Isang Mapuwersang Katiyakan Mula sa Pinakamaliit na Letrang Hebreo
Makatitiyak ba tayong matutupad ang lahat ng pangako ng Diyos? Kumbinsido si Jesus na gayon nga, at pinatibay ng turo niya ang pananampalataya ng kaniyang mga tagapakinig. Pansinin ang ilustrasyong ibinigay niya sa kaniyang Sermon sa Bundok, na nakaulat sa Mateo 5:18: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na mauuna pang lumipas ang langit at lupa kaysa lumipas sa anumang paraan ang isang pinakamaliit na titik o ang isang katiting na bahagi ng isang titik mula sa Kautusan at hindi maganap ang lahat ng mga bagay.”
Ang pinakamaliit na letra sa alpabetong Hebreo ay י (yod). Ito ang unang letra sa Tetragrammaton, ang banal na pangalan ng Diyos—Jehova. * Maliban sa aktuwal na mga salita at letra sa Kautusan ng Diyos, napakahalaga para sa mga eskriba at Pariseo ang bawat “katiting na bahagi ng isang titik.”
Sinasabi ni Jesus na mas posible pang lumipas ang langit at lupa kaysa hindi matupad ang pinakamaliit na detalye ng Kautusan. Pero sinasabi ng Kasulatan na hindi kailanman mawawala ang langit at lupa. (Awit 78:69) Kaya ipinahihiwatig ng pangungusap na iyon na siguradong matutupad kahit ang pinakamaliit na detalye ng Kautusan.
Mahalaga ba sa Diyos ang maliliit na detalye? Oo. Pansinin ito: Sinabihan ang sinaunang mga Israelita na huwag baliin ang anumang buto ng kordero ng Paskuwa. (Exodo 12:46) Marahil, maliit na detalye lang ito. Alam kaya nila kung bakit hindi nila dapat baliin ang anumang buto? Malamang na hindi. Pero alam ng Diyos na Jehova na ang detalyeng iyon ay isang hula tungkol sa Mesiyas na walang buto nito ang mababali kapag pinatay ito sa pahirapang tulos.—Awit 34:20; Juan 19:31-33, 36.
Ano ang itinuturo sa atin ng mga sinabi ni Jesus? Lubos tayong makatitiyak na lahat ng pangako ng Diyos na Jehova ay matutupad, hanggang sa kaliit-liitang detalye. Isa ngang mapuwersang katiyakan mula sa pinakamaliit na letrang Hebreo!
^ par. 3 Ang pinakamaliit na letra sa alpabetong Griego ay iota at lumilitaw na katulad ito ng letrang Hebreo na י (yod). Malamang na ang letrang Hebreong ito ang tinutukoy ni Jesus dahil sa wikang Hebreo orihinal na naisulat at naipasa ang Kautusan ni Moises.