa ’yo si Jehova!” Noong mga panahong iyon, laman ng mga balita ang digmaan at patayan sa Congo (Kinshasa). Pero lagi kong iniisip ang mga napag-aralan ko sa Gilead. Di-nagtagal pagkatapos ng graduation namin noong Setyembre 1967, kami nina Heinrich Dehnbostel at Claude Lindsay ay naglakbay papuntang Kinshasa, ang kabisera ng Congo.
NAPAKAGANDANG PAGSASANAY PARA SA MGA MISYONERO
Pagdating namin sa Kinshasa, nag-aral kami ng French sa loob ng tatlong buwan. Pagkatapos, lumipad
kami papuntang Lubumbashi, na dating Elisabethville, malapit sa hangganan ng Zambia sa dulong timog ng Congo. Lumipat kami sa isang missionary home na nasa sentro ng siyudad.Dahil napakaraming lugar sa Lubumbashi na hindi pa napapangaralan, tuwang-tuwa kami dahil kami ang unang makakapagpatotoo sa mga tagaroon. Nagkaroon agad kami ng napakaraming Bible study na halos ’di na namin kayang mapuntahan lahat. Nakapagpatotoo rin kami sa mga opisyal ng gobyerno at mga pulis. Marami ang nagpakita ng paggalang sa Salita ng Diyos at sa ating pangangaral. Karamihan sa mga tao ay nagsasalita ng Swahili, kaya pinag-aralan namin ni Claude Lindsay ang wikang ito. Di-nagtagal, inatasan kami sa kongregasyon na nagsasalita ng Swahili.
Marami kaming magagandang karanasan, pero may mga hamon din. Madalas na kailangan naming pagtiisan ang mga lasing na armadong sundalo o mga agresibong pulis, na gumagawa ng mga maling paratang. Minsan, habang nagpupulong ang kongregasyon namin sa missionary home, nilusob kami ng isang grupo ng armadong pulis at dinala kami sa istasyon nila. Pinaupo kami sa lupa hanggang mag-a-alas diyes ng gabi, at saka kami pinauwi.
Noong 1969, naatasan ako sa gawaing paglalakbay. Kasama sa dinadalaw kong sirkito ang kagubatan ng Africa. Mahabang lakarín ito sa gitna ng nagtataasang damo at mapuputik na daan. Sa isang nayon, ginawang tulugan ng isang inahing manok at ng mga inakay nito ang ilalim ng kama ko. Hinding-hindi ko makakalimutan ang malakas na tilaok nito na gumigising sa akin bago
magbukang-liwayway. Ang sarap alalahanin ng mga gabing kasama ko ang mga kapatid habang nakaupo kami sa harap ng bonfire at nagkukuwentuhan tungkol sa Bibliya.Naging malaking problema namin ang mga nagpapanggap na kapatid, pero tagasuporta pala ng kilusang Kitawala. * Ang ilan sa kanila ay nabautismuhan pa nga at naging mga elder sa kongregasyon. Marami sa ‘mga batong ito na nakatago’ ang inilantad ng tunay na mga kapatid. (Jud. 12) Nang maglaon, nilinis ni Jehova ang mga kongregasyon at naglatag siya ng pundasyon para sa higit pang paglago.
Noong 1971, naatasan ako sa tanggapang pansangay sa Kinshasa. Iba-iba ang naging trabaho ko roon, gaya ng pag-aasikaso ng mga liham, mga order na literatura, at iba pang gawaing paglilingkod. Sa Bethel, natutuhan kong mag-organisa ng gawain sa isang malaking bansa kahit mahirap ang kalagayan. Kung minsan, inaabot nang mga buwan bago matanggap ng mga kongregasyon ang aming mga liham. Ibinababa ang liham mula sa eroplano at isinasakay sa mga bangka. Kaya lang, tumatagal ang biyahe nang ilang linggo dahil sa nakaharang na makakapal na halamang tubig. Pero natatapos din ang trabaho kahit may ganitong mga problema.
Manghang-mangha ako kung paano nagagawa ng mga kapatid na makapagdaos ng malalaking kombensiyon kahit limitado lang ang pondo nila. Nagtatayo sila ng plataporma mula sa mga buról ng anay. Gumagawa rin sila ng dingding gamit ang mga talahib, at inirorolyo naman nila ang ilan para maupuan. Mga kawayan ang ginagawa nilang balangkas sa pagtatayo at mga banig na tambo naman ang ginagamit na bubong o mesa. Gumagawa sila ng mga pako mula sa balat ng puno. Hangang-hanga ako sa katatagan at pagiging malikhain ng mga kapatid na ito. Napamahal sila sa akin. Talagang na-miss ko sila nang ilipat ako sa bago kong atas!
PAGLILINGKOD SA KENYA
Noong 1974, inilipat ako sa tanggapang pansangay sa Nairobi, Kenya. Marami kaming kailangang gawin dahil ang sangay ng Kenya ang nangangasiwa sa gawaing pangangaral sa 10 kalapít na bansa, na ang ilan ay nagbabawal sa ating gawain. Ilang beses din akong inatasang dumalaw sa mga bansang ito, lalo na sa Ethiopia, kung saan ang mga kapatid ay pinag-uusig at dumaranas ng matitinding pagsubok. Marami sa kanila ang pinagmalupitan o ibinilanggo; pinatay pa nga ang ilan. Pero natiis nila iyon dahil sa kanilang malapít na kaugnayan kay Jehova at sa isa’t isa.
