ARALING ARTIKULO 34
AWIT BLG. 107 Tularan ang Pag-ibig ni Jehova
Pag-ibig at Awa sa mga Nagkasala
“Sinisikap kang akayin ng Diyos sa pagsisisi dahil sa kabaitan niya.”—ROMA 2:4.
MATUTUTUHAN
Kung paano sinisikap na tulungan ng mga elder ang mga nakagawa ng malubhang kasalanan sa kongregasyon.
1. Ano ang puwedeng mangyari kahit nagkasala nang malubha ang isa?
SA NAKARAANG artikulo, nakita natin kung paano inasikaso ni apostol Pablo ang isang malubhang pagkakasala sa Corinto. Hindi nagsisisi ang nagkasala kaya kinailangan siyang alisin sa kongregasyon. Pero gaya ng ipinapakita ng temang teksto natin, may ilang nagkasala nang malubha na puwedeng maakay sa pagsisisi. (Roma 2:4) Paano sila matutulungan ng mga elder na magsisi?
2-3. Ano ang dapat nating gawin kung nalaman nating nakagawa ng malubhang kasalanan ang isang kapatid, at bakit?
2 Kung hindi alam ng mga elder na may nagawang malubhang pagkakasala ang isang kapatid, hindi nila siya matutulungan. Kaya ano ang dapat nating gawin kung nalaman natin na nakagawa ang isang kapatid ng malubhang pagkakasala na puwedeng maging dahilan para alisin siya sa kongregasyon? Dapat natin siyang sabihan na lumapit sa mga elder.—Isa. 1:18; Gawa 20:28; 1 Ped. 5:2.
3 Paano kung ayaw magsabi ng nagkasala sa mga elder? Tayo na mismo ang gagawa nito para masiguradong matutulungan ang kapatid natin. Tanda iyan na mahal natin siya at ayaw natin siyang mapahamak. Kasi kung hindi siya magbabago, tuluyan nang masisira ang kaugnayan niya kay Jehova. Baka masira din niya ang reputasyon ng kongregasyon. Kaya kahit mahirap, kikilos tayo dahil mahal natin si Jehova at ang nagkasala.—Awit 27:14.
KUNG PAANO TINUTULUNGAN NG MGA ELDER ANG MGA NAKAGAWA NG MALUBHANG PAGKAKASALA
4. Ano ang sisikaping gawin ng mga elder kapag kinakausap nila ang nagkasala?
4 Kapag may nakagawa ng malubhang pagkakasala sa kongregasyon, pumipili ang lupon ng matatanda ng tatlong kuwalipikadong elder para maging isang komite. a Dapat na mapagpakumbaba ang mga brother na ito. Kasi kailangan nilang tanggapin na kahit sinisikap nilang tulungan ang nagkasala, hindi nila ito mapipilit na magbago. (Deut. 30:19) Alam ng mga elder na hindi lahat ay kagaya ni Haring David na magpapaakay sa pagsisisi. (2 Sam. 12:13) May ilan na hindi talaga makikinig kay Jehova. (Gen. 4:6-8) Pero gagawin pa rin ng mga elder ang lahat ng magagawa nila para akayin ang nagkasala na magsisi. Ano ang dapat tandaan ng mga elder kapag kinakausap ang isang nagkasala?
5. Ano ang dapat tandaan ng mga elder kapag kinakausap ang nagkasala? (2 Timoteo 2:24-26) (Tingnan din ang larawan.)
5 Itinuturing ng mga elder ang nagkasala na isang mahalagang tupa na nawawala. (Luc. 15:4, 6) Kaya kapag kinausap nila siya, hindi nila siya papagalitan. Hindi rin iisipin ng mga elder na nandoon lang sila para kumuha ng impormasyon. Kailangan nilang ipakita ang mga katangiang nasa 2 Timoteo 2:24-26. (Basahin.) Dapat manatiling mabait at mahinahon ang mga elder habang sinisikap nilang abutin ang puso ng nagkasala.
