ARALING ARTIKULO 3
AWIT BLG. 35 Unahin ang mga Bagay na Mas Mahalaga
Gumawa ng mga Desisyong Magpapasaya kay Jehova
“Ang pagkatakot kay Jehova ang pasimula ng karunungan, at ang kaalaman tungkol sa Kabanal-banalan ay nagbibigay ng unawa.”—KAW. 9:10.
MATUTUTUHAN
Kung paano gagamitin ang kaalaman at unawa para makagawa ng matatalinong desisyon.
1. Anong mahirap na bagay ang kailangan nating gawin araw-araw?
ARAW-ARAW, kailangan nating gumawa ng mga desisyon. May ilan na madali lang gawin, gaya ng pagdedesisyon kung ano ang almusal natin o kung anong oras tayo matutulog. Pero may ilang bagay na mahirap pagdesisyunan. Kasi baka may epekto iyon sa kalusugan natin, kaligayahan, mga kapamilya, o sa kaugnayan natin kay Jehova. Gusto nating makagawa ng mga desisyon na makakabuti sa atin at sa pamilya natin. Pero higit sa lahat, gusto nating magpasaya kay Jehova ang mga desisyon natin.—Roma 12:1, 2.
2. Ano ang mga kailangan mong gawin para makagawa ng matatalinong desisyon?
2 Malamang na makagawa ka ng matalinong desisyon kung (1) aalamin mo ang mga impormasyong kailangan mo, (2) aalamin mo kung ano ang tingin dito ni Jehova, at (3) pag-iisipan mo ang mga posibleng resulta ng mga opsiyon mo. Tatalakayin sa artikulong ito kung paano natin magagawa ang tatlong bagay na iyan. Tutulungan din tayo nito na sanayin ang kakayahan nating umunawa.—Kaw. 2:11.
ALAMIN ANG MGA IMPORMASYONG KAILANGAN MO
3. Bakit mahalagang alamin ang mga impormasyong kailangan mo bago gumawa ng desisyon? Magbigay ng ilustrasyon.
3 Kunin ang mga impormasyong kailangan mo. Iyan ang unang hakbang para makagawa ng matalinong desisyon. Bakit iyan mahalaga? Pag-isipan ito: Isang pasyenteng may malalang sakit ang nagpakonsulta sa doktor niya. Gagawa ba agad ng desisyon ang doktor kung paano ito gagamutin nang hindi man lang ito sinusuri o tinatanong? Siyempre hindi. Gaya ng isang mahusay na doktor, aalamin muna natin ang mga impormasyong kailangan natin bago magdesisyon. Paano natin iyan magagawa?
4. Gaya ng prinsipyo sa Kawikaan 18:13, ano ang puwede mong gawin para malaman ang mga impormasyong kailangan mo? (Tingnan din ang larawan.)
4 Kadalasan na, makukuha mo ang kailangan mong impormasyon kung magtatanong ka. Halimbawa, inimbitahan ka sa isang gathering. Dadalo ka ba? Kung hindi mo kilala kung sino ang nag-organisa sa gathering na iyon o hindi mo alam kung ano ang mga gagawin doon, dapat mong itanong: “Saan at kailan gagawin ang gathering? Gaano karami ang pupunta? Sino ang mangangasiwa? Sino-sino ang pupunta? Ano ang mga gagawin doon? May alak ba doon?” Tutulong ang mga tanong na ito sa iyo para makagawa ka ng matalinong desisyon.—Basahin ang Kawikaan 18:13.
5. Ano ang dapat mong gawin kapag nakuha mo na ang mga kailangan mong impormasyon?
5 Kapag nakuha mo na ang mga impormasyong kailangan mo, pag-isipang mabuti ang mga puwedeng mangyari. Paano kung malaman mo na may mga pupunta na hindi sumusunod sa pamantayan ni Jehova, o kaya naman, may alak doon pero wala kayong makakasamang maygulang? Nakikita mo bang posibleng mauwi ang gathering na iyon sa sinasabi ng Bibliya na “magulong pagsasaya”? (1 Ped. 4:3) Paano naman kung nalaman mo na tatamaan ang schedule ng pulong o ministeryo mo? Kapag napag-isipan mo na ang lahat ng impormasyong nakuha mo, mas magiging madali na sa iyo na gumawa ng tamang desisyon. Pero may isa pang hakbang na dapat mong gawin. Ngayong may sarili ka nang opinyon sa sitwasyon, kailangan mo namang alamin kung ano ang tingin ni Jehova dito.—Kaw. 2:6.
