ARALING ARTIKULO 18
Patibayin Natin ang Isa’t Isa sa mga Pulong
“Isipin natin ang isa’t isa . . . Patibayin natin ang isa’t isa.”—HEB. 10:24, 25.
AWIT 88 Ipaalam Mo sa Akin ang Iyong mga Daan
NILALAMAN a
1. Bakit tayo nagkokomento sa mga pulong?
BAKIT tayo dumadalo sa mga pulong? Pangunahin na, para purihin si Jehova. (Awit 26:12; 111:1) Dumadalo rin tayo sa mga pulong para patibayin ang isa’t isa sa mahirap na panahong ito. (1 Tes. 5:11) Magagawa nating purihin si Jehova at patibayin ang mga kapatid kapag nagtataas tayo ng kamay at nagkokomento.
2. Kailan tayo puwedeng magkomento sa mga pulong?
2 Sa mga pulong natin linggo-linggo, may mga pagkakataon tayo para magkomento. Halimbawa, sa weekend meeting, puwede tayong magkomento sa Pag-aaral sa Bantayan. Sa midweek meeting naman, puwede tayong magkomento sa Espirituwal na Hiyas, sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya, at sa iba pang bahagi na may talakayan.
3. Ano ang mga hamon kapag gusto nating magkomento, at paano makakatulong sa atin ang Hebreo 10:24, 25?
3 Gusto nating lahat na purihin si Jehova at patibayin ang mga kapatid. Pero may mga hamon kapag gusto nating magkomento. Baka kinakabahan tayo. O kaya naman, baka gusto nating magkomento nang maraming beses pero hindi tayo laging natatawag. Ano ang puwede nating gawin? Makakatulong sa atin ang liham ni apostol Pablo sa mga Hebreo. Nang ipakita niya kung bakit mahalaga ang mga pulong, sinabi niya na dapat tayong magpokus sa ‘pagpapatibay sa isa’t isa.’ (Basahin ang Hebreo 10:24, 25.) Mababawasan ang kaba natin sa pagkokomento kung tatandaan natin na napapatibay ang iba kahit sa simpleng kapahayagan ng pananampalataya natin. Kung hindi naman tayo madalas matawag, masaya pa rin tayo kasi may pagkakataon ang iba na magkomento.—1 Ped. 3:8.
4. Anong tatlong punto ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
4 Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung paano natin mapapatibay ang isa’t isa kapag nasa maliit na kongregasyon tayo at kaunti lang ang nagkokomento. Tatalakayin din natin kung paano natin iyan magagawa kapag nasa malaking kongregasyon tayo at marami ang nagtataas ng kamay. Pagkatapos, pag-uusapan natin kung paano natin mapapatibay ang iba sa mga sinasabi natin kapag nagkokomento tayo.
PATIBAYIN ANG ISA’T ISA SA MALIIT NA KONGREGASYON
5. Paano natin mapapatibay ang isa’t isa kapag kaunti lang ang dumadalo sa pulong?
5 Baka kaunti lang ang nagkokomento sa maliit na kongregasyon o grupo. Baka hindi rin agad nagtataas ng kamay ang mga kapatid kapag nagtanong ang konduktor. Kapag ganoon ang sitwasyon, baka maging boring ang pulong at hindi nakakapagpatibay. Ano ang puwede mong gawin? Dalasan mo ang pagtataas ng kamay. Kapag ginawa mo iyan, mapapasigla mo ang ibang mga kapatid na magkomento rin nang mas madalas.
6-7. Paano natin mababawasan ang kaba natin sa pagkokomento?
6 Paano kung iniisip mo pa lang na magkomento, kinakabahan ka na? Marami ang nakakaranas niyan. Pero gusto nating mapatibay ang mga kapatid. Kaya ano ang puwede nating gawin para mabawasan ang kaba natin sa pagkokomento?
7 May mga mungkahi sa mga nakaraang isyu ng Bantayan na makakatulong sa atin. b Halimbawa, maghandang mabuti. (Kaw. 21:5) Kung pamilyar ka sa tinatalakay, magiging mas madali para sa iyo na magkomento. Isa pa, iklian ang mga komento mo. (Kaw. 15:23; 17:27) Mas kakabahan ka kasi kung mahaba ang ikokomento mo. Mas madali ring maiintindihan ng mga kapatid ang komento mo kung maikli lang ito—baka sapat na ang isa o dalawang pangungusap. At kapag nagkokomento ka nang maikli sa sarili mong salita, naipapakita mong naghanda kang mabuti at naiintindihan mo ang tinatalakay.
