TALAMBUHAY
Determinado Akong Huwag Ilaylay ang Aking mga Kamay
“DADDY,” “PAPA,” “UNCLE.” Iyan ang madalas itawag sa akin ng maraming kabataan sa Bethel. At dahil 89 anyos na ako, gustong-gusto ko iyon. Para sa akin, ang malalambing na tawag na iyon ay bahagi ng gantimpala ni Jehova sa 72 taon kong paglilingkod sa kaniya nang buong panahon. At batay sa mga naging karanasan ko, tinitiyak ko sa mga kabataang ito, ‘May gantimpala para sa inyong mga gawa—kung hindi ninyo ilalaylay ang inyong mga kamay.’—2 Cro. 15:7.
ANG AKING MGA MAGULANG AT MGA KAPATID
Mula sa Ukraine, lumipat ang mga magulang ko sa Canada. Nanirahan sila sa bayan ng Rossburn sa probinsiya ng Manitoba. Nagkaanak si Inay ng 8 lalaki at 8 babae, walang kambal—pang-14 ako. Napakahilig ni Itay sa Bibliya at binabasa niya ito sa amin tuwing Linggo ng umaga. Pero sa tingin niya, pineperahan lang ng relihiyon ang mga tao kaya ang madalas niyang biro, “Sino kaya ang nagbabayad kay Jesus noong nangangaral siya at nagtuturo?”
Walo sa aking mga kapatid—apat na lalaki at apat na babae—ang tumanggap ng katotohanan. Ang ate kong si Rose ay nanatiling payunir hanggang sa kaniyang kamatayan. Ilang araw bago siya mamatay, pinatitibay niya ang lahat na magpokus sa Salita ng Diyos, na sinasabi, “Gusto ko kayong makita sa bagong sanlibutan.” Ang kuya ko namang si Ted ay dating nangangaral tungkol sa impiyerno. Tuwing Linggo ng umaga, maririnig na ang boses niya sa radyo. Paulit-ulit niyang sinasabi sa mga tagapakinig niya na susunugin magpakailanman sa nag-aapoy na impiyerno ang mga makasalanan. Pero nang maglaon, naging tapat at masigasig na lingkod siya ni Jehova.
KUNG PAANO NAGSIMULA ANG AKING BUONG-PANAHONG PAGLILINGKOD
Nang minsang umuwi ako galing sa paaralan noong Hunyo 1944, nakita ko sa mesa namin ang buklet na The Coming World Regeneration. * Binasa ko ang unang pahina, ang pangalawa, at hindi ko na ito mabitiwan. Pagkabasa ko ng buong buklet, buo na ang pasiya ko—gusto kong paglingkuran si Jehova gaya ng ginawa ni Jesus.
Paano napunta sa mesa namin ang buklet? Sinabi ng kuya kong si Steve na may dumating na dalawang lalaking “nagbebenta” ng mga aklat at buklet. “Iyan ang binili ko,” ang sabi niya, “dahil five cents
lang ’yan.” Bumalik ang dalawang lalaki noong sumunod na Linggo. Sinabi nila na mga Saksi ni Jehova sila at Bibliya ang ginagamit nila sa pagsagot sa tanong ng mga tao. Nagustuhan namin ang sinabi nila dahil pinalaki kaming may paggalang sa Salita ng Diyos. Sinabi rin nilang ang mga Saksi ay magkakaroon ng kombensiyon sa Winnipeg, ang lunsod na tinitirhan ng ate kong si Elsie. Nagdesisyon akong dumalo sa kombensiyon.Namisikleta ako nang mga 320 kilometro hanggang Winnipeg pero dumaan muna ako sa bayan ng Kelwood, na tinitirhan ng dalawang Saksing pumunta sa bahay namin. Habang naroon ako, dumalo ako sa isang pulong at nalaman ko kung ano ang ibig sabihin ng kongregasyon. Nalaman ko rin na ang bawat lalaki, babae, at kabataan ay dapat magturo sa bahay-bahay, gaya ng ginawa ni Jesus.
Sa Winnipeg, nagkita kami ng kuya kong si Jack, na pumunta rin sa kombensiyon mula sa hilagang Ontario. Noong unang araw ng kombensiyon, ipinatalastas ng isang brother na magkakaroon ng bautismo. Nagpabautismo kami ni Kuya Jack. Pareho kaming determinadong magpayunir agad pagkatapos ng aming bautismo. Nagpayunir nga agad si Kuya Jack pagkatapos ng kombensiyon. Pero dahil 16 anyos lang ako noon at nag-aaral pa, nang sumunod na taon pa ako nakapag-regular pioneer.