ALAMIN ANG TINGIN NI JEHOVA
6. Ayon sa Santiago 1:5, bakit dapat tayong humingi ng tulong kay Jehova?
6 Hilingin kay Jehova na tulungan kang malaman ang tingin niya sa sitwasyon mo. Nangangako si Jehova na bibigyan ka niya ng karunungan at kaunawaan para malaman mo kung anong desisyon ang magpapasaya sa kaniya. “Sagana Siyang nagbibigay [ng ganiyang karunungan] sa lahat at hindi nandurusta.”—Basahin ang Santiago 1:5.
7. Paano mo malalaman ang tingin ni Jehova sa sitwasyon mo? Ilarawan.
7 Kapag hiningi mo na ang tulong ni Jehova sa panalangin, pakinggan ang sagot niya. Halimbawa, kapag naligaw ka sa isang lugar, baka maisip mong magtanong sa tagaroon. Pero aalis ka ba nang hindi mo pa naririnig ang sagot niya? Siyempre hindi. Makikinig ka munang mabuti sa direksiyong sasabihin niya. Kaya kapag hiningi mo ang tulong ni Jehova, aalamin mo rin ang sagot niya sa tulong ng mga utos at prinsipyo sa Bibliya na bagay sa sitwasyon mo. Halimbawa, tungkol sa gathering na binanggit kanina, puwede mong pag-isipan ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa magulong pagsasaya, masasamang kasama, at pag-una sa Kaharian imbes na sa sarili mong kagustuhan.—Mat. 6:33; Roma 13:13; 1 Cor. 15:33.
8. Paano kung kailangan mo ng tulong para malaman ang kaisipan ni Jehova? (Tingnan din ang larawan.)
8 Pero minsan, kailangan mo ang tulong ng iba para malaman ang kaisipan ni Jehova. Baka makatulong sa iyo ang isang makaranasang brother o sister. Pero makikinabang ka rin kung ikaw mismo ang magre-research. Napakarami mong mahahanap na impormasyon gamit ang mga pantulong natin sa pag-aaral, gaya ng Tulong sa Pag-aaral ng mga Saksi ni Jehova at Mga Teksto Para sa Kristiyanong Pamumuhay. Tandaan ang goal mo: ang makagawa ng desisyong magpapasaya kay Jehova.
9. Paano natin masisiguradong magpapasaya kay Jehova ang desisyon natin? (Efeso 5:17)
9 Paano natin masisiguradong magpapasaya kay Jehova ang desisyon natin? Dapat na kilalang-kilala natin siya. “Ang kaalaman tungkol sa Kabanal-banalan ay nagbibigay ng unawa,” ang sabi ng Bibliya. (Kaw. 9:10) Ibig sabihin, magkakaroon tayo ng tunay na unawa kung alam natin ang mga katangian ni Jehova, ang layunin niya, at ang mga gusto at ayaw niya. Kaya tanungin ang sarili, ‘Base sa alam ko tungkol kay Jehova, anong desisyon ang magpapasaya sa kaniya?’—Basahin ang Efeso 5:17.
10. Bakit mas mahalaga ang mga prinsipyo sa Bibliya kaysa sa mga tradisyon ng pamilya o kultura?
10 Minsan, baka madismaya sa atin ang mga malapít sa atin dahil pinili nating gawin ang magpapasaya kay Jehova. Halimbawa, baka dahil sa pagmamalasakit, ipilit ng magulang sa adulto nilang anak na babae na magpakasal sa isa na maykaya—o sa isa na makakapagbigay ng malaking dote—kahit hindi ito nakapokus sa paglilingkod kay Jehova. Totoo, gusto lang naman nilang magkaroon ng magandang buhay ang anak nila, pero paano naman ang espirituwal na pangangailangan niya? Ano ang tingin ni Jehova sa bagay na ito? Makikita ang sagot sa Mateo 6:33. Sa tekstong ito, pinapayuhan ang mga Kristiyano na “patuloy [na] unahin ang Kaharian.” Mahal natin ang mga magulang natin at iginagalang ang mga tao sa lugar natin. Pero ang pinakamahalaga sa atin ay ang pasayahin si Jehova.
PAG-ISIPAN ANG MGA POSIBLENG RESULTA NG MGA OPSIYON MO
11. Anong katangian na binabanggit sa Filipos 1:9, 10 ang makakatulong sa iyo habang pinag-iisipan mo ang mga opsiyon mo?
11 Kapag nakita mo na ang mga prinsipyo sa Bibliya na makakatulong sa pagdedesisyon mo, pag-isipan naman ang mga opsiyon mo. (Basahin ang Filipos 1:9, 10; tingnan ang study note na “malalim na unawa.”) Kailangan ang malalim na unawa para makita ang mga posibleng resulta ng bawat opsiyon. Minsan, malinaw kung anong opsiyon ang pipiliin mo. Pero hindi laging ganiyan. Tutulong sa iyo ang malalim na unawa para makagawa ka ng matatalinong desisyon, kahit sa mga komplikadong sitwasyon.
12-13. Paano makakatulong sa iyo ang unawa kapag pumipili ng trabaho?