8. Ano ang tingin ni Jehova sa mga pagsisikap natin?
8 Paano kung nasubukan mo na ang ilan sa mga mungkahing ito at nakapagkomento ka na nang isa o dalawang beses pero kinakabahan ka pa ring magtaas ulit ng kamay? Makakasigurado kang pinapahalagahan ni Jehova ang mga pagsisikap mo. (Luc. 21:1-4) Hindi humihiling si Jehova nang higit sa kaya nating ibigay. (Fil. 4:5) Kaya alamin kung ano ang kaya mong gawin, pagsikapang gawin ito, at ipanalangin kay Jehova na maging kalmado ka. Sa umpisa, baka sapat nang makapagbigay ka ng kahit isang maikling komento.
PATIBAYIN ANG ISA’T ISA SA MALAKING KONGREGASYON
9. Ano ang hamon sa pagkokomento sa malalaking kongregasyon?
9 Baka iba naman ang hamon kapag nasa malaking kongregasyon ka. Baka bihira kang matawag dahil maraming kapatid ang nagtataas ng kamay. Halimbawa, gustong-gusto ng sister na si Danielle na magkomento sa mga pulong. c Para sa kaniya, bahagi ito ng pagsamba niya kay Jehova. Paraan din niya ito para patibayin ang ibang kapatid at ang sarili niyang pananampalataya. Pero nang lumipat siya sa mas malaking kongregasyon, bihira na siyang matawag. Minsan nga, hindi siya natatawag sa buong pulong. “Sobrang lungkot ko,” ang sabi niya. “Para kasing may napapalampas akong pribilehiyo. At kapag paulit-ulit akong nagtataas ng kamay at hindi ako natatawag, pakiramdam ko, sinasadya iyon.”
10. Ano pa ang mga puwede mong gawin para siguradong makapagkomento ka?
10 Nakaka-relate ka ba kay Danielle? Kung oo, baka gustuhin mong makinig na lang sa pulong at hindi na magkomento. Pero huwag sumuko. May magagawa ka pa! Puwede kang maghanda ng maraming komento. Hindi ka man matawag agad, marami ka pang pagkakataon. Kapag naghahanda para sa Pag-aaral sa Bantayan, pag-isipan kung paano konektado sa tema ng artikulo ang bawat parapo. Makakatulong iyon para makapagtaas ka ng kamay sa kahit anong parapo. Isa pa, puwede kang maghanda ng komento sa mahihirap na tanong. (1 Cor. 2:10) Kasi baka kaunti lang ang magtaas ng kamay sa mga tanong na iyon. Paano kung pagkatapos ng ilang pulong, hindi ka pa rin natatawag kahit nasubukan mo na ang mga mungkahing ito? Bago ang pulong, puwede mong sabihin sa konduktor kung anong tanong ang gusto mong sagutin.
11. Ano ang ipinapayo sa atin ng Filipos 2:4?
11 Basahin ang Filipos 2:4. Pinayuhan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na isipin ang kapakanan ng iba. Paano natin masusunod iyan sa mga pulong? Tandaan na gusto rin ng iba na magkomento, gaya natin.
12. Ano ang isang magandang paraan para mapatibay natin ang iba sa mga pulong? (Tingnan din ang larawan.)
12 Pag-isipan ito: Kapag kakuwentuhan mo ang mga kaibigan mo, gusto mo ba na ikaw na lang lagi ang salita nang salita? Siyempre, hindi. Gusto mo ring marinig ang mga kuwento nila. Ganiyan din sa mga pulong. Gusto nating marami ang makapagkomento. Ang totoo, isa sa pinakamagandang paraan para mapatibay natin ang mga kapatid ay bigyan sila ng pagkakataon na ipahayag ang pananampalataya nila. (1 Cor. 10:24) Paano natin iyan magagawa?
13. Ano ang puwede nating gawin para mas marami ang makapagkomento?
13 Una, iklian ang komento mo para mas marami ang makasagot. Puwedeng magpakita ng magandang halimbawa dito ang mga elder at iba pang makaranasang kapatid. Ikalawa, huwag bumanggit ng maraming punto. Kung kokomentuhan mo ang buong parapo, wala nang maisasagot ang iba. Halimbawa, sa parapong ito, may dalawang mungkahi—iklian ang komento at huwag bumanggit ng maraming punto. Kung ikaw ang unang natawag para sumagot sa parapong ito, baka mas maganda kung isang punto lang ang komentuhan mo.
14. Gaano kadalas tayo dapat magtaas ng kamay? (Tingnan din ang larawan.)
14 Gaano kadalas tayo dapat magtaas ng kamay? Kung taas tayo nang taas ng kamay, mape-pressure ang konduktor na tawagin tayo kahit marami pa ang hindi nakakasagot. Dahil diyan, baka mawalan ng ganang magkomento ang ibang kapatid at hindi na sila magtaas ng kamay.—Ecles. 3:7.