MGA NATUTUHAN KO BILANG PAYUNIR
Si Stan Nicolson ang partner ko nang magsimula akong magpayunir sa Souris, isang bayan sa Manitoba. Natutuhan kong hindi pala laging madali ang pagpapayunir. Paubos na ang pondo namin, pero sige pa rin kami. Isang araw matapos ang maghapong pangangaral, umuwi kaming wala kahit isang kusing at gutom na gutom. Gulát na gulát kami nang madatnan namin sa may pinto ang isang malaking sako ng pagkain! Hanggang ngayon, hindi pa rin namin alam kung kanino iyon galing. Nang gabing iyon, para kaming kumakain sa handaan. Isa ngang gantimpala dahil hindi namin inilaylay ang aming mga kamay! Sa katunayan, sa pagtatapos ng buwang iyon, noon lang ako bumigat nang ganoon.
Makalipas ang ilang buwan, inatasan kami sa bayan ng Gilbert Plains, mga 240 kilometro sa hilaga ng Souris. Noon, may nakalagay na malaking chart sa plataporma ng bawat kongregasyon. Makikita rito ang paglilingkuran ng kongregasyon buwan-buwan. May isang buwan na bumaba ang paglilingkuran, kaya nagpahayag ako sa kongregasyon at idiniin kong dapat magsikap ang mga kapatid. Pagkatapos ng pulong, lumapit sa akin ang isang may-edad nang sister na payunir na hindi Saksi ang asawa, at umiiyak na sinabi, “Nagsikap naman ako, pero talagang hanggang do’n lang ang kaya kong gawin.” Napaiyak ako at humingi ng tawad sa kaniya.
Gaya ng nangyari sa akin, may tendensiya ang malalakas na kabataang brother na magpadalos-dalos sa pagsasalita at pagkatapos ay magsisi. Pero nakita kong sa halip na ilaylay ang mga kamay, mas mabuting matuto sa pagkakamali at tandaan iyon. Ang patuloy na paglilingkod nang tapat ay ginagantimpalaan.
ANG LABANAN SA QUEBEC
Sa isang 21-anyos na gaya ko, napakalaking pribilehiyo na makapag-aral sa ika-14 na klase ng Paaralang Gilead, at maka-graduate noong Pebrero 1950! Mga 25 porsiyento ng mga kaklase ko ang ipinadala sa mga teritoryong Pranses ang wika sa probinsiya ng Quebec, Canada, kung saan matindi ang pang-uusig sa mga Saksi. Inatasan ako sa Val-d’Or, isang bayan sa bansang pinagmiminahan ng ginto. Minsan, isang grupo kami na nangaral sa kalapit na nayon ng Val-Senneville. Pinagbantaan kami ng pari doon na masasaktan kami kung hindi kami aalis agad sa nayong iyon. Nagsampa ako ng kaso sa korte dahil sa pagbabanta niya. Pinagmulta ang pari. *
Ang insidenteng iyan at ang marami pang katulad na kaso ay naging bahagi ng “Labanan sa Quebec.” Mahigit nang 300 taóng kontrolado ng Simbahang Romano Katoliko ang Quebec. Inusig ng klero at ng kanilang mga kaalyado sa politika ang mga Saksi ni Jehova. Napakahirap ng kalagayan noon, at kakaunti lang kami; pero hindi namin inilaylay ang aming mga kamay. May tapat-pusong mga taga-Quebec na tumanggap ng katotohanan.
Nagkapribilehiyo akong makapag-study ng ilan sa kanila. Ang isa sa mga Bible study ko ay isang pamilya. Sampu sila at naglilingkod na silang lahat kay Jehova. Dahil sa kanilang lakas ng loob, naudyukan ang iba na iwan din ang Simbahang Katoliko. Patuloy kami sa pangangaral, at nang dakong huli, nanalo rin kami sa aming ipinaglalaban!SINANAY ANG MGA KAPATID SA SARILI NILANG WIKA
Noong 1956, na-reassign ako sa Haiti. Karamihan ng mga bagong misyonero doon ay hiráp na hiráp mag-Pranses, pero nakikinig naman ang mga tao. Sinabi ng misyonerong si Stanley Boggus, “Humanga kami sa tiyaga ng mga tagaroon sa pagtulong sa amin na masabi ang gusto naming sabihin.” Noong una, inisip kong mapalad ako dahil natuto na ako ng Pranses sa Quebec. Pero napansin namin na Haitian Creole lang ang alam na wika ng karamihan ng kapatid doon. Kaya para maging epektibong mga misyonero, dapat naming matutuhan ang wika nila. Natuto naman kami, at ginantimpalaan ang aming pagsisikap.
