Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sino ang Dapat Sisihin?

Sino ang Dapat Sisihin?

Kung ang pagdurusa ay hindi galing sa Diyos, bakit marami ang nagugutom, naghihirap, dumaranas ng malupit na digmaan, malulubhang sakit, at likas na mga sakuna? Sinasabi ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, ang tatlong pangunahing dahilan kung bakit nagdurusa ang tao:

  1. Pagkamakasarili, Kasakiman, at Pagkapoot. “Ang tao ay namamahala sa kapuwa niya sa ikapipinsala nito.” (Eclesiastes 8:9) Kadalasan, nagdurusa ang mga tao dahil binibiktima sila ng sakim at malulupit na tao.

  2. Panahon at Di-inaasahang Pangyayari. Nagdurusa rin ang mga tao dahil “sila ay naaapektuhan ng panahon at di-inaasahang pangyayari.” (Eclesiastes 9:11) Ibig sabihin, nagkataong sila ay nasa maling lugar sa maling panahon, may nangyaring aksidente, o dahil sa kapabayaan o pagkakamali ng iba.

  3. Ang Masamang Tagapamahala ng Daigdig. Tinutukoy ng Bibliya ang pangunahing sanhi ng pagdurusa ng tao. Sinasabi nito: “Ang buong mundo ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng isa na masama.” (1 Juan 5:19) Ang “isa na masama” ay si Satanas na Diyablo, isang makapangyarihang espiritung nilalang na dating anghel ng Diyos pero “hindi . . . nanindigan sa katotohanan.” (Juan 8:44) May iba pang espiritung nilalang na sumama kay Satanas at nagrebelde laban sa Diyos, at naging mga demonyo. (Genesis 6:1-5) Mula nang magrebelde sila, kinokontrol na ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo ang mga pangyayari sa mundo. Totoo ito lalo na sa ating panahon dahil ang Diyablo ay galit na galit at ‘inililigaw niya ang buong mundo,’ kaya naging “kaawa-awa ang lupa.” (Apocalipsis 12:9, 12) Talagang si Satanas ay isang malupit na diktador. Tuwang-tuwa siya kapag nakikita niyang nagdurusa ang mga tao. Si Satanas—hindi ang Diyos—ang sanhi ng pagdurusa ng tao.

PAG-ISIPAN ITO: Tanging isang walang-puso at malupit na tagapamahala ang magdudulot ng pagdurusa sa inosenteng mga tao. Sa kabaligtaran, sinasabi ng Bibliya: “Ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Dahil siya ay maibigin, “imposibleng gumawa ng masama ang tunay na Diyos; hinding-hindi gagawa ng mali ang Makapangyarihan-sa-Lahat!”—Job 34:10.

Pero baka maitanong mo, ‘Hanggang kailan pahihintulutan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat ang malupit na pamamahala ni Satanas?’ Gaya ng nakita natin, napopoot ang Diyos sa kasamaan at nasasaktan siya kapag nakikita niya tayong nagdurusa. Sinasabi rin ng kaniyang Salita: “[Ihagis] ninyo sa kaniya ang lahat ng inyong álalahanín, dahil nagmamalasakit siya sa inyo.” (1 Pedro 5:7) Mahal tayo ng Diyos at may kapangyarihan siyang alisin ang lahat ng pagdurusa at kawalang-katarungan, gaya ng ipapaliwanag ng susunod na artikulo. *

^ par. 7 Para sa higit pang impormasyon kung bakit napakaraming pagdurusa, tingnan ang aralin 26 ng aklat na Masayang Buhay Magpakailanman na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova at mada-download nang libre sa www.isa4310.com/tl.