Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY

Bigyan Sana Ako ng Kahit Isang Taon Lang ng Kapayapaan at Kaligayahan

Bigyan Sana Ako ng Kahit Isang Taon Lang ng Kapayapaan at Kaligayahan
  • ISINILANG: 1971

  • BANSANG PINAGMULAN: FRANCE

  • DATING IMORAL, ADIK, AT NASANGKOT SA KRIMEN

ANG AKING NAKARAAN:

Nakatira ang pamilya namin sa Tellancourt, isang nayon sa hilagang-silangan ng France. Pranses ang tatay ko, at Italyana naman si Nanay. Noong walong taon ako, lumipat kami sa isang mahirap na bayan sa Rome, Italy. Hindi naging maganda ang buhay namin doon. Grabe kung mag-away ang mga magulang ko dahil sa pera.

Noong 15 anyos ako, lagi akong sinasabihan ni Nanay na lumabas ng bahay at makipagkaibigan. Kaya natuto akong umalis ng bahay, pero napabarkada naman ako. Minsan, isang lalaki na mukha namang mabait ang lumapit sa akin. Inalok niya ako ng droga, at tinanggap ko naman kasi gusto kong magmukhang adulto. Di-nagtagal, nalulong na ako sa droga at naging imoral. Maraming beses akong ni-rape. Nawalan na ng halaga ang buhay ko; wala na rin akong pakialam kung mabuhay man ako o mamatay. Ang lungkot-lungkot ko. Noong 16 anyos ako, tinangka kong magpakamatay—uminom ako ng isang bote ng whiskey at saka tumalon sa lawa. Na-comatose ako nang tatlong araw.

Nang mangyari iyon, pinahalagahan ko ang buhay, pero naging marahas din ako at manloloko. Aayain ko ang iba na makipag-sex, aalukan ng droga sa kanilang bahay, at saka ko sila nanakawan. Ginamit ako ng mga big-time na sindikato para magtulak ng droga sa Italy. Lagi kong nakakaengkuwentro ang mga pulis. Walang direksiyon ang buhay ko. Gayunman, naniniwala akong may dahilan kung bakit ako nabubuhay. Nagdasal ako sa Diyos na bigyan sana ako ng kahit isang taon lang ng kapayapaan at kaligayahan.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO:

Noong 24 anyos ako, lumipat ako sa England. Nanganib kasi ang buhay ko dahil sa pagkakasangkot ko sa mga nagtutulak ng droga. Bago ako umalis, dinalaw ko muna ang nanay ko. Nagulat ako nang madatnan ko roon si Annunziato Lugarà, na nakikipag-usap kay Nanay tungkol sa Bibliya. * Alam kong isa siyang kriminal, kaya natakot ako at tinanong ko kung bakit siya naroroon. Ikinuwento niya sa akin na nagbago na siya at isa na siyang Saksi ni Jehova. Sinabihan niya akong makipag-usap sa mga Saksi kapag nasa England na ako. Nangako naman akong gagawin iyon. Pero pagdating sa England, bumalik ako sa dati kong buhay.

Minsan, may nakilala akong Saksi na nag-aalok ng mga magasing Bantayan at Gumising! sa isang mataong kalye sa London. Naalaala ko ang pangako ko kay Kuya Annunziato, kaya sinabi ko sa Saksi na gusto kong mag-aral ng Bibliya.

Hangang-hanga ako sa natututuhan ko sa Bibliya. Halimbawa, naantig ang puso ko sa sinasabi ng 1 Juan 1:9 tungkol sa Diyos: “Kung ipagtatapat natin ang ating mga kasalanan, siya ay tapat at matuwid upang patawarin tayo sa ating mga kasalanan at linisin tayo.” Tinamaan ako ng tekstong iyon, pakiramdam ko kasi napakarumi ko dahil sa pamumuhay ko. Agad akong dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova. Malugod akong tinanggap ng mga Saksi. Nang makita ko kung gaano kalapít ang ugnayan nila sa isa’t isa—isang bagay na matagal ko nang pinapangarap—gusto kong maging bahagi ng kongregasyong iyon.

Bagaman hindi ako nahirapang ihinto ang pagdodroga at iwan ang imoral na buhay, nahirapan naman akong baguhin ang personalidad ko. Natutuhan kong kailangan kong magpakita ng respeto at konsiderasyon sa iba. Ang totoo, pinaglalabanan ko pa rin ang ilang pangit na ugali. Pero sa tulong ni Jehova, sumulong ako. Makalipas ang anim na buwang pag-aaral ng Bibliya, nabautismuhan ako bilang Saksi ni Jehova noong 1997.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG:

Pagkatapos kong mabautismuhan, napangasawa ko si Barbara, na kailan lang din naging Saksi ni Jehova. Isa sa mga dati kong kaibigan ang nag-aral ng Bibliya nang makita ang laki ng ipinagbago ko. Naging Saksi rin siya, pati ang ate niya. Kahit ang kapatid na babae ng lola ko, na mahigit 80 anyos na, ay nag-aral din ng Bibliya at nabautismuhan bago mamatay.

Elder ako ngayon sa aming kongregasyon, at kami ng misis ko ay nasa buong-panahong paglilingkod, na nagtuturo ng Bibliya sa mga taong nagsasalita ng Italian sa London. May mga panahong nadedepres ako kapag naaalaala ko ang dati kong buhay, pero malaking tulong sa akin si Barbara. Sa wakas, mayroon na ako ngayong isang masayang pamilya na matagal ko nang pangarap at isang maibiging Ama na pinakahahangad ko. Hiniling ko sa Diyos na bigyan sana ako ng isang taon lang ng kapayapaan at kaligayahan, pero higit pa roon ang ibinigay niya!

Sa wakas, mayroon na ako ngayong isang masayang pamilya na matagal ko nang pangarap at isang maibiging Ama na pinakahahangad ko

^ par. 10 Tingnan ang artikulong “Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay—Hindi Ako Umaalis Nang Walang Baril,” ayon sa salaysay ni Annunziato Lugarà, sa Ang Bantayan ng Hulyo 1, 2014, pahina 8-9.