Isa Pang Ebidensiya
May arkeolohikal na mga katibayan ba na nagpapatunay sa mga ulat ng Bibliya? Noong 2014, ibinangon ng isang artikulo sa magasing Biblical Archaeology Review ang tanong na ito: “Ilang tauhan sa Bibliyang Hebreo ang napatunayan ng arkeolohiya na totoong nabuhay?” Ang sagot: “Di-bababa sa 50!” Wala sa listahan ng artikulong iyon si Tatenai. Sino siya? Talakayin natin ang maikling ulat ng Bibliya tungkol sa kaniya.
Ang Jerusalem noon ay sakop ng napakalaking Imperyo ng Persia. Ang lunsod na ito ay nasa lugar na tinawag ng mga Persiano na Sa-Kabila-ng-Ilog, ibig sabihin, sa kanluran ng Eufrates. Matapos lupigin ang Babilonia, pinalaya ng mga Persiano ang bihag nilang mga Judio at pinahintulutan silang itayong muli ang templo ni Jehova sa Jerusalem. (Ezra 1:1-4) Pero kinontra ng mga kaaway ng mga Judio ang proyektong ito. Ginamit nila itong dahilan para akusahan ang mga Judio ng rebelyon laban sa Persia. (Ezra 4:4-16) Sa ilalim ng pamamahala ni Dario I (522-486 B.C.E.), pinangunahan ng isang opisyal na Persiano na nagngangalang Tatenai ang pagsisiyasat sa bagay na ito. Tinawag siya sa Bibliya bilang “gobernador sa kabilang ibayo ng Ilog.”—Ezra 5:3-7.
Maraming cuneiform tablet na may pangalang Tatenai ang naingatan. Malamang na bahagi ang mga ito ng talaan ng isang pamilya. Ang isa sa mga iyon na nag-uugnay sa isang miyembro ng pamilyang ito at sa karakter ng Bibliya ay isang promissory note na may petsang 502 B.C.E., ang ika-20 taon ng paghahari ni Dario I. Mababasa rito na ang isang saksi sa transaksiyon ay lingkod ni “Tattannu, gobernador ng Sa-Kabila-ng-Ilog,” na siya ring Tatenai sa aklat ng Bibliya na Ezra.
Ano ang naging papel niya? Noong 535 B.C.E., nireorganisa ni Cirong Dakila ang kaniyang mga sakop. Bumuo siya ng mga probinsiya at isa rito ang tinawag na Babilonya at Sa-Kabila-ng-Ilog. Nang maglaon, hinati pa ito sa dalawa. Ang isa ay tinawag na Sa-Kabila-ng-Ilog. Kasama rito ang Coele-Sirya, Fenicia, Samaria, at Juda at malamang na pinamahalaan ang mga ito mula sa Damasco. Si Tatenai ang may hawak ng rehiyong ito mula noong mga 520 hanggang 502 B.C.E.
Matapos maglakbay sa Jerusalem para imbestigahan ang akusasyong rebelyon, iniulat ni Tatenai kay Dario na sinabi ng mga Judio na binigyan sila ni Ciro ng awtorisasyong itayong muli ang templo ni Jehova. Pinatunayan ng pagsisiyasat sa rekord ng mga hari na totoo ang sinabi ng mga Judio. (Ezra 5:6, 7, 11-13; 6:1-3) Kaya inutusan si Tatenai na huwag makialam, at sumunod naman siya.—Ezra 6:6, 7, 13.
Napakaliit lang ng naging papel sa kasaysayan ni “Tatenai na gobernador sa kabilang ibayo ng Ilog.” Pero pansinin na nang banggitin siya ng Bibliya, ginamit ang kaniyang eksakto at tamang titulo. Isa pang ebidensiya ito na sinusuportahan talaga ng arkeolohiya ang pagiging tumpak ng Bibliya pagdating sa kasaysayan.