Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 33

AWIT BLG. 130 Maging Mapagpatawad

Kung Paano Matutularan ng Kongregasyon ang Tingin ni Jehova sa mga Nagkasala

Kung Paano Matutularan ng Kongregasyon ang Tingin ni Jehova sa mga Nagkasala

“Kung magkasala ang sinuman, may katulong tayo.”​—1 JUAN 2:1.

MATUTUTUHAN

Kung paano inasikaso ang isang malubhang pagkakasala sa kongregasyon sa Corinto noong unang siglo at kung anong mga aral ang itinuturo nito sa atin.

1. Ano ang gusto ni Jehova para sa lahat ng tao?

 BINIGYAN tayong lahat ni Jehova ng kalayaang magpasiya. Araw-araw nating ginagamit ang regalong iyan kapag gumagawa tayo ng mga desisyon. Ang pinakamahalagang desisyon na magagawa ng isang tao ay ang ialay ang sarili niya kay Jehova at maging bahagi ng pamilya Niya. Gusto ni Jehova na gawin iyan ng lahat. Bakit? Kasi mahal niya ang mga tao at gusto niya ang pinakamakakabuti sa kanila. Gusto niya silang maging kaibigan at mabuhay nang walang hanggan.​—Deut. 30:​19, 20; Gal. 6:​7, 8.

2. Ano ang gusto ni Jehova na gawin ng mga di-nagsisising nagkasala? (1 Juan 2:1)

2 Hindi pinipilit ni Jehova ang sinuman na maglingkod sa kaniya. Hinahayaan niya ang bawat tao na gumawa ng sariling desisyon. Paano kung nilabag ng isang bautisadong Kristiyano ang utos ng Diyos at nagkasala siya nang malubha? Kung hindi siya magsisisi, aalisin siya sa kongregasyon. (1 Cor. 5:13) Pero kahit mangyari iyan, umaasa si Jehova na manunumbalik sa kaniya ang nagkasala. Ang totoo, isa iyan sa pinakamahahalagang dahilan kung bakit niya inilaan ang pantubos—para mapatawad ang mga nagsisising nagkasala. (Basahin ang 1 Juan 2:1.) Napakamapagmahal ng Diyos, at talagang sinisikap niyang tulungan ang mga nagkasala na magsisi.​—Zac. 1:3; Roma 2:4; Sant. 4:8.

3. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

3 Gusto ni Jehova na tularan natin ang pananaw niya sa kasalanan at ang tingin niya sa mga nagkasala. Tatalakayin natin sa artikulong ito kung paano natin magagawa iyan. Habang binabasa mo ang artikulong ito, tingnan (1) kung paano inasikaso sa kongregasyon sa Corinto noong unang siglo ang isang malubhang pagkakasala, (2) kung ano ang tagubiling ibinigay ni apostol Pablo sa kongregasyon nang magsisi ang nagkasala, at (3) kung ano ang itinuturo ng ulat na ito tungkol sa tingin ni Jehova sa mga Kristiyanong nagkasala nang malubha.

KUNG PAANO INASIKASO NOONG UNANG SIGLO ANG ISANG MALUBHANG PAGKAKASALA

4. Ano ang nangyari sa kongregasyon sa Corinto noong unang siglo? (1 Corinto 5:​1, 2)

4 Basahin ang 1 Corinto 5:​1, 2. Noong ikatlong paglalakbay ni Pablo bilang misyonero, may nakarating sa kaniyang nakakagulat na balita tungkol sa bagong-tatag na kongregasyon sa Corinto. Isang kapatid sa kongregasyong iyon ang gumagawa ng seksuwal na imoralidad sa asawa ng kaniyang ama. Nakakahiya iyon, kasi “mas masahol pa [iyon] sa ginagawa ng ibang mga bansa”! At hindi lang iyan basta kinunsinti ng kongregasyon; lumilitaw na ipinagmamalaki pa nila iyon. Posibleng iniisip ng ilan noon na patunay iyon na talagang maawain ang Diyos sa di-perpektong mga tao at na naiintindihan niya sila. Pero hindi ganiyan ang pananaw ni Jehova. Dahil kasi sa kahiya-hiyang paggawing iyon, nasisira ang magandang reputasyon ng kongregasyon. Posibleng naiimpluwensiyahan na rin niya ang mga kapatid na nakakasama niya. Kaya anong tagubilin ang ibinigay ni Pablo sa kongregasyon?

5. Ano ang ipinagawa ni Pablo sa kongregasyon, at ano ang ibig sabihin nito? (1 Corinto 5:13) (Tingnan din ang larawan.)

5 Basahin ang 1 Corinto 5:13. Sa pamamagitan ng banal na espiritu, ipinasulat ng Diyos kay Pablo na dapat alisin sa kongregasyon ang di-nagsisising nagkasala. Paano ngayon papakitunguhan ng tapat na mga Kristiyano ang nagkasala? Sinabihan sila ni Pablo na “tigilan ang pakikisama” sa taong iyon. Ano ang ibig sabihin nito? Ipinaliwanag ni Pablo na ‘hindi man lang sila dapat kumaing kasama ng nagkasala.’ (1 Cor. 5:11) Kasi kadalasan na, kapag kumakain tayong kasama ng iba, nag-e-enjoy tayo sa kuwentuhan at baka nga makasanayan nating lagi na natin siyang kasama. Kaya maliwanag na sinasabi ni Pablo sa kanila na hindi sila dapat makipagsamahan sa taong iyon. Mapoprotektahan nito ang kongregasyon sa masamang impluwensiya ng taong iyon. (1 Cor. 5:​5-7) Makakatulong din iyon sa taong nagkasala para makitang talagang nasaktan niya si Jehova. At dahil dito, puwede siyang makadama ng kahihiyan at mapakilos na magsisi.