15. (a) Ano ang dapat na maging reaksiyon natin kapag hindi tayo natatawag? (b) Paano makakapagpakita ng konsiderasyon ang konduktor? (Tingnan ang kahong “ Mga Paalala sa Konduktor.”)
15 Kapag marami ang nagtataas ng kamay, baka hindi tayo laging matawag. Baka nga hindi tayo matawag kahit isang beses. Totoo, nakakalungkot iyon, pero iwasang magtampo sa konduktor.—Ecles. 7:9.
16. Paano natin mapapatibay ang mga nagkokomento?
16 Kapag hindi ka natatawag sa tuwing nagtataas ka, pakinggan mong mabuti ang ibang nagkokomento at pasalamatan sila pagkatapos ng pulong. Bukod sa pagkokomento, mapapatibay rin natin ang mga kapatid kung bibigyan natin sila ng komendasyon.—Kaw. 10:21.
IBA PANG PARAAN PARA MAPATIBAY NATIN ANG ISA’T ISA
17. (a) Paano matutulungan ng mga magulang ang mga anak nila na maghanda ng komento na bagay sa edad nila? (b) Sa video, ano ang apat na puwedeng gawin kapag naghahanda ng komento? (Tingnan din ang talababa.)
17 Paano pa natin mapapatibay ang isa’t isa sa mga pulong? Kung may mga anak ka, tulungan mo silang maghanda ng komento na bagay sa edad nila. (Mat. 21:16) Kung minsan, seryosong mga bagay ang tinatalakay sa pulong, gaya ng mga problemang pangmag-asawa o iba pa. Pero baka may ilang parapo na puwedeng magkomento ang mga anak mo. Ipaliwanag din sa kanila kung bakit hindi sila laging matatawag sa tuwing magtataas sila ng kamay. Makakatulong ito para hindi sila malungkot kapag iba ang natawag.—1 Tim. 6:18. d
18. Kapag nagkokomento, paano natin maiiwasang magpokus sa sarili? (Kawikaan 27:2)
18 Lahat tayo ay makakapaghanda ng mga komento na magbibigay ng papuri kay Jehova at magpapatibay sa mga kapatid. (Kaw. 25:11) Paminsan-minsan, puwede nating ikuwento sa maikli ang mga karanasan natin. Pero hindi dapat nakapokus sa sarili ang mga komento natin. (Basahin ang Kawikaan 27:2; 2 Cor. 10:18) Dapat tayong magpokus kay Jehova, sa kaniyang Salita, at sa bayan niya. (Apoc. 4:11) Pero siyempre, kung humihingi ng personal na sagot ang tanong sa parapo, tama lang na gawin iyon. May ganiyang tanong para sa susunod na parapo.
19. (a) Ano ang resulta kung magiging makonsiderasyon tayo sa isa’t isa? (Roma 1:11, 12) (b) Bakit mo pinapahalagahan ang pagkokomento sa mga pulong?
19 Hindi naman tayo sobrang istrikto sa paraan ng pagkokomento. Pero sinisikap natin na maging nakakapagpatibay ito sa iba. Kung minsan, baka kailangan nating dalasan ang pagkokomento. Kung minsan naman, baka kailangan nating maging kontento kung bihira tayong matawag. Masaya tayo kasi nagkakaroon ng pagkakataon ang iba na makasagot. Kung nakapokus tayo sa kapakanan ng iba, ‘mapapatibay natin ang pananampalataya’ ng isa’t isa sa mga pulong.—Basahin ang Roma 1:11, 12.
AWIT 93 Pagpalain ang Aming Pagpupulong
a Napapatibay natin ang isa’t isa kapag nagkokomento tayo sa mga pulong. Pero kinakabahan ang ilan sa pagkokomento. Ang iba naman, gusto nila na mas madalas pa sana silang matawag para magkomento. Paano tayo makakapagpakita ng konsiderasyon sa mga kapatid para mapatibay natin ang isa’t isa? At paano tayo makakapagkomento sa paraang mapapasigla natin ang bawat isa na magpakita ng pag-ibig at gumawa ng mabuti? Tatalakayin iyan sa artikulong ito.
b Para sa iba pang mungkahi, tingnan ang Bantayan, isyu ng Enero 2019, p. 8-13, at isyu ng Setyembre 1, 2003, p. 19-22.
c Binago ang pangalan.
d Panoorin ang video na Maging Kaibigan ni Jehova—Maghanda ng Komento na nasa jw.org.
e Tingnan ang Bantayan, isyu ng Hulyo 15, 2013, p. 32, at isyu ng Setyembre 1, 2003, p. 21-22.
f LARAWAN: Sa malaking kongregasyon, nakapagkomento na ang brother, kaya binibigyan naman niya ng pagkakataon ang iba na makasagot.