Noong 1980, nagkaroon ng magandang pangyayari sa buhay ko nang pakasalan ko si Gail Matheson, na taga-Canada. Magkaklase kami ni Gail sa Gilead. Regular kaming nagsusulatan. Naglilingkod siya bilang misyonera sa Bolivia. Pagkaraan ng 12 taon, nagkita ulit kami sa New York. Di-nagtagal, nagpakasal kami sa Kenya. Nagpapasalamat ako kay Gail sa pagiging palaisip niya sa espirituwal at pagiging kontento. Isa siyang mapagmahal na asawa at napakalaking tulong niya sa akin.
Noong 1986, naatasan kami ni Gail sa gawaing paglalakbay, kasabay ng paglilingkod ko bilang miyembro ng Komite ng Sangay. Kasama sa dinadalaw namin ang marami sa mga bansang pinangangasiwaan ng sangay ng Kenya.
Natatandaan ko pa ang ginawa naming paghahanda para sa kombensiyon sa Asmara (sa Eritrea) noong 1992. Hindi pa ipinagbabawal noon ang gawain natin. Nakakalungkot, ang nakita lang namin na puwedeng pagdausan ay isang kamalig na hindi magandang tingnan sa labas, lalo na sa loob nito. Nang araw ng kombensiyon, nagulat ako nang makita ko kung paano napaganda ng mga kapatid ang loob nito para maging angkop na lugar ng pagsamba kay Jehova. Maraming pamilya ang nagdala ng magagandang tela, at tinakpan nila ang lahat ng bagay na pangit tingnan. Nag-enjoy kami sa kombensiyon na dinaluhan ng 1,279.
Nanibago kami sa gawaing paglalakbay dahil paiba-iba ang tuluyan namin. Kung minsan, nasa malaki at magarbong bahay kami na nasa tabing-dagat; kung minsan naman, nasa kampo kami ng mga trabahador na ang tuluyan ay yari sa yero, at 100 metro ang layo ng palikuran. Pero sa lahat ng napuntahan namin, ang hindi namin malilimutan ay ang pagiging abala sa paglilingkod kasama ang masisigasig na payunir at mamamahayag. Nang matanggap namin ang sumunod na atas, kinailangan naming iwan ang mga mahal naming kaibigan. Talagang mami-miss namin sila.
MGA PAGPAPALA SA ETHIOPIA
Mula 1987 hanggang 1992, legal nang kinilala ang ating gawain sa ilang bansa na pinangangasiwaan ng sangay ng Kenya. Bilang resulta, nagkaroon ng hiwalay na mga country office at tanggapang pansangay. Noong 1993, naatasan kaming maglingkod sa tanggapan sa Addis Ababa, Ethiopia, kung saan legal nang kinilala ang gawain pagkatapos ng ilang dekada.
Pinagpala ni Jehova ang gawain sa Ethiopia. Maraming kapatid ang nagpayunir. Mahigit 20 porsiyento ng mga mamamahayag ang naglilingkod bilang regular pioneer taon-taon mula noong 2012. Bukod diyan, nagkaroon ng mga teokratikong paaralan para sa pagsasanay, at mahigit 120 Kingdom Hall ang naitayo. Noong 2004, lumipat ang pamilyang Bethel sa bagong pasilidad, at naging pagpapala rin ang isang Assembly Hall na nasa lugar ding iyon.
Sa loob ng maraming taon, naging malapít naming kaibigan ni Gail ang mga kapatid sa Ethiopia. Mahal na mahal namin sila dahil sa kanilang pag-ibig at kabaitan. Nitong nakaraan, madalas na kaming magkasakit, kaya kinailangan kaming ilipat sa sangay ng Central Europe. Buong pagmamahal kaming inalagaan doon, pero miss na miss pa rin namin ang mahal naming mga kaibigan sa Ethiopia.
PINALAGO ITO NI JEHOVA
Nakita namin kung paano pinalago ni Jehova ang kaniyang gawain. (1 Cor. 3:6, 9) Halimbawa, noong una akong mangaral sa mga minerong taga-Rwanda na nagtatrabaho sa Copperbelt sa Congo, wala pang mamamahayag sa Rwanda. Ngayon, mayroon nang mahigit 30,000 kapatid sa bansang iyon. Noong 1967, may mga 6,000 mamamahayag sa Congo (Kinshasa). Ngayon, mayroon nang mga 230,000, at mahigit isang milyon ang dumalo sa Memoryal noong 2018. Sa lahat ng bansang pinangangasiwaan noon ng sangay ng Kenya, ang bilang ng mamamahayag ay dumami nang mahigit 100,000.
Mahigit 50 taon na ang nakakaraan, ginamit ni Jehova ang iba’t ibang kapatid para mapasigla akong pumasok sa buong-panahong paglilingkod. Mahiyain pa rin ako hanggang ngayon, pero natuto akong magtiwala nang lubusan kay Jehova. Dahil sa mga naranasan ko sa Africa, natuto akong maging matiisin at kontento. Hanga kami ni Gail sa mga kapatid na mapagpatuloy, matatag, at nagtitiwala kay Jehova. Talagang nagpapasalamat ako sa walang-kapantay na kabaitan ni Jehova. Higit sa inaasahan ko ang pagpapalang ibinigay niya sa akin.—Awit 37:4.
^ par. 11 Tinawag nang maglaon na Ating Ministeryo sa Kaharian, na pinalitan sa ngayon ng Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong.
^ par. 23 Ang “Kitawala” ay nagmula sa salitang Swahili na ang ibig sabihin ay “mamuno, mangasiwa, at mamahala.” Ang tunguhin ng kilusang ito ay para makalaya sa pananakop ng Belgium. Ang mga grupo ng Kitawala ay kumukuha, nag-aaral, at nagpapakalat ng mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova, at pinipilipit nila ang mga turo ng Bibliya bilang pansuporta sa kanilang pananaw sa politika, pamahiin, at imoral na pamumuhay.