Sa pamamagitan ng banal na espiritu, ipinasulat ng Diyos kay Pablo na dapat alisin sa kongregasyon ang di-nagsisising nagkasala (Tingnan ang parapo 5)


6. Ano ang naging epekto ng liham ni Pablo sa kongregasyon at sa nagkasala?

6 Nang maipadala ni Pablo ang liham niya sa mga Kristiyano sa Corinto, siguradong iniisip niya kung ano ang magiging reaksiyon nila dito. Di-nagtagal, nakatanggap siya ng magandang balita mula kay Tito. Nalaman niyang sinunod nila ang nasa liham niya at inalis ang lalaki sa kongregasyon. (2 Cor. 7:​6, 7) Bukod dito, pagkalipas lang ng ilang buwan mula nang sulatan sila ni Pablo, nagsisi ang nagkasala at nagbago. Itinigil nito ang masamang ginagawa nito at sinunod na ang mataas na pamantayan ni Jehova. (2 Cor. 7:​8-11) Ano na ang sunod na ipapagawa ni Pablo sa kongregasyon?

KUNG PAANO DAPAT PAKITUNGUHAN NG KONGREGASYON ANG NAGSISING NAGKASALA

7. Ano ang naging magandang resulta nang alisin sa kongregasyon ang nagkasala? (2 Corinto 2:​5-8)

7 Basahin ang 2 Corinto 2:​5-8. Nagkaroon ng magandang resulta nang alisin sa kongregasyon ang nagkasalang lalaki. Sinabi ni Pablo na “ang saway . . . na ibinigay ng karamihan ay sapat na para sa gayong tao.” Ibig sabihin, nagsisi ang lalaki. Kaya hindi na siya kailangan pang patuloy na disiplinahin.​—Heb. 12:11.

8. Ano ang sumunod na ipinagawa ni Pablo sa kongregasyon?

8 Sinabi ni Pablo sa kongregasyon kung ano ang dapat nilang gawin sa lalaking nagkasala: “Dapat na ninyo siyang patawarin nang buong puso at aliwin [at] tiyakin sa kaniya na mahal ninyo siya.” Pansinin na hindi lang basta papayagan ng kongregasyon ang lalaki na bumalik sa bayan ng Diyos. Gusto ni Pablo na tiyakin nila sa taong iyon sa pamamagitan ng sinasabi nila at pakikitungo sa kaniya na talagang mahal at pinatawad na nila siya. Kung gagawin nila iyan, mararamdaman ng nagkasala na masaya ang mga kapatid na nakabalik siya.

9. Bakit posibleng may ilan sa kongregasyon na ayaw pa ring patawarin ang nagsising nagkasala?

9 May ilan kaya sa kongregasyong iyon na ayaw pa ring patawarin ang nagsising nagkasala? Walang sinasabi ang Bibliya, pero posible iyon. Kung iisipin, nagkaproblema ang kongregasyon dahil sa taong iyon. Posible ring may ilan na personal na naapektuhan ng ginawa niya. May ilan naman doon na talagang nagsisikap na sundin ang mga utos ni Jehova, kaya baka pakiramdam nila, hindi tamang ibalik sa kongregasyon ang nakagawa ng ganoon kalubhang kasalanan. (Ihambing ang Lucas 15:​28-30.) Pero bakit mahalagang iparamdam ng kongregasyon sa nagsising nagkasala na talagang mahal nila siya?

10-11. Ano ang puwedeng mangyari kung hindi papatawarin ng mga elder ang nagsising nagkasala?

10 Ano kaya ang puwedeng mangyari kung hindi pinayagan ng mga elder na makabalik sa kongregasyon ang nagsising nagkasala o kung hindi ipinaramdam sa kaniya ng mga kapatid na mahal nila siya? Posible siyang madaig ng “sobrang kalungkutan.” Baka maramdaman pa nga niyang hindi na siya puwedeng maglingkod kay Jehova kahit kailan. Kaya baka sumuko na siyang ayusin ang kaugnayan niya sa Diyos.

11 Mas malala pa, kung hindi papatawarin ng mga kapatid sa kongregasyon ang nagsising nagkasala, posibleng masira nito ang kaugnayan nila kay Jehova. Bakit? Kasi nagiging gaya sila ni Satanas na malupit at walang awa, imbes na maging gaya ni Jehova na mapagpatawad. Para nilang hinahayaan si Satanas na gamitin sila para sirain ang kaugnayan ng taong iyon sa Diyos.​—2 Cor. 2:​10, 11; Efe. 4:27.