Para higit pang matulungan ang mga kapatid, tumanggap kami ng pahintulot mula sa Lupong Tagapamahala na isalin sa Haitian Creole ang Bantayan at iba pang publikasyon. Biglang dumami ang mga dumadalo sa pulong sa buong bansa. May 99 na mamamahayag sa Haiti noong 1950, pero naging mahigit 800 ito pagsapit ng 1960! Nang panahong iyon, naatasan akong maglingkod sa Bethel. Noong 1961, nagkapribilehiyo akong magturo sa Kingdom Ministry School. Nakapagsanay kami ng 40 tagapangasiwa ng kongregasyon at special pioneer. Sa kombensiyon noong Enero 1962, hinimok namin ang mga kuwalipikadong kapatid na tagaroon na magpalawak ng kanilang ministeryo, at naatasan ang ilan bilang mga special pioneer. Napapanahon ito dahil nagbabanta na ang pagsalansang.
Noong Enero 23, 1962, pagkatapos na pagkatapos ng kombensiyon, ako at ang misyonerong si Andrew D’Amico ay inaresto sa tanggapang pansangay, at kinumpiska ang suplay namin ng Gumising! ng Enero 8, 1962 (sa wikang Pranses). Sinipi kasi ng Gumising! ang mga diyaryong Pranses na nag-ulat na ang voodoo ay isinasagawa sa Haiti. Hindi iyon * Pero kahanga-hangang nagpatuloy ang sinanay na mga kapatid na tagaroon. Sa ngayon, nakikigalak ako sa kanilang pagbabata at pagsulong sa espirituwal. Mayroon na nga silang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa Haitian Creole—isang bagay na hanggang sa pangarap lang noon.
nagustuhan ng ilan at sinabing kami mismo ang sumulat ng artikulong iyon sa sangay. Pagkalipas ng ilang linggo, idineport ang mga misyonero.PAGTATAYO SA CENTRAL AFRICAN REPUBLIC
Matapos maglingkod sa Haiti, inatasan naman ako bilang misyonero sa Central African Republic. Nang maglaon, naglingkod ako bilang naglalakbay na tagapangasiwa at pagkatapos ay naging tagapangasiwa ng sangay.
Noong panahong iyon, napakasimple ng maraming Kingdom Hall. Natuto akong manguha ng dayami sa gubat at gumawa ng bubong. Napapahinto ang mga nagdaraan dahil nakikita nilang hiráp na hiráp ako sa aking ginagawa. Napasigla rin nito ang mga kapatid na lalong suportahan ang pagtatayo at pagmamantini ng kani-kanilang Kingdom Hall. Pinagtatawanan kami ng mga lider ng relihiyon dahil ang bubong ng mga simbahan nila ay yero samantalang dayami lang ang sa amin. Pero hindi kami nagpaapekto. Pinanatili naming simple ang aming mga Kingdom Hall. Tumigil ang panlilibak nang hampasin ng malakas na bagyo ang Bangui, ang kabisera. Tinangay ng hangin ang bubong na yero ng isang simbahan at bumagsak ito sa kalsada. Pero nakakabit pa rin ang bubong na dayami ng mga Kingdom Hall namin. Para mas masubaybayan ang gawaing pang-Kaharian, nagtayo kami ng bagong tanggapang pansangay at missionary home sa loob lang ng limang buwan. *
BUHAY MAY-ASAWA—KAPILING ANG ISANG MASIGASIG NA KABIYAK
Noong 1976, ipinagbawal ang gawaing pang-Kaharian sa Central African Republic, at naatasan ako sa N’Djamena, ang kabisera ng kalapít na Chad. Ang magandang nangyari, nakilala ko roon si Happy, isang masigasig na special pioneer na taga-Cameroon. Nagpakasal kami noong Abril 1, 1978. Nang buwan ding iyon, sumiklab ang gera sibil, at gaya ng marami, lumikas kami patimog. Pagkatapos ng digmaan, bumalik kami at nalaman naming ginawang himpilan ng isang armadong grupo ang bahay namin. Hindi lang mga literatura ang nawala kundi pati na ang damit-pangkasal ni Happy at mga regalo namin sa kasal. Pero hindi namin inilaylay ang aming mga kamay. Magkasama pa rin naman kami at nagpokus sa higit pang gawain.
