Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Libis ng Elah

Ang Pakikipaglaban ni David kay Goliat—Talaga Bang Nangyari Ito?

Ang Pakikipaglaban ni David kay Goliat—Talaga Bang Nangyari Ito?

Iniisip ng ilan kung ang kuwento tungkol kina David at Goliat ay totoong nangyari o isang alamat lang. Naisip mo rin ba iyan habang binabasa mo ang naunang artikulo? Kung oo, tingnan natin ang sumusunod na tatlong tanong.

1 | Posible bang tumaas nang mga 2.9 metro ang isang tao?

Sinasabi ng Bibliya na si Goliat ay may taas na “anim na siko at isang dangkal.” (1 Samuel 17:4) Ang isang siko ay katumbas ng 44.5 sentimetro, at ang isang dangkal naman ay katumbas ng 22.2 sentimetro. Kaya ang kabuoan nito ay halos 2.9 metro o mga siyam at kalahating talampakan. Iginigiit ng ilan na imposibleng maging ganoon kataas si Goliat, pero pag-isipan ito: Sa ngayon, ang naiulat na pinakamatangkad na tao ay mahigit 2.7 metro. Kaya hindi imposible na si Goliat ay mas mataas lang nang 15 sentimetro o higit pa. Siya ay mula sa tribo ng mga Repaim, mga lalaki na kilaláng may di-pangkaraniwang taas. Isang dokumento mula sa Ehipto noong ika-13 siglo B.C.E. ang bumanggit tungkol sa ilang nakatatakot na mandirigma sa Canaan na may taas na mahigit 2.4 metro. Kaya ang taas ni Goliat, bagaman di-pangkaraniwan, ay hindi imposible.

2 | Totoo ba si David?

Noon, sinasabi ng mga iskolar na si Haring David ay isang alamat lang, pero ngayon, hindi na iyan kapani-paniwala. Nakatuklas ang mga arkeologo ng isang sinaunang inskripsiyon na bumabanggit sa “sambahayan ni David.” Bukod diyan, tinukoy ni Jesu-Kristo si David bilang totoong tao. (Mateo 12:3; 22:43-45) Ang pagkakakilanlan ni Jesus bilang ang Mesiyas ay suportado ng dalawang detalyadong talaangkanan na nagpapakitang mula siya sa angkan ni Haring David. (Mateo 1:6-16; Lucas 3:23-31) Maliwanag, si David ay totoo.

3 | Naganap ba sa isang totoong lugar ang mga nakaulat na pangyayari?

Sinasabi ng Bibliya na nangyari ang labanan sa Libis ng Elah. Pero naging mas detalyado pa ito. Pansinin na sinabing nagkampo ang mga Filisteo sa isang dalisdis ng burol sa pagitan ng bayan ng Socoh at ng Azeka. Ang mga Israelita naman ay nakapuwesto sa kabilang dalisdis. Totoo ba ang mga lugar na iyan?

Pansinin ang ikinuwento ng isang turistang namasyal sa lugar na iyon: “Dinala kami ng aming tour guide—na hindi naman relihiyoso—sa Libis ng Elah. Umakyat kami sa isang burol. Habang nakatanaw kami sa libis, ipinabasa niya sa amin ang 1 Samuel 17:1-3. Pagkatapos, itinuro niya ang kabila ng libis, at sinabi: ‘Sa kaliwa n’yo, naroon ang mga guho ng Socoh.’ Humarap siya sa kabila, at sinabi, ‘Sa kanan n’yo naman, naroon ang mga guho ng Azeka. Nagkampo ang mga Filisteo sa pagitan ng dalawang bayang iyon, sa may dalisdis ng burol na nasa harap n’yo. Kaya posibleng nakatayo tayo ngayon sa lugar kung saan nagkampo ang mga Israelita.’ Nai-imagine ko sina Saul at David na nakatayo rito sa kinatatayuan ko. Pagkatapos, bumaba na kami. Sa libis, tumawid kami sa isang batis, na halos tuyo na at napakaraming bato. Parang nakikini-kinita ko si David habang dumadampot ng limang makikinis na bato, na ang isa roon ay pumatay kay Goliat.” Ang turistang iyon, gaya ng iba, ay sobrang napahanga sa mapananaligang detalye ng mga ulat sa Bibliya.

Walang dahilan para pagdudahan ang ulat na ito. Tungkol ito sa totoong mga tao at mga lugar. Ang importante, bahagi ito ng kinasihang Salita ng Diyos, kaya galing ito sa Diyos ng katotohanan, ang Isa na “hindi makapagsisinungaling.”—Tito 1:2; 2 Timoteo 3:16.