12. Paano matutularan ng kongregasyon si Jehova?

12 Paano nga ba matutularan ng kongregasyon sa Corinto si Jehova, at hindi si Satanas? Kung gagayahin nila ang paraan ng pakikitungo ni Jehova sa mga nagsisising nagkasala. Tingnan ang sinabi ng ilang manunulat ng Bibliya tungkol kay Jehova. Si Jehova ay “mabuti at handang magpatawad,” ang sabi ni David. (Awit 86:5) Isinulat ni Mikas: “Sino ang Diyos na tulad mo, nagpapaumanhin sa kamalian at nagpapalampas ng kasalanan?” (Mik. 7:18) Sinabi naman ni Isaias: “Iwan ng masama ang landas niya, alisin ng masama ang mga kaisipan niya; manumbalik siya kay Jehova, na maaawa sa kaniya, sa ating Diyos, dahil magpapatawad siya nang lubusan.”​—Isa. 55:7.

13. Bakit tama lang na ibalik na sa kongregasyon ang nagsising nagkasala? (Tingnan ang kahong “ Kailan Ibinalik sa Kongregasyon ang Nagkasalang Lalaki sa Corinto?”)

13 Para matularan ng kongregasyon sa Corinto si Jehova, kailangan nilang tanggaping muli ang lalaki at tiyakin sa kaniya na mahal nila siya. Sinabi ni Pablo na kung papatawarin nila ang lalaking iyon, mapapatunayan nilang “masunurin [sila] sa lahat ng bagay.” (2 Cor. 2:9) Totoo, ilang buwan pa lang ang nakakalipas mula nang alisin siya sa kongregasyon. Pero dahil nagsisi na siya, wala nang dahilan ang mga elder para hindi pa siya ibalik sa kongregasyon.

KUNG PAANO MATUTULARAN ANG KATARUNGAN AT AWA NI JEHOVA

14-15. Ano ang natutuhan natin sa paraan ng pag-asikaso sa malubhang pagkakasala sa Corinto? (2 Pedro 3:9) (Tingnan din ang larawan.)

14 Ipinasulat sa Bibliya kung paano inasikaso ang malubhang pagkakasala sa Corinto noon “para matuto tayo.” (Roma 15:4) Natutuhan natin dito na hindi kinukunsinti ni Jehova ang malubhang pagkakasala ng mga lingkod niya. Iniisip ng ilan na dahil “maawain” siya, hahayaan niyang manatili sa organisasyon niya ang mga di-nagsisising nagkasala. Pero hindi ganiyan magpakita ng awa si Jehova. Maawain siya pero hindi kunsintidor; hindi niya ibinababa ang pamantayan niya. (Judas 4) Ang totoo, kapag hinayaan niyang manatili sa kongregasyon ang di-nagsisising nagkasala, hindi siya nagiging maawain, kasi puwede itong ikapahamak ng buong kongregasyon.​—Kaw. 13:20; 1 Cor. 15:33.

15 Pero natutuhan din natin na ayaw ni Jehova na mapuksa ang sinuman. Gusto niyang maligtas ang mga tao hangga’t posible. Nagpapakita siya ng awa sa mga nagsisisi at gustong ayusin ang kaugnayan nila sa kaniya. (Ezek. 33:11; basahin ang 2 Pedro 3:9.) Kaya nang magsisi ang lalaki sa Corinto at magbago, ginamit ni Jehova si Pablo para sabihin sa kongregasyon na dapat na nilang patawarin ang lalaki at na puwede na itong makabalik.

Natutularan natin ang pag-ibig at awa ni Jehova kapag buong puso nating tinatanggap ang mga naibalik sa kongregasyon (Tingnan ang parapo 14-15)


16. Ano ang epekto sa iyo nang malaman mo kung paano inasikaso ang malubhang pagkakasala sa Corinto?

16 Nakatulong sa atin ang pagtalakay sa nangyari sa Corinto para makita nang mas malinaw na talagang mapagmahal, matuwid, at makatarungan si Jehova. (Awit 33:5) Hindi ba’t napapakilos tayo niyan na mas purihin siya? Alam nating makasalanan ang bawat isa sa atin at kailangan nating mapatawad. Kaya nagpapasalamat tayo sa pantubos na ibinigay ni Jehova para mapatawad tayo. Talagang nakakapagpatibay malaman kung gaano tayo kamahal ni Jehova at na gusto niya ang pinakamabuti para sa atin!

17. Ano ang tatalakayin sa mga susunod na artikulo?

17 Paano naman ang mga kaso ng malulubhang pagkakasala ngayon? Paano matutularan ng mga elder sa kongregasyon ang kagustuhan ni Jehova na akayin sa pagsisisi ang mga nagkasala? At ano ang dapat na maging reaksiyon ng mga kapatid kapag nagpasiya ang mga elder na alisin o ibalik sa kongregasyon ang isang tao? Sasagutin ang mga tanong na ito sa mga susunod na artikulo.

AWIT BLG. 109 Umibig Nang Masidhi Mula sa Puso