Pagkaraan ng mga dalawang taon, inalis na ang pagbabawal sa Central African Republic. Bumalik kami roon at naglingkod sa gawaing paglalakbay. Ang pinakabahay namin ay ang aming van na may natitiklop na kama, isang bariles na nakapaglalaman ng 200 litrong tubig, refrigerator at kalan na parehong de-gas. Mahirap ang biyahe. Sa isang biyahe namin, pinatigil kami ng di-bababa sa 117 checkpoint ng pulis.
Madalas na umaabot nang 50 digri Celsius ang temperatura. Sa mga asamblea, mahirap makakuha kung minsan ng sapat na tubig para sa bautismo. Kaya naghuhukay ang mga kapatid sa tuyong ilog at unti-unting nag-iipon ng tubig para sa bautismo, na karaniwang isinasagawa sa loob mismo ng bariles.
KARAGDAGANG GAWAIN SA IBA PANG MGA BANSA SA AFRICA
Noong 1980, inilipat kami sa Nigeria. Tumulong kami roon nang dalawa at kalahating taon sa paghahanda para sa pagtatayo ng bagong sangay. Bumili ang mga kapatid ng dalawang-palapag na bodega na kakalasin at saka itatayo sa property ng sangay. Isang umaga, umakyat ako sa gusali para tumulong sa pagkakalas. Nang magtatanghali na, nagsimula na akong bumaba, doon din sa pinag-akyatan ko. Pero nakalas na pala iyon kaya wala akong natapakan—at nahulog ako. Medyo masama ang bagsak ko, pero matapos ang mga X-ray at pagsusuri, sinabi ng doktor kay Happy: “Huwag kang mag-alala. Napunit lang ang ilang litid niya. Mga isang linggo lang, okey na siya.”
Noong 1986, lumipat naman kami sa Côte d’Ivoire, at naglingkod sa gawaing paglalakbay. Naglingkod kami hanggang Burkina Faso. Hindi man lang sumagi sa isip ko na pansamantalang magiging tahanan namin ang Burkina pagkalipas ng ilang taon.
Umalis ako sa Canada noong 1956, pero pagkatapos ng 47 taon, noong 2003, tinawag ulit ako sa Bethel sa Canada at kasama ko na si Happy. Sa papel, mga Canadian kami, pero sa puso, African kami.
Noong 2007, nang 79 anyos na ako, bumalik na naman kami sa Africa! Inatasan ako sa Burkina Faso para tumulong bilang miyembro ng Komite ng Bansa. Pagkaraan, ang opisina ay ginawang remote translation office sa pangangasiwa ng sangay sa Benin, at noong Agosto 2013, tinawag kami sa Bethel sa Benin.
Kahit limitado na ang nagagawa ko, mahal ko pa rin ang ministeryo. Sa nakaraang tatlong taon, sa tulong ng mga elder at maibiging suporta ng aking asawa, tuwang-tuwa akong masaksihan ang bautismo ng dalawa kong Bible study, sina Gédéon at Frégis. Masigasig silang naglilingkod ngayon kay Jehova.
Samantala, kaming mag-asawa ay inilipat sa sangay sa South Africa para alagaan ang kalusugan ko. South Africa ang ikapitong bansa sa Africa na pinaglingkuran ko. At noong Oktubre 2017, isang napakalaking pagpapala ang natanggap namin. Nakadalo kami sa pag-aalay ng pandaigdig na punong-tanggapan sa Warwick, New York. Isa itong di-malilimutang pangyayari!
Sinasabi sa pahina 255 ng 1994 Yearbook: “Sa lahat ng nakapagbata sa gawain sa loob ng maraming taon, pinapayuhan namin kayo: ‘Magpakalakas-loob kayo at huwag ninyong ilaylay ang inyong mga kamay, sapagkat may gantimpala para sa inyong mga gawa.’—2 Cro. 15:7.” Determinado kami ni Happy na sundin ang payong iyan at patibayin ang iba na gayon din ang gawin.
^ par. 9 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova noong 1944. Hindi na inililimbag.
^ par. 18 Tingnan ang artikulong “Quebec Priest Convicted for Attack on Jehovah’s Witnesses” sa Awake! ng Nobyembre 8, 1953, p. 3-5.
^ par. 23 Dinetalye ito sa 1994 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, p. 148-150.
^ par. 26 Tingnan ang “Building on a Solid Foundation” sa Awake!, Mayo 8, 1966, p. 27.