12 Pag-isipan ang sitwasyong ito: Naghahanap ka ng trabaho para suportahan ang pamilya mo. May dalawa kang pinagpipilian. Inalam mo ang lahat ng impormasyong kailangan mo, gaya ng kung anong klase ito ng trabaho, ano ang schedule ng pasok, gaano ito kalayo sa bahay mo, at iba pa. Pareho namang angkop sa isang Kristiyano ang dalawang trabahong ito. Ngayon, baka para sa iyo, mas maganda ang isa kasi mas mae-enjoy mo iyon o mas malaki ang suweldo. Pero may iba ka pang dapat pag-isipan bago magdesisyon.
13 Halimbawa, tatama ba sa schedule ng pulong ang trabaho? Kukunin ba nito ang oras na ginagamit mo para ilaan ang emosyonal at espirituwal na pangangailangan ng pamilya mo? Tutulong ang mga tanong na ito para mauna mo “ang mas mahahalagang bagay”—ang pagsamba mo at ang pangangalaga sa pamilya mo—hindi ang materyal na mga bagay. Kung gagawin mo iyan, makakagawa ka ng desisyong pagpapalain ni Jehova.
14. Paano makakatulong ang unawa at pag-ibig sa kapuwa para hindi tayo makatisod?
14 Kapag may unawa tayo, iisipin din natin ang mararamdaman ng iba bago tayo magdesisyon para hindi tayo ‘makatisod.’ (Fil. 1:10) Mahalaga ito kapag gumagawa tayo ng desisyon pagdating sa ilang personal na bagay, gaya ng pananamit at pag-aayos. Halimbawa, baka may gusto tayong style ng pananamit o pag-aayos. Pero paano kung nakakatisod ito sa ilang kapatid, o kahit pa nga sa mga hindi Saksi? Kapag may unawa tayo, igagalang natin ang nararamdaman nila. Papakilusin naman tayo ng pag-ibig na unahin ‘ang kapakanan ng iba’ at maging mahinhin. (1 Cor. 10:23, 24, 32; 1 Tim. 2:9, 10) Tutulong ang dalawang katangiang ito para makagawa tayo ng desisyong nagpapakita na mahal at nirerespeto natin ang iba.
15. Ano ang mga kailangan mong pag-isipan bago gawin ang isang malaking desisyon?
15 Kung gagawa ka ng isang malaking desisyon, pag-isipan ang mga kailangan para magawa mo iyon. Tinuruan tayo ni Jesus na ‘kuwentahin ang gastusin.’ (Luc. 14:28) Kaya isipin kung gaano karaming panahon, lakas, at iba pang bagay ang kailangan mong ibigay para maisagawa mo ang desisyon mo. Sa ilang pagkakataon, baka kailangan mong konsultahin ang pamilya mo para mapag-usapan kung paano sila puwedeng makasuporta sa gagawin mong desisyon. Bakit mahalagang gawin iyan? Kasi baka dahil diyan, makita mo na may kailangan kang i-adjust sa desisyon mo o baka may mas maganda pang opsiyon. At kapag kinonsulta mo ang pamilya mo sa desisyon mo at pinakinggan sila, magiging mas handa silang tulungan ka na maisagawa ang desisyon mo.—Kaw. 15:22.
GUMAWA NG MATALINONG DESISYON
16. Ano ang mga puwede mong gawin para makagawa ng matalinong desisyon? (Tingnan din ang kahong “ Kung Paano Makakagawa ng Matatalinong Desisyon.”)
16 Kung susundin mo ang mga hakbang na tinalakay natin, makakagawa ka ng matalinong desisyon. Kapag kinuha mo na ang mga impormasyong kailangan mo at pinag-isipan ang mga prinsipyo sa Bibliya na makakatulong para makagawa ka ng desisyong magpapasaya kay Jehova, puwede mo nang hilingin sa kaniya na pagpalain ang desisyon mo.
17. Ano ang sekreto sa paggawa ng magagandang desisyon?
17 Kahit marami ka nang nagawang magandang desisyon noon, tandaan na ang sekreto para laging makagawa ng tamang desisyon ay ang karunungan mula kay Jehova, hindi ang sarili mong talino o karanasan. Siya lang ang makakapagbigay sa atin ng tunay na kaalaman at unawa—mga bagay na kailangan para maging marunong. (Kaw. 2:1-5) Matutulungan ka ni Jehova na makagawa ng mga desisyong magpapasaya sa kaniya.—Awit 23:2, 3.
AWIT BLG. 28 Maging Kaibigan ni Jehova
a LARAWAN: Nag-uusap ang ilang kabataan tungkol sa imbitasyon sa isang gathering na natanggap nila sa cellphone.
b LARAWAN: Nag-research ang isang brother bago magpasiya kung pupunta siya sa gathering.