6. Paano ihahanda ng mga elder ang puso nila bago kausapin ang nagkasala? (Roma 2:4)
6 Inihahanda ng mga elder ang puso nila. Sisikapin ng mga elder na tularan si Jehova sa pakikitungo nila sa nagkasala. Isasaisip nila ang sinabi ni Pablo: “Sinisikap kang akayin ng Diyos sa pagsisisi dahil sa kabaitan niya.” (Basahin ang Roma 2:4.) Tatandaan ng mga elder na mga pastol sila, at na dapat nilang tularan ang Kristo at sundin ang sinasabi niya kung paano papangalagaan ang kongregasyon. (Isa. 11:3, 4; Mat. 18:18-20) Bago kausapin ang nagkasala, ipapanalangin nila kay Jehova na tulungan silang magawa kung ano talaga ang gusto nilang mangyari: ang maakay ang nagkasala na magsisi. Magre-research sila sa Bibliya at sa mga publikasyon natin. Ipapanalangin nila na sana maintindihan nila ang sitwasyon ng taong tinutulungan nila. Iisipin din nila kung ano ang kailangan nilang malaman tungkol sa kaniya para maintindihan kung bakit siya nagkasala.—Kaw. 20:5.
7-8. Paano matutularan ng mga elder ang pagiging matiisin ni Jehova kapag kinakausap ang nagkasala?
7 Tinutularan ng mga elder ang pagiging matiisin ni Jehova. Inaalala nila kung paano pinakitunguhan ni Jehova ang mga nakagawa ng kasalanan noon. Halimbawa, matiyagang kinausap ni Jehova si Cain. Sinabi sa kaniya ng Diyos ang puwedeng mangyari kung hindi siya magbabago at na pagpapalain siya kung susunod siya. (Gen. 4:6, 7) Isinugo ni Jehova si propeta Natan para kausapin si David, at gumamit ito ng ilustrasyong tatagos sa puso ng hari. (2 Sam. 12:1-7) At “paulit-ulit” na isinugo ni Jehova ang mga propeta niya sa masuwayin niyang bayan. (Jer. 7:24, 25) Hindi niya hinintay ang mga lingkod niya na magsisi bago niya sila tulungan. Siya ang nauunang lumapit sa kanila para akayin sila sa pagsisisi.
8 Tinutularan ng mga elder si Jehova habang tinutulungan nila ang nakagawa ng malubhang kasalanan. Sinusunod nila ang 2 Timoteo 4:2 at nakikipag-usap “nang may pagtitiis” sa kapatid nilang nagkasala. Ganito ang sinasabi ng study note sa talatang iyan: “Tinatandaan [ng isang elder na] gusto ng [nagkasala] na gawin ang tama, kaya kailangan niyang magpakita ng pagpipigil sa sarili at matiyaga [itong] tulungan. Kung magpapadala siya sa inis o pagkadismaya, baka layuan siya [nito] o matisod pa nga [ito].”
9-10. Paano matutulungan ng mga elder ang kapatid na mapag-isipan kung bakit siya humantong sa pagkakasala?
9 Sinisikap alamin ng mga elder kung ano ang mga nagawa ng kapatid na umakay sa pagkakasala. Halimbawa, unti-unti bang humina ang espirituwalidad niya dahil napabayaan niya ang personal na pag-aaral o ministeryo niya? Madalang na lang ba siyang manalangin o naging rutin na lang ito? Hindi na ba niya nilalabanan ang maling mga pagnanasa? Masasamang kasama ba o libangan ang pinipili niya? Paano iyan nakaimpluwensiya sa kaniya? Naiintindihan ba niya na naapektuhan ang Ama niyang si Jehova sa mga desisyong ginawa niya?
10 Puwedeng gumamit ng mga tanong ang mga elder para tulungan ang kapatid na mapag-isipan kung bakit siya humina sa espirituwal at nagkasala. Gagawin nila ito sa mabait na paraan, at hindi na nila tatanungin ang mga detalyeng hindi naman nila kailangang malaman. (Kaw. 20:5) At gaya ng ginawa ni Natan kay David, puwede ring gumamit ang mga elder ng ilustrasyon para maintindihan ng kapatid kung gaano kasama ang ginawa niya. Posibleng sa unang pag-uusap pa lang, makadama na ang kapatid ng matinding kalungkutan sa mga nagawa niya. Baka nga magsisi na siya.
11. Paano pinakitunguhan ni Jesus ang mga nagkasala?
11 Sinisikap ng mga elder na tularan si Jesus. Tinanong ng binuhay-muling si Jesus si Saul ng Tarso: “Saul, Saul, bakit mo ako inuusig?” Sa tulong ng tanong na ito, nakita ni Saul na mali ang ginagawa niya. (Gawa 9:3-6) Sa kaso naman ni Jezebel, sinabi ni Jesus: “Binigyan ko siya ng panahon para magsisi.”—Apoc. 2:20, 21.
12-13. Paano bibigyan ng mga elder ang nagkasala ng panahon para magsisi? (Tingnan din ang larawan.)
12 Gaya ni Jesus, hindi agad iniisip ng mga elder na ayaw magsisi ng nagkasala. Totoo, may ilan na magsisisi agad sa unang pag-uusap pa lang kasama ng komite, pero may ilan na kailangan pa ng panahon. Kaya puwedeng magpasiya ang mga elder na kausapin nang higit sa isang beses ang nagkasala. Baka kasi pagkatapos ng unang pag-uusap nila, mapag-isipan niyang mabuti ang mga sinabi sa kaniya. Baka magpakumbaba na siya at humingi ng kapatawaran kay Jehova. (Awit 32:5; 38:18) Kaya sa susunod na pag-uusap, posibleng mas bukás na ang isip niya kaysa noong una siyang kausapin.
13 Para maakay ng mga elder sa pagsisisi ang nagkasala, dapat silang magpakita ng empatiya at kabaitan. Ipinapanalangin nila na pagpalain sana ni Jehova ang pagsisikap nila at na matauhan at magsisi ang nagkasala.—2 Tim. 2:25, 26.
14. Sino ang dapat purihin kapag nagsisi ang nagkasala, at bakit?
14 Napakasaya natin kapag nagsisi ang nagkasala! (Luc. 15:7, 10) Pero sino ang dapat purihin? Ang mga elder ba? Alalahanin ang sinabi ni Pablo tungkol sa mga nagkasala: “Baka sakaling bigyan sila ng pagkakataon ng Diyos na magsisi.” (2 Tim. 2:25) Ganito ang sinasabi ng study note sa talatang iyan: “Kung magsisi man ang isang Kristiyano, hindi ito dahil sa sinumang tao, kundi dahil kay Jehova, na tumulong sa kaniya na magbago. Binanggit din ni Pablo ang ilan sa magagandang resulta ng pagsisisi ng isang makasalanan—mas lumalalim ang pagkaunawa niya sa katotohanan, bumabalik ang katinuan ng kaniyang isip, at makakatakas siya sa bitag ni Satanas.—2Ti 2:26.”
15. Paano patuloy na matutulungan ng mga elder ang nagsising nagkasala?
15 Kapag nagsisi ang nagkasala, isasaayos ng komite na patuloy siyang madalaw. Tutulong ito sa kaniya na patuloy na malabanan ang bitag ni Satanas at magawa ang tama. (Heb. 12:12, 13) Siyempre, hindi sasabihin ng mga elder sa iba ang mga detalye ng pagkakasala. Pero may dapat bang sabihin sa kongregasyon?
“SAWAYIN . . . SA HARAP NG LAHAT” ANG NAGKASALA
16. Sino ang “lahat” na tinutukoy ni Pablo sa 1 Timoteo 5:20?
16 Basahin ang 1 Timoteo 5:20. Sinabi ni Pablo sa kapuwa niya elder na si Timoteo na sawayin “sa harap ng lahat” ang mga nagkasala. Ibig bang sabihin, lagi itong dapat gawin sa harap ng buong kongregasyon? Hindi naman. Tinutukoy dito ni Pablo ang mga posibleng nakaalam sa pangyayari. Baka nasaksihan nila ito mismo o baka nasabi ito sa kanila ng nagkasala. Sa kanila lang ipapaalam ng mga elder na naasikaso na ito at na naituwid na ang nagkasala.
17. Kung marami sa kongregasyon ang nakakaalam o posibleng makaalam ng pagkakasala, ano ang kailangang ipatalastas, at bakit?
17 May pagkakataon na marami sa kongregasyon ang nakakaalam o posibleng makaalam ng pagkakasala. Sa ganiyang kaso, ang “lahat,” na sinabi ni Pablo, ay tumutukoy na sa buong kongregasyon. Kaya ipapatalastas ng isang elder sa kongregasyon na sinaway ang kapatid na nakagawa ng kasalanan. Bakit? Sinabi ni Pablo: ‘Para magsilbi itong babala sa iba’ at huwag silang magkasala.
18. Ano ang gagawin ng mga elder kapag nakagawa ng malubhang pagkakasala ang isang bautisadong menor de edad? (Tingnan din ang larawan.)
18 Paano naman kung isang bautisadong menor de edad—wala pang 18 taóng gulang—ang nakagawa ng malubhang pagkakasala? Isasaayos ng lupon ng matatanda na kausapin siya ng dalawang elder kasama ang mga Saksing magulang niya. b Aalamin ng mga elder kung ano na ang mga ginawa ng mga magulang para tulungan ang anak nila na magbago at magsisi. Kung nakikipagtulungan ang menor de edad at kaya nang asikasuhin ng mga magulang ang sitwasyon, puwedeng magpasiya ang dalawang elder na hindi na gumawa ng higit pang aksiyon. Tutal, mga magulang naman talaga ang binigyan ni Jehova ng responsibilidad na ituwid ang mga anak nila sa maibiging paraan. (Deut. 6:6, 7; Kaw. 6:20; 22:6; Efe. 6:2-4) Sa pana-panahon, kukumustahin ng mga elder ang mga magulang para matiyak na natutulungan ang menor de edad. Pero paano kung ayaw magbago ng menor de edad? Sa ganiyang kaso, kakausapin na siya ng isang komite ng mga elder kasama ang Saksi niyang mga magulang.
“SI JEHOVA AY NAPAKAMAPAGMAHAL AT MAAWAIN”
19. Paano sinisikap ng mga elder na tularan si Jehova kapag kinakausap ang nagkasala?
19 Pananagutan ng mga elder kay Jehova na panatilihing malinis ang kongregasyon. (1 Cor. 5:7) Pero gusto rin nilang maakay sa pagsisisi ang nagkasala hangga’t posible. Kaya habang tinutulungan nila ang kapatid na nagkasala, umaasa silang magbabago ito. Bakit? Kasi gusto nilang tularan si Jehova, na “napakamapagmahal at maawain.” (Sant. 5:11) Ganiyang-ganiyan din si apostol Juan. Isinulat niya: “Mahal kong mga anak, sumulat ako sa inyo tungkol sa mga bagay na ito para hindi kayo magkasala. Pero kung magkasala ang sinuman, may katulong tayo na kasama ng Ama, ang matuwid na si Jesu-Kristo.”—1 Juan 2:1.
20. Ano ang tatalakayin sa huling artikulo ng seryeng ito?
20 Nakakalungkot, may mga pagkakataong ayaw magsisi ng isang Kristiyano. Kaya kailangan siyang alisin sa kongregasyon. Ano ang gagawin ng mga elder kung mangyari iyan? Tatalakayin natin iyan sa huling artikulo ng seryeng ito.
AWIT BLG. 103 Mga Pastol—Regalo ng Diyos
a Noon, tinatawag ang grupong ito na hudisyal na komite. Pero dahil isang bahagi lang ng gawain nila ang paghatol, hindi na natin gagamitin ang ekspresyong iyan. Tatawagin na lang natin silang komite ng mga elder.
b Ang sinasabi dito tungkol sa mga magulang ay para din sa mga legal guardian o iba pang taong tumatayong magulang ng menor de edad.