Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Ano ang kahulugan ng pagsasama ng dalawang patpat na inilarawan sa Ezekiel kabanata 37?

Inihuhula rin ng mensaheng iyon ang pagkakaisa ng bayan ng Diyos, na nagsimulang matupad sa mga huling araw.

Inutusan ni Jehova si propeta Ezekiel na magsulat sa dalawang patpat. Isusulat niya sa isang patpat, “Para sa Juda at para sa mga anak ni Israel na kaniyang mga kasamahan,” at sa isa naman, “Para sa Jose, ang patpat ng Efraim, at sa buong sambahayan ng Israel na kaniyang mga kasamahan.” Ang dalawang patpat ay “magiging iisa lamang” sa kamay ni Ezekiel.—Ezek. 37:15-17.

Ano ang kinakatawan ng “Efraim”? Ang unang hari ng 10-tribong kaharian sa hilaga, si Jeroboam, ay mula sa tribo ni Efraim, na naging pangunahing tribo. (Deut. 33:13, 17; 1 Hari 11:26) Ang tribong ito ay nagmula sa anak ni Jose na si Efraim. (Bil. 1:32, 33) Tumanggap si Jose ng espesyal na pagpapala mula sa kaniyang ama na si Jacob. Kaya ang patpat na kumakatawan sa 10-tribong kaharian ay angkop na tawaging “patpat ng Efraim.” Nang isulat ni Ezekiel ang hula tungkol sa dalawang patpat, matagal nang nangyari ang pagkabihag ng hilagang kaharian ng Israel sa kamay ng mga Asiryano noong 740 B.C.E. (2 Hari 17:6) Kaya ang karamihan sa mga Israelitang iyon ay nangalat na sa buong Imperyo ng Babilonya, na humalili sa Imperyo ng Asirya.

Noong 607 B.C.E., ang dalawang-tribong kaharian sa timog at marahil ang mga nalabi mula sa hilagang kaharian ay dinalang bihag sa Babilonya. Ang mga hari mula sa linya ni Juda ang namahala sa dalawang tribong ito, at kasama rin nila ang mga saserdote, na naglilingkod sa templo sa Jerusalem. (2 Cro. 11:13, 14; 34:30) Kaya angkop lang na ang dalawang-tribong kaharian ay katawanin ng patpat na “para sa Juda.”

Kailan pinagsama ang dalawang makasagisag na patpat na ito? Nangyari iyon nang bumalik sa Jerusalem ang mga Israelita para muling itayo ang templo noong 537 B.C.E. Ang mga kinatawan mula sa dalawang-tribong kaharian at sa 10-tribong kaharian ay magkasamang bumalik mula sa pagkatapon. Hindi na nababahagi ang mga anak ni Israel. (Ezek. 37:21, 22) Muli, ang mga Israelita ay magkakasama nang sumasamba kay Jehova. Inihula rin ng mga propetang sina Isaias at Jeremias ang pagkakasundong ito.—Isa. 11:12, 13; Jer. 31:1, 6, 31.

Anong mahalagang katotohanan tungkol sa dalisay na pagsamba ang itinatampok ng hulang ito? Ito iyon: Pangyayarihin ni Jehova na ‘maging iisa’ ang mga mananamba niya. (Ezek. 37:18, 19) Natutupad din ba ang ipinangakong pagkakaisa na ito sa panahon natin? Oo. Nagsimulang matupad ang hulang ito noong 1919 nang ang bayan ng Diyos ay muling organisahin at pagkaisahin. Nabigo si Satanas na panatilihin silang nababahagi.

Nang panahong iyon, ang karamihan sa mga pinagkaisa ay may pag-asang maging mga hari at saserdote sa langit kasama ni Jesus. (Apoc. 20:6) Sa makasagisag na diwa, tulad sila ng patpat para sa Juda. Pero sa paglipas ng panahon, parami nang parami sa may makalupang pag-asa ang sumama sa espirituwal na mga Judiong ito. (Zac. 8:23) Tulad sila ng patpat para sa Jose, at hindi nila taglay ang pag-asang mamahala kasama ni Kristo.

Ang dalawang grupong ito ay nagkakaisang naglilingkod ngayon bilang bayan ni Jehova sa ilalim ng iisang Hari, si Jesu-Kristo, na tinukoy sa hula bilang “ang aking lingkod na si David.” (Ezek. 37:24, 25) Ipinanalangin ni Jesus na ang lahat ng kaniyang tagasunod ay ‘maging isa, kung paanong ang kaniyang Ama ay kaisa niya at siya ay kaisa ng kaniyang Ama.’ * (Juan 17:20, 21) Inihula rin ni Jesus na ang kaniyang munting kawan ng mga pinahirang tagasunod ay “magiging isang kawan” kasama ng kaniyang “ibang mga tupa.” Silang lahat ay mapapasailalim sa pangangalaga ng “isang pastol.” (Juan 10:16) Tumpak nga ang paglalarawan ni Jesus sa espirituwal na pagkakaisa ng bayan ni Jehova sa ngayon kahit magkakaiba ang kanilang pag-asa sa hinaharap!

^ par. 6 Kapansin-pansin ang pagkakasunod-sunod ng mga ilustrasyong binanggit ni Jesus na bahagi ng tanda ng kaniyang pagkanaririto. Una, tinukoy niya “ang tapat at maingat na alipin,” isang maliit na grupo ng mga pinahirang brother na aatasang manguna. (Mat. 24:45-47) Pagkatapos, nagbigay siya ng mga ilustrasyon na pangunahin nang kapit sa lahat ng may makalangit na pag-asa. (Mat. 25:1-30) Bilang panghuli, binanggit niya ang mga may makalupang pag-asa na susuporta sa mga kapatid ni Kristo. (Mat. 25:31-46) Sa katulad na paraan, ang makabagong-panahong katuparan ng hula ni Ezekiel ay patungkol muna sa mga may makalangit na pag-asa. Bagaman ang 10-tribong kaharian ay hindi naman laging lumalarawan sa mga may makalupang pag-asa, ipinaaalaala ng pagsasamang inilarawan sa hulang ito ang pagkakaisa ng mga may makalupang pag-asa at ng mga may makalangit na pag-asa.