Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Si Elias Hutter at ang Natatangi Niyang mga Bibliyang Hebreo

Si Elias Hutter at ang Natatangi Niyang mga Bibliyang Hebreo

MABABASA mo ba ang wikang Hebreo sa Bibliya? Malamang na hindi. Baka hindi ka pa nga nakakita ng Bibliyang Hebreo. Pero kapag nalaman mo ang tungkol kay Elias Hutter, isang iskolar noong ika-16 na siglo, at ang kaniyang dalawang edisyon ng Bibliyang Hebreo, baka lumalim ang pagpapahalaga mo sa sarili mong kopya ng Banal na Kasulatan.

Isinilang si Elias Hutter noong 1553 sa Görlitz, isang maliit na bayan sa Germany na malapit sa kasalukuyang hangganan ng Poland at Czech Republic. Pinag-aralan ni Hutter sa Lutheran University sa Jena ang mga wika sa Gitnang Silangan. Noong 24 anyos pa lang siya, naging propesor siya ng wikang Hebreo sa Leipzig. Nang maglaon, bilang repormador ng edukasyon, nagtatag siya ng isang paaralan sa Nuremberg, kung saan puwedeng matuto ang mga estudyante ng wikang Hebreo, Griego, Latin, at German sa loob ng apat na taon. Noon, walang ibang paaralan o unibersidad ang nakagagawa nito.

“NAPAKAGANDA NG EDISYONG ITO”

Pahina ng pamagat ng Bibliyang Hebreo ni Hutter noong 1587

Noong 1587, nakapaglimbag si Hutter ng isang edisyong Hebreo na karaniwang tinatawag na Lumang Tipan. May pamagat itong Derekh ha-Kodesh, na batay sa Isaias 35:8 at nangangahulugang “Daan ng Kabanalan.” Tama lang ang naging komentong “napakaganda ng edisyong ito” dahil sa ginamit nitong tipo ng mga letra. Pero ang talagang maganda sa Bibliyang Hebreo ni Hutter ay ang malaking tulong na naibibigay nito sa mga nag-aaral ng Hebreo.

Pansinin ang dalawang hamong napapaharap sa kanila kapag sinusubukan nilang magbasa ng Bibliyang Hebreo. Una, naiiba at iilan lang ang nakaaalam ng alpabeto nito. Ikalawa, mahirap makita ang mga salitang-ugat dahil sa mga unlapi at hulapi. Halimbawa, pansinin ang salitang Hebreo na נפשׁ (ang transliterasyon ay ne’phesh), ibig sabihin, “kaluluwa.” Sa Ezekiel 18:4, mayroon itong unlaping ה (ha), na ang katumbas ay “ang.” Kaya ito ay bumuo ng tambalang salita na הנפשׁ (han·ne’phesh), o “ang kaluluwa.” Sa mga hindi pamilyar dito, parang walang pagkakaiba ang salitang הנפשׁ (han·ne’phesh) at ang salitang נפשׁ (ne’phesh).

Para tulungan ang mga estudyante niya, gumamit si Hutter ng malikhaing paraan ng pag-iimprenta—isang tipo ng mga letrang Hebreo sa anyong makapal at may puwang. Inimprenta niya ang salitang-ugat ng bawat salita sa makakapal na letra. Inimprenta niya naman ang letra ng unlapi at hulapi sa anyong may puwang. Dahil dito, naging mas madali sa mga estudyante na matukoy ang salitang-ugat ng isang salitang Hebreo, at nakatulong ito sa kanila na matutuhan ang wikang iyon. Ginamit din ng New World Translation of the Holy Scriptures—With References ang katulad na paraan sa mga talababa nito. * Ang transliterasyon ng salitang-ugat ay naka-bold, samantalang ang unlapi at hulapi ay hindi. Makikita sa larawan sa itaas ang ginamit ni Hutter na tipo ng mga letra sa Ezekiel 18:4 sa kaniyang Bibliyang Hebreo, na ginamit din ng Reference Bible sa talababa ng teksto ring iyon.

ISANG EDISYONG HEBREO NG “BAGONG TIPAN”

Nag-imprenta rin si Hutter ng tinatawag na Bagong Tipan na may 12 wika. Inilathala ang edisyong ito sa Nuremberg noong 1599, at karaniwang tinutukoy ito bilang Nuremberg Polyglot. Gusto sanang isama rito ni Hutter ang salin sa wikang Hebreo ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Pero sinabi niyang kahit “handa siyang ubusin ang kayamanan niya” para sa saling ito ng Hebreo, mahihirapan pa rin siyang gawin iyon. * Kaya nagdesisyon siyang isalin na lang ang Bagong Tipan sa Hebreo mula sa Griego. Pero sa kabila ng malaking trabahong iyon, natapos ni Hutter ang pagsasalin sa loob lang ng isang taon!

Kumusta naman ang naging salin ni Hutter ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Hebreo? Ganito ang komento ng ika-19 na siglong iskolar ng Hebreo na si Franz Delitzsch: “Ipinakikita ng salin niya sa wikang Hebreo na mahusay ang unawa niya sa wikang iyon at bihira ito sa mga Kristiyano noon. Sulit pa rin itong konsultahin dahil nakapili siya ng maganda at eksaktong mga ekspresyon.”

NAMAMALAGING IMPLUWENSIYA

Hindi yumaman si Hutter sa kaniyang pagsasalin; maliwanag na hindi naging mabenta ang kaniyang mga edisyon. Pero ang mga iyon ay mahalaga at may namamalaging impluwensiya. Halimbawa, ang kaniyang salin ng Bagong Tipan sa wikang Hebreo ay nirebisa at muling inimprenta noong 1661 ni William Robertson, at ni Richard Caddick noong 1798. Sa kaniyang pagsasalin mula sa orihinal na Griego, angkop na isinalin ni Hutter ang mga titulong Kyʹri·os (Panginoon) at The·osʹ (Diyos) bilang “Jehova” (יהוה, JHVH), kapag ang tekstong isinasalin niya ay sinipi mula sa Hebreong Kasulatan o kapag sa palagay niya ang tinutukoy ay si Jehova. Mahalaga iyan dahil maraming salin ng Bagong Tipan ang hindi gumagamit ng personal na pangalan ng Diyos. Pero ginawa iyan ni Hutter sa kaniyang salin at karagdagang patotoo ito na tama lang na ibalik sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang pangalan ng Diyos.

Kaya kapag nabasa mo ang pangalan ng Diyos na Jehova sa Kristiyanong Griegong Kasulatan o sa talababa ng Reference Bible, tandaan ang salin ni Elias Hutter at ang natatangi niyang mga Bibliyang Hebreo.

^ par. 7 Tingnan ang ikalawang talababa ng Ezekiel 18:4 at ang Appendix 3B sa Reference Bible.

^ par. 9 Maliwanag na naisalin na noon ng mga iskolar sa wikang Hebreo ang Bagong Tipan. Isa na rito si Simon Atoumanos, isang monghe mula sa Byzantium, noong mga 1360. Ang isa pa ay si Oswald Schreckenfuchs, isang iskolar na German, noong mga 1565. Hindi nailathala ang mga saling ito at hindi na matagpuan.