Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Garantiya Ba ang Edukasyon at Pera?

Garantiya Ba ang Edukasyon at Pera?

Iniisip ng marami na masaya ang buhay ng mga mataas ang pinag-aralan at maraming pera. Naniniwala sila na kung mag-aaral sila sa unibersidad, magiging mas magaling sila sa trabaho at magiging mas mabuting kapamilya at mamamayan. Sa tingin din nila, kung may pinag-aralan sila, makakakuha sila ng trabaho na mataas ang suweldo at iyon ang magpapasaya sa kanila.

ANG DESISYON NG MARAMI

Sinabi ni Zhang Chen, na taga-China, “Sa tingin ko, kailangang makapagtapos ako sa unibersidad para makaahon ako sa kahirapan at magkaroon ng trabaho na malaki ang suweldo para maging masaya ako.”

Para sa marami, mas malaki ang tsansa nilang magkaroon ng magandang kinabukasan kung makakapag-aral sila sa mga kilaláng unibersidad, posibleng sa ibang bansa pa nga. Parami nang parami ang nag-iisip nang ganiyan hanggang noong magkaroon ng restriksiyon sa pagbibiyahe dahil sa COVID-19. Sinabi sa report ng Organisation for Economic Co-operation and Development noong 2012 na “52% ng mga estudyante na nag-aaral sa ibang bansa ay taga-Asia.”

Madalas na napakalaki ng isinasakripisyo ng mga magulang para lang mapag-aral ang mga anak nila sa ibang bansa. Sinabi ni Qixiang, na taga-Taiwan: “Hindi kami mayaman, pero pinag-aral kaming apat na magkakapatid ng mga magulang namin sa college sa United States.” Dahil dito, gaya ng ibang pamilya, nabaon sila sa utang.

ANO ANG MGA RESULTA?

Maraming kumuha ng mataas na edukasyon at nagpayaman ang nadismaya lang

Nakakatulong ang edukasyon para maging maganda ang buhay natin. Pero hindi nito laging naibibigay ang inaasahan ng mga estudyante. Halimbawa, may mga nagsakripisyo nang maraming taon at nangutang pa nga, pero hindi nila nakuha ang trabahong gusto nila. Sa report ni Rachel Mui sa Business Times ng Singapore, sinabi niya: “Parami nang parami ang mga may natapos naman pero walang makuhang trabaho.” Si Jianjie na taga-Taiwan ay may mataas na pinag-aralan. Pero sinabi niya, “Marami ang walang choice kundi tanggapin y’ong trabaho na wala namang kinalaman sa tinapos nilang kurso.”

Marami naman ang nakakuha ng trabaho base sa kursong natapos nila, pero hindi pa rin nila naranasan ang buhay na inaasam-asam nila. Nakapagtapos si Niran, na taga-Thailand, sa isang unibersidad sa United Kingdom, at nakahanap naman siya ng trabaho pagkauwi niya sa bansa nila. Pero sinabi niya, “Dahil nakapagtapos ako, nakakuha ako ng trabaho na malaki ang suweldo gaya ng inaasahan ko. Pero subsob naman ako sa trabaho. Nang maglaon, sinesante ng kompanya ang karamihan sa mga empleado nito, kasama na ako. Na-realize ko na hindi sa trabaho nakadepende ang masayang buhay.”

Kahit ang mayayaman o ang mga sinasabing maganda ang buhay ay nagkakaproblema pa rin sa pamilya, nagkakasakit, at nag-aalala sa pera. Inamin ni Katsutoshi, na taga-Japan, “Marami akong ari-arian, pero hindi pa rin ako masaya kasi naiinggit sa akin ang iba at hindi maganda ang trato nila sa akin.” Sinabi naman ni Lam, na taga-Vietnam, “Napansin ko, marami ang pursigidong magkaroon ng trabaho na malaki ang suweldo para hindi na sila mamroblema sa pera, pero ang totoo, kabaligtaran naman ang nangyayari—mas namroblema sila sa pera, nagkasakit, sobrang na-stress, at na-depress.”

Gaya ni Franklin, nakita rin ng marami na may mas mahalaga pa kaysa sa pagkuha ng mataas na edukasyon at pagpapayaman. Imbes na magpokus sa materyal na mga bagay, nagsisikap ang ilan na maging mabuting tao para maging masaya ang buhay nila. Pero sapat na ba iyon para magkaroon ng masayang buhay? Sasagutin iyan sa susunod